Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 1/8 p. 25-27
  • Ikaw Man, ay Maaaring Matuto ng Kaligrapiya!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ikaw Man, ay Maaaring Matuto ng Kaligrapiya!
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Modernong Kaligrapiya
  • Anong mga Materyales ang Kailangan Mo?
  • Pagkatuto ng Pamamaraan
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Lumakad Bilang Magkakasamang Manggagawa sa Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Papel—Ang Maraming-Gamit na Produktong Iyon!
    Gumising!—1986
  • Kural
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 1/8 p. 25-27

Ikaw Man, ay Maaaring Matuto ng Kaligrapiya!

SA Asia, ang kaligrapiya ay itinuturing na pangunahing anyo ng sining. Sa Kanluraning kultura ito’y isang sining para sa lahat. Subalit ano ba ang kaligrapiya? Hinango mula sa mga salitang Griego para sa “maganda” (kalosʹ) at “pagsulat” (gra·pheʹ), ang kaligrapiya ay ang sining ng magandang sulat-kamay.

Noong una, yaong mga bihasa sa kaligrapiya ay may pormal na ranggo at pinahihintulutan pa nga na magpanukala ng mga batas. Ang pagpatay ng isang eskriba ay nagdadala ng katulad na parusa sa pagpatay ng hari o isang obispo. Iyan nga ay isang mataas na katayuan sa lipunan!

Gayunman, sa elektronikong panahon na ito ng typesetting, word processing, at mga makinilya, anong halaga mayroon ang kaligrapiya?

Modernong Kaligrapiya

Ang isang liham na sulat-kamay ay may personal na katangian na hindi maibibigay ng anumang makina. Subalit ano ang halaga ng sulat-kamay na hindi mabasa o mahirap mabasa?

Iyan ang dahilan kung bakit, samantalang napakabata pa, ang karamihan sa atin ay tinuruan ng ating unang istilo ng kaligrapiya ng hiwa-hiwalay na mga letra o titik. Batay sa malalaking titik na Romano, ang kasimplihan nito ay tamang-tama sa koordinasyon ng bisig, kamay, at mata ng bata. Ang unang natutuhang istilong ito ay hindi mahirap, at madaling basahin. Pagkaraan ng isa o dalawang taon, tayo ay tinuruan ng sulat-kamay ng dikit-dikit na letra.

Mula roon nagkaroon tayo ng ating sariling istilo ng sulat-kamay. Bagaman tayo, marahil, ay tinuruang mabuti, ilan sa atin ang nag-aakala na ang ating sulat-kamay ay papasa bilang kaligrapiya, o magandang sulat-kamay? Ang ating modernong apurahang istilo ng pamumuhay ay maaaring hindi nagbibigay sa atin ng panahon o ng pagkakataon na gumawa ng sulat-kamay na maituturing natin na gawa ng sining.

Gayunman, gaya ng sa anumang ibang gawain, taglay ang kaunting kaalaman, panahon, at praktis ay makagagawa tayo ng sulat-kamay na maganda at magdudulot sa atin ng higit na kasiyahan. Marahil mas mahalaga, ito ay nagdadala ng kasiyahan sa bumabasa.

Anong mga Materyales ang Kailangan Mo?

Ang isang bentaha ng kaligrapiya bilang isang libangan ay hindi ito magastos. Karaniwan na, kailangan mo ng isang pen, lapis, pambura, tinta, papel, at ruler. Mangyari pa, maaari ring bilhin ang mamahaling mga pen, subalit ang kaligrapiya ay hindi naman kinakailangang maging magastos.

Ang Pen: Ang pen sa kaligrapiya ay pantanging idinisenyo na may malapad na dulo na, depende sa anggulo ng pagkakahawak dito, ay maaaring gumawa ng mataba o mapayat na linya. Mayroon ng lahat ng laki at istilo ang mga pen. Maaari kang bumili ng mga dulo ng pen o penpoint na kasiya sa iyong tatangnan ng pen at na may imbakan ng tinta at kinukontrol ang daloy. Gayunman, ang mga pen na ito ay kailangang isawsaw sa tinta. Ang mga pontimpén ay naglalaman ng tinta sa loob ng pen sa pamamagitan ng isang gomang sisidlan. Ang mga cartridge pen ay gumagamit ng naitatapong mga ink cartridge.

Ang Tinta: Ang itim, waterproof na tinta ang pinakamabuti, bagaman may mga tinta na iba-iba ang kulay. Dahilan sa ito ay namumuo, hindi dapat gamitin ang waterproof na tinta sa mga pontimpén. Kaya kapag gumagamit ng washable na tinta, kailangang lagyan ng isang fixative upang ingatan na huwag mabasa ang natapos na gawain.

