Isang Wika na Iyong Nakikita!
PAANO mo natutuhan ang iyong katutubong wika? Marahil sa pamamagitan ng pakikinig mo sa pag-uusap ng mga kapamilya at kaibigan noong ikaw ay sanggol pa. Para sa karamihan ng tao, ang wika ay natututuhan sa pamamagitan ng pakikinig at naipahahayag sa pamamagitan ng pagsasalita. Sa pagbuó ng mga konsepto at ideya, likas lamang sa mga taong nakaririnig na mag-ensayo ng binibigkas na mga salita at parirala sa kanilang isipan bago sila magsalita. Gayunman, kapag ang isang bata ay isinilang na bingi, maaari kayang magbuo ang isip ng mga kaisipan sa ibang paraan? May wika bang makapagtatawid ng mga ideya, kapuwa basal (abstract) at tahas (concrete), mula sa isang isip tungo sa isa pa nang walang anumang tunog na ginagawa?
Nakikita Subalit Hindi Naririnig
Ang isa sa mga kagila-gilalas na bagay tungkol sa isip ng tao ay ang kakayahan nating matuto ng wika at ang ating abilidad na gamitin ito. Gayunman, kung walang pandinig, ang pagkatuto ng isang wika ay kadalasang nagiging gawain ng mga mata, hindi ng tainga. Mabuti na lamang, ang pagnanais ng tao na makipagtalastasan ay gayon na lamang katindi, anupat ito’y nagpapangyaring mapagtagumpayan natin ang anumang sa wari’y balakid. Ang pangangailangang ito ang nag-udyok sa mga Bingi na bumuo ng maraming wikang isinesenyas na ginagamit sa buong daigdig. Habang nakakasalamuha nila ang isa’t isa, dahil sa ipinanganak sila sa mga pamilya ng Bingi o nagtagpo sa mga pantanging paaralan at sa komunidad, umusbong ang isang masalimuot na wikang para lamang sa mga mata—isang wikang isinesenyas.a
Para kay Carl, na taga-Estados Unidos, ang wikang ito ay kaloob mula sa kaniyang mga magulang na Bingi.b Bagaman siya’y isinilang na bingi, sa kaniyang murang edad ay kaya na niyang pangalanan ang mga bagay-bagay, pagkabit-kabitin ang mga senyas, at ipahayag ang mga kaisipang basal sa pamamagitan ng American Sign Language (ASL). Karamihan sa mga sanggol na Bingi na may mga magulang na Bingi na nakasesenyas ay nagsisimulang magsenyas sa edad na 10 hanggang 12 buwan. Sa aklat na A Journey Into the Deaf-World, ipinaliwanag na “kinikilala na ngayon ng mga lingguwista na ang kakayahang matuto ng isang wika sa likas na paraan at ipamana ito sa mga anak ay may malalim na pagkakaugat sa utak. Hindi na mahalaga kung ang kakayahan mang iyon ay namamalas sa wikang isinesenyas o sinasalitang wika.”
Si Sveta ay ipinanganak sa Russia sa isang pamilyang tatlong henerasyon na ang Bingi. Siya at ang kaniyang kapatid na lalaki na Bingi ay natuto ng Russian Sign Language. Nang panahong siya’y nasa gulang na tatlo at pumapasok na sa preschool para sa mga batang Bingi, mahusay na mahusay na siya sa wikang isinesenyas na natutuhan niya habang siya’y lumalaki. Inamin ni Sveta: “Hindi marunong ng wikang isinesenyas ang ibang batang Bingi kaya sila’y natututo mula sa akin.” Maraming batang Bingi ang may mga magulang na Nakaririnig na hindi makasenyas. Madalas na naipapasa sa paaralan ang wikang isinesenyas ng mga nakatatandang batang Bingi sa mga nakababata, na nagpapangyari sa kanilang makipagtalastasan sa madaling paraan.
Ngayon, parami nang paraming magulang na Nakaririnig ang nag-aaral sumenyas kasama ng kanilang mga anak. Bunga nito, magaling nang makipagtalastasan ang mga kabataang Bingi bago pa man sila pumasok sa paaralan. Sa Canada, ito ay totoo para kay Andrew, na may mga magulang na nakaririnig. Kanilang pinag-aralan ang wikang isinesenyas at ginamit ito sa kaniya sa murang edad, sa gayo’y naglaan ng pundasyon sa wika na maaari niyang palawakin sa mga taon na darating. Ngayon ay puwede nang makipagtalastasan sa isa’t isa ang buong pamilya tungkol sa anumang paksa na gamit ang wikang isinesenyas.
