Krimen—Mayroon Bang Kalutasan?
YAMANG ang krimen ay nakakaapekto sa ating lahat, sa tuwiran o di-tuwirang paraan, ang katanungan ay nananatili, Mayroon bang kalutasan? Ganito ang mungkahi ni Hukom Richard Neely ng West Virginia Supreme Court of Appeals: “Ang pag-alam sa pinaka-ugat na sanhi ng krimen ay nagpapahiwatig ng isang napakalaking muling pagsasaayos ng lipunan na iilan lamang ang kusang magsasagawa.” (Amin ang italiko.) Ipinaliliwanag niya na “walang siyentipikong kaalaman ni pulitikal na kalooban ang makapag-aalis ng ugat na mga sanhi ng krimen.”
Bakit gayon? Ikinakatuwiran niya na ang mga taong lubhang apektado ng krimen, yaong “namumuhay sa mga ghetto o mga pook ng gumuguhong uring-manggagawa,” ang siyang walang gaanong pulitikal na lakas. Sabi ni Hukom Neely: “Ang mga biktima ng krimen, dapat tandaan, ay hindi isang organisadong interesadong grupo.” Kaya sila ay may kaunti o walang pulitikal na impluwensiya. Yaong mga may pulitikal na lakas ay namumuhay sa labas ng daigdig ng karaniwang mga gawaing kriminal—hindi sila gumagamit ng mga sasakyang pampubliko o namumuhay sa slum na mga tirahan. At sa ibang kaso, sabi niya, ang mas maraming pulisya ay magsasapanganib sa kanilang gawaing krimen. Totoo ito sa karamihang bahagi ng daigdig. Kaya ang mahihirap na karaniwang tao ang kadalasang mga biktima ng krimen at ng pulitikal na pagpapaimbabaw.
Subalit isa pang mahalagang salik ang humahadlang sa pagsulong sa pagbaka laban sa krimen—ang kalikasan mismo ng tao. “Ang katakawan, kasakiman, pagsalakay, at pagpapayaman sa sarili ay likas na bahagi ng kayarian ng tao,” sabi ni Hukom Neely. Ang bagay na iyan ay malinaw sapol nang patayin ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel.—Genesis 4:3-11.
Gayunman, ang salik ng kasamaan sa kalikasan ng tao ay isang problema na ayaw tanggapin ng modernong sikolohiya. Sa isang panayam sa Awake!, ganito ang sabi ni Dr. Samenow: “Sa pangkalahatan, maraming tao sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ang talagang hindi pa hinarap ang suliranin ng kasamaan.”
Gayunman, ayaw talikdan ng maraming kriminal ang kanilang ‘katakawan, kasakiman, at pagsalakay.’ Samakatuwid ayaw nilang tumugon sa terapi at sa mga programa sa pagpapanibagong-buhay. Halimbawa, sa California nilabanan ng mga bilanggo ang anumang terapi na isinagawa. “Ang katuwiran ng mga bilanggo ay na ang terapi ay isang ilusyon dahilan sa di-sapat na siyentipikong kaalaman tungkol sa rehabilitasyon . . . Anuman ang dahilan ng kanilang paghinto [sa pagiging kriminal], ang pangangatuwiran ay nagpapatuloy, hindi ito bunga ng anumang terapi sa bilangguan.” Sabi nila na “ang layunin ng bilangguan ay pagpaparusa, maikli at masarap. Kaya, nais nilang malaman ng bawat bilanggo kung gaano katagal siyang magsisilbi pagpasok niya sa piitan upang hindi na niya kailangan pang maglaro ng Kafkaesque [nakayayamot] na laro sa pagpapanibagong-buhay.”—Why Courts Don’t Work, ni Hukom R. Neely.
Maaari bang Magbago ang Isang Kriminal?
Gayunman ang ibang kriminal ay handang makipagtulungan sa mga programa ng pagpapabuti. Sa programa nina Dr. Yochelson at Samenow, isang mahigpit na pamamaraan ang ginamit. Sila ay nag-ulat: “Nililiwanag namin na mula sa aming pangmalas walang anuman sa paraan ng pamumuhay ng kriminal ang dapat manatili. Ang pagbibihis ng bagong damit sa ibabaw ng luma at maruming damit ay hindi sapat; ang lumang kasuotan ay dapat ituring na marumi at sira na at dapat itapon at sirain. Dapat alisin ng kriminal ang kaniyang dating mga huwaran at maging responsable sa lahat ng paraan.”
Sa gayunding paraan, si apostol Pablo ay nagpayo sa Bibliya: “Hubarin ninyo ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Colosas 3:9, 10.
Ang bagay na maaaring gumawa ng mga pagbabago ay pinatutunayan ng komento mismo ni Pablo pagkatapos itala ang mga uri ng tao na hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos—mga mapakiapid, mga magnanakaw, mga manghuhuthot, at iba pa. Sabi niya: “At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis . . . sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng Diyos.” (1 Corinto 6:9-11) Ngayon halos tatlong milyong aktibong mga Saksi ni Jehova, ang karamihan ay kinailangang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang paraan ng pag-iisip. Ang iba ay dating namuhay ng buhay kriminal hanggang sila ay nagbago.
