Ang mga Sugat Ko na Likha ng Hiroshima ay Naparam Na!
Gaya ng isinaysay ni Taeko Enomoto ng Lunsod ng Hiroshima
ISANG estranghero ang dumating sa aming tahanan dala ang isang sunóg at gula-gulanit na kamisadentro na isinuot ng isang mag-aaral na batang lalaki. Ang natira na lamang ay ang kuwelyo at ang itaas na bahagi ng kamisadentro. Subalit nababasa pa ang pangalang Miyakawa Shiro sa dibdib nito. Ito ang kamisadentro ng aking kapatid na lalaki.
Noong umaga ng Agosto 6, 1945, nagtungo ako sa trabaho gaya ng dati. Bilang isang karaniwang 19-anyos na babae, nadala ako ng matinding pag-ibig sa bayan nang panahong iyon at sumama ako sa Women’s Volunteer Corps. Ang aking kapatid na lalaki, na nag-aaral pa ay nagtungo sa sentro ng lunsod upang magtrabaho. Ang aking ama ay namatay sa pakikipagbaka sa Manchuria. Kaya ang aking ina ay naiiwang mag-isa sa bahay.
Maaga ng umagang iyon, ang mga eroplano ng kaaway ay nakita malapit sa Hiroshima, at nagkaroon ng mga hudyat ng pagsalakay sa himpapawid. Katatapos pa lamang namin ng aming pagsasanay sa militar at papasok na lamang kami sa gusali, nang isang pagkalakas-lakas na pagsabog ang yumanig sa dakong iyon. Ang lahat ay nagmistulang pula sa aking paningin. Ang init mula sa pagsabog ay nagbigay sa akin ng pakiwari na ako ay nahulog sa isang mainit na hurno—nang sandaling iyon ako ay nawalan ng malay.
Nang magsauli ang aking malay, naisip ko ang aking pamilya. Bagaman umaga noon, ang makapal na lambong ng sumabog na bomba ay nakapangingilabot. Di nagtagal, isang maitim, mauling na ulan ang bumagsak, at tumagal ng mga dalawang oras. Ang nakita ko sa daan pauwi ng bahay ay nakatatakot. May mga taong ang dugo’y pumupulandit sa kanilang mga leeg at ang iba ay tinatakpan ang kanilang mga mata ng kanilang mga kamay at ang dugo ay umaagos sa pagitan ng kanilang mga daliri. Nakita ko ang marami na ang buong katawan ay mapula dahil sa pasò. Ang iba naman ay nakalaylay ang balat ng kanilang mga kamay at mga bisig sa dulo ng kanilang mga daliri, samantalang ang iba ay hila-hila ang mga balat na natuklap sa kanilang mga paa. May mga tao na ang buhok ay nasunog at nangakatayo.
Pagdating ko ng bahay, nasumpungan ko ang buong lugar, pati na ang aming bahay, na napatag dahil sa pagsabog. Gayon na lamang ang aking kaligayahan nang masumpungan ko ang aking ina na buháy pa, bagaman malubhang nasugatan ng lumilipad na mga piraso ng salamin! Subalit ano kaya ang nangyari sa aking kapatid? Ipinasiya naming maghintay hanggang kinaumagahan bago magtungo sa lunsod upang hanapin siya.
Ang Paghahanap sa Aking Kapatid na Lalaki
Pagkakita sa lunsod kinabukasan natalos ko na hindi ito isa lamang pagsalakay sa himpapawid. Ang bombang ito ay totoong malaki. Ang kagibaan ay walang katulad.
Nakasalansan sa kahabaan ng tulay patungo sa lunsod ang sunóg na mga katawan niyaong namatay, nag-iiwan ng maliit na daanan sa gitna. Kung minsan, makakarinig ako ng mga daíng mula sa mga salansan ng mga katawan, at kung minsan ay may biglang kikilos sa gitna nila. Hindi na nag-iisip, susugod ako upang tingnan kung ito ang aking kapatid. Subalit silang lahat ay lubhang nasunog at magâ at mahirap makilala kung sino sila. Pagdating ko sa iba’t ibang relocation center, paulit-ulit kong tinatawag ang pangalan ng aking kapatid na lalaki, subalit hindi ko siya masumpungan.
