Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/8 p. 26-27
  • Robinson Crusoe—Ang Katotohanan at Kathâ

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Robinson Crusoe—Ang Katotohanan at Kathâ
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Di-Inaasahang Tuklas
  • Pumasok sa Istorya si Robinson Crusoe
  • Nagbago ang mga Panahon
  • Cocos Island—Ang mga Kuwento Nito Tungkol sa mga Nakabaong Kayamanan
    Gumising!—1997
  • Ang Pulo na Lumitaw at Lumubog
    Gumising!—2004
  • Naipangaral ang ‘Mabuting Balita’ sa mga Isla sa Dulong Hilaga ng Australia
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Isang Mabuhanging Paraisong Isla
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/8 p. 26-27

Robinson Crusoe​—Ang Katotohanan at Kathâ

Ang Robinson Crusoe ay isa sa pinakapopular na mga nobela ng lahat ng panahon. Isinulat noong ika-17 siglo ng Ingles na si Daniel Defoe, ang kuwento nito tungkol sa isang padpad na pasahero na nakaligtas sa pamamagitan ng kaniyang sariling katalinuhan sa isang disyertong isla ay malawak na binasa sa maraming iba’t ibang wika. Mangyari pa, ang kuwento mismo ay kathâ lamang. Subalit alam mo ba na isang islang pinanganlang Robinson Crusoe ang umiiral ngayon at na ang bantog na kuwento ni Daniel Defoe ay salig sa mga pakikipagsapalaran ng isang tunay na tao sa islang iyon? Alamin natin ang ilang bagay tungkol dito.

MGA 400 milya (640 km) mula sa daungan ng Chile na Valparaíso, ay isang kapuluang tinatawag na Juan Fernandez. Ang kapuluan ay binubuo ng tatlo lamang maliliit na tuldok sa napakalaking Karagatang Pasipiko: ang Isla Santa Clara; Isla Más Afuera, o Alejandro Selkirk, at Isla Más a Tierra, o Robinson Crusoe. Mga seal, mga sea lion, isda, at ang Juan Fernández na mga uláng ay sagana roon.

Isang Di-Inaasahang Tuklas

Paano natuklasan ng sinuman ang gayong maliliit na isla sa karagatang iyon? Nasumpungan ito noong mga 1563 ng isang Kastilang piloto ng bapor na sa kaniya ipinangalan ang mga isla, si Juan Fernández. Gumawa siya ng isang ruta ng bapor sa pagitan ng Callao, Peru, at Valparaíso, Chile. Karaniwan nang ang paglalakbay patimog ay kumukuha ng mula tatlo hanggang anim na buwan, bahagyang dahilan sa matinding mga hangin at bahagyang dahilan sa napakalakas ng Peruviano, o Humboldt, na Agos na pahilaga tungo sa mga baybayin ng Chile at Peru. Ang mga bapor, na nakikipagbaka kapuwa sa hangin at matinding agos ay karaniwang gumigilid patimog, hinuhulog ang angkla gabi-gabi kailanma’t maaari.

Para bang nahulaan ni Juan Fernández ang pag-iral ng agos na ito at siya ay lumayo sa baybayin upang iwasan ito. Kaya nabawasan niya ang panahon ng paglalakbay na naging 30 mga araw lamang at, bilang isang bonus, natuklasan niya ang mga isla. Gayunman, siya ay pinaratangan na isang brujo (mangkukulam) at siya ay binantaan ng isang imbestigasyon ng Inkisisyong Katoliko sa Lima. Upang ipagtanggol ang kaniyang sarili, ginamit niya ang kaniyang talaarawan sa paglalayag. Ang bagay ay naliwanagan at ang kaniyang sekreto ay nabunyag.

Kaya ang kapuluan ay pumasok sa kasaysayan. Noong ika-17 siglo, ito ang naging sentro ng mga pagkilos ng mga pirata na gaya ni Henry Morgan at Barthome Sharp, na nasumpungan itong isang huwarang base para simulan ang mga pagsalakay sa La Serena sa Chile at Guayaquil sa Ecuador.