Ang isang halimbawa ay yaong dating magnanakaw ng brilyante na ang salaysay ay lumitaw sa labas ng Awake! ng Oktubre 8, 1983. Siya ay isang propesyonal na kriminal sa London, Inglatera. Nang sa wakas ay tanggapin niya ang isang pag-aaral sa Bibliya at magsuot ng “bagong pagkatao,” isinuko niya ang kaniyang sarili sa pulisya at ipinagtapat ang kaniyang mga krimen. Pagkatapos magsilbi ng limang taóng sentensiya sa piitan, lumabas siya upang magpanibagong-buhay. Madali ba ito para sa kaniya? Sagot niya:
“Ang pagbabago sa aking pangmalas sa buhay ay hindi madali. Bukod sa pakikipag-away, ang pinakamahirap na trabahong nagawa ko ay ang paglilinis ng kotse. Ngayon ako ay kailangang pumirme at magtrabaho walong oras isang araw . . . Hinding-hindi ko pinagkaabalahan ang tungkol sa rutina ng aking buhay. Ngayon ang isang maayos na paraan ng pamumuhay ay mahalaga. Lagi kong hinahamak at tinatanggihan ang anumang uri ng disiplina. Ngayon kinakailangang tanggapin ko ang bagay na ang aking paraan ay maaaring hindi laging tama.”—Ihambing ang “Larawan ng Isang Pusakal na Kriminal,” pahina 9.
Subalit siya ay nagbago. Sulit ba ang pagsisikap? “Hindi ako nagkukunwa na ito ay madali,” sagot niya. “Subalit tiyak na sulit naman ito.”
Subalit bakit nanaisin ng sinuman na baguhin ang kaniyang buhay upang iayon sa mga simulain ng Bibliya? Sapagkat may malakas na pangganyak—ang pagkakataon para sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Ipinangako iyan ni Jesus sa mamamatay na kriminal na nasa tabi niya nang sabihin Niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Mangyari pa, ang manggagawa ng masama ay hindi maaaring manatili sa makalupang Paraiso bilang isang kriminal kundi bilang isang nagsisi, nagbagong tao.
Subalit gaano man katagumpay ang programa sa pagpapabuti, ang matandang kasabihan ay totoo pa rin: “Maaari mong akayin ang kabayo sa tubig, subalit hindi mo ito mapipilit na uminom.” Ang karamihan ng propesyonal na mga kriminal ay hindi interesadong magbago. Kung gayon wala na bang kalutasan ang suliranin ng daigdig sa krimen? May kalutasan—mahigpit na kalutasan.
Kung Paano Magwawakas ang Krimen
Ipinakikita ng Bibliya na darating ang panahon na magkakaroon ng paglago ng kapahamakan sa lahi ng tao. Sa gayong kapahamakan, isinama ni Jesus ang “paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Inihula ni apostol Pablo na “sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . masuwayin sa mga magulang, . . . di-tapat, walang katutubong pagmamahal, . . . walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-5.
Yamang ang sangkatauhan ay lagi nang pinahihirapan ng krimen at kasamaan, mula noong napakahalagang petsa ng 1914 na ang mga hula sa Bibliya may kaugnayan sa wakas ng bulok na sistema ng mga bagay ng sanlibutan ay nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan. (Ihambing ang Mateo 24, Lucas 21, Marcos 13, at Apocalipsis 6:1-8.) Samakatuwid, ang panahon ay malapit na upang ang matuwid na Kaharian na pamahalaan ng Diyos ay kumilos laban sa kaniyang mga kaaway sa lupa. Kabilang dito ang mga kriminal na kusang pinipili ang krimen bilang paraan ng pamumuhay, sapagkat “ang di-matuwid na mga tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9.
Kaya kung ang isang tao ay aayaw magbago, ano ang mapagpipilian? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang mga manggagawa mismo ng kasamaan ay mahihiwalay . . . Sapagkat sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na.” Oo, hindi magtatagal ang lupa ay malilinis sa lahat ng kriminal na mga elemento—maging relihiyoso, pulitikal, o sosyal. Ititirang buháy sa lupa ng naglilinis na digmaan ng Diyos na Armagedon yaon lamang “umaasa kay Jehova . . . ang mga magmamana ng lupa. . . . At sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:9-11; Apocalipsis 16:14, 16.
Ito lamang ang tanging paraan, sapagkat sabi ng Bibliya: “Pagpakitaan man ng awa ang masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran. Sa lupain ng katuwiran ay kikilos siya nang walang katarungan.” (Isaias 26:10) Ang “mga bagong langit at isang bagong lupa” ng Diyos na “tinatahanan ng katuwiran” ang tanging uubrang kalutasan sa mga suliranin ng tao sa krimen at kasalanan—at yaon lamang mga pumipili sa katuwiran ang tatahan sa sistemang iyon.—2 Pedro 3:13.
[Blurb sa pahina 10]
“Ang pag-alam sa pinaka-ugat na sanhi ng krimen ay nagpapahiwatig ng isang napakalaking muling pagsasaayos ng lipunan na iilan lamang ang kusang magsasagawa”
[Blurb sa pahina 11]
“Maraming tao sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ang talagang hindi pa hinaharap ang suliranin ng kasamaan”
‘Walang anumang paraan sa pamumuhay ng kriminal ang dapat manatili. Dapat niyang alisin ang kaniyang dating mga huwaran at maging responsable sa lahat ng paraan’