Maging Alisto sa Paghahanap ng mga Taong Bingi sa Inyong Teritoryo
1 Si Jehova ay nagpapaabot ng paanyaya: “‘Halika!’ . . . Ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Parami nang paraming mga taong bingi ang kasama sa mga tumutugon sa panawagang ito. Bilang resulta, nitong nakalipas na 7 taon, isang kongregasyon ng sign language at halos 15 grupo ng sign language ang naitatag na sa Pilipinas.
2 Bagaman itinutuon ng mga kongregasyon at mga grupo ng sign language ang lahat ng kanilang pagsisikap sa pangangaral upang matagpuan ang mga taong bingi at may kapansanan sa pandinig sa kani-kanilang mga teritoryo, marami pa ring mga ganito ang masusumpungan at mabibigyan ng patotoo sa bansang ito.
3 Paano Ka Makatutulong? Habang nasa mga pampublikong dako, may napupuna ka bang mga tao na gumagamit ng sign language? May kilala ka ba sa iyong lugar ng trabaho o sa iyong paaralan na may kapamilyang isang bingi? Maging alisto sa paghahanap ng mga bingi habang inaasikaso mo ang iyong pang-araw-araw na mga gawain. Ngunit paano mo matitiyak na makatatanggap sila ng patotoo tungkol sa Kaharian?
4 Pagpapatotoo: Kung may alam kang kongregasyon o grupo ng sign language na malapit sa inyo, ipagbigay-alam sa kanila ang tungkol sa direksiyon ng taong bingi. Maraming bingi ang mas mabilis na sumusulong sa pagkaalam ng katotohanan kapag sila ay nakikisama sa mga binging Saksi sa mga pulong ng kongregasyon na idinaraos sa Philippine Sign Language. Kaya, kung may kongregasyon o grupo ng sign-language sa inyong lugar, dapat na ipadala ng kalihim ng inyong kongregasyon ang impormasyon tungkol sa lahat ng mga taong bingi sa inyong teritoryo.
5 Kumusta kung walang isa man na malapit upang magbigay ng espirituwal na tulong sa mga taong bingi sa inyong komunidad? Paano ka makatutulong? Bakit hindi ka gumawa ng pagdalaw-muli at makipag-usap sa sinumang kasambahay na nakaririnig? Magboluntaryo na ipalabas ang isang video ng sign-language upang mapukaw ang interes ng taong bingi. Maraming mamamahayag sa Pilipinas ang nagsisikap na matuto ng sign language upang maabot nang mas mabisa ang mga bingi. (Gawa 16:9, 10) Ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman ay makukuha sa video na may sign language. Ang pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang mga kasangkapang ito ay nakapagdulot na ng maraming positibong bunga.
6 Sa pamamagitan ng pagiging alisto sa paghahanap sa mga taong bingi sa inyong lugar, mabibigyan mo sila ng pagkakataong kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.—Mat. 10:11.