Malulutas Pa Kaya ang Problema sa Krimen?
“Ipinakikita ng mga pag-aaral na karamihan sa mga napalaya matapos mabilanggo dahil sa paggawa ng maraming krimen ang patuloy na mambibiktima sa komunidad, at hindi pa rin matataya kung gaano kalaki ang pinsalang idudulot nila.”—Inside the Criminal Mind, ni Dr. Stanton E. Samenow.
SAAN ka man nakatira sa daigdig, tila laging may umuusbong na bagong uri ng kahindik-hindik na krimen. Kaya makatuwirang itanong: Epektibo ba ang kasalukuyang mga pagsisikap na sugpuin ang krimen—mabibigat na parusa, mahahabang sentensiya, at iba pang katulad nito? Napagbabago ba ng mga bilangguan ang mga kriminal? Higit sa lahat, Nalulutas ba ng lipunan ang pinakasanhi ng krimen?
Ganito ang isinulat ni Dr. Stanton E. Samenow hinggil sa kasalukuyang mga pagsisikap na sugpuin ang krimen: “Pagkatapos mabilanggo, maaaring maging mas tuso at maingat [ang kriminal], pero patuloy pa rin niyang pagsasamantalahan ang iba at gagawa ng krimen. Ang ipinakikita lamang ng estadistika sa recidivism [muling paggawa ng krimen] ay ang bilang ng mga kriminal na hindi nag-ingat at [muling] nahuli.” Sa diwa, kadalasan nang nagsisilbing paaralan ng mga kriminal ang mga bilangguan, anupat di-sinasadyang napahuhusay ang mga kriminal sa kanilang kasanayang sumalot sa lipunan.—Tingnan ang kahong “‘Paaralan ng mga Kriminal’?” sa pahina 7.
Karagdagan pa, maraming kriminal ang hindi naparurusahan. Iniisip tuloy ng mga manlalabag-batas na sulit na gumawa ng krimen. Dahil dito, mas nagiging pangahas sila at determinadong gawin ang gusto nila. Isang matalinong tagapamahala ang minsa’y sumulat: “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama.”—Eclesiastes 8:11.
Napilitan o Piniling Maging Kriminal?
Ang paggawa ba ng krimen ang tanging paraan ng ilang tao para mabuhay? “Inakala kong ang paggawa ng krimen ay isang normal at maaaring makatuwirang reaksiyon [ng mga kriminal] sa matinding kahirapan, kawalang-katatagan, at pagkasira ng loob na nararanasan nila,” ang pag-amin ni Samenow. Pero pagkatapos ng masusing pagsasaliksik, nabago ang kaniyang pananaw. “Pinipili ng mga kriminal na gumawa ng krimen,” ang konklusyon ni Samenow. “Ang krimen ay . . . ‘udyok’ ng paraan ng pag-iisip [ng tao], hindi ng kaniyang kapaligiran.” Dagdag pa ni Samenow: “Ang paggawi ay pangunahin nang nakadepende sa iniisip natin. Iniisip natin ang ating bawat pagkilos bago natin ito gawin, habang ginagawa natin ito, at pagkatapos natin itong gawin.” Kaya sa halip na ituring na biktima ang mga kriminal, tinukoy niya sila bilang “mga nambibiktimang sadyang pinili ang kanilang landasin ng pamumuhay.”a
Ang susing salita ay “pinili.” Sa katunayan, ganito ang sinabi ng kamakailang ulo ng balita sa isang pahayagan sa Britanya: “Ang Paggawa ng Krimen ang Piniling Propesyon ng mga Kabataang Lalaki sa Lunsod na Gustong Umasenso sa Buhay.” May kalayaang magpasiya ang mga tao at makapipili sila ng landas na gusto nilang tahakin, kahit na sila’y nasa mahihirap na kalagayan. Totoo, milyun-milyon ang nakikipagpunyagi araw-araw sa kahirapan at kawalang-katarungan, o maaaring hindi mabuti ang ugnayan sa loob ng kanilang pamilya; pero hindi naman sila nagiging kriminal. “Mga kriminal ang sanhi ng krimen,” ang sabi ni Samenow, “hindi ang masamang kapaligiran, pabayang mga magulang, . . . o kawalan ng trabaho. Ang paggawa ng krimen ay nasa isip ng mga tao, at hindi ito epekto ng mga kalagayan sa lipunan.”
Nagsisimula sa Isipan ang Paggawa ng Krimen
Tinutukoy ng Bibliya ang pagkatao ng isa, at hindi ang kaniyang mga kalagayan, bilang pinakasanhi ng pagkakasala. Sinasabi ng Santiago 1:14, 15: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.” Kapag masasamang bagay ang iniisip ng isa, nililinang niya ang maling mga pagnanasa. Maaari namang umakay ang mga pagnanasang ito sa mapaminsalang mga gawa. Halimbawa, posibleng mauwi sa pagkahumaling sa sekso ang paminsan-minsang pagtangkilik sa pornograpya. Sa kalaunan, maaaring maudyukan ang isa na isagawa ang masidhing pagnanasang ito, marahil ay sa paraang labag sa batas.