Ang mga bingi ay nakabubuo ng mga basal at tahas na ideya nang hindi na kailangan pang mag-isip sa binibigkas na wika. Kung paanong ang bawat isa sa atin ay bumubuo ng mga kaisipan sa ating sariling wika, maraming Bingi ang nag-iisip din sa kanilang wikang isinesenyas.
Iba-ibang Wika
Sa buong daigdig, ang mga komunidad ng Bingi ay bumuo ng kanilang sariling wikang isinesenyas o di kaya’y humiram mula sa ibang mga wikang isinesenyas. Ang ilan sa bokabularyo ng ASL ngayon ay kinuha mula sa French Sign Language 180 taon na ang nakalilipas. Ito ay isinama sa kung ano ang noo’y matagal nang ginagamit sa Estados Unidos, at ito ang naging ASL sa ngayon. Ang mga wikang isinesenyas ay umuunlad sa paglipas ng maraming taon at sumusulong sa bawat henerasyong magdaan.
Karaniwan na, hindi magkatugma ang wikang isinesenyas sa mga sinasalitang wika sa isang bansa. Halimbawa, sa Puerto Rico, ginagamit ang ASL bagaman Kastila ang sinasalita. Bagaman ang Ingles ay sinasalita kapuwa sa Inglatera at Estados Unidos, ang nauna ay gumagamit ng British Sign Language, na may malaking pagkakaiba sa ASL. Gayundin, ang Mexican Sign Language ay naiiba mula sa maraming wikang isinesenyas sa Latin Amerika.
Kapag nag-aaral ng isang wikang isinesenyas, ang isa ay napapahanga sa masalimuot na pagkakaayos at sa maliwanag na paraan ng pagpapahayag nito. Ang karamihan ng mga paksa, kaisipan, o mga ideya ay naipapahayag sa wikang isinesenyas. Nakatutuwa, dumarami ang lumalabas na mga naka-videocassette na literatura para sa mga Bingi, na gumagamit ng natural na wikang isinesenyas sa paglalahad ng mga kuwento, pagpapahayag ng tula, pagbibigay ng makasaysayang mga ulat, at sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Sa maraming bansa, dumarami ang marunong ng wikang isinesenyas.
Pagbabasa ng Bagay na Hindi Pa Kailanman Narinig
Sa pagbabasa, karaniwan nang umaasa ang mga Nakaririnig sa kanilang pag-alaala sa mga tunog ng mga salita. Kaya ang karamihan ng kanilang binabasa ay nauunawaan nila dahil dati na nila itong narinig. Sa karamihan ng wika, hindi nailalarawan ni nakakahawig man ng mga isinulat na salita ang mga ideyang kinakatawanan ng mga ito. Natutuhan ng maraming Nakaririnig ang gayong napagkaisahang-gamitin na sistema o nasusulat na wika sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa mga tunog ng binibigkas na wika nang sa gayon ay mabasa ito nang may kaunawaan. Subukan namang isipin na hindi ka kailanman nakarinig ng tunog, salita, o wikang binibigkas sa buong buhay mo! Magiging mahirap at nakasisira-ng-loob na matutuhan ang isang sistemang pansulat na pinagkasunduang gamitin para sa isang wika na hindi naman naririnig. Hindi kataka-taka na ang pagbasa ng gayong wika ay isang malaking hamon para sa mga Bingi, lalo na doon sa mga wala kahit katiting na naririnig o sa mga hindi kailanman nakarinig!
Natuklasan ng maraming sentrong pang-edukasyon sa buong daigdig na para sa mga batang Bingi ang kapakinabangan ng paggamit ng wikang isinesenyas sa maagang bahagi ng pag-unlad ng wika ng bata. (Tingnan ang kahon sa pahina 20 at 22.) Natuklasan ng gayong mga sentro na ang paglalantad sa mga batang Bingi sa isang natural na wikang isinesenyas at ang paglalatag ng linggwistikong pundasyon ang magiging saligan para sa higit na tagumpay sa paaralan at sa lipunan gayundin para sa malaunang pagkatuto ng nasusulat na wika.
