Pagbaha ng Gawang-Tao na mga Kemikal
ANG siglong ito ay matatawag na panahon ng kimika. Binago ng gawang-tao na mga halong kemikal ang ating buhay. Ang ating mga tahanan, opisina, at mga pabrika ay punô ng mga aerosol, artipisyal na asukal, kosmetik, tina, tinta, pintura, pestisidyo, gamot, plastik, refrigerant, telang sintetik—napakaraming kemikal na ginagamit.
Upang masapatan ang pangangailangan ng daigdig sa mga produktong ito, ang taunang pangglobong produksiyon ng mga kemikal, ayon sa World Health Organization (WHO), ay umaabot ng mga $1.5 trilyon. Iniulat ng WHO na mga 100,000 kemikal ang nasa pamilihan ngayon at na mula 1,000 hanggang 2,000 bagong kemikal ang nadaragdag taun-taon.
Gayunman, ang pagbahang ito ng mga kemikal ay nagbabangon ng mga katanungan sa kung paano nakaaapekto ang mga ito sa kapaligiran at gayundin sa ating sariling kalusugan. Maliwanag, ito’y isang bagong situwasyon na hindi pa natin naranasan noon. “Tayong lahat ay bahagi ng isang nag-eeksperimentong salinlahi, at ang ganap na mga epekto ay malalaman pa lamang sa darating na mga dekada,” sabi ng isang doktor.
Mas Maraming Kemikal, Mas Maraming Panganib?
Ang mga taong kadalasan nang apektado ng mga kemikal na dumi, sabi ng WHO, ay “ang mahihirap, mga taong hindi marunong bumasa’t sumulat na may kaunti o walang sapat na kaalaman o saligang impormasyon tungkol sa mga panganib na dala ng mga kemikal na doon sila ay tuwiran o di-tuwirang nalalantad araw-araw.” Totoo ito lalo na sa mga pestisidyo. Subalit tayong lahat ay apektado ng mga kemikal.
Mga 20 porsiyento ng mga balon ng tubig sa California, sabi ng aklat na A Green History of the World, ang may mga antas ng polusyon, kasali na ang mga pestisidyo, na nakahihigit kaysa sa opisyal na sukdulang antas ng ligtas na tubig. “Sa Florida,” sabi pa ng aklat, “1,000 balon ang ipinasara dahil sa kontaminasyon; sa Hungary naman, 773 bayan at mga nayon ang may tubig na hindi puwedeng inumin, sampung porsiyento ng mga tubig sa ilalim ng lupa sa Britanya ang marumi, na ang antas ay higit pa sa ligtas na sukdulang antas na itinakda ng World Health Organization at sa mga bahagi ng Britanya at Estados Unidos, ang mga tubig sa gripo ay hindi ipinaiinom sa mga bagong silang na sanggol dahil sa mataas na antas ng nitrate.”
Ang asoge (mercury) ay isa pang kapaki-pakinabang subalit lubhang nakalalasong kemikal. Napapasama ito sa kapaligiran mula sa mga tubong nagbubuga ng usok na galing sa mga industriya hanggang sa bilyun-bilyong ilaw na fluorescent. Sa katulad na paraan, ang tingga ay masusumpungan sa maraming produkto, mula sa gasolina hanggang sa pintura. Subalit katulad ng asoge, ito ay maaaring makalason, lalo na sa mga bata. Ang pagkalantad sa ibinubugang tingga ay makababawas ng hanggang “apat na punto mula sa I.Q.” ng karaniwang bata, sabi ng isang ulat mula sa Cairo, Ehipto.
Ayon sa United Nations Environment Programme, sa bawat taon ay mga 100 toneladang asoge, 3,800 toneladang tingga, 3,600 toneladang phosphate, at 60,000 toneladang mga panlinis ang pumapasok sa Dagat Mediteraneo bunga ng mga gawain ng tao. Mauunawaan naman, ang dagat ay nasa krisis. Subalit hindi ito nag-iisa. Sa katunayan, ipinahayag ng United Nations ang 1998 bilang ang Internasyonal na Taon ng Karagatan. Sa buong daigdig, nanganganib ang lahat ng karagatan, lalo na dahil sa polusyon.
Bagaman ang kemikal na teknolohiya ay nagbigay sa atin ng maraming kapaki-pakinabang na mga produkto, ginagamit at itinatapon natin ang marami sa mga ito sa paraan na lubhang nakapipinsala sa kapaligiran. Gaya ng sabi kamakailan ng isang kolumnista sa pahayagan, Ginawa ba natin ang ating mga sarili na “mga bihag na panagot sa pag-unlad”?
[Kahon sa pahina 4]
Mga Kemikal at Kemikal na Reaksiyon
Ang katagang “kemikal” ay kumakapit sa lahat ng pangunahing sangkap na bumubuo sa daigdig sa palibot natin, pati na ang mahigit sa sandaang mahahalagang elemento, gaya ng bakal, tingga, asoge, karbon, oksiheno, nitroheno. Kabilang sa kemikal na mga halo, o mga kombinasyon ng iba’t ibang elemento, ang mga bagay na gaya ng tubig, mga asido, asin, at alkohol. Marami sa mga halong ito ay likas na nangyayari.
Ang isang “kemikal na reaksiyon” ay binigyan-kahulugan bilang “isang proseso kung saan ang isang sangkap ay binabago sa kemikal na paraan tungo sa ibang kemikal.” Ang apoy ay isang kemikal na reaksiyon; binabago nito ang isang nasusunog na sangkap—papel, gasolina, hidroheno, at iba pa—tungo sa isang lubusang naiibang sangkap o mga sangkap. Maraming kemikal na reaksiyon ang nangyayari nang walang humpay, kapuwa sa palibot natin at sa loob natin.
[Larawan sa pahina 3]
Ang mahihirap ang lubhang apektado ng mga kemikal na dumi