Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/22 p. 7-9
  • Gaano Kapanganib sa Lason ang Iyong Tahanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano Kapanganib sa Lason ang Iyong Tahanan?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Panatilihin ang Isang Timbang na Saloobin
  • Mga Kemikal—Kaibigan at Kaaway?
    Gumising!—1998
  • Pagbaha ng Gawang-Tao na mga Kemikal
    Gumising!—1998
  • Kapag Nagkakasakit Ka Dahil sa mga Kimikal
    Gumising!—2000
  • Ang Pangit na Panig ng Industriyal na mga Kemikal
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/22 p. 7-9

Gaano Kapanganib sa Lason ang Iyong Tahanan?

AYON sa magasing Scientific American, ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan sa mahigit na 3,000 katao sa Estados Unidos at Canada na “karamihan ng mga mamamayan ay malamang na apektado ng posibleng nakalalasong mga dumi . . . sa loob ng mga lugar na karaniwang inaakalang hindi marumi, gaya ng mga tahanan, opisina at mga kotse.” Ang pangunahing pinagmumulan ng polusyon sa hangin sa mga tahanan ay ang mga usok na galing sa ordinaryong mga produkto na gaya ng mga sangkap na panlinis, naptalina, materyales sa pagtatayo, panggatong, deodorizer, at mga pandisimpekta, gayundin ang mga kemikal mula sa mga damit na pina-dry-clean at bagong sintetik na apholsteri.

Ang “space flu,” isang karamdaman na naranasan ng mga astronot hanggang sa matuklasan ang sanhi nito, ay dahil sa mga usok na ito, o “pagsingaw ng gas.” Mapapansin mo ang pagsingaw ng gas kapag umupo ka sa isang bagong kotse o lumakad ka sa mga istante ng mga produktong panlinis sa isang supermarket, kahit na ang mga ito ay nasa loob ng nakasarang mga sisidlan. Kaya kung ang bahay ay sarado upang huwag pasukin, sabihin pa, ng ginaw sa taglamig, maaaring sumingaw ang gas ng iba’t ibang kemikal anupat magkaroon ng isang antas ng polusyon sa loob ng bahay na mas mataas kaysa sa polusyon sa labas ng bahay.

Ang mga bata, lalo na ang mga batang gumagapang-gapang, ang lubhang apektado ng polusyon sa loob ng bahay, sabi ng Medical Post ng Canada. Mas malapit sila sa sahig kaysa sa mga nakatatandang tao; mas mabilis silang huminga kaysa sa mga nasa hustong gulang; gumugugol sila ng mga 90 porsiyento ng kanilang panahon sa loob ng bahay; at yamang ang kanilang mga sangkap ng katawan ay hindi pa ganap, mas madaling malason ang kanilang mga katawan. Nasasagap nila ang mga 40 porsiyento ng tingga na nakakain, samantalang 10 porsiyento naman ang nasasagap ng mga nasa hustong gulang.

Panatilihin ang Isang Timbang na Saloobin

Palibhasa’y naranasan ng kasalukuyang salinlahi ng mga tao ang isang antas ng pagkalantad sa mga kemikal na walang katulad, marami pang dapat malaman tungkol sa mga epekto, kaya naman nananatiling maingat ang mga siyentipiko. Ang pagkalantad sa mga kemikal ay hindi naman nangangahulugan na ang isa ay dapat matakot sa kanser o sa kamatayan. Sa katunayan, tila nakakayanan naman ito ng karamihan ng tao, sa kaluwalhatian ng Maylalang ng kamangha-manghang katawan ng tao. (Awit 139:14) Sa kabila nito, dapat pa ring magsagawa ng makatuwirang pag-iingat, lalo na kung regular tayong nahahantad sa posibleng nakalalasong mga kemikal.

Ang aklat na Chemical Alert! ay nagsasabi na “ang ilang kemikal ay nakalalason sa diwa na naaapektuhan nito ang pagkakatimbang ng mga proseso [ng katawan] at sa gayo’y lumilikha ng malabong mga sintomas na pinakamabuting mailalarawan na basta hindi mabuting pakiramdam.” Ang pagbawas ng ating pagkalantad sa posibleng nakapipinsalang mga kemikal ay hindi naman nangangailangan ng malalaking pagbabago sa istilo ng buhay kundi bahagya lamang na mga pagbabago sa ating pang-araw-araw na gawain. Pakisuyong pansinin ang mga mungkahi sa kahon sa pahina 8. Ang ilan sa mga ito ay maaaring makatulong sa iyo.

Bukod pa sa makatuwirang mga pag-iingat sa mga kemikal, matutulungan natin ang ating sarili kung iiwasan natin na labis na mabalisa, lalo na may kinalaman sa mga bagay na hindi mo makontrol. “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan,” sabi ng Bibliya sa Kawikaan 14:30.

