Papel—Ang Maraming-Gamit na Produktong Iyon!
GUNIGUNIHIN ang isang bagay na napakaraming gamit na maaari mong inuman, balutin dito ang mga bagay, singahan, sulatan, isuot, gawing muwebles, at pagkanan pa nga! Imposible? Bueno, ang gayong produkto ay umiiral na sa loob ng mahabang panahon.
Ang produktong ito na maraming-gamit ay ang papel. Marahil ang karaniwang papel ay walang gaanong halina na gaya ng mga aparato sa computer. Gayumpaman, ang papel ay may malaking epekto sa iyong buhay. Bago nagkaroon ng papel, ang pagsulat ay isang mahirap na paraan ng pagsisinsel ng mga titik sa bato at pag-uukit ng mga salita sa mga tabletang luwad. Samakatuwid ang kaalaman ay nakareserba sa iilan. Ang papel ay nakatulong upang baguhin ang lahat ng iyan.
Nagsimula itong lahat nang matuklasan ng mga Ehipsiyo ang matalinong paraan sa paggamit ng isang tambo sa tubig na tinatawag na papiro. Hihiwain nila ang tangkay sa maninipis na mga piraso at ihahanay ito na bahagyang nagkakalapat. Isa pang salansan ng mga piraso ang ilalagay sa tamang anggulo sa nauna at ididikit. Saka ito pipitpitin at patutuyuin sa araw. Bilang pantapos na paraan, ito ay pakikintabin upang magkaroon ng makinis na ibabaw para masulatan.
Sa wari, ang papiro ay ginamit noon pa mang mga kaarawan ng patriarka sa Bibliya na si Abraham. At bagaman ang paggawa nito noon ay hindi madali, nakahihigit pa rin ito kaysa sa pagsisinsel sa bato. Kaya’t ito’y naging isang mahalagang paraan ng pakikipagtalastasan noong sinaunang panahon. Sa katunayan, ang maagang mga kopya ng Bibliya ay ginawa sa papiro. Totoo, ang ibang mga sulatan, gaya ng vellum, karaniwan nang mula sa balat ng baka, ay ginamit din. Subalit ang papiro ang naging pamantayan. Galing dito ang salitang Ingles na “paper.”
Mula sa mga Basahan Tungo sa Katawan ng Punungkahoy
Papel mula sa lumang mga basahan? Waring iyan ay kakatuwa, subalit iyan ang susunod na hakbang tungo sa papel. Alam mo, ang lumang mga basahan ay naglalaman ng seluloso (cellulose)—ang pangunahing sangkap ng papel. At pinag-isipan ng mga Intsik, noong mga 105 C.E., kung paano gagawin ang papel mula sa masa ng halu-halong lumang basahan, balat ng kahoy, abaka, at pati mga lambat sa pangingisda!
Ang sining ng Intsik sa paggawa ng papel ay nangailangan ng panahon upang lumaganap sa ibang bansa, subalit noong ika-12 siglo ito ay nakarating sa Europa. Kaya nang simulan ni Gutenberg na ilimbag ang kaniyang bantog na Bibliya noong ika-15 siglo, ang papel ay nasa tanawin na, isang kusang lingkod na handa para sa gawain. Kaya ang papel ay nagpasigla sa mabilis na paglaganap ng kaalaman sa panahon ng Renaissance. Subalit ang kapuna-punang mga tuklas sa paggawa ng papel ay darating pa.
Habang dumarami ang pangangailangan sa papel, naubusan ng mga panustos na basahan. Inisip ng mga tao ang paggamit sa mga katawan ng punungkahoy bilang pangunahing sangkap. Ang problema, gayunman, ay ang pagkasumpong ng madaling paraan upang paliitin ang kahoy upang maging masa. Noong ika-19 na siglo, isang kemikal na pamamaraan ang natuklasan na makagagawa sa gawaing iyan. Ang mga imbentor ay nakagawa ng isang makina na maaaring gumawa ng papel sa patuloy na mga rolyo. Ang tanawin ay naitayo para sa modernong pagbabago ng papel—maramihang paggawa!