Pagkaraan ng dalawa o tatlong araw, itinala ng mga tao ang pangalan ng mga namatay. Tinipon ng mga sundalo ang sunóg na mga bangkay, binuhusan ang mga ito ng gasolina, at sinunog ang mga ito. Kaunting-kaunti lamang ang magagawa para sa mga nasaktan at mga namamatay. Sila ay binibigyan ng tubig at araw-araw na rasyon na isang bolang kanin. Walang medikal na mga panustos o paggamot para sa kanila.
Sa loob lamang ng ilang araw, nalagas ang mga buhok ng tao. Ang mga langaw at uod ay makikita na gumagapang sa mga bukás na sugat niyaong napakahina upang linisin ang mga ito. Umalingasaw ang amoy ng nasusunog na mga bangkay at di-magamot na mga sugat. Di nagtagal, sa walang kadahilanan, yaong mga medyo malusog upang alagaan ang mga nasugatan ay nangamatay, na isa-isa. Maliwanag na sila ay namatay dahil sa mga epekto ng radyasyon. Ako man, ay dumanas ng diarrhea, panghihina at nerbiyos.
Pagkatapos maghanap sa loob halos ng dalawang buwan, sa wakas ay nalaman ko kung ano ang nangyari sa aking kapatid na lalaki. Nakipagkita sa amin ang estranghero na binanggit ko kanina. Ipinaliwanag niya na binigyan niya ng tubig ang isang batang lalaki na lubhang nasunog at nabulag dahil sa pagsabog ng bomba. Nang sa wakas ay mamatay ang aking kapatid na lalaki, may kabaitang hinubad ng taong ito ang kamisadentro ng aking kapatid at nag-abalang hanapin kami at dalhin ito sa amin.
Ang epekto ng lahat na ito sa akin, isang 19-anyos na batang babae, ay traumatiko. Nawalan ako ng lakas na mag-isip tungkol sa anumang bagay. Nawalan ako ng lahat ng pagkadama ng takot. Basta ako nag-iiyak nang nag-iiyak. Tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, nakikita ko ang mga biktima, na mga tulala, na palakad-lakad na walang patutunguhan sa kalumbayan. Gayon na lamang ang pagkapoot ko sa digmaan! Kinamumuhian ko ang mga Amerikano sa paghuhulog ng bomba, at kinamumuhian ko ang mga lider na Hapones sa pagpapahintulot na humangga roon ang digmaan.
Nakasumpong Ako ng Mas Mabuting Bagay
Sa sumunod na sampung taon ako’y nag-asawa at sa wakas ay nagkaroon ng tatlong anak. Subalit sa aking puso ay patuloy na nag-alab ang poot. Bagaman gayon na lamang ang pagnanais ko na maalis ang mga damdaming ito, naisip ko kung paano ko kaya makakalimutan ang lahat ng ito.
Sinubok ko ang sarisaring pangkat relihiyoso at sumanib ako sa Seicho No Ie na relihiyon, yamang tila sila ang pinakamaibigin at mapagbigay. Subalit hindi sila makapagbigay sa akin ng kasiya-siyang kasagutan. Nang ako’y magtanong kung bakit kailangang mamatay ang aking kapatid na lalaki, sabi lamang nila: “Ang mga taong gumagawa ng mabuti ay namamatay na maaga. Iyan ang kaniyang kapalaran.”
Pagkatapos kami ay lumipat sa Tokyo. Isang araw, isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming tahanan. Ipinakipag-usap niya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at binasa sa akin mula sa Bibliya ang tungkol sa mga tao na pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod. (Isaias 2:4) Humanga ako sa kaniyang kabaitan at sa kaniyang kaalaman sa Bibliya at tinanggap ko ang dalawang magasin mula sa kaniya. Nang malaunan ay napag-alaman ko na siya man, ay namatayan ng kaniyang pamilya sa pagbomba sa Hiroshima. Isinaayos niya na isang babae ang dadalaw sa akin.
