Ang Imposibleng Ideya na Opisinang Walang Papel
Ang huling burador ng artikulong ito ay inimprenta bilang 11 pahina ng mababasang kopya—alalaong baga’y sa ordinaryong pilyego ng papel.a Sa panahon ng paghahanda, ang materyal ay muling inimprenta nang mga 20 beses. Sa wakas, ipinadala ito sa mga 80 pangkat ng mga tagapagsalin sa buong daigdig, na pagkatapos nito ay nag-imprenta naman ang bawat pangkat ng mga anim na burador ng salin. Sa kabuuan, kung gayon, ang artikulong ito ay umubos ng mahigit sa 5,000 pilyego ng papel bago pa man ito makarating sa mga palimbagan!
KAPANSIN-PANSING sinasalungat ng katotohanang ito ang mga hula ng ilan sa pagsisimula ng panahon ng computer—samakatuwid nga, na “ang opisinang walang papel” ay napipinto na. Sa kaniyang aklat na The Third Wave, umabot pa nga sa punto na ang futurist na si Alvin Toffler ay nagpahayag na ‘ang paggawa ng mga kopyang papel para sa anumang bagay ay isang makalumang paggamit ng mga electronic word processor at nagpapawalang-bisa sa pinakalayunin nito.’ Kapansin-pansin, nang ipakilala ng International Business Machines Corporation ang kanilang orihinal na personal na computer noong 1981, ipinasiya nilang huwag maglaan ng printer. Sinasabi ng ilan na inakala ng kompanya na gugustuhin ng mga gumagamit ng computer na basahin lamang ang impormasyon sa monitor ng computer. Sa paanuman, nakini-kinita ng ilan ang “isang paraisong walang papel”—na ang mga papel ay mauuwi na lamang sa mga museo o maalikabok na mga artsibo.
Ang Pag-asam na Hindi na Gagamit ng Papel at ang Katotohanan
Subalit ang totoo, ang mismong kagamitan na dapat sana’y magpapangyari ng opisinang walang papel ay lalo lamang nagbaon sa atin sa mga bunton ng papel. Sa katunayan, tinataya ng ilan na ang kabuuang paggamit ng papel ay dumami sa nakaraang mga taon. Ganito ang sabi ni Scott McCready, isang tagasuri sa International Data Corporation: “Nang gawin nating awtomatiko ang operasyon sa ating mga opisina, pinalawak natin ang ating kakayahan na gumawa ng mga nilimbag na pahina sa patuloy na pagbilis nang mahigit sa 25 porsiyento bawat taon.” Lubhang pinarami ng mga personal na computer, printer, fax machine, E-mail, copier, at ng Internet ang impormasyon na binabasa—at iniimprenta—ng maraming tao sa araw-araw. Sa buong daigdig noong 1998, ayon sa CAP Ventures, Inc., may 218 milyong printer, 69 na milyong fax machine, 22 milyong multifunction machine (pinagsamang printer, scanner, at copier), 16 na milyong scanner, at 12 milyong copier.
Sa kaniyang aklat na Powershift, noong 1990, tinaya ni Toffler na sa isang taon, ang Estados Unidos ay nakagawa ng 1.3 trilyong dokumento—sapat upang balutan ang Grand Canyon nang 107 ulit! Ayon sa mga ulat, lumalaki pa ang mga bilang. Ayon naman sa isang reperensiya, pagsapit ng 1995 ay gumagawa na ang Estados Unidos ng halos 600 milyong dokumento sa isang araw—sapat upang punuin ang isang salansanang kabinet na 270 kilometro ang haba. Habang papalapít na ang taóng 2000, walang ebidensiya na magbabago ang kalakarang ito; ang karamihan ng impormasyon ay inilalagay pa rin sa papel.
