Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong...
Ako’y 10 taóng gulang at nais ko kayong pasalamatan sa inyong mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” Tinuruan ako nito na maging timbang pagdating sa panonood ng TV, paggawa ng aking mga araling-bahay at gawaing-bahay, at kung paano ko makakamit ang paggalang ng aking mga magulang sa pamamagitan ng pagsunod sa kanila.
M. F., Ohio
Ako’y isang ina ng apat na mga anak at talagang pinahahalagahan ko ang inyong mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” Nakatulong ito sa paglalathala ng regular na mga paksang mapag-uusapan na ipakikipag-usap namin sa aming mga anak, mula 14-anyos pababa sa 3-anyos. Pinasasalamatan ko kayo sa tulong na iyon na kinakailangan naming mga magulang.
L. W., Iowa
Pagkasumpong ng Kaligayahan
Ang inyong artikulo tungkol sa “Kaligayahan” (Agosto 22, 1985 sa Tagalog) ay nag-udyok sa akin na sumulat at sabihing “Maraming Salamat!” Binanggit ng mga artikulong ito kung ano ang nadama ko bago ko malaman ang mga katotohanan sa Bibliya. Hindi ako maligaya subalit batid ko na dapat ay mayroon pang higit na kahulugan sa buhay. Maibigin ako sa mga nilikha ng Diyos gayunman ay hindi ko nakilala ang Maylikha, at natalos ko na iyon ang kulang sa akin. Ngayon ay pinahahalagahan ko ang aking kaugnayan sa Maylikha, ang Diyos na Jehova, at ako’y labis na naliligayahan tungkol dito.
C. R., Inglatera
Talikuran ang Kabantugan
Sa pagrirepaso ko ng aking mga magasing “Awake!” noong 1984, lubha akong namangha sa saganang impormasyon na nilalaman nito. Nasumpungan kong totoong kawili-wili ang mga karanasan ng Lebanong manlalaro ng basketball (Hulyo 22, 1984, sa Tagalog, “Labing-isang Taon sa Paghahanap sa Tunay na Kayamanan”) at ang concert guitarist na taga-Uruguay (Mayo 8, 1985, sa Tagalog, “Ang Aking Gitara, ang Aking Musika at ang Aking Diyos”) na, pagkatapos ‘makamtan ang buong sanlibutan,’ ay nadaig ito at, gaya ni Moises noong una, ay pinili pa na maging bahagi ng hamak na bayan ng Diyos sa halip na tamasahin “ang mga kayamanan ng Ehipto.” (Mateo 16:26; Hebreo 11:25, 26) Pagpalain nawa ng Diyos at palakasin ang gayong mga tao na isinasaisang-tabi ang kabantugan at hinahanap muna ang Kaharian.
S. R. Z., Brazil
Mga Panayam sa Trabaho
Kamakailan ay pumirma ako ng isang kontrata sa trabaho upang magtrabaho bilang isang aprendis. Noong nakaraang taglagas pa ay sinimulan ko nang sumulat ng mga kahilingan para sa isang posisyon. Sa ilang mga pagkakataon ako ay karakarakang inayawan, sa iba naman ay pagkatapos ng panayam. Saka ko naalaala ang artikulo sa “Awake!” na pinamagatang “Young People Ask . . . How Do I Handle a Job Interview?” (Pebrero 8, 1983 sa Ingles) Sinunod ko ang mga mungkahi, at gayon na lamang ang aking kagalakan nang ako ay anyayahan sa isang panayam! Napakabuti ng resulta. Napansin ko rin na, sa pangkalahatan, ang mga tao ay hindi gaanong nagbibigay ng pansin sa kanilang hitsura, sapagkat ako lamang ang isa sa aming apat na mga babae ang nakabistida. Sinikap kong ikapit ang lahat ng nakatala sa pahina 25, pati na ang huling punto, na magpadala ng maikling liham ng pasasalamat pagkatapos ng panayam. Sa palagay ko iyan ang nakatulong sa pagkakaroon ko ng isa sa dalawang posisyon sa pagkaaprendis.
S. R., Federal Republic of Germany
Pakikipagtalastasan ng Pamilya
Talagang nasiyahan ako sa artikulo hinggil sa “Pakikipagtalastasan ng Pamilya—Bakit Gumuguho?” (Hunyo 8, 1985 sa Tagalog) Lalo na ang punto tungkol sa kung paanong ang TV, video tape na mga rekorder, at mga larong video ay kumukuha ng ating panahon sa pakikipagtalastasan sa mga membro ng ating pamilya. Ang pagkaalam nito ay nagpangyari sa akin na hayaang nakasara ang telebisyon kapag kaming lahat ay nagkakatipun-tipon, halimbawa, sa panahon ng pagkain.
C. O., Inglatera