Pagmamasid sa Daigdig
Lumalambot na Saloobin
● “Hayagan at may pagsang-ayon ng kumunistang mga awtoridad,” sabi ng Los Angeles Times, “mas maraming suplay ng mga Bibliya ang ipinadadala sa mga bansa sa Silangang Europa at higit pa ang ginagawa roon.” Naniniwala ang mga opisyal ng samahan sa Bibliya na ito’y dahilan sa kanilang pasiya na “kumilos lamang sa pamamagitan ng legal na mga pamamaraan” at “iwasan ang lihim na gawain, o mga anyo ng pamamahagi na maaaring ituring na inuudyukan ng pulitika.” Sa mga bansa sa Silangang Europa, ang literatura na hindi opisyal na awtorisado ay kinukumpiska. Bakit ang lumalambot na saloobin sa pamamahagi ng Bibliya? Sang-ayon kay O. B. Telle, pinuno ng panrehiyon na sentro ng United Bible Societies sa Europa, ito’y dahilan sa ang gayong mga bansa “ay hindi nagnanais na ang kanilang larawan sa daigdig ay madungisan ng lantarang pagtanggi o paghadlang sa lehitimong mga gawain ng simbahan.” Isang kapansin-pansing eksepsiyon, ulat ng Times, ay ang Albania, “kung saan ang pagiging isang Kristiyano o ang pagmamay-ari ng isang Bibliya ay maaaring parusahan ng kamatayan.” Gayunman, sabi ng report, ang dumaming suplay ng mga Bibliya ay hindi pa rin nakasasapat sa malaking pagkagutom sa Salita ng Diyos sa mga bansang iyon.
Mga Pagkabagsak ng Bangko sa E.U.
● Isang kabuuang 79 na mga bangko sa E.U. ang bumagsak noong 1984—ang pinakamataas na bilang sa anumang taon mula noong Malaking Panghihina sa Negosyo (Great Depression). Gayunman, yamang ang karamihan ay mas maliit na mga institusyon, ang kanilang kabuuang mga deposito na $2.9 bilyong (U.S.) ay hindi gaanong malaki kung ihahambing sa mga bangko na bumagsak noong nakalipas na dalawang taon. “Mas mahalaga,” sabi ng The New York Times, “sa taong ito ang mga pagbagsak ng bangko ay may bahagyang epekto sa panlahat na pinansiyal na sistema, at ilang nagbabangko lamang ang nawalan ng pera.” Ang ikawalong pinakamalaking bangko ng bansa, ang Continental Illinois National Bank and Trust Company of Chicago, ay nakaligtas sa pagkabagsak dahilan sa pamamagitan ng gobyerno, sa gayo’y binabawi ang posibleng “sunud-sunod na kawing ng pagkabagsak ng bangko.” Samantalang hindi naman aktuwal na bumabagsak, ang ibang malalaking bangko ay dumanas ng malubhang mga problema dahilan sa malalaking kalugihan noong 1984. Ang talaan ng Federal Deposit Insurance Corporation ng “mga bangkong may problema” ay dumami sa isang mataas na bilang na 817—mahigit dalawang ibayo ng dating bilang na naabot noong 1976.
Seguro para sa Ministro
● “Sa mga panahong ito ang mga tagaparokya sa ibayo ng lupain ay ipinagsasakdal ang kanilang mga pastor sa korte, ipinagsasakdal sila ng lahat ng bagay mula sa di-angkop na pagpapayo hanggang sa pagbubunyag ng mga lihim,” ulat ng Oakland Tribune. “Bunga nito, ang mga ministro ay gumagawa ng isang bagay na inaakala nilang hindi mahalaga noong nakalipas ng mga ilang taon—ang pagkuha ng malpractice insurance.” Ang mga kabayaran mismo ayon sa batas, mula $3,000 hanggang $5,000 (U.S.) isang kaso ay karaniwan nang napakalaki para sa isang ministro na may maliit, takdang sahod. Kaya ngayon maraming mga kompanya ng seguro ang nag-aalok ng malpractice insurance—kadalasan na’y wala pang $35 (U.S.) isang taon—upang pangalagaan ang mga klerigo laban sa dumaraming mga asunto. Ang matatag na legal na mga pamarisan ay kailangan pang itatag. “Ito’y isang usapin na kailangan magtungo sa Korte Suprema ng E.U. upang matiyak kung saan ang eksaktong hangganan sa pagitan ng simbahan at estado tungkol sa relihiyosong mga gawain,” sabi ng isang abugado.
