Isang Daigdig na Walang Lunas
ANG tao ay mga nilikha na punô ng pag-asa. Pagkatapos ng paulit-ulit na mga kabiguan, umaasa pa rin sila. Kapag wala nang pag-asa, patuloy pa rin silang umaasa. Gaya nang minsa’y nasabi ng isang makata, “Sa puso’y bumubukal magpakailanman ang pag-asa.”
Ang namamalaging pag-asang ito ay kitang-kita lalo na sa mga pamahalaan ng tao. Isa-isa itong nabibigo, gayunman ang mga tao ay handang umasa sa susunod. Ito ay nangyari na sa loob ng libu-libong mga taon. Ang mga monarkiya, imperyo, pagkadiktador, republika, demokrasya, mga pamamahalang komunista o kapitalista—lahat ay nasubok na, at lahat ay nabigo.
Maging ang pandaigdig na mga pamahalaan ay sinubok. Ang Liga ng mga Bansa, ay sinubok at nabigo. Ang Nagkakaisang mga Bansa, ay sinubok at nabibigo. Subalit ang mga tao ay umaasa pa rin, handang umasa sa anumang bagay at sa lahat ng bagay—sa lahat ng bagay, maliban sa kaisa-isang tiyak na pag-asa.
ANG daigdig na ito na pinamumuhayan natin ay isang daigdig na walang lunas. Pinatutunayan iyan ng anim na libong taon ng kasaysayan ng tao. Ni may lunas man ang kasalukuyang maningning na daigdig ng siyensiya sa gumigipit na mga suliranin na nagbabanta sa salinlahing ito. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito.
Walang lunas sa digmaan
Mga dantaon bago ang ating Karaniwang Panahon at hanggang sa wakas ng Digmaang Pandaigdig II, iilan lamang ang mga taon ng kapayapaan, gayunman libu-libong mga kasunduan sa kapayapaan ang ginawa at sinira. Ang layon ng Digmaang Pandaigdig I ay upang gawing ligtas ang daigdig para sa demokrasya. Ito’y kumitil ng 14 na milyong buhay, subalit hindi nito nailigtas ang demokrasya. Ang layon ng Digmaang Pandaigdig II ay alisin sa lupa ang mga diktador, subalit hindi iyan nagawa ng 55 milyong buhay na ibinuwis nito. Mula noon 30 milyon ang namatay sa mga digmaan, at libu-libo pa ang namamatay sa kasalukuyang mga labanan.
Higit pang nakatatakot, ang nagaganap ngayon na paligsahan sa armas nuklear. Ang mga bansang nasasangkot ay gumugugol ng mahigit isang milyong dolyar isang minuto. Ngunit ang isang digmaang nuklear ay maaaring magdala ng “nuclear winter.” At iyan, sabi ng maraming siyentipiko, ay maaaring pumuti ng buhay ng tao sa lupa.
Walang lunas sa taggutom
Angaw-angaw ang namamatay sa gutom taun-taon. Ang mga bilang ay mula 20 milyon hanggang 50 milyon—kasama rin sa katagang “namamatay sa gutom” ang angaw-angaw na namamatay dahil sa malnutrisyon at mga karamdaman na kasunod nito. Sa Aprika ang mabilis na pagdami ng populasyon ay nangangahulugan ng higit na kinalbong lupa para sa panggatong na kahoy, at ang kinalbong lupa ay nangangahulugan ng kaunting pag-ulan at kawalan ng pang-ibabaw na lupa, na nangangahulugan ng kakaunting ani. Tungkol sa Aprika, ang pangulo ng Worldwatch Institute ay nagsabi kamakailan: “Tayo ay maaaring nasa bingit na ng sumisidhing kalagayan na hindi pa natin naranasan kailanman.” Para sa naghihirap na Aprika, walang lunas ang natatanaw. Kahit na sa mayamang Estados Unidos, ang gutom ay ipinahayag na isang epidemya—20 milyon ang apektado. Sa buong daigdig, 450 milyon ang nasa punto ng pagkagutom.
Ang malawakang mga pagsisikap na tumulong ay nahahadlangan ng mga kuskos-balungos. Ang pagkain ay ipinagkakait sa nagugutom, at sa halip ito ay ginagamit sa pulitikal o militar na mga manipulasyon. Inilalayo rin ng panghuhuthot ang pagkain mula sa mga tiyan na walang laman upang pakapalin ang mga bulsa ng mayayaman. Dalawang taon na ang nakalipas tinaya ng World Bank na sa susunod na sampung taon mangangailangan ng $600 bilyon upang panatilihin lamang ang gutom sa kasalukuyang mga antas. Subalit habang dumarami ang populasyon at lumalawak ang disyerto, ang gutom ay sisidhi. Malungkot ang hinaharap, walang lunas sa unahan.
