Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 10/8 p. 4-6
  • Digmaan—Ang Mapait na Bunga Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Digmaan—Ang Mapait na Bunga Nito
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Sundalo
  • Ang mga Sibilyan
  • Ang mga Bata
  • Digmaan—Ang Dagok at ang Trauma
    Gumising!—1989
  • Ang Digmaan na Tatapos sa mga Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kapayapaan at Katiwasayan—Ang Pangangailangan
    Gumising!—1986
  • Hiroshima—Nakalimutan Na Ba ang Aral Nito?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 10/8 p. 4-6

Digmaan​—Ang Mapait na Bunga Nito

NILIPOL ng tindi ng digmaan ang angaw-angaw na mga lalaki, babae, at mga bata, kapuwa ang mga kasangkot at di-kasangkot sa digmaan. Nag-iwan ito sa marami na may pilat sa pisikal, emosyonal, at saykolohikal na paraan.

Ang mga Sundalo

Maraming sundalo na nakaligtas sa madugong labanan ang napinsala at naputulan ng bahagi ng katawan, at ang kanilang pag-asa sa buhay sa hinaharap ay nawasak. Katulad ng isang sundalo na nakaligtas sa unang digmaang pandaigdig​—upang gugulin lamang ang susunod na 30 taon ng kaniyang buhay sa walang-lubay na paghihirap dahil sa mga epekto ng mustard gas na ginamit sa digmaang iyon.

Gayunman, karaniwan nang ang emosyonal at saykolohikal na mga sugat ang pinakamahirap na lutasin. “Walang sinumang nakibahagi sa Unang Digmaang Pandaigdig ang kailanma’y ganap na nalimutan na ang karanasang iyon,” sulat ni Keith Robbins sa The First World War. “Ang mga lalaking tila napananatili ang kanilang katatagan at hinahon ay lihim na nasugatan,” susog niya. “Pagkalipas ng maraming taon sila ay nagigising sa gabi, hindi pa rin makalimutan ang ilang nagtatagal na kilabot.”

Isip-isipin ang kakilabutan, halimbawa, ng isang araw lamang ng 1916 noong panahon ng unang digmaan ng Somme​—21,000 ang nasawi at 36,000 ang nasugatan sa gitna ng Britanong mga hukbo lamang! “Ang mga lalaking nagbalik mula sa Somme ay bihirang banggitin ang kanilang nakasisindak na mga karanasan. Nagkaroon ng matinding pagkabigla at pamamanhid . . . Isang lalaki ang dinadalaw na lagi sa buong buhay niya ng alaala na hindi niya natulungan ang isang sugatang kasamahan na tumawag sa kaniya habang siya’y gumagapang pabalik sa lugar na mainitan ang labanan.”​—The Sunday Times Magazine, Oktubre 30, 1988.

“Natatakot ka na baka saktan mo yaong mga mahal mo,” sabi ni Norman J—​—, ipinaliliwanag ang mga kinahinatnan ng kaniyang masinsinang pagsasanay at pakikipaglaban sa digmaan. “Kung ikaw ay biglang magigising, ang katutubong reaksiyon ay sumalakay.” Nasusumpungan ng mga taong nasa matagal na traumatikong kalagayan na sila’y wala nang pakiramdam. “Nagiging mahirap magpakita ng anumang damdamin,” sabi pa niya. “Nakita ko rin ang mga taong lubhang naligalig dahil sa kaigtingan. Nakita ko ang mga lalaking binasag ang mga baso ng beer at nginata ang bubog.”

Ang reaksiyon ni Norman ay karaniwan. “Isa sa pitong beterano ng Vietnam ang dumaranas ng traumatikong kaigtingan dahil sa digmaan,” sabi ng isang report. Isa pang balita ang may ganitong ulong balita: “Para sa marami, ang digmaan ay nagpapatuloy.” Sabi pa nito: “Kasindami ng 1 milyong mga beterano ng Vietnam ang kailangan pang lisanin ang digmaan na tumatakot pa rin sa kanila araw-araw . . . Ang ilan ay nagpatiwakal at pinagmalupitan ang kanilang mga pamilya. Ang iba ay dumanas ng mga guniguni ng nakalipas, mga bangungot at paglayo . . . Nagkaroon sila ng sugat sa isipan na napakalalim at namamalagi.”

Kung minsan ito ay nagbubunga ng kriminal na paggawi. Gaanong pagpapahalaga ang mailalagay ng mga tao sa buhay at sa mataas na mga simulaing moral kung, gaya ng sabi ni Gerald Priestland, “ang gawang pagpatay kung saan maaari akong hatulan ng salang pagpatay sa isang kalagayan, ay magbibigay naman sa akin ng isang medalya sa ibang kalagayan.” (Priestland​—Right and Wrong) “Kami’y mga upahang mamamatay-tao roon,” sabi ng isang beterano sa Vietnam. “Pagkatapos kinabukasan kami’y ipinalalagay na uuwi sa pagawaan ng Ford [kotse] at kalimutan ang lahat. Talaga.”​—Newsweek, Hulyo 4, 1988.

Ang mga Sibilyan

Ang dalawang digmaang pandaigdig, sabi ng Frankfurter Allgemeine Zeitung, “ay may epekto sa buhay ng lahat ng salinlahi . . . Palibhasa’y naranasan ang gayong mga pangyayari, ang mga tao ay naiwang may mga pilat, ang mga ito’y ipinapasa sa mga apo at sa kaapu-apuhan . . . Pagkalipas ng apat na dekada ang mga sintomas ng naantalang mga pinsala ay nakikita.” Ang gayong mga pinsala ay nadama sa buong daigdig.