Isang komisyon ukol sa edukasyon ng mga Bingi ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization ang nagsabi: “Hindi na sinasang-ayunan ang pagwawalang-bahala sa wikang pasenyas, ni ang pag-iwas sa aktibong pakikibahagi sa pag-unlad nito sa mga edukasyonal na programa para sa mga bingi.” Gayunpaman, kailangang sabihin na anumang edukasyonal na pasiya ang gawin ng mga magulang para sa kanilang anak na Bingi, lubhang mahalaga ang ganap na pakikibahagi ng kapuwa magulang sa paglaki ng kanilang anak.—Tingnan ang artikulong “Upang Makausap ang Aking Anak, Nag-aral Ako ng Ibang Wika,” na nasa Gumising! ng Nobyembre 8, 1996.
Pag-unawa sa Daigdig ng mga Bingi
Kapag naging adulto na ang mga batang Bingi, kadalasan nang inaamin nilang ang bagay na pinakaaasam-asam nila mula sa kanilang mga magulang ay ang pakikipagtalastasan. Nang malapit nang mamatay ang kaniyang matanda nang ina, si Jack, na isang Bingi ay nagsikap makipagtalastasan dito. May sinisikap sabihin ang ina subalit hindi niya kayang isulat iyon at hindi siya marunong ng wikang isinesenyas. Siya’y nawalan ng malay at nang malaunan ay namatay. Nabagabag si Jack dulot ng nakapanlulumong mga huling sandaling iyon. Ang karanasang ito ang nagpakilos sa kaniyang magpayo sa mga magulang ng mga batang Bingi: “Kung nais ninyo ng maayos na komunikasyon at makabuluhang pagpapalitan ng mga ideya, emosyon, kaisipan at pag-ibig sa inyong anak na Bingi, magsenyas kayo. . . . Huli na ang lahat para sa akin. Gayon din ba para sa inyo?”
Sa loob ng maraming taon, marami ang hindi nakauunawa sa mga Bingi. Ang ilan ay nag-aakalang halos walang alam ang mga Bingi dahil wala silang naririnig. Labis na iniingatan ng mga magulang ang kanilang mga anak na Bingi o kaya’y takot silang makihalubilo ang mga ito sa mga Nakaririnig. Sa ilang kultura, may-kamaliang inilalarawan ang mga Bingi bilang “mangmang” o “pipi,” bagaman madalas ay wala namang diperensiya ang sangkap sa pagsasalita ng mga Bingi. Hindi lamang sila makarinig. Ang iba ay nag-aakalang ang wikang isinesenyas ay primitibo o may mababang-uri kaysa sa binibigkas na wika. Hindi nakapagtataka na dahil sa gayong kawalang-alam, ang ilang Bingi ay nakadama na sila’y inaapi at hindi nauunawaan.
Noong siya’y musmos pa lamang na lumalaki sa Estados Unidos noong mga taon ng 1930, si Joseph ay nag-aral sa isang espesyal na paaralan para sa mga batang Bingi na nagbabawal sa paggamit ng wikang isinesenyas. Siya at ang kaniyang mga kaklase ay laging nadidisiplina dahil sa paggamit ng mga senyas, kahit na kapag hindi nila naiintindihan ang sinasabi ng kanilang mga guro. Anong laki ng kanilang pagnanais na makaunawa at maunawaan! Sa mga bansang limitado ang edukasyon para sa mga batang Bingi, ang ilan ay lumalaki na may napakakaunting pormal na edukasyon. Halimbawa, ang isang kabalitaan ng Gumising! na nasa kanluraning Aprika ay nagsabi: “Napakahirap at napakalungkot ng buhay para sa karamihan ng mga Bingi sa Aprika. Sa lahat ng mga may-kapansanan, ang mga Bingi marahil ang lalong higit na napababayaan at hindi nauunawaan.”