Walang lunas sa sakit
Malaki ang nagawa ng siyensiya ng medisina sa pagbaka sa sakit, subalit ang larawan ay hindi maganda na gaya ng inihula noong 1975 ng isa sa nangungunang siyentipiko sa daigdig: “Wala akong nalalamang suliranin sa medisina na hindi natin malulutas sa malapit na hinaharap.” Pagkalipas ng sampung taon, ang pakikipagbaka ay hindi lamang malayong manalo kundi ito ay natatalo sa maraming mga larangan. Ang kanser, sakit sa puso, cirrhosis, diabetes, multiple sclerosis, malaria, sleeping sickness, snail fever, ketong—lahat ay tumitindi.
Ang mga sakit benéreó ay hindi sumuko sa antibayótikó. Ang mas malakas na mga antibayótikó ay nagbunga ng mas matapang na mga baktirya. Ang AIDS ay walang lunas at kumakalat—lalo na sa gitna ng mga homosekso, mga nagsasaksak ng droga sa ugat, at mga tumatanggap ng pagsasalin ng dugo. Walang kilalang lunas para sa genital herpes. Ang chlamydia ay isang epidemya na taun-taon “ay nakakaapekto sa di kukulanging tatlong milyon at marahil kasindami ng 10 milyon katao.” Kabilang sa iba pang pagkainutil, ito ay nagiging sanhi ng pagkabaóg.
Ang Newsweek ng Pebrero 4, 1985, ay nag-uulat: “Ang Estados Unidos ay kasalukuyang sinasakmal ng biglang paglitaw ng STD [mga karamdamang seksuwal na naililipat] sa walang-katulad na mga kasukat. Ang mga estadistika ay nakasisindak: 1 sa 4 na mga Amerikano sa pagitan ng edad na 15 at 55 ang magkakaroon ng STD sa ilang yugto ng kaniyang buhay.” Ang artikulo ay naghihinuha: “Ang pinakamabuting proteksiyon laban sa STD, sa wari, ay ang basta pagbabalik sa makalumang pananggalang na iyon: monogamya.” Ito ang lunas na hindi tinatanggap sa daigdig na ito.
Walang lunas sa pagpatay ng sanggol
Matagal nang panahon, tayo ay namumuhi na may mga taong basta iniiwan sa labas ng bahay mga sanggol na hindi nila naiibigan upang mamatay dahil sa pagkabilad. Ngayon sila ay pinapatay samantalang nasa bahay-bata pa ng ina. Sinasabi niyaong mga gumagawa nito na ang mga sanggol ay hindi pa naman mga tao, o kaluluwa, at hindi nakadarama ng kirot. Subalit ang sanggol sa bahay-bata ay lumulundag kapag nagugulat ng isang biglang ingay, sinususo nito ang kaniyang hinlalaki, umiinom ito ng likido, naririnig nito ang tibok ng puso ng ina—gayunman sinasabi ng iba na ito ay hindi nabubuhay? Hindi kapani-paniwala! Ang utak nito ay gumagana, ang puso nito ay tumitibok, ito’y nakadaramdam—gayunma’y sinasabing hindi ito nakadaramdam ng kirot? Minsan pa, hindi kapani-paniwala! Ang walang kirot na aborsiyon—ito ba ay pag-aangkin lamang upang pagaanin ang pagkadama ng pagkakasala?
Waring gayon nga, dahilan sa pelikula kamakailan na The Silent Scream. Isinisiwalat nito kung ano sa wari ang matinding mga paghihirap ng isang hindi pa isinisilang na sanggol na inilalaglag, niluluray-luray sa bahay-bata at saka pira-pirasong inilalabas. Sa panahon ng aborsiyon, ito’y lumulukso, namimilipit, umuurong, at binubuka ang bibig nito na para bang “walang ingay na sumisigaw.” Ganito at sa iba pang paraan itinatapon ng daigdig na ito ang mga 55 milyong sanggol taun-taon!
Minamalas ng Bibliya ang isang hindi pa isinisilang na sanggol sa bahay-bata na isang buhay, isang kaluluwa, at sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang sinumang masakit o walang sakit na nagpapangyari ng kamatayan nito, kahit hindi sinasadya, ay maysala at kailangang magbayad ng “buhay sa buhay,” o “kaluluwa sa kaluluwa.”—Exodo 21:22, 23, Ref. Bi., talababa.