Ang isa pang salik na dapat isaalang-alang ay ang makasariling espiritu na laganap sa daigdig, pati na ang pagkahumaling sa pera, kaluguran, at panandaliang kasiyahan. Humula ang Bibliya tungkol sa ating panahon: “Sa mga huling araw . . . , ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, [at] mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Nakalulungkot, itinataguyod ng daigdig ang gayong mga pag-uugali sa pamamagitan ng mga pelikula, video game, babasahin, at masasamang halimbawa. Maaaring maudyukan ng ganitong mga impluwensiya ang ilan na gumawa ng krimen.b Gayunman, hindi naman kailangang magpadala ang isang tao sa gayong mga impluwensiya. Sa katunayan, nagawa pa nga ng ilang dating nagpadala sa gayong mga impluwensiya na lubusang baguhin ang kanilang pangmalas at paraan ng pamumuhay.
Kaya ng Tao na Magbago!
Hindi naman ibig sabihin na kung ang isa ay kriminal, hindi na niya kayang magbago. Kung pinili ng isa na maging kriminal, ayon sa aklat na Inside the Criminal Mind, “puwede [rin niyang] piliing magbago at matutong mamuhay nang tama.”
Ipinakikita ng karanasan na puwedeng magbago ang tao anuman ang kaniyang nakaraan.c Para magawa ito, dapat na iayon ng isa ang kaniyang mga saloobin, motibo, at paraan ng pag-iisip, hindi sa pabagu-bagong mga pamantayang moral ng tao, kundi sa matatag na mga pamantayan ng ating Maylikha. Tutal, mayroon pa bang higit na nakakakilala sa atin maliban sa Diyos? Bukod diyan, hindi ba’t Diyos ang may karapatang magpasiya kung ano ang mabuti at masama para sa tao? Dahil dito, ginamit niya ang mga 40 lalaking may takot sa Diyos upang isulat ang tinatawag natin sa ngayon na Banal na Kasulatan—isang kahanga-hangang aklat na nagsisilbing manwal ng sangkatauhan para sa isang maligaya at makabuluhang buhay.—2 Timoteo 3:16, 17.
Maaaring hindi madaling magbago para mapaluguran ang Diyos, yamang kailangan nating paglabanan ang ating tendensiyang gumawa ng kasalanan. Sa katunayan, inilarawan ng isang manunulat ng Bibliya ang panloob niyang pakikipagpunyagi bilang isang ‘pakikipagdigma’! (Roma 7:21-25) Napagtagumpayan niya ang pakikipagpunyaging ito dahil umasa siya, hindi sa kaniyang sariling lakas, kundi sa Diyos at sa Kaniyang Salita na “buháy at may lakas.”—Hebreo 4:12.
Ang Bisa ng Tamang “Pagkain”
Upang maging malusog sa pisikal, kailangan natin ng masustansiyang pagkain. Dapat din nating nguyaing mabuti at tunawin ang pagkain, na nangangailangan naman ng panahon at lakas. Sa katulad na paraan, kailangan din nating “nguyain,” o bulay-bulayin, ang mga salita ng Diyos upang maikintal ang mga ito sa ating puso’t isipan at sa gayo’y maging malakas tayo sa espirituwal. (Mateo 4:4) Sinasabi ng Bibliya: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito . . . , at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.”—Filipos 4:8, 9.
Pansinin na dapat nating “patuloy na isaalang-alang” ang mga kaisipan ng Diyos kung gusto nating palitan ng bagong personalidad ang ating dating paggawi. Kailangan din ang pagtitiyaga, dahil hindi ganoon kadaling sumulong sa espirituwal.—Colosas 1:9, 10; 3:8-10.
Tingnan ang halimbawa ng isang babae na minolestiya sa murang edad; nalulong sa droga, alkohol, at sigarilyo; at nasentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa paggawa ng ilang krimen. Habang nasa bilangguan, nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at ikinapit ang kaniyang mga natutuhan. Ano ang resulta? Unti-unting napalitan ng tulad-Kristong personalidad ang kaniyang dating pagkatao. Hindi na siya ngayon alipin ng nakapipinsalang kaisipan at mga bisyo. Isa sa mga paborito niyang teksto sa Bibliya ang 2 Corinto 3:17 na nagsasabi: “Ngayon si Jehova ang Espiritu; at kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” Oo, kahit nakabilanggo siya, taglay naman niya ang kalayaang hindi pa niya kailanman nararanasan.