Kung Bakit Namamalagi ang Papel
Ano ba ang mali sa mga prediksiyon na papalitan na ng electronics ang papel? Nangahas sumagot ang kompanya na International Paper, anupat nagsabi: “Hindi gusto ng mga tao na ang impormasyon ay basta nasa dulo lamang ng kanilang mga daliri. Gusto nilang ito’y nasa kanila mismong mga kamay. Gusto nilang mahawakan, maitupi at malagyan ng marka; mai-fax, makopya at mabuklat; masulatan ang mga gilid o buong-pagmamalaking maisabit sa pinto ng repridyeretor. At higit sa lahat, gusto nilang mag-imprenta—nang madalian, walang depekto at may matingkad na kulay.”
Kailangang aminin na ang papel ay may tiyak na mga kapakinabangan. Ito’y madaling bitbitin, mura ang halaga, tumatagal, madaling isalansan, at maaaring iresiklo. Napakadali rin nitong subaybayan—makikita mo kung nasa anong pahina ka na at kung ilan pang pahina ang natitira sa iyo. “Gustung-gusto ng mga tao ang papel. Gusto nilang haplusin ito,” sabi ni Dan Cox, kinatawan ng isang kompanya na nagbebenta ng mga suplay sa opisina. “Nakakita kami ng mga taong nagsisikap na magkaroon ng opisinang walang papel,” sabi ni Jerry Mallory, tagasuri ng mga rekord sa Arizona Department of Libraries, Archives and Public Records. “Ngunit may isang bagay na pare-pareho ang lahat ng libu-libong computer na nakikita natin: Ang mga ito sa paanuman ay pawang nakakabit sa isang printer.”
Gayundin naman, mahirap talikuran ang matatagal nang kinaugalian. Ang mga tao sa negosyo ngayon ay lumaki na natutong magbasa sa inilimbag na pahina. Maaaring mag-imprenta ng isang dokumento o isang E-mail sa pamamagitan ng isa lamang klik sa mouse at pagkatapos ay mababasa ng humahawak nito sa panahong maalwan, saanman siya naroroon sa sandaling iyon. Ang inilimbag na materyal ay maaaring dalhin sa maraming lugar na kung saan ang karamihan sa mga computer ay hindi magagamit nang maalwan—saanman mula sa higaan hanggang sa bathtub hanggang sa nakalatag na sapin sa dalampasigan!
Isa pang salik: Pinapangyari ng mga computer na madaling makagawa ang mga tao ng uri ng mga dokumentong kamakailan ay nagagawa lamang ng mga propesyonal na manlilimbag. Anuman mula sa makukulay na kopya, mga burador, at mga ulat hanggang sa may-larawang mga presentasyon, tsart, graph, tarheta, at mga postkard ay magagawa nang walang gaanong hirap. Ang gayong mga potensiyal ay nagpapasigla ng pag-eeksperimento. Kaya matapos mag-imprenta ng dokumento ang gumagamit ng computer, baka siya’y matukso na baguhin ang hitsura ng letra at disenyo at muling mag-imprenta nito. Maaari itong masundan pa ng karagdagang mga pagbabago at, hulaan mo, mas marami pang inimprentang kopya!
Nakaragdag din ang Internet sa situwasyong ito sa pamamagitan ng pagpapangyari na magamit ng mga tao ang halos walang takdang dami ng impormasyon.b Di-maiiwasan, umuubos ito ng maraming papel, at kadalasa’y nag-iimprenta ang mga gumagamit ng Internet ng mababasang kopya ng kanilang mga sinaliksik.
Hindi rin dapat kaligtaan na ang kasalukuyang pagbaha ng mga programa at kagamitan sa computer ay nangangailangan ng parami nang paraming aklat kung paano gagamitin ang mga ito. Ang malaganap na paggamit ng computer ay lumikha ng napakalaking bunton ng gayong mga manwal at magasin tungkol sa computer.
