Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagsulong sa Pagkatuto
Nais ko kayong pasalamatan sa paglalathala ng mga artikulo na hindi lamang kawili-wili kundi nakapagtuturo at kapaki-pakinabang din. Tinutukoy ko lalo na ang “Ang Inyo bang Anak ay May mga Suliranin sa Pagkatuto?” (Setyembre 8, 1983), “Hyperactive ba ang Aking Anak?” (Nobyembre 8, 1984), “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Kinagawian sa Pag-aaral?” (Enero 8, 1985), at “Maaari Kang Maging Lalong Mahusay na Mambabasa!” (Enero 22, 1985). Ako’y nag-aaral sa pamantasan ng estado sa Mexico upang maging isang guro. Kailangan kong mag-aral para sa mga eksamen, at napakaraming babasahin. Subalit sa pagkakapit ng inyong mga mungkahi tungkol sa mga kaugalian sa pag-aaral, nanguna ako sa 6 na mga estudyante na nakapasa sa eksamen, na nilahukan ng 25 mga estudyante. Nais kong irekomenda sa lahat ng mga kabataan na kumukuha ng Gumising! na basahin ang lahat ng artikulo. Tutulong ito upang mapasulong ang iyong istilo ng pamumuhay.
J. B. G., Mexico
Panonood ng TV
Ako’y nangyaring sumulat may kaugnayan sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mayroon pa bang Anuman na Mapapanood Ako sa TV?” (Marso 8, 1985) Sinipi ninyo ang manunulat na si Vance Packard na nagsasabi: “Ang mga magulang na inilalagay ang kanilang mga set ng TV sa atik ay malamang na labis ang reaksiyon.” Nais kong isaysay ang karanasan ng aming pamilya. Halos dalawang taon na kami ay may binabayarang cable TV kung saan ikaw ay makapapanood anumang oras sa araw o gabi. Upang mabawasan ang mga pagkakagastos, itinigil namin ang cable television at itinabi rin namin ang TV sa bodega. Ngayon kaming lahat ay mga masugid na mga mambabasa. Ang anak kong babae ang pinakamahusay bumasa sa kaniyang klase. Nag-aral din kaming tumugtog ng mga instrumento sa musika. Ang mister ko ay tumutugtog ng piyano at ako naman ng banjo. Ang aming bunso, ngayo’y dalawang taon, ay may hilig din sa piyano. Hindi lamang kami nakatitipid ng salapi kundi naging malapit din kami bilang isang pamilya at nasumpungan namin ang maraming iba pang kasiya-siyang mga gawain, at kami ay hindi kailanman nababagot.
J. A. U., California
Pagdaraya sa Siyensiya
Nasumpungan ko ang inyong mga artikulo tungkol sa kilalang mga siyentipiko, gaya nila Newton, Galileo, at iba pa, na nakasasakit at baligho. (Setyembre 22, 1984) Ang isang tao ay hindi makaaasa ng isang mabuti at matuwid na daigdig kung pinipintasan niya, yaong sa siyentipikong paraan, ay nakagawa nang malaki sa lahat. Hindi ko akalain na kayo, na laging naniniwalang kayo ay tama, ay makapaglalathala ng mga artikulong ito na naninira roon sa mga nagbigay ng lahat ng taglay nila para sa kabutihan ng sangkatauhan.
G. G., Italya
Nagtataka ako kung may kasalanan nga si Mendel sa pamimili ng data nang sinikap niyang ipaliwanag ang pinakapayak na kaso subalit winalang-bahala ang mas masalimuot na mga halimbawa.
A. J. P., Inglatera
Hindi namin pinupulaan yaong mga siyentipikong nabanggit sa kanilang mga nagawa sa kabutihan ng siyensiya. Samantalang ang bagay na ito ay pinagtatalunan pa, ang kagalang-galang na mga siyentipikong publikasyong gaya ng “Scientific American,” “Science,” “Science Digest,” at “Science News,” gayundin ang aklat na “Betrayers of the Truth,” ni William Broad at Nicholas Wade, ay naglalaan ng maraming katibayan sa bagay na upang suportahan at itaguyod ang kanilang mga teoriya ang ilang kilala at iginagalang na mga siyentipiko noon ay gumamit ng mga pamamaraan na salat sa katotohanan, pagtatalaga, at ganap na katapatan.—ED.