Maawain ang Diyos
Sa mata ng Diyos na Jehova, lahat ay may pag-asang magbago.d Sinabi ng Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo: “Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.” (Lucas 5:32) Totoo, maaaring mahirap baguhin ang ating pamumuhay kasuwato ng mga pamantayan sa Bibliya. Pero makapananagumpay ang sinumang nagtitiyaga at umaasa sa tulong ng Diyos, kasama na rito ang maibiging suporta ng mga Kristiyanong aktibong naglilingkod sa Diyos. (Lucas 11:9-13; Galacia 5:22, 23) Upang tulungan ang mga kriminal na magbago, palagiang dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa mga bilangguan sa buong daigdig para magdaos ng walang-bayad na mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taimtim na lalaki at babae, anumang krimen ang nagawa nila.e Nagsasaayos din ng Kristiyanong mga pagpupulong linggo-linggo ang mga Saksi sa ilang bilangguan.—Hebreo 10:24, 25.
Bagaman maraming kriminal ang nagbago at naging mga tunay na Kristiyano, nagbabala pa rin ang Bibliya tungkol “sa paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, ang nasabing hula ay bahagi ng isang mas malaking hula na may napakagandang balita.
[Mga talababa]
a Maaaring isang salik sa ilang krimen ang sakit sa pag-iisip, lalo na sa mga lugar kung saan pinababayaan ang mga taong may diperensiya sa isip na magpalabuy-laboy at makahawak ng armas. Gayunman, hindi ang komplikadong paksang iyan ang tinatalakay sa artikulong ito.
b Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang isyu ng Gumising! na Pebrero 22, 1998, pahina 3-9, sa ilalim ng pamagat na “Isang Daigdig na Wala Nang Krimen—Kailan?” at Enero 8, 1986, pahina 3-12, “Mawawala Pa Kaya ang Krimen sa Ating mga Lansangan?”
c Ang magasing ito at ang kasama nito, Ang Bantayan, ay madalas na naglalahad ng karanasan ng mga napakilos ng katotohanan sa Bibliya na talikuran ang pagiging kriminal. Tingnan ang mga isyu ng Gumising! na Hulyo 2006, pahina 11-13, at Oktubre 8, 2005, pahina 20-1, pati na rin Ang Bantayan na Enero 1, 2000, pahina 4-5; Oktubre 15, 1998, pahina 27-9; at Pebrero 15, 1997, pahina 21-4.
d Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pinatatawad ba ng Diyos ang Malulubhang Kasalanan?” sa pahina 10.
e Tingnan ang kahong “Pagtulong sa mga Bilanggo na Makilala ang Diyos,” sa pahina 9.
[Blurb sa pahina 5]
Bagaman milyun-milyon ang nagtitiis ng kahirapan, hindi naman sila nagiging kriminal
[Kahon/Larawan sa pahina 6, 7]
“BALIK-BILANGGUAN SA LOOB LAMANG NG DALAWANG TAON”
Iyan ang isa sa mga ulo ng balita sa pahayagang The Times ng London, Inglatera. Ayon sa ulat na ito, sa Britanya, mahigit 70 porsiyento ng mga dati nang nabilanggo dahil sa panloloob at pagnanakaw ang muling nabilanggo sa loob lamang ng dalawang taon. Karamihan sa mga kriminal na ito ay mga sugapa sa droga na desperadong magkapera upang matustusan ang kanilang magastos at nakapipinsalang bisyo.
[Kahon sa pahina 7]
“PAARALAN NG MGA KRIMINAL”?
“Nagsisilbing paaralan ng mga kriminal ang mga bilangguan ngayon,” ang isinulat ni Propesor John Braithwaite sa UCLA Law Review. Sa kaniyang aklat na Inside the Criminal Mind, sinabi ni Dr. Stanton E. Samenow na “natututo ang karamihan sa mga kriminal mula sa karanasan,” ngunit hindi ang mga bagay na nais ng komunidad na matutuhan nila. “Sa bilangguan,” isinulat niya, “maraming panahon at pagkakataon ang isa para matutong maging isang mas mahusay na kriminal. . . . Sa katunayan, nagiging mas magaling ang ilang kriminal, anupat hindi na sila nahuhuli kahit napakarami na nilang krimeng nagagawa.”
Sa isang kabanata ng kaniyang aklat, sinabi ni Samenow: “Hindi nababago ng pagkabilanggo ang pagkatao ng isang kriminal. Siya man ay nasa lansangan o nasa bilangguan, patuloy pa rin siyang nagpaparami ng mga koneksiyon, natututo ng bagong mga pamamaraan, at ibinabahagi pa nga niya sa iba ang kaniyang sariling pamamaraan.” Isang 30-taóng-gulang na kriminal ang nagsabi: “Dahil sa bilangguan, naging propesor ako ng mga kriminal.”