Si Mary C—​—, halimbawa, ay nakatira sa Inglatera na malapit sa target na mga misyon ng pagbomba ng mga Aleman noong Digmaang Pandaigdig II. “Palibhasa’y sinarili ko ang aking damdamin upang huwag matakot ang aking mga anak, ako naman ay naging malakas manigarilyo,” sabi niya, “at sa katapusan ako’y ninerbiyos na nauwi sa claustrophobia (takot sa kulong at makipot na lugar).”

Sa kabilang dako naman ng labanan ay si Cilly P—​—, sa Alemanya. “Bilang mga takas,” sabi niya, “natutuhan namin ang kahulugan ng gutom.” Natutuhan din niya ang kahulugan ng dalamhati. “Kailanma’t may usap-usapan tungkol sa mga napatay o nawawala,” sabi pa niya, “naiisip namin ang aming kalalakihan. Si Anni, ang kapatid na babae ng aking nobyo, ay nakabalita tungkol sa kamatayan ng kaniyang asawa sa digmaan bago niya isilang ang kanilang kambal na anak. Pinagnakawan ng digmaan ang maraming pamilya ng kanilang mga kalalakihan, ng kanilang mga tahanan, at ng kanilang mga pag-aari.”

Si Anna V—​— mula sa Italya ay isa pa na sinaktan ng digmaan. “Sumama ang loob ko dahil sa kilabot ng digmaan at mga paghihirap ng aking pamilya,” aniya. “Isang taon pagkatapos magwakas ang Digmaang Pandaigdig II, namatay ang nanay ko, nang hindi nakikita ang kaniyang anak na lalaki na nagbalik mula sa kampo ng mga bilanggo-ng-digmaan sa Australia. Ang aking kapatid na babae ay namatay dahil sa malnutrisyon at kakulangan ng medikal na pangangalaga. Nawalan ako ng pananampalataya sa Diyos sapagkat pinayagan niya ang paghihirap at ang mga kalupitan.”

Ang matinding dagok ng gayong pag-alis, paghihiwalay, at pangungulila ay mahirap batahin. Ang halaga sa buhay ng tao ay karaniwan nang napakataas. Isang babae, nabiyuda noong panahon ng Digmaan sa Falklands sa pagitan ng Britaniya at ng Argentina noong 1982, ay nagpahayag ng damdamin ng angaw-angaw na mga naulila at nabalo nang sabihin niya: “Para sa akin hindi ito sulit, ang pagkamatay ng aking asawa dahil isang maliit na dako sa gitna ng kung saan . . . Ang pagharap sa matinding dagok ng damdamin ang pinakamalaking problema.”​—Sunday Telegraph, Oktubre 3, 1982.

Isip-isipin din, ang tungkol sa mga sugat sa katawan at sa damdamin ng mga nakaligtas sa digmaang nuklear. Isang report na isinulat noong 1945, ang Shadows of Hiroshima, ay nagbibigay ng isang nakagigitlang paalaala tungkol sa katakut-takot na resulta ng pagbomba sa Hiroshima:

“Sa Hiroshima, tatlumpung araw pagkatapos wasakin ng unang bomba atomika ang lungsod at yanigin ang daigdig, ang mga tao ay namamatay pa rin, misteryoso at nakatatakot​—ang mga taong hindi nasaktan sa sakuna mula sa isang di-kilalang bagay na mailalarawan ko lamang bilang salot atomika. Ang Hiroshima ay hindi parang lungsod na binomba. Para bang isang pagkalaki-laking pison ang dumaan dito at nilipol ito.” Pagkalipas ng 40 taon, ang mga tao ay naghihirap pa rin at namamatay dahil sa pagsabog ng iyon.

Ang mga Bata

Ang ilan sa pinakakalunus-lunos na biktima ng mga sona ng digmaan sa daigdig ay ang mga bata, ang marami sa kanila ay kinalap sa hukbo sa mga dako na gaya ng Ethiopia, Lebanon, Nicaragua, at Kampuchea.

“Maliwanag, buhat sa Iran, kapag ang mga batang lalaki ay sinusugo sa ibayo ng mga larangan na may mina ay na ang mga batang lalaki ay mas madaling sumunod, mas mura at mas mapusok sa mas mahabang yugto ng panahon kaysa adultong mga sundalo,” sabi ng The Times ng London. Nagkukomento tungkol sa nakapagpapalupit na epekto nito sa gayong mga bata, ang tagapamanihala ng isang organisasyon tungkol sa mga karapatang pantao ay nagtanong, “Papaano pa sila magsisilaki na matino at timbang na mga adulto?”

Ang katanungang iyan ay binabanggit sa aklat ni Roger Rosenblatt na Children of War. Kinapanayam niya ang mga batang nagsilaki sa mga lugar kung saan wala silang nakilala kundi digmaan. Ang marami sa kanila ay nagpakita ng kahanga-hangang pakikibagay sa harap ng kanilang nakatatakot na mga karanasan. Subalit ang iba, tulad ng “maraming batang bapor, lalo na yaong ang mga magulang ay naiwan sa Viet Nam, ay tila lubhang maligalig at naguguluhan.”

Papaano haharapin ng nakaligtas na mga biktima ng digmaan​—mga lalaki, babae, at mga bata​—ang mga problemang nagawa nito sa kanilang mga buhay? Paano maaaring makatulong ang ibang mga miyembro ng pamilya? At magwawakas ba ang gayong kalunus-lunos na mga pangyayari?

[Blurb sa pahina 6]

‘Kami’y inupahang mga mamamatay-tao roon. Pagkatapos kinabukasan kami ay ipinalalagay na uuwi at kalimutan ang lahat!’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share