Mga Kemikal—Kaibigan at Kaaway?
GUMAGAWA tayo ng maraming pagpapasiya sa buhay sa pamamagitan ng pagtimbang sa mga bentaha laban sa mga disbentaha. Halimbawa, maraming tao ang bumibili ng isang kotse dahil sa ginhawang inaalok nito. Subalit kung ihahambing sa ginhawang ito ay kailangan nilang timbangin ang halaga ng pagmamay-ari ng kotse—seguro, pagpaparehistro, pagbaba ng halaga—at ang pagpapanatiling nasa kondisyon ang kotse. Kailangan din nilang isaalang-alang ang panganib ng pinsala o kamatayan dahil sa mga aksidente. Ang situwasyon ay katulad sa sintetik na mga kemikal—ang mga bentaha nito ay kailangang timbangin laban sa kanilang mga disbentaha. Kuning halimbawa ang kemikal na tinatawag na MTBE (methyl tertiary butyl ether), isang sangkap na idinaragdag sa gasolina na nagpapabilis sa pagsunog at nagbabawas ng pagbuga ng usok ng sasakyan.
Bahagyang dahil sa MTBE, ang hangin nitong nakalipas na mga taon ang naging pinakamalinis sa maraming lunsod sa Estados Unidos. Subalit ang mas malinis na hangin “ay may kabayaran,” ulat ng New Scientist. Ito’y dahilan sa ang MTBE ay isang posibleng sangkap na pinagmumulan ng kanser, at ito’y tumagas mula sa sampu-sampung libong imbakang tangke ng gasolina sa ilalim ng lupa, anupat kadalasang nagpaparumi sa tubig sa ilalim ng lupa. Bunga nito, isang bayan ngayon ang kailangang bumili ng 82 porsiyento ng tubig nito sa labas, sa halagang $3.5 milyon sa isang taon! Sinasabi ng New Scientist na ang kasakunaang ito “ay maaaring maging isa sa pinakamalubhang krisis ng Estados Unidos sa polusyon ng tubig sa ilalim ng lupa sa loob ng mga taon.”
Ang ilang kemikal ay ipinagbawal at lubos na inalis sa pamilihan dahil sa pinsalang dulot nito sa kapaligiran at sa kalusugan. ‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘bakit nangyayari ito? Hindi ba ang lahat ng bagong kemikal ay lubusang sinusubok muna kung tungkol sa pagiging nakalalason bago ito ilabas?’
Mga Problema sa mga Pagsubok sa Pagiging Nakalalason Nito
Sa katunayan, ang pagsubok sa pagiging nakalalason ng mga kemikal ay isang pagsasama ng siyensiya at pagpapalagay. “Hindi nalalaman ng mga tagasuri ng panganib ang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng ‘ligtas’ at ‘di-ligtas’ na pagkahantad sa anumang kemikal,” sabi ni Joseph V. Rodricks sa kaniyang aklat na Calculated Risks. Totoo ito kahit sa mga gamot, na ang marami ay sintetik ang pagkakagawa. “Kahit ang pinakamaingat na pagsubok,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “ay hindi laging nagsisiwalat sa posibilidad na ang isang gamot ay maaaring magdulot ng di-inaasahang nakapipinsalang epekto.”
May likas na mga limitasyon ang mga laboratoryo. Halimbawa, hindi nila lubusang matularan ang kilos ng isang kemikal sa magkakaiba at masalimuot na daigdig sa labas. Ang daigdig sa labas ng laboratoryo ay nananagana sa daan-daan, libu-libo pa nga, na iba’t ibang sintetik na mga kemikal, na marami sa mga ito ay kumikilos sa isa’t isa gayundin sa iba pang nabubuhay na bagay. Ang ilan sa mga kemikal na ito ay hindi nakapipinsala sa ganang sarili, subalit kapag ang mga ito’y nagsama-sama, sa labas o sa loob ng ating mga katawan, ang mga ito’y gumagawa ng bago at nakalalasong mga halo. Ang ilang kemikal ay nagiging nakalalason, pinagmumulan pa nga ng kanser, pagkatapos lamang na maproseso ito ng metabolismo ng katawan.
Paano sinisikap tiyakin ng mga tagasuri ng panganib ang pagiging ligtas ng isang kemikal kung isasaalang-alang ang gayong mga hamon? Ang pamantayang pamamaraan ay bigyan ang mga hayop na ginagamit sa laboratoryo ng isang dosis ng kemikal at pagkatapos ay subuking ikapit ang mga resulta sa mga tao. Lagi bang mapananaligan ang pamamaraang ito?