Dapat ding aminin na ang pagbabasa mula sa iskrin ng computer—lalo na sa mga lumang monitor—ay may mga disbentaha. Inirereklamo pa rin ng ilang gumagamit ang pagkapagod ng mga mata. Sa paano man, tinataya na ang pagiging malinaw ng mga lumang video display unit ay kailangang pasulungin ng sampung ulit upang ang mga ito ay magkaroon ng napakahusay na kalidad.
Karagdagan pa, para sa ilan, ang isang piraso ng papel ay maaaring mas kailangan at mas mahalaga—makapupong higit ang pagiging tuwiran at epekto—kaysa sa isang bagay na nakikita mo sa iskrin. Waring pinatutunayan ng isang nilimbag na dokumento ang gawa at pagsisikap ng isa, anupat inilalagay ito sa anyong mahahawakan. Ang isang nahahawakang dokumento na iniabot sa superbisor o kliyente ng isa ay maaari pa ngang bigyan ng higit na pansin at makakuha ng higit na reaksiyon kaysa sa isang elektronikong mensahe.
Sa kahuli-hulihan, maraming tao ang nangangamba na baka mawala ang kanilang impormasyon. At kadalasa’y may katuwiran naman ang gayong pangamba. Sa kabila ng lahat ng masalimuot na sistema ngayon sa paggawa ng back-up, ang mahahalagang salita na ginugulan ng mga oras ng pagpapagal ay apektado pa rin ng biglang pagbabago sa daloy ng kuryente, pagkasira ng disk, o pagkakamali sa pagtipa. Kaya itinuturing ng karamihan ng tao na mas sigurado kung papel ang gagamitin. Kapansin-pansin, sinasabi ng ilang eksperto na ang mga elektronikong rekord ay mababasa lamang sa loob ng napakaikling panahon kung ihahambing sa walang-asidong papel na tumatagal nang 200 hanggang 300 taon. Totoo, dahan-dahan naman ang pagkasira ng elektronikong impormasyon. Ngunit mabilis na sumusulong ang teknolohiya. At yamang itinatapon na ang lipas nang mga aparato at programa, baka maging lalong mahirap na basahin ang mas lumang mga rekord sa computer.
Hindi pa natin alam kung magkakatotoo nga o hindi ang pangarap na opisinang walang papel. Samantala, kung hihiram ng isang parirala mula kay Mark Twain, maliwanag na ang mga ulat tungkol sa pagpanaw ng papel ay maaaring lubhang pinalabis lamang.
Uubusin ba Natin ang Lahat ng Punungkahoy?
Ilang pilyego ng papel ang maaaring gawin mula sa isang punungkahoy? Bagaman iba’t ibang salik ang nasasangkot—gaya ng sukat at uri ng punungkahoy at ang uri at timbang ng papel—tinataya na sa isang naipagbibiling katawan ng punungkahoy ay makagagawa ng 12,000 pilyego ng karaniwang papel na ginagamit sa pagsulat at paglilimbag. Magkagayunman, ang napakaraming papel na ginagamit sa kasalukuyan ay lumilikha pa rin ng nakatatakot na tanawin ng tigang at kalbong kagubatan. Talaga bang patungo na tayo sa isang krisis sa ekolohiya?
Ang mga gumagawa ng papel ay nagbabala laban sa pagkataranta hinggil sa bagay na ito. Agad nilang sinasabi na ang maraming papel—umaabot sa 50 porsiyento sa ilang lupain—ay yari sa maliliit na piraso ng kahoy, anupat mga basura ng industriya ng kahoy na gagawin na lamang sanang panambak. Hindi lamang iyan, habang nabubulok ang mga piraso ng kahoy, ang mga ito ay naglalabas ng methane, isang greenhouse gas na iniuugnay sa pag-init ng globo. Kaya naman sa paggawa ng papel ay nagiging kapaki-pakinabang ang mga pirasong ito ng kahoy. Subalit tumutugon ang mga grupo ng mga palaisip sa kapaligiran at mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibintang na ang industriya ng papel ay sanhi ng polusyon at maling paggamit sa kagubatan. Ikinatuwiran nila na ang mga panggatong na ginagamit sa paggawa ng papel ay naglalabas ng mga gas na nagpapainit sa globo! Sinasabi rin nila na habang nabubulok sa mga tambakan ang mga ibinasurang papel, lalong dumarami ang nalilikhang mga greenhouse gas.