Tayong lahat ay may pangangailangang maintindihan. Nakalulungkot, kapag nakakakita ang ilan ng isang taong Bingi, nakikita nila ang isang taong “walang kakayahan.” Hindi kaagad makilala ang totoong mga kakayahan ng isang Bingi dahil sa ang kaniyang mga kapansanan ang unang nakikita. Sa kabaligtaran, maraming Bingi ang nag-iisip na sila’y “may kakayahan.” Kaya nilang makipagtalastasan sa isa’t isa nang may kahusayan, linangin ang paggalang-sa-sarili, at maging matagumpay sa paaralan, lipunan, at sa espirituwalidad. Gayunman, nakalulungkot na ang maling pagtrato na naranasan ng maraming Bingi ay nagpapangyari sa ilan sa kanila na mawalan ng tiwala sa mga taong Nakaririnig. Pero kapag ang mga Nakaririnig ay nagpapakita ng taimtim na interes na maunawaan ang kultura at ang natural na wikang isinesenyas ng mga Bingi, at kanilang minamalas ang mga Bingi bilang mga taong “may kakayahan,” ang lahat ay nakikinabang.
Kung nais mong matuto ng wikang isinesenyas, tandaan na ang mga wika ay kumakatawan sa paraan ng ating pag-iisip at pagbuo ng mga ideya. Upang lubusang matuto ng wikang isinesenyas, ang isa ay kailangang mag-isip sa wikang iyon. Ito ang dahilan kung bakit ang basta pag-aaral ng mga senyas buhat sa isang diksyunaryo para sa wikang isinesenyas ay hindi makatutulong na maging bihasa sa wikang iyon. Bakit hindi matuto mula sa mga taong sa araw-araw ay gumagamit ng wikang isinesenyas—ang mga Bingi? Ang pagkakatuto ng isang pangalawang wika mula sa mga katutubong gumagamit nito ay tumutulong sa iyong mag-isip at bumuo ng mga ideya sa isang kakaiba, ngunit simpleng paraan.
Sa buong daigdig, pinalalawak ng mga Bingi ang kanilang mga potensiyal sa pamamagitan ng paggamit ng isang mayaman na wikang isinesenyas. Halina’t tingnan mo mismo ang kanilang wika ng mga senyas.
[Mga talababa]
a Sa mga artikulong ito, ang mga terminong “Bingi” at “Nakaririnig” ay ginagamit hindi lamang upang tukuyin yaong mga may kapansanan o walang kapansanan sa pandinig kundi upang ipakita rin ang magkaibang kultura at karanasan ng dalawang komunidad.
b Sa Estados Unidos lamang, tinatayang may isang milyong bingi na nagtataglay ng “isang kakaibang wika at kultura.” Karaniwan nang ipinanganak na bingi ang mga ito. Karagdagan pa, tinatayang 20 milyong tao ang may kapansanan sa pandinig subalit pangunahin nang nakikipagtalastasan sa kanilang katutubong wika na sinasalita.—A Journey Into the Deaf-World, nina Harlan Lane, Robert Hoffmeister, at Ben Bahan.
[Kahon sa pahina 20]
“Magtuturo ang New York sa mga Bingi sa Wikang Isinesenyas, Pagkatapos ay sa Ingles”
Ang gayong pambungad na balita ang lumabas sa The New York Times ng Marso 5, 1998. Si Felicia R. Lee ay sumulat: “Sa binabansagang isang makasaysayang pagbabago sa pagtuturo sa mga binging mág-aarál, ang tanging paaralan ng lunsod para sa mga bingi ay babaguhin upang ang lahat ng mga guro ay magturo pangunahin na sa isang wikang pasenyas na salig sa mga simbolo at kumpas.” Kaniyang ipinaliwanag na maraming edukador “ang nagsasabing ipinakikita ng pananaliksik na ang pangunahing wika ng mga bingi ay may kaugnayan sa paningin, hindi sa pagbigkas, at na ang mga paaralan na gumagamit ng kanilang piniling paraan, na tinatawag na American Sign Language, ay higit na magaling magturo sa mga mág-aarál kaysa ibang paaralan.
“Sinasabi nilang dapat pakitunguhan ang mga binging mág-aarál bilang mga estudyanteng bilinggwal, hindi mga may-kapansanan.”
Si Propesor Harlan Lane ng Northeastern University sa Boston ay nagsabi: “Sa palagay ko [ang paaralan sa New York] ay nasa unahan ng isang kilusan.” Kaniyang sinabi sa Gumising! na ang sukdulang tunguhin ay na ituro ang Ingles bilang isang pangalawang wikang ginagamit sa pagbasa.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]
Isa Itong Wika!
