Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapatiwakal ng mga Kabataan Nais ko po kayong lubos na pasalamatan sa sunud-sunod na artikulo tungkol sa “Ano ang Pag-asa Para mga Kabataan sa Ngayon?” (Setyembre 8, 1998) Napaluha po ako. Ilang ulit ko na pong sinubukang magpatiwakal. Subalit natutuwa ako at hindi ako nagtagumpay.
A. Z., Czech Republic
Ito po ay mga artikulong nakauunawa sa isang sensitibong paksa. Maaga sa taóng ito, tinangka ko pong wakasan ang aking buhay samantalang ako’y nanlulumo batay sa pagsusuri ng mga doktor. Salamat sa napapanahong paksang ito. Iniligtas nito ang aking buhay.
R. P., Inglatera
Nakalulungkot pong sabihin, may dalawa akong kaklase na nagtangkang magpatiwakal. Ginawa ito ng isa sa kanila dahil nang pag-isipan niya ang kaniyang kinabukasan, wala siyang makitang pag-asa—pulos kahirapan na kailangang mapanagumpayan. Kaya ang artikulo pong ito ay praktikal, sapagkat ipinaliwanag nito sa napakalinaw at espesipikong paraan kung paano magkakaroon ng kabuluhan ang ating kinabukasan.
R. D., Espanya
Naantig ng inyong artikulo ang aking puso. Para bang nakikipag-usap sa akin si Jehova bilang isang maibiging Ama. Nang ako ay bata pa, inabuso ako ng aking ama. Sa pakiramdam ko’y wala akong kabuluhan at malimit akong magbalak na magpatiwakal. Subalit ngayon, gaya ng iminungkahi ng inyong artikulo, nililinang ko ang pananabik ukol “sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:19.
S. R., Brazil
Salamat, lalo na sa pagsipi sa mga sinabi ng mga kabataan, na marami sa mga ito ay naglalaman ng mga solusyon sa mga suliranin kahit sa kakaunting salita lamang.
W. H., Alemanya
Pagkita ng Salapi Maraming salamat sa paglalaan ng panahon na ilathala ang nakapagtuturong artikulo na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kaya Ako Kikita ng Salapi?” (Agosto 22, 1998) Nahirapan akong humanap ng trabaho. Subalit sinunod ko ang inyong mga mungkahi at sa wakas ay nakakita rin ako ng trabaho!
S. D., Ghana
Wikang Isinesenyas Matapos basahin ang inyong artikulo na “Isang Wika na Iyong Nakikita!” (Setyembre 8, 1998), kinailangan akong sumulat at magpasalamat sa inyo. Ang mga artikulong tulad nito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang iba na ang kalagayan ay hindi katulad ng sa atin. May kaibigan ako na isinilang na bingi, at ninais kong matuto ng wikang isinesenyas. Subalit sa ilang kadahilanan, hindi ako nagkapanahon kailanman upang gawin ito. Hindi ko na ipagpapaliban pa ang pag-aaral nito!
M. E., Inglatera
Nais ko kayong pasalamatan sa malaking pagsisikap na inyong ginagawa upang suportahan ang mga bingi. Dinalhan ko ng ilang kopya ng inyong artikulo ang mga opisyal ng pamahalaan. Dahil sa napakaganda ng pagkakasulat nito, humiling pa sila ng mas maraming kopya! Ipinakita ko rin ito sa isang babae na tutol sa pakikipag-aral ng Bibliya ng kaniyang binging anak na babae sa mga Saksi ni Jehova. Matapos basahin ang artikulo, napaluha siya sa kagalakan. Sinusuportahan na niya ngayon ang pagsisikap ng kaniyang anak sa pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at nangako pa nga na babayaran niya ang pamasahe nito patungo sa isang Kristiyanong kombensiyon!
E. R., Mexico
Kailangan ko talagang ipabatid sa inyo kung gaano ko pinahalagahan ang artikulo. Naging tunguhin ko na matuto ng American Sign Language at tumulong sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar na gumagamit ng wikang isinesenyas. Subalit nasiraan ako ng loob. Ang artikulo ay nagbigay sa akin ng pampasiglang kailangan ko upang maabot ang aking tunguhin!
N. D., Estados Unidos
Kahanga-hangang malaman na ang mga Bingi ay aktuwal na nag-iisip sa kanilang wikang isinesenyas. Bilang isang nakaririnig na tao, mas magiging palaisip ako sa paghanap ng mga paraan upang makipagtalastasan sa Bingi sa positibong paraan.
P. H., Estados Unidos