Ang babae ay dumalaw nang maraming beses, laging nakangiti at masigla. Bagaman ako ay nakikinig sa kaniyang mensahe mula sa Bibliya, hindi ako talaga makapaniwala na may anumang nagliligtas na kapangyarihan sa isang relihiyon mula sa isang bansa na nagdulot na kalungkutan ng araw na iyon sa Hiroshima. Subalit may isang bagay tungkol sa kaniya na nagpangyari sa akin na patuloy na makinig.
“Sa palagay mo kaya,” tanong ko sa kaniya isang araw, “na posible para sa isang katulad ko, na ang puso’y punô ng pagkapoot, na maging magiliw na gaya mo?”
“Oo, posible,” ang buong pagtitiwalang sagot niya. “Naging ganiyan ako pagkatapos kong pag-aralan ang Bibliya,” paliwanag niya.
Kaya sinimulan ko ang isang sistematikong pag-aaral ng Bibliya na ginagamit ang pulyetong pinamagatang “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay.” Mula sa pag-aaral ay natutuhan ko na ang mga pagkilos ng tinatawag na mga bansang Kristiyano ay hindi kasuwato ng Kristiyanismo na itinuro sa Bibliya, at na ang Sangkakristiyanuhan man, ay nakaharap sa paghatol ng Diyos.
Nagkaroon ako ng higit na kasiglahan habang ako’y patuloy na nag-aaral. Naunawaan ko kung bakit ipinahintulot ng Diyos ang kabalakyutan hanggang sa ngayon at na tanging ang Kaharian ng Diyos ang may kapangyarihan na iligtas ang sangkatauhan mula sa kahirapan. Naantig din ang aking damdamin ng pag-ibig na ipinakita ni Jesu-Kristo sa pagbibigay ng kaniyang buhay sa isang tulos na pahirapan sa kapakinabangan ng lahat ng tao. Unti-unting binago ng mensahe ng Bibliya ang aking mga damdamin, at di nagtagal ang poot sa aking puso ay naparam. Humalili rito ang matimyas na pag-ibig sa iba at ang masidhing pagnanais na sabihin sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Nagsimula akong dumalo nang regular sa mga miting sa Kingdom Hall at ako ay nabautismuhan noong Hunyo 1964. Pagkaraan ng pitong taon, ako ay nakapagpayunir (isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova) at tinamasa ko ang pribilehiyo na tulungan ang 12 katao na makilala ang tanging tunay na Diyos, si Jehova.
Paggamit ng Aking Karanasan
Kaming mag-asawa ay nagbalik ngayon sa Hiroshima. Dito ay nakakatagpo ko pa rin ang maraming tao na katulad ko na naaalaala ang bomba. Dahilan sa naranasan ko ang kanilang naranasan, natulungan ko silang maunawaan na ang tanging tunay na pag-asa sa isang daigdig na wala nang mga digmaan ay nakasalalay sa mensahe ng Bibliya tungkol sa dumarating na pamamahala ng Kaharian sa pamamagitan ni Kristo Jesus.
Sa ngayon ang mga pilat ng pagbomba sa Hiroshima ay halos wala na. Subalit higit na mahalaga, naalis ko na ang mga sugat ng damdamin at pagkapoot na nasa puso ko sa loob ng maraming taon at hinalinhan ito ng pag-asa at pag-big. Inaasam-asam ko ngayon ang panahon kapag binuhay-muli ng Diyos lahat niyaong mga nasa kaniyang alaala. Ang aking hangad ay ibahagi ang walang katulad na kagalakan na taglay ko ngayon sa marami na namatay 40 taon na ang nakalipas sa Hiroshima—pati na sa aking mahal na batang kapatid na lalaki.
[Blurb sa pahina 10]
Umalingasaw ang amoy ng nasusunog na mga bangkay at ng di-magamot na mga sugat
[Blurb sa pahina 10]
Tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, nakikita ko ang mga biktima, na mga tulala
[Larawan sa pahina 9]
Si Taeko sa edad na 19 noong 1945
[Larawan sa pahina 11]
Si Taeko kasama ang kaniyang anak na babae