Ang ilang Nakaririnig ay may-kamaliang nag-iisip na ang wikang isinesenyas ay isang komplikadong anyo ng pantomina. Ito pa nga ay tinatawag na isang wika sa pamamagitan ng larawan. Bagaman may kahusayang ginagamit sa wikang isinesenyas ang mukha, katawan, mga kamay, at ang espasyo sa paligid, ang karamihan ng mga senyas ay may kaunti o wala pa ngang pagkakahawig sa mga ideyang kanilang itinatawid. Halimbawa, sa American Sign Language (ASL), sa senyas na nagtatawid ng ideyang “gumawa” ay ginagamit ang dalawang nakatikom na kamao, na ang isang kamao ay nasa ibabaw niyaong isa at ang mga ito’y ikinikilos na waring may pinipilipit. Bagaman pangkaraniwan, hindi ito kaagad nauunawaan ng isang hindi marunong ng wikang isinesenyas. Sa Russian Sign Language (RLS), ang senyas na ang ibig sabihin ay “mangailangan” ay inihahatid sa pamamagitan ng paggamit ng dalawang kamay, na ang bawat hinlalaki ay nakadait sa palasinsingang daliri at parehong ikinikilos nang paikot. (Tingnan ang mga larawan sa pahinang ito.) Sa gayon, dahil sa maraming basal na mga konsepto, hindi posibleng ilarawan ang mga ito, maliban na lamang sa mga senyas para sa mga tahas na bagay na puwedeng ilarawan, tulad ng mga senyas para sa “bahay” o “sanggol.”—Tingnan ang mga larawan sa pahinang ito.
Ang isa pang sukatan ng isang wika ay ang paggamit sa isang organisadong bokabularyo na tinatanggap ng komunidad. Ang mga wikang isinesenyas ay nagpapamalas ng gayong kaayusan sa balarila. Halimbawa, ang paksa ng isang pangungusap sa ASL ay kadalasan nang unang binabanggit, kasunod ang isang komento tungkol dito. Gayundin, ang pagkakasunod-sunod ng mga bagay-bagay ayon sa kapanahunan ay isang saligang katangian ng maraming wikang isinesenyas.
Maraming emosyon na ibinabadya sa mukha ay ginagamit din upang makilala ang isang tanong mula sa isang utos, ang isang pagpapalagay, o ang isang simpleng pangungusap. Ang bagay na nakikita ang wikang isinesenyas ay nagpangyari na umusbong ang mga ito at ang iba pang mga kakaibang katangian.
[Mga larawan]
“Gumawa” sa ASL
“Mangailangan” sa RLS
“Bahay” sa ASL
“Sanggol” sa ASL
[Kahon sa pahina 22]
Tunay na mga Wika
“Salungat sa popular na mga maling paniniwala, ang mga wikang isinesenyas ay hindi mga pantomina at mga kumpas, mga imbensiyon ng mga edukador, o mga simbolo ng binibigkas na wika sa nakapalibot na komunidad. Ang mga ito ay masusumpungan saanman may komunidad ng mga bingi, at ang bawat isa ay naiiba at kumpletong wika, na may parehong mga simulain sa balarila na masusumpungan sa mga binibigkas na wika sa buong daigdig.”
Sa Nicaragua, “ang mga paaralan ay nagtuon sa pagsasanay sa mga bata[ng bingi] na magbasa ng labi at magsalita, at katulad nang nangyari sa bawat kasong pinagsubukan niyaon, ang mga resulta ay hindi mahusay. Ngunit bale-wala iyon. Sa mga palaruan at bus ng paaralan, ang mga bata ay nag-iimbento ng sarili nilang sistema ng mga senyas . . . Hindi nagtagal at ang sistemang ito ay nabuo sa tinatawag ngayon na Lenguaje de Signos Nicaragüense.” Isang nakababatang henerasyon ng mga bingi ang nagpaunlad ngayon ng isang mas mahusay na wikang tinatawag na Idioma de Signos Nicaragüense.—The Language Instinct, ni Steven Pinker.
[Mga larawan sa pahina 23]
Sa ASL, ito ang isang paraan upang isenyas ang “Pagkagaling niya sa tindahan, pumunta siya sa trabaho”
1 Tindahan
2 siya
3 pumunta sa
4 tapos
5 pumunta sa
6 trabaho