Pakikinig sa Pamamagitan ng Iyong mga Mata
ANO ang isang salik para sa matagumpay na pakikipagtalastasan sa isang Bingi? Maliwanag at angkop na pakikipag-ugnayan sa mata. Ito’y kailangan kapag ang mga Bingi ay nagsasalita. Sa katunayan, kung ang dalawang tao ay nag-uusap sa wikang isinesenyas, itinuturing na kawalang-galang ang pag-aalis ng tingin at pagputol ng pakikipag-ugnayan sa mata ng isa sa kanila. At paano mo makukuha ang pansin ng isang Bingi? Sa halip na gamitin ang pangalan niya, mas angkop na marahan siyang tapikin sa balikat o braso, kumaway sa nasasakupan ng kaniyang paningin o, kung siya’y malayo, pahiwatigan ang isa pa na kunin ang kaniyang pansin. Depende sa situwasyon, maaaring marahan kang pumadyak sa sahig o kaya’y ibukas-sara mo ang mga ilaw. Ang mga ito at iba pang kumukuha-ng-pansin na mga paraan ay nakadaragdag sa karanasan ng mga Bingi at isang bahagi ng kultura ng mga Bingi.
Ang Nagbubuklod na Bigkis ng Wika
Kapag nakatagpo ng isang Bingi, ang ilan ay may-kamaliang nag-iisip na ang pagbabasa ng labi ay madaling gawin. Gayunman, maraming Bingi ang nakasusumpong na ito’y isang limitadong paraan ng pakikipagtalastasan. Siyempre pa, mayroong mga eksepsiyon, yamang may ilan na mahusay magbasa ng pananalita, ngunit sa pangkalahatan ay isang kabaitan na huwag patiunang isipin na ang isa’y madaling makababasa ng iyong mga labi. Marahil ang paggamit ng isang interprete o ang pagsulat sa papel ng kung ano ang nais mong sabihin ay magpapangyaring kahit paano ay magkaroon ng makabuluhang pakikipagtalastasan.
Gayunman, kung regular kang nakatatagpo ng mga Bingi, hindi ba’t pagiging makonsiderasyon ang pag-aaral ng ilang wikang isinesenyas? Anong kamangha-manghang buklod ang ibubunga nito, lalo na sa mga magkakatulad ang pananampalataya! Iyon ay katulad ng pag-aaral ng pinakasaligang mga bagay sa ibang wika sa isang bilinggwal na kultura. Matagal nang interesado ang mga Saksi ni Jehova sa pagpapaabot ng impormasyon tungkol kay Jehova sa lahat ng tao. Kapag kinikilala nating hindi kayang mapag-aralan ng mga Bingi ang normal na pakikinig, ano ngang lalong inam na makibagay tayo sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng wikang isinesenyas!—1 Corinto 9:20-22.
Binanggit ni Antonino na nang siya’y nagpasimulang dumalo sa Kristiyanong mga pulong sa Italya, sa simula ay “walang aktuwal at aktibong pagpapalitan ng pampatibay-loob sa kanilang pag-uusap ng mga kapatid na nakaririnig. Dahilan sa hindi namin maintindihan ang isa’t isa, pakiramdam ko’y hindi ako kabilang doon.” Maraming miyembro ng kongregasyon ang tumugon sa pamamagitan ng pag-aaral ng Italian Sign Language (LIS). Nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang mga Bingi na interesado, at ang mga pulong ay idinaos sa LIS. Si Antonino ay napatibay at ngayon ay nagnanais na “ipakipag-usap sa lahat ng aking mga kaibigang Bingi ang tungkol sa ating mga pulong at ang mainit na pag-ibig na umiiral sa gitna ng bayan ni Jehova.”
Sa buong daigdig ay bumubuo ang mga Saksi ni Jehova ng mga kongregasyong gumagamit ng wikang isinesenyas, kung saan maaaring matamasa ng mga Bingi ang mainit at maibiging pagsasamahan sa isa’t isa. Sa Espanya, 20 taon nang may mga grupo para sa mga Bingi na gumagamit ng wikang-pasenyas. Sa Estados Unidos, kasalukuyan nang may 19 na aktibong kongregasyon para sa mga Bingi at 47 na mas maliliit na grupo.
Ang mga Bingi ay nakapaglilingkod bilang mga pambuong-panahong ministro (mga payunir), ministeryal na mga lingkod, at matatanda at nakapagpapahayag sa mga kombensiyon, nakapagtuturo sa mga Pioneer Service School, at nakapangunguna sa iba’t ibang paraan. Sa ganitong kapaligiran ay walang mga limitasyon, tanging mga pagkakataon lamang upang papurihan si Jehova sa pamamagitan ng mga kakayahan ng isa.
Ang ating likas na pangangailangan para sa pakikipagsamahan at pakikipagtalastasan ay naipahahayag sa pamamagitan ng napakaraming kultura at wika sa buong daigdig. Sa halip na malasin ang mga Bingi bilang mga taong walang kakayahan o may-kapansanan, lalong mainam na ating tingnan ang mga nagagawa, abilidad, at katangian na nagpapakilala sa ating lahat bilang tao! Sa pamamagitan ng ating paggalang sa iba at ng ating kusang pakikibagay, lahat tayo’y nakatutulong sa isang nagkakaiba-iba ngunit nagkakaisang sambahayan ng tao.
[Larawan sa pahina 24]
Kapag nakikipag-usap sa wikang isinesenyas, panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa mata
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga Bingi ay may kagalakang naglilingkod bilang mga pambuong-panahong ministro
[Larawan sa pahina 25]
Isinesenyas ang awiting Pangkaharian sa Espanya
[Larawan sa pahina 25]
Pagbibigay ng isang pahayag sa kombensiyon sa Korean Sign Language
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga salig-sa-Bibliya na publikasyong nasa video na iniharap sa wikang pasenyas