Mapananaligan ba ang mga Pagsubok sa mga Hayop?
Bukod sa pagbangon ng mga tanong ukol sa etika may kinalaman sa kalupitan sa mga hayop, may iba pang problema ang pagsubok ng mga lason sa mga hayop. Halimbawa, lubhang magkakaiba ang reaksiyon ng iba’t ibang hayop sa mga kemikal. Ang kaunting dosis ng lubhang nakalalasong dioxin ay papatay sa isang babaing dagang-kosta, subalit ang dosis na ito ay dapat na paramihin nang 5,000 ulit upang mapatay ang isang hamster (isang uri ng daga)! Kahit na ang malapit na magkakauring daga at bubuwit ay magkakaiba ang reaksiyon sa maraming kemikal.
Kaya kung ang reaksiyon ng isang uri ng hayop ay hindi tiyak na makapagsasabi ng reaksiyon ng ibang uri, paano nga makatitiyak ang mga mananaliksik na ang isang partikular na kemikal ay ligtas na makakayanan ng mga tao? Ang totoo ay, talagang hindi nila matiyak.
Tiyak na mahirap ang trabaho ng mga kimiko. Kailangang palugdan nila ang mga taong may gusto sa kanilang mga ginagawa, payapain yaong mga nababahala hinggil sa kapakanan ng mga hayop, at bigyan-kasiyahan ang kanila mismong mga budhi na ang kanilang mga produkto ay ligtas. Sa mga kadahilanang ito, ang ilang laboratoryo ay nag-eeksperimento ngayon sa pamamagitan ng pagsubok ng mga kemikal sa mga selula ng tao na pinarami nila. Subalit, panahon lamang ang makapagsasabi kung ito’y makagagawa ng posibleng mapananaligang garantiya ng kaligtasan.
Kapag Hindi Nakapasa ang mga Pagsubok sa Laboratoryo
Ang pestisidyong DDT, na malawakang masusumpungan pa rin sa kapaligiran, ay isang halimbawa ng isang kemikal na may kamaliang ipinahayag na ligtas nang una itong ilabas. Nang maglao’y napag-alaman ng mga siyentipiko na ang DDT ay waring nananatili sa mga organismo nang mahabang panahon, na siya ring kalagayan sa iba pang posibleng lason. Anu-ano ang nakalulunos na mga bunga nito? Buweno, ang kawing ng pagkain, na binubuo ng milyun-milyong mumunting nilalang, pagkatapos sa mga isda, at sa wakas sa mga ibon, oso, otter, at iba pa, ay nagiging isang buháy na imbudo, anupat tumitindi ang mga lason sa huling kumakain nito. Sa ilang kaso, isang populasyon ng mga kolimbo (grebes), isang uri ng ibon-tubig, ay hindi nakapisa ng isang sisiw sa loob ng mahigit na sampung taon!
Ang mga imbudong ito ng buhay ay napakabisa anupat ang ilang kemikal, bagaman hindi halos makita sa tubig, ay tumitindi habang dumarami sa huling kumokonsumo nito. Isang halimbawa ang mga balyenang beluga sa Ilog ng St. Lawrence sa Hilagang Amerika. Napakataas ng antas ng kanilang lason anupat ang mga ito’y dapat na ituring na nakapipinsalang basura kapag namatay ang mga ito!
Ang ilang kemikal na nasa maraming hayop ay nasumpungang nagkukunwang mga hormone. At kamakailan lamang natuklasan ng mga siyentipiko ang masamang nakalalasong epekto ng mga kemikal na ito.
Mga Kemikal na Gumagaya sa mga Hormone
Mahahalagang kemikal na mga mensahero ng katawan ang mga hormone. Ang mga ito’y naglalakbay sa ating daluyan ng dugo tungo sa iba pang bahagi ng ating katawan, kung saan ito ang nagpapasigla o pumipigil sa isang kilos, gaya ng paglaki ng katawan o mga siklo sa pag-aanak. Kapansin-pansin, sinabi ng isang kamakailang ulat ng pamahayagan ng World Health Organization (WHO) na “isang mabilis na dumaraming kalipunan ng siyentipikong mga katibayan” ang nagpapahiwatig na ang ilang sintetik na mga kemikal, kapag ipinasok sa katawan, ay humahalo sa mga hormone alinman sa pamamagitan ng paggaya sa mga ito sa nakapipinsalang paraan o sa paghadlang sa mga ito.
Kasama sa nasabing mga kemikal ang mga PCB,a dioxin, furan, at ilang pestisidyo, pati na ang mga labí ng DDT. Tinatawag na mga tagasira ng endocrine, posibleng sirain ng mga kemikal na ito ang normal na paggawa ng sistema ng endocrine ng katawan, ang pinagmumulan ng mga hormone.