Gayunpaman, ang isang pag-aaral na isinagawa ng World Business Council for Sustainable Development ay humantong sa konklusyon na posibleng makagawa ng kinakailangang dami ng papel nang hindi inuubos ang likas na yaman ng lupa. Una, ang mga punungkahoy ay napapalitan, at ang papel ay nareresiklo. Magkagayunman, idiniin ng pag-aaral na “kailangang gumawa pa ng mga pagbabago sa mga pamamaraan sa industriya sa bawat yugto sa siklo ng papel—pangangasiwa sa kagubatan, produksiyon ng kahoy at papel, paggamit ng papel, pagreresiklo, pagbawi ng enerhiya, at ang huling pagtatapon nito.” Sa pagsisikap na makagawa ng materyales na hindi makapipinsala sa kapaligiran at hindi maaksaya, tinitingnan din ng industriya ng papel ang mga panghalili na gaya ng dayami ng trigo, mga punungkahoy na mabilis lumaki, mais, at abaka. Kung gaano kalawak magagamit ang gayong mga paraan—at mapatutunayang mabisa—ay hindi pa alam.
[Mga talababa]
a Kasali ang mga reperensiya at mga tagubilin tungkol sa mga guhit at larawan.
b Tingnan ang seryeng “Ang Internet—Ito ba’y Para sa Iyo?” sa Hulyo 22, 1997 na labas ng Gumising!
[Kahon sa pahina 27]
Kung Paano Mababawasan ang Basurang Papel sa Opisina
✔ Mag-imprenta nang kaunti lamang hangga’t maaari. Gawin sa iskrin ang pagrerepaso at pagbabago ng mga dokumento. Bawasan ang dami ng mababasang kopya at mga burador na ginagawa mo.
✔ Sa mas mahahabang dokumento, gumamit ng mas maliliit na letra na mababasa pa rin.
✔ Kung ang iyong printer ay gumagamit ng pahina para sa pagsubok o pamagat kapag ito ay binubuksan o nag-iimprenta ng isang dokumento, alisin ang bahaging ito.
✔ Iresiklo ang mga basurang papel.
✔ Bago iresiklo ang papel na may imprenta sa isang panig lamang, itabi ito upang magamit sa kalaunan, alinman para sa pag-iimprenta ng mga burador o bilang maliliit na piraso ng papel.
✔ Hangga’t maaari, mag-imprenta o gumawa ng mga kopya sa magkabilang panig ng papel.
✔ Kapag ang mga dokumento ay kailangang gamitin ng marami sa loob ng isang opisina, subukang ilibot ang mga ito sa halip na gumawa ng isang kopya para sa bawat tao.
✔ Upang hindi na kailangan ang mababasang kopya, magpadala ng mga fax nang tuwiran mula sa iyong computer. Kapag kailangan mong gumamit ng mababasang kopya sa fax, magtipid ng papel sa pamamagitan ng hindi paggamit ng pilyego para sa pabalat.
✔ Iwasan ang hindi kinakailangang pag-iimprenta ng mga mensahe sa E-mail.
[Larawan sa pahina 24]
Ikinakatuwiran ng ilan na ang mismong kagamitan na dapat sana’y magpangyari ng opisinang walang papel ay lalo lamang nagbaon sa atin sa mga bunton ng papel
[Larawan sa pahina 26]
Kung minsan, ang inilimbag na pahina ay mas madaling gamitin kaysa sa isang displey sa computer