Pumasok sa Istorya si Robinson Crusoe

Subalit kumusta naman ang tungkol kay Robinson Crusoe? Bueno, isang lalaking taga-Scotland na nagngangalang Alexander Selkirk ang sakay ng isang bapor na dumaong sa isla ng Más a Tierra noong 1704. Ayon sa ulat, siya ay nanaginip na siya ay daranas ng isang pagkawasak ng bapor, at nakipag-away din siya sa kapitan. Kaya, hiniling ni Selkirk na siya ay iwan sa isla. Ang kaniyang mga pakikipagsapalaran doon ang naglaan ng inspirasyon sa nobela ni Defoe, ang Robinson Crusoe.

Sa simula si Selkirk ay nakadama ng matinding kalungkutan at binasa niya ang Bibliya upang maaliw. Hindi nagtagal ang suliranin ng kaligtasan ay humiling na gamitin niya ang lahat niyang pagkamapamaraan. Inimbento niya ang maraming mga kagamitan upang gawing mas mainam ang buhay, at ang ilan sa mga ito ay pinananatili pa rin sa Edinburgh, Scotland. Ang payong ay sinasabing isa sa kaniyang mga imbensiyon. Ayon sa ulat, ginawa niya ang unang payong mula sa balat ng isang babaing sea lion.

Pagkaraan ng mahigit na apat na malulungkot na taon, dumating ang dalawang bapor na Ingles sa ilalim ng pamamahala ni Kapitan Woodes Rogers, at si Selkirk ay isinakay at ibinalik sa Inglatera. Gayunman, para bagang hinahanap-hanap niya ang katahimikan ng kaniyang isla sa Pasipiko, at iniulat na nasabi niya: “Oh mahal kong isla! Sana’y hindi kita iniwan!” Marahil ay hindi niya nasabi iyon kung nakini-kinita niya ang mga pagsulong sa hinaharap.

Nagbago ang mga Panahon

Dahilan sa estratihikong kahalagahan ng mga isla, sinikap ng mga Kastila, noong 1750, na magtayo ng isang permanenteng kolonya roon. Sa paglipas ng panahon, isang penal colony ang itinatag doon. Ang mga bilanggo na nakagawa ng mga kasamaan na gaya ng pagpatay ay ikinukulong sa isang kuta. Yaong mga nasumpungang nagkasala ng pamumusong o iba pang “mga krimen ng pananampalataya” ng Inkisisyong Katoliko sa Quito, Lima, o Santiago ay dumanas ng malupit na mga pagtrato at ikinulong sa mga kuweba na punô ng mga daga.

Kumusta naman ang isla ngayon? Wala na ang penal colony. Ang kapuluan ay hindi gaanong matao, tahimik, at iniaanunsiyo bilang isang dakong bakasyunan. Noong 1979 isa sa mga Saksi ni Jehova, isang elder mula sa kongregasyon ng Valparaíso, ay nagtungo sa Isla Robinson Crusoe may kaugnayan sa kaniyang sekular na trabaho. Tinanong niya ang giya tungkol sa lokal na mga relihiyon at nalaman niya na ang paring Katoliko ay minsan lamang nagtutungo roon samantalang ang ministrong Protestante ay umalis na. “Hindi ako apektado niyan,” sabi ng giya. “Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova.” Gayon na lamang ang pagkamangha ng elder na nag-akalang siya’y magtutungo sa isang teritoryong hindi pa nagagawa!

Nalaman ng elder na isang maliit na grupo ang nag-aaral ng Bibliya kasama ng isang babae na dating natagpuan ng mga Saksi ni Jehova sa Santiago. Sa kaniyang ikalawang pagdalaw pagkaraan ng ilang buwan, tatlo sa grupo ang nabautismuhan. Sa kasalukuyan, ilang mga Saksi ang walang takot na nangangaral sa 450 mga mamamayan ng isla.

Kaya ang kapayapaan ay nagbalik sa isla kung saan si Alexander Selkirk ay nakasumpong ng kanlungan noong matagal nang panahon. Kasama ang dalawa pang mga isla, ito ay nagkaroon ng dako sa gitna ng “maraming mga isla” na nagagalak na marinig na si Jehova ay naging Hari.​—Awit 97:1.

[Mga mapa/Larawan sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga Isla ng Juan Fernández

Isla Alejandro Selkirk

Isla Robinson Crusoe

Isla Santa Clara

[Credit Line]

Mula sa: ROBINSON CRUSOE, iginuhit ni Milo Winter © ng Rand McNally & Company

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share