Ang Bunga ng Terorismo
● “Nasusumpungan ng mga pulitikal na pinuno ng daigdig na higit at higit na kinakailangang itaguyod ang mahigpit na mga hakbang upang pangalagaan ang kanilang mga sarili laban sa mga terorista at mga pumapatay nang pataksil,” ulat ng The New York Times. Nasusumpungan ngayon ng mga opisyal na dati’y malayang lumalakad sa gitna ng kanilang mga tauhan na kinakailangang magkaroon ng proteksiyon sa pamamagitan ng mga armored car, ng mga armadong bantay, at sa likuran ng mga sasakyang pumipigil ng mga barikada. Mas mahigpit na mga hakbang ang kinukuha upang pangalagaan ang mga matataas na pinuno na naglalakbay sa ibang bansa, at kadalasang binabawasan ang paglabas sa publiko. Kahit na si Papa John Paul II, sa halip na makipagkamay sa mga pulutong na nakahanay sa daan sa kaniyang mga paglalakbay, ay karaniwan nang kumakaway na lamang sa mga tao sa likuran ng proteksiyon ng plastik o salamin na hindi tinatablan ng bala. “Karaniwan na, ang mas mahigpit na mga pag-iingat sa seguridad ay nangangahulugan ng mas malayong distansiya sa pagitan niyaong namamahala at niyaong pinamamahalaan,” sabi ng Times.
Lunas sa Paninigarilyo
● Paano ba kukumbinsihin ang isang babaing nagdadalangtao na huminto ng paninigarilyo? “Nasumpungan ng Britanong mga doktor [na] ang isang paraan upang himukin ang mga babaing nagdadalangtao na tumigil sa paninigarilyo ay ang pahintulutan silang pakinggan ang tibok ng puso at pagkilos ng kanilang di pa naisisilang na mga sanggol pagkaraang humitit ang mga ina,” sabi ng The Toronto Star. “Maraming babae ang huminto ng paninigarilyo nang kanilang mapakinggan ang mga pagbabago na nagawa ng kanilang paninigarilyo sa kanilang di pa naisisilang na mga sanggol.”
Mga Pagbabago sa Perang Hapones
● Si Prinsipe Shōtoku ay inalis sa puwesto. Ang prinsipe noong ikapitong siglo, na ang larawan ay nasa mukha ng 5,000-yen at 10,000-yen na Hapones na perang papel, ay pinalitan. Sa halip na mga estadista, ang bagong perang Hapones (pati na ang 1,000-yen na perang papel) ay pinararangalan ang mga guro at mga manunulat—mga lalaki na naghaharap ng mas mabait na larawan at higit na ibinubunyi. Ang bago, mas maliliit na perang papel ay gagawa sa panghuhuwad na mas mahirap. Ang bilang ng mga linya sa mga larawan ay dumami, at pantanging tinta ang ginamit sa maraming-kulay na perang papel. Lumilitaw din ang nakaumbok na mga tanda sa mga gilid para sa kapakinabangan ng mga bulag. Ang halaga? Halos $250 milyong (U.S.) para lamang sa pagdisenyo, pag-imprenta, at pag-iimbak—huwag nang banggitin pa ang halaga ng pagbabago sa mga 300,000 vending machines sa Hapon upang tanggapin ang bagong pera.
Pagtitipid ng Salapi
● Hanggang 25 porsiyento ng kunsumo sa gasolina ng iyong kotse ang matitipid, sabi ng Car Care Council, sa pamamagitan ng wastong maintenance. Gaya ng iniulat sa U.S.News & World Report, 11 porsiyentong mahigit ng gasolina ang maaaring makunsumo ng isang kotse na nangangailangan ng tune-up, 5 porsiyentong mahigit kung ang mga gulong ay kulang sa walong libra ng hangin, 2 porsiyentong mahigit kung ang mga gulong ay wala sa pagkakahanay na sangkapat ng isang pulgada, at karagdagang 7 porsiyento kung ang makina ay tumatakbo na napakalamig dahilan sa thermostat ng sistema ng pagpapalamig na nanatiling nakabukas.