Walang lunas sa polusyon
Ang ulan ng asido na pumapatay ng mga isda at mga kagubatan. Ang mga tambak ng nakalalasong mga basura na lumalason sa lupa at sa tubig. Ang mga ibinubugá ng mga kotse na pumipinsala sa mga ani at bagà ng tao. Ang mga natapong langis, mabibigat na metal, radyoaktibong mga basura, mga plastik, asbestos, mga pestisidyo, mga herbisidyo, mga microwave—lahat ng ito at higit pa ay lumalagong mga panganib sa buhay sa planetang Lupa. Maraming mga uri ang nalipol na, at araw-araw parami nang parami pa ang nanganganib na malipol.
Nagsasalita para sa UNEP (United Nations Environmental Program), ang executive director na si Mostafa Tolba ay nag-ulat sa mahigit isang daang mga delegado sa Kenya: “Kumilos ngayon o harapin ang malaking sakuna.” Ang hindi paggawa ng gayon, sabi niya, ay maaaring magdala “sa pagtatapos ng siglong ito ng malaking sakunang pangkapaligiran na makasasaksi sa ganap na pagkalipol, na gaya ng anumang nuklear na kapahamakan.” Ang naunang mga astronót ay masiglang-masigla na nagsabi tungkol sa lupa: “Ang ating bughaw na planeta ay kagila-gilalas na maganda.” Noong 1983 ang astronót na si Paul Weitz ay nagsabi: “Nakapanlulumong makita kung gaano karumi ang ating kapaligiran. . . . Nakalulungkot, ang daigdig na ito ay mabilis na nagiging isang abuhíng planeta. . . . Dinudumhan natin ang ating sariling pugad.” Subalit hindi pinakikinggan ng kasakiman ang gayong pahayag. Mas malakas mangusap ang panandaliang kasakiman kaysa pangmatagalang pangangailangan.
Walang lunas sa droga
Hindi nasugpô ng pandaigdig na pag-aresto ng mga ahensiya na nagpapatupad ng batas ang daluyong ng droga. Ang mga paulong-balita kamakailan ay nagsasaysay: “Ikinatatakot ang Malawak, Di-napapangarap na Paggamit ng Droga.” “Ang mga Babae at ang Cocaine: Isang Lumalagong Problema.” “Lumalago ang Pandaigdig na Pangangalakal ng Heroin.” Sa Mexico noong Nobyembre, 10,000 tonelada ng marijuana ang nakuha sa isang serye ng mga pagsalakay—walong ulit na mas marami kaysa inaakala ng mga opisyal na magagawa ng Mexico sa isang buong taon! Naniniwala ang mga imbestigador na lubha nilang minaliit ang pandaigdig na produksiyon ng droga. Hindi lamang ipinakikita ng katibayan na ang Mafia ay lubhang kasangkot kundi ang indibiduwal na mga ismagler mula sa Third World “ay nagdaratingan na parang langgam.”
Ang mga tao ay maaaring magsimulang gumamit ng droga dahilan sa pag-uusyoso o panggigipit ng mga kaedad, subalit hindi magtatagal ito ay nagiging hedonismo, ang pag-ibig sa kalayawan. Maaaring pasidhiin ng droga ang kanilang kalayawan na higit kaysa nakakamit sa pamamagitan ng karaniwang mga paraan, pati na ang sekso. Pagkatapos ay ang pagkasugapa, saka ang pagnanakaw upang tustusan ang bisyo, at sa wakas mga kumplikasyon sa kalusugan at kamatayan dahil sa labis na dosis. Idagdag pa rito ang mga krimen, pati na ang pagpatay, ng ilegal na mga tagapagbili ng droga. Subalit bago ibunton ang lahat ng sisi sa mga kriminal, tandaan: Ang lahat ng mga kasamaang ito ay tinatangkilik at ginagawang posible ng kanilang mga parokyano. Ang kasagutan ay payak: Mga gumagamit, itigil ang bisyo, kung walang benta, mamamatay ang masamang negosyo. Subalit ang payak na lunas na ito ay hindi rin tinatanggap.
Higit pang mga walang lunas
Ang pagkabulok ng katapatan, kawalan ng integridad, relihiyosong pagpapaimbabaw, pagguho ng pamilya, diborsiyo sa anumang dahilan, pinabayaang mga anak, walang katutubong pagmamahal, kaimbutan, kawalang-galang, maka-ako, malubhang kalikuan sa sekso, nakaririmarim na pang-aabuso sa bata, lumalaganap na karahasan, lumalagong katampalasanan, internasyonal na terorismo—marami pang mga bagay ang maitatala kung saan ang daigdig na ito ay walang lunas. Mayroon itong saganang ani ng mga problema subalit mahinang ani ng mga kasagutan o lunas. Anong pagkaangkup-angkop nga na inihula ni Jesus ang mismong panahong ito na kinabubuhayan natin nang kaniyang sabihin: “Sa lupa manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon”!—Lucas 21:25.
Gayunman, maaaring malusutan iyon.