Paggawa ng Papel Ngayon
Bagaman pinagbuti ng makabagong teknolohiya, ang paggawa ng papel ay hindi gaanong nagbago. Ito’y nagsisimula sa likas na mga kagubatan o sa mga taniman ng mga punungkahoy na natatangi para sa paggawa ng papel. (Isang gumagawa ng papel sa Timog Aprika ang nagtatanim ng mahigit 12 milyong mga batang punungkahoy sa isang taon.) Ang mga puno ay pinuputol at ginigiling at saka niluluto upang maging masa. Ang masang ito ay pinabubuti at pinapuputi at ipinadadala sa makina na gumagawa ng papel na tinatawag na fourdrinier.
Paano ito tumatakbo? Una ang masa ay pumapasok sa forming section ng makina, sa pamamagitan ng isang kumikilos na kurea ng pinong iskrin. Ang mga hibla ng kahoy ay parang humahanay mismo sa direksiyon ng takbo ng makina, na siyang dahilan ng haspe o gisok ng papel. Isa pa, ang kurea ay inaalog papaling upang magsala-salabid ang mga hibla. Pinatitibay nito ang papel. Ang tubig ay sinasala sa mesh belt na ito sa pamamagitan ng grabidad at sa tulong ng basiyong mga kahon sa ibaba.
Ngayon ang masa ay papasok sa press section ng makina. Sa puntong ito ang masa ay 80-85 porsiyentong tubig sa timbang, at isang sunud-sunod na mga pamipís (roller), pati na ang panipsip, ay nag-aalis ng higit pang tubig at pinipikpik ang habi na papel. Tuluy-tuloy sa drying section. Dito ang hibla ng papel ay nagdaraan sa mga silindro na ininit ng singaw, na nag-aalis pa ng higit na tubig sa pamamagitan ng ebaporasyon o pagpapasingaw. Tapos na? Hindi pa. Para sa ilang papel ang tuyong habi ng papel ay nagdaraan sa isa pang set ng mga pamipís na nag-aalis ng anumang di pagkakapantay at ginagawang mas makinis ang ibabaw ng papel. Ang tapos na produkto ay handa na ngayong irolyo sa ikiran at tabasin sa ninanais na laki.
Gayunman, maaaring magtaka ka kung paano ginagawa ang process-control checks sa gayong kabilis na pagpapatakbo. Bueno, ang modernong teknolohiya ay nakagawa ng isang sistema na ginagamitan ng computer ang mga sistemang process-control. May mga aparatong patuloy na sumusuring mabuti sa tumatakbong mga hibla ng papel. Maaaring gamitin ang beta rays upang tiyakin ang timbang, at ang papel ay maaaring magdaan sa isang magnetic field upang suriin ang kapal nito. Ang infrared reflection ay maaaring gamitin upang sukatin ang nilalamang halumigmig (moisture). At, oo, ang mga computer ay ginagamit upang suriing mainam ang papel habang ito’y nagdaraan sa iba’t ibang yugto ng paggawa.
Paggawa sa Papel na Maraming-Gamit
Gayunman, papaanong ang papel ay lubhang maraming-gamit? Samantalang ang karamihan ng mga papel ay yari sa masa ng kahoy, ginagamit din ang ibang mga materyales, gaya ng damong esparto, bagaso (labi ng tubó), at kawayan. Ginagamit din ang kayong lino, bulak, at abaka, lalo na sa mataas ang uring sulatang papel at mga pantanging papel, gaya ng papel na ginagamit sa Bibliya. Anong mga resulta kapag ang iba’t ibang mga hiblang ito ay ginamit sa iba’t ibang kombinasyon? Mga papel na may iba’t ibang katangian.