Kapayapaan at Mabuting Pakikisama?
● “Isang labanan ang nangyari noong Huwebes sa pagitan ng mga paring Griego Orthodoxo at Armeniano na naglilinis sa Church of the Nativity sa Bethlehem, ang tradisyonal na lugar ng kapanganakan ni Kristo,” sabi ng isang pahatid-kawad na inilathala sa Asahi Evening News ng Hapon pagkaraan lamang ng Pasko. Ang ibinigay na dahilan? “Sapagkat sinimulang linisin ng isang grupo ang isang dingding sa Simbahan na inaangkin ng isa na nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.” Ang simbahan ay pag-aari ng tatlong grupo: ang simbahang Armeniano, ang Iglesya Griego Orthodoxo, at ang orden na Franciscano, na ang bawat isa ay “matamang binabantayan ang autoridad nito sa dako na nakalaan sa simbahan nito.” Ang kanilang pangunahing mga seremonya ng taon, sa Kapaskuhan, ay tumatagal nang halos isang buwan. Isang pari ang iniulat na nasaktan.
Naimpluwensiyahan
● “Ang mga balita sa pahayagan tungkol sa mabibigat na mga sentensiyang ipinapataw sa mga mamamatay-tao ay umakay sa pansamantalang pagbaba ng mga pagpatay,” ulat ng Daily News ng New York, “ngunit ang media coverage ng mga propesyonal na labanan sa boksing, kung saan ang karahasan laban sa isang tao ay ginagantimpalaan, ay umakay sa pagdami ng mga pagpatay nang sumunod na mga araw.” Ang pag-aaral, batay sa pagsusuri ng pagsasaoras ng mahigit 140,000 mga pagpatay sa mahigit na pitong taóng yugto, ay inilathala sa Journal of Communication ng University of Pennsylvania. Natuklasan nito ang 3.32-porsiyentong pagbaba sa mga homesidyo apat na araw pagkatapos na sentensiyahan o hatulan ang isang kriminal, at ang katamtamang pagdami na 3.54 porsiyento sa ikatlong araw pagkatapos ng isang heavyweight na laban sa boksing.
‘Walang Masamang Impresyon’
● Pagkatapos ng isang artikulo tungkol sa mapangwasak na gawain ng bagong mga kilusang relihiyoso, ang Wein Süd Journal ng Austria ay bumanggit sa maikli tungkol sa mga organisasyong relihiyoso na kadalasang tinatawag na “mga sekta.” Tungkol sa mga Saksi ni Jehova, sabi nito: “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kailanman gumawa ng isang masamang impresyon, itinataguyod nila ang tradisyon ng pamilya at sila ay may mabuting reputasyon.”
Hindi “Likas” ang Malalaking Sakuna
● “Ang karaniwang palagay tungkol sa ‘likas na malalaking sakuna’ ay dahilan sa isang radikal na pagbabago,” sabi ng report kamakailan ng Natural Disasters, Acts of God or Acts of Man? “Bagaman dala ng likas na mga pangyayari na gaya ng mga baha at lindol, ang malalaking sakuna ay higit at higit na gawang-tao.” Ang mga baha, tagtuyot, at gutom, sabi ng report, ay kadalasan nang dala ng “maling pamamahala sa kapaligiran at likas na yaman” sa halip nang dahil sa labis o di-sapat na pag-ulan. Ang iba pang mga malalaking sakuna, gaya ng mga lindol, pagputok ng bulkan, at mga bagyo, ay “pinalulubha ng di-matalinong mga pagkilos ng tao.” Ang tradisyonal na mga pantulong ay sinasabing kadalasang walang saysay o pinalulubha pa ang mga bagay. Sabi ng isang pag-aaral: “Sa ngayon ang mga tao ay gumaganap ng malaking bahagi sa likas na malalaking sakuna anupat hindi na ito matatawag na ‘likas.’”