Gayunman, maraming tao ang nahihirapan at nagkakasakit, kung minsan ay humahantong pa nga sa sakit na nakamamatay, dahil sa nakalalasong mga kemikal.a Tulad ng milyun-milyong tao na nagdurusa dahil sa napakaraming iba pang dahilan sa ngayon, yaong pinahihirapan ng mga karamdaman na nauugnay sa mga kemikal ay may makatuwirang dahilan na umasa sa hinaharap, sapagkat malapit nang maalis sa lupa ang mga lason na pumipinsala sa mga maninirahan nito. Kahit na ang nakalalasong mga kaisipan, pati na yaong nagtataglay nito sa isipan, ay magiging lipas na mga bagay, gaya ng ipakikita ng huling artikulo sa seryeng ito.

[Talababa]

a Nitong nakalilipas na mga taon, dumaraming tao ang pinahihirapan ng isang kalagayan na tinatawag na multiple chemical sensitivity. Ang kalagayang ito ay tatalakayin sa isang labas ng Gumising! sa hinaharap.

[Kahon sa pahina 8]

Para sa Mas Malusog, Mas Ligtas na Tahanan

Ang pagbawas ng pagkalantad mo sa posibleng mga lason ay kadalasang nangangailangan lamang ng bahagyang mga pagbabago sa iyong istilo ng buhay. Narito ang ilang mungkahi na maaari mong masumpungang kapaki-pakinabang. (Para sa karagdagan at mas espesipikong mga detalye, iminumungkahi namin na tingnan ito sa inyong lokal na aklatan.)

1. Sikaping itago ang karamihan ng mga kemikal na sumisingaw kung saan hindi ito mapapahalo sa hangin sa loob ng iyong bahay. Kasama sa mga kemikal na ito ang formaldehyde at mga produktong nagtataglay ng madaling sumingaw na mga solvent, gaya ng pintura, barnis, mga pandikit, pestisidyo, at mga solusyon na panlinis. Ang sumisingaw na mga produkto ng petrolyo ay naglalabas ng nakalalasong mga singaw. Kasali sa grupong ito ang benzene, na ang pagtapang ng amoy nito ay dahil sa haba ng panahon ay kilalang pinagmumulan ng kanser, mga depekto sa pagsilang, at iba pang pinsala sa pag-aanak.

2. Magkaroon ng mahusay na bentilasyon sa lahat ng silid, pati na sa banyo. Pinasisingaw ng paliligo sa dutsa ang ilang additive na gaya ng chlorine na maaaring nasa tubig. Ito’y maaaring humantong sa pagdami ng chlorine at maging ng chloroform.

3. Punasan ang iyong mga paa bago pumasok sa loob ng bahay. Ang simpleng gawaing ito, sabi ng Scientific American, ay makababawas sa dami ng tingga sa isang karaniwang alpombra nang mga anim na ulit. Binabawasan din nito ang mga pestisidyo, na ang ilan ay agad na nagiging mas simpleng sangkap dahil sa liwanag ng araw subalit maaaring tumagal ng mga taon sa mga alpombra. Ang isa pang mapagpipilian, na siyang pamantayang kaugalian sa ilang bahagi ng daigdig, ay ang hubarin ang iyong sapatos. Maaari ring bawasan ng isang mahusay na vacuum cleaner, lalo na ang isa na may umiikot na brutsa, ang dumi sa mga alpombra.

4. Kung ginamot mo ng pestisidyo ang iyong silid, alisin ang mga laruan sa silid na iyon sa loob ng di-kukulanging dalawang linggo, bagaman maaaring sabihin ng etiketa ng produkto na ang silid ay ligtas na mga ilang oras pagkatapos ng paggamot dito. Natuklasan ng mga siyentipiko kamakailan na ang ilang plastik at foam na masusumpungan sa mga laruan ay literal na sumipsip ng mga latak ng pestisidyo na parang espongha. Ang mga lason ay papasok sa balat at sa bibig ng mga bata.

5. Bawasan ang paggamit mo ng mga pestisidyo. Sa kaniyang aklat na Since Silent Spring, si Frank Graham, Jr., ay sumulat na ang mga pestisidyo ay “may kaniyang dako sa tahanan at hardin, subalit nakumbinsi ng mga kampanya sa pagbebenta ang karaniwang maybahay sa labas ng lunsod na dapat mayroon siyang isang tambak na kemikal na sapat upang salagin ang pagsalakay ng isang Aprikanong balang.”

6. Ipaalis ang lahat ng nababakbak na pinturang may tingga, at pinturahan muli ng pinturang walang tingga. Huwag hayaang maglaro ang mga bata sa duming may pinturang nahawahan ng tingga. Kung nagsususpetsa kang may tingga sa mga tubo, ang malamig na tubig sa gripo ay dapat na patuluin nang sandali hanggang sa may kapansin-pansing pagbabago sa temperatura ng tubig, at ang tubig mula sa gripo ng mainit na tubig ay hindi dapat inumin.​—Environmental Poisons in Our Food.

[Larawan sa pahina 9]

Ang mga batang gumagapang-gapang ang lubhang apektado ng polusyon sa loob ng bahay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share