Ang isang hormone na gumagaya sa mga kemikal na ito ay ang sex hormone ng babae na estrogen. Sinasabi ng isang pag-aaral na inilathala sa babasahing pangmedisina na Pediatrics na ang dumaraming maagang pagdadalaga ng maraming batang babae ay maiuugnay sa mga produktong gamit sa buhok na naglalaman ng estrogen gayundin ng mga kemikal na pangkapaligiran na gumagaya sa estrogen.
Ang pagkahantad ng isang lalaki sa ilang kemikal sa isang kritikal na panahon ng kaniyang paglaki ay maaaring magbunga ng masasamang epekto. “Ipinakikita ng mga eksperimento,” sabi ng isang ulat sa magasing Discover, “na ang pagpapahid ng mga PCB sa tamang panahon habang lumalaki ay maaaring bumago sa mga lalaking pagong at buwaya tungo sa pagiging mga babae o ‘binabae na mga indibiduwal.’ ”
Karagdagan pa, pinahihina ng kemikal na mga lason ang sistema ng imyunidad, anupat ang mga hayop ay mas madaling mahawahan ng virus. Oo, ang impeksiyon na dala ng virus ay waring lalo pang kumakalat nang mas mabilis higit kailanman, lalo na sa mga hayop na nauuna sa kawing ng pagkain, gaya ng mga lampasut (dolphin) at mga ibong-dagat.
Sa mga tao, ang mga bata ang siyang lubhang apektado ng mga kemikal na gumagaya sa mga hormone. Ang mga anak na isinilang ng mga babae sa Hapón na kumain ng langis ng bigas na kontaminado ng PCB ilang taon na ang nakalipas “ay dumanas ng pag-antala sa paglaki ng katawan at isipan, mga suliranin sa paggawi kasali na ang makupad na pagkilos at sobrang kalikutan, di-normal na maliliit na ari ng lalaki, at mga iskor ng IQ na limang puntong mababa sa katamtaman,” ulat ng magasing Discover. Ipinakikita ng mga pagsubok na isinagawa sa mga batang nalantad sa mataas na antas ng mga PCB sa Netherlands at Hilagang Amerika ang kahawig na masasamang epekto sa kanilang pisikal at mental na paglaki.
Maaaring nauugnay rin sa mga kemikal na ito, ulat ng WHO, ang pagdami ng kanser na “pinasisigla ng mga hormone” sa mga kalalakihan at kababaihan, gaya ng kanser sa suso, sa ari ng lalaki, at sa prostate. Bukod pa riyan, sa maraming bansa, ang maliwanag na pag-unti ng katamtamang bilang ng semilya sa mga lalaki, gayundin ng uri ng semilya, ay maiuugnay sa pagdami ng ginagamit na mga kemikal. Sa ilang lupain, ang katamtamang bilang ng semilya ay halos bumaba ng kalahati sa loob ng 50 taon!
Sa naunang artikulo, isang doktor ang sinipi na nagsasabing tayo’y “isang nag-eeksperimentong salinlahi.” Tila tama siya. Totoo, marami sa kemikal na ating nagawa ay naging kapaki-pakinabang, subalit ang iba naman ay hindi. Kaya nga, makabubuti sa atin na umiwas sa di-kinakailangang pagkahantad sa mga kemikal na posibleng makapinsala sa atin. Kataka-taka, marami sa mga ito ang masusumpungan sa ating mga tahanan. Tatalakayin ng aming susunod na artikulo kung ano ang magagawa natin upang pangalagaan ang ating mga sarili mula sa posibleng mapanganib na mga kemikal.
[Talababa]
a Ang mga PCB (polychlorinated biphenyls), na malaganap na ginamit mula noong dekada ng 1930, ay mahigit na 200 magkakaugnay na malangis na halo na ginagamit sa mga lubrikante, plastik, insulasyon ng kuryente, pestisidyo, likido sa paghuhugas ng pinggan, at iba pang produkto. Bagaman bawal na ngayon ang paggawa ng PCB sa maraming bansa, sa pagitan ng isa at dalawang milyong tonelada ang ginawa na. Nagkaroon ng nakalalasong mga epekto mula sa itinapong mga PCB na napunta sa kapaligiran.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga balyenang ito’y lubhang nakalalason anupat ang mga ito’y itinuturing na mapanganib na basura kapag ang mga ito’y namatay
[Credit Line]
©George Holton, The National Audubon Society Collection/PR