Isaalang-alang ang papel na greaseproof at blotting paper. Bagama’t magkasalungat, ang mga ito ay mula sa iisang hibla! Papaano nagkagayon? Magkaibang mga pamamaraan sa paglinang at paggawa ang ginamit. Sa katunayan, ang basta paggamit ng iba’t ibang mga aditibo ay maaaring magbigay ng iba’t ibang katangian sa papel. Ang porselana ay nagpapakinis sa papel sa pamamagitan ng pagpunô sa mga puwang sa pagitan ng mga hibla. Ang mga pampaputi at tina ay nagpapahusay sa kulay. Pinahuhusay ng titanium dioxide ang kapal ng papel, upang ang naimprenta sa isang panig ng papel ay hindi tumagos sa kabila. Ang mga resinang formaldehyde ay tumutulong sa papel na manatiling matibay kapag basâ—isang mahalagang katangian ng mga supot ng tsa! Aba, kahit na ang tunaw na parapina ay maaaring isang mahalagang sangkap. Ipinapahid ito sa waxed paper.
Ang posibleng mga gamit ng papel ay waring walang katapusan. Ang mga karton na binalutan ng plastik ay ginagamit sa mga aparador ng mga aklat at mga silya. Ang sintetikong mga hibla, gaya ng nylon at orlon, ay ginamit din o inihalo sa masa ng kahoy upang gumawa ng mga papel na animo’y tela para sa pananamit at insulasyon ng koryente.
Pagtugon sa Lumalaking Pangangailangan
Sinasabing ang pag-unlad ng isang modernong lipunan ay maaaring sukatin sa nakukunsumo nitong papel. Kapuna-puna, noong 1982 ang kabuuang produksiyon ng papel at karton ay 67 milyong tonelada sa Estados Unidos lamang. Ang kagila-gilalas na pangangailangang ito ay lumilikha ng bagong mga hamon para sa mga tagagawa.
Sa isang bagay, ang mga pagawaan ng papel ay kumukunsumo ng napakaraming tubig—250 tonelada sa bawat tonelada ng masang kahoy! Gaya ng binabanggit ng 1983 Yearbook of Science and the Future ng Britannica, ‘Ang isang malaking pagawaan ng papel ay gumagamit ng kasindami ng tubig na ginagamit sa araw-araw ng isang lunsod na may 50,000 mamamayan’! Kaya nariyan din ang problema sa kung ano ang gagawin sa naaksayang papel (wastepaper).
May katalinuhang tinugunan ng mga tagagawa ang mga problemang ito. Ginagamot ng malaking planta sa Timog Aprika ang sariling alkantarilya o imburnal nito at ginagamit ang naayos na tubig upang hugasan ang mga troso. Malaki ang natitipid nito sa ginagamit na tubig. Ang isa pang popular na estratehiya ay ang iresiklo at muling imasa ang aksayadong papel. Sa Estados Unidos mahigit 25 porsiyento ng mahiblang materyales na ginagamit sa paggawa ng papel ay kinukuha mula sa aksayadong papel.
Kung ang mga tagagawa ay makasasabay sa mga pangangailangan ng isang maaksayang populasyon at sa mga katunayan ng isang nasasaid na planeta, panahon lamang ang makapagsasabi. Tiyak, ang pangangailangan sa papel ay magpapatuloy na maging malaki. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay gumagamit ng napakarami nito sa pag-iimprenta ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya. At hindi sila nagbabalak na huminto sa dakilang gawaing iyan. (Mateo 24:14) Ang mga tagapagturo, mga industrialista, mga siyentipiko, mga negosyante, at mga maybahay ay patuloy ring gagamit ng papel.
Kaya sa susunod na panahon na ikaw ay kumuha ng isang aklat, sumulat ng isang liham, o kumain mula sa isang pinggang papel, sumandaling bulaybulayin ang kahalagahan, kapakinabangan, at pagiging kailangang-kailangan ng payak, gayunma’y maraming-gamit na produktong ito—ang papel!
[Larawan sa pahina 23]
Si Johannes Gutenberg at ang kaniyang palimbagan. Kung walang papel hindi niya maaaring iimprenta ang Bibliya
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang basang dulo ng isang malaki at napakabilis na fourdrinier
[Larawan sa pahina 25]
Ang fourdrinier, na ang panimulang (basa) dulo na nasa kaliwa