Ang Papel: Ang susi rito ay magkaroon ng makinis na papel na mahusay ang klase. Isa pa, tiyakin na gamitin ang tamang panig ng papel​—ang mas makinis na panig. Ang papel ay dapat na sapat ang nipis upang ang mga linya ay makita kapag ang isang papel na may guhit ay inilagay sa ilalim nito. Ang papel na ginagamit sa diploma ay nakadaragdag ng kagandahan.

Ang Pambura: Ginagamit ito upang alisin ang mga linya ng lapis na iginuhit para maging pantay. Lilinisin ng malambot na pambura, gaya ng art gum na pambura, ang papel nang hindi sinisira ang isinulat sa papel.

Pagkatuto ng Pamamaraan

Panahon na upang magsimula! Subalit tiyakin muna na ikaw ay komportableng nakaupo sa isang matatag na gawaan na may mabuting liwanag. Kunin ang pen. Napansin mo ba na lapad ang dulo nito? Ngayon ipihit mo ang pen upang ang lapad na bahagi ng dulo nito ay 45-digri ang anggulo sa giyang guhit. Hawakan nang matatag ang pen, subalit kasabay nito ay panatilihin relaks ang iyong kamay. Gumuhit ng isang patayong istrok pababa.

Susunod, hawak pa rin ang pen sa 45 digris, gumuhit ng isang pahilis na istrok pababa. Napansin mo ba ang kaibahan sa taba ng mga guhit? Sa pamamagitan ng paghawak sa pen sa anggulong ito, ang anumang istrok sa manipis at makapal na guhit ay matatamo na gumagawang maganda sa kaligrapiya.

Pagkatapos maging bihasa sa paghawak ng pen sa 45 digris, ang susunod ay ang paggawa ng indibiduwal na mga letra ayon sa wastong taas. Ang tuntunin ay: Ang taas ng bawat maliit na titik ay dapat limang ulit sa lapad ng dulo ng pen; ang malalaking titik ay pito at kalahati ng lapad ng pen.

Upang simulan ang pagguhit ng mga titik, ilagay ang isang pilyego ng papel na may guhit sa ilalim ng iyong sulatang papel. Makikita mo ngayon ang mga linya sa papel. Magpapangyari ito sa iyo na gumuhit sa tuwid na linya. Una, sundin ang halimbawang ibinigay rito, maingat na praktisin ang abakada, pansinin ang direksiyon ng bawat istrok. Saka pagsamahin ang mga titik upang bumuo ng mga salita.

Minsang maging bihasa ka, masusumpungan mo ang walang katapusang gamit ng kaligrapiya: sa mga imbitasyon sa kasal, mga patalastas, mga notisya sa publiko, mga kard na pambati, mga tatak, at mga tula. Kahit na ang iyong pangalan ay maaaring magkaroon ng karagdagang kagandahan kapag isinulat sa kaligrapiya.

Habang pinapraktis mo ang iyong bagong tuklas na sining, mapapahalagahan mo na ang magandang sulat-kamay ng kaligrapiya ay para nga sa lahat.

[Kahon sa pahina 26]

Sinaunang Tagakopya

Ang mga eskribang Ehipsiyo ay matalino, may pinag-aralan, subalit itinuturing na mababang uri.

Ang mga eskribang taga-Babilonya ay mga propesyonal. Sila ay kailangang-kailangan sa buhay, yamang hinihiling ng batas na ang lahat ng mga transaksiyon sa negosyo ay isulat. Karagdagan sa legal na mga dokumento, ang mga eskriba ay may pananagutan din sa mga rekord sa templo.

Ang mga eskribang Hebreo ay mga notaryo publiko, nag-uulat ng iba’t ibang mga transaksiyon, pati na ang mga dokumento sa diborsiyo. Ang kanilang presyo ay maaaring tawaran.

Ang mga tagakopya ng Bibliya ay lubhang maingat sa kanilang gawain. Binibilang nila hindi lamang ang mga salita kundi ang mga titik. Ang pagsulat ng isang salita mula sa memorya ay itinuturing na isang malaking kasalanan.

Ang sulat-kamay ng mga tagakopya ay nauuwi sa dalawang kategorya:

(1) Nagagamit​—praktikal, nababasa, bagaman hindi kinakailangang maganda.

(2) Pandekorasyon​—maayos na mga titik, kung minsan’y ginayakan ng may dekorasyong nakaumbok na ginto, at kung minsan ay nilalagyan ng mahalagang mga hiyas.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share