Krimen sa Kalye
● Tumutugon sa isang tawag sa telepono mula sa isang di-kilala, inaresto ng pulisya ang dalawang lalaki sa pagnanakaw ng sandaang-taóng-gulang na kalye. Una, akala ng pulisya na ito’y isang biro nang tanggapin ang tawag na siyasatin ang East Mifflin Street, isang 250-piye ang haba (76 m) na eskinita sa isang dako ng mga bodega sa Philadelphia na hindi gaanong matrapik. Subalit nasumpungan nila na halos 8,000 na mga cobblestone, na mahirap makuhang Belgian granite at tumitimbang ng halos limang libra (2.3 kg) bawat isa, ay hinakot, iniiwan lamang ang lupa sa ilalim nito. Ang mga bato, 12 por 6 pulgada (30 por 15 cm) at 4 pulgada ang kapal (10 cm), ay mula sa Europa bilang mga tulakbahala (ballast) ng mga bapor na pangkargada noong ika-19 na siglo. Ang mga ito ay lubhang mahalaga sa pantanging mga proyekto sa pagtatayo at mabibili sa halagang $1 (U.S.) bawat isa sa black market. Ang karamihan ng kalye ay nakuhang muli.
Mga Aksidente ng mga Bata
● Hindi kukulangin sa isa sa limang mga bata ay dinadala sa ospital upang gamutin sa mga pinsala mula sa pagkahulog sa bisikleta, mga paso, at di-sinasadyang mga pagkahulog o mga aksidente. Ito ang konklusyon ng isang bagong pag-aaral na sinuma ang bilang ng mga batang ginagamot sa 23 mga ospital sa 14 na mga pamayanan sa Massachusetts. Ang pagkahulog, kadalasan sa mga baitang ng hagdan, ang pinakapangkaraniwang aksidente, sinusundan ng mga pinsala sa palakasan o sports. Ang mga paso, bagaman bihira, ay pangkaraniwan sa gitna ng mga batang hindi pa nag-aaral. Tinataya ng mga mananaliksik na 1.7 milyong mga bata sa estado ang daranas ng 377,000 mga pinsala taun-taon na mangangailangan ng pagpapagamot sa ospital.
Pagpapabaya ng mga Alagang Hayop
● Mahigit na 60 porsiyento ng pitong milyong mga aso sa mga tirahan ng hayop sa ibayo ng Estados Unidos noong 1983 ay isinauli ng mga may-ari na umampon sa kanila nang nakalipas na anim hanggang walong buwan. Ang mga tirahan sa Lunsod ng New York ay nagsisikap na lunasan ang problema sa pamamagitan ng pagsusuring mabuti sa mga aplikante na nais umampon ng mga alagang hayop. Ang mapanganib na mga may-ari, napansin nila, ay yaong mga nagnanais lamang ng mga alagang hayop upang hulihin ang mga daga, upang bantayan ang bahay, o upang ibigay bilang regalo. “Hindi pa natututuhan ng mga tao na ang isang alagang hayop ay nangangailangan ng seryosong pangangalaga,” sabi ni Phyllis Wright, vise-presidente ng Humane Society na nangangasiwa sa mga hayop. “Nais naming mag-isip ang mga tao bago sila kumuha ng isang alagang hayop.”
‘Dinadaya ang Kanilang mga Mamimili’
● Ang BMA (British Medical Association) ay nagsimula ng isang pagsalakay sa industriya ng tabako dahilan sa nakalilinlang na pagpapalaganap nito ng paninigarilyo, ulat ng The Journal ng Toronto, Canada. “Bawat araw na inaantala natin ang pagbabawal sa mga gawain na pagpapalaganap ng industriyang ito, 274 di pa napapanahong mga kamatayan ang nagaganap,” sabi ng kalihim ng BMA na si John Havard. “Ang pag-aanunsiyo, mga pagtataguyod ng palakasan at sining, mga kompetisyon, mga damit na nagtataglay ng mga tatak na pangalan, at mga bakasyon ay bahagi na lahat ng pagsisikap ng industriya na linlangin ang kanilang mga mamimili na maniwalang ang paninigarilyo ay kaakit-akit, nakalulusog, at kasiya-siya,” sabi niya, at dagdag pa niya, “ang mga mamimili ring ito ang aming mga pasyente.” Taun-taon, tinatayang isang daang libong mga Britano ang namamatay ng wala pa sa panahon dahilan sa paninigarilyo.