Pagmamasid sa Daigdig
Naghahanda Para sa Taóng 2000
“Maaaring magdulot ng kaguluhan sa teknolohiya ang taóng 2000, subalit nais tiyakin ng Federal Reserve Board [ng Estados Unidos] na anuman ang mangyayari, makabibili pa rin ang mga Amerikano ng mga sari-saring pagkain sa bagong milenyo,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Iniutos ng bangko sentral na magpalabas ng karagdagang $50 bilyong bagong salaping ipagagamit sakaling kunin ng mga nagdeposito ang kanilang salapi sa mga bangko at mga automated teller machine.” Ang ekstrang salapi ay dapat na maihanda sa katapusan ng Setyembre 1999. Ang mga lumang computer na gumagamit lamang ng huling dalawang numero upang kilalanin ang mga taon ay maaaring mag-akala na ang taóng 2000 ay 1900. Nangangamba ang ilang eksperto na masisira ang ilang computer dahil sa problemang ito, na kilala bilang ang Y2K. Maaaring malutas ang problemang ito sa pamamagitan ng masusi at umuubos-panahon na muling pag-aayos sa programa, subalit maraming bangko at mga kompanya ang kamakailan lamang nagsimula sa gayong pag-aayos ng programa. “Ang pagkabahala ng ilan sa publiko hinggil sa posibleng pagkaparalisa ng pananalapi ay lalo pang pinalulubha ng mga nangangaral na relihiyosong grupo na may palagay na ang katapusan ng milenyo ay isang tanda ng kapaha-pahamak na hula sa Bibliya” at “posibleng pagkawasak ng lipunan,” ang sabi ng ulat.
Nagbalik ang Sleeping Sickness
Noong 1974, ang Angola ay nag-ulat ng tatlong kaso ng sleeping sickness. Kamakailan, tinaya ng World Health Organization na di-kukulangin sa 300,000 ang bilang ng mga kaso roon. Libu-libo, marahil ay milyun-milyon pa, ang maaaring nanganganib. Ang sleeping sickness ay resulta ng kagat ng bangaw na tsetse. Matapos sipsipin ang dugo ng isang taong may parasito, ang bangaw ay lumilipat upang hawahan ang susunod na biktima nito. Ang mga taong nagtatrabaho sa bukid o naglalaba sa ilog—at, lalung-lalo na, ang mga sanggol na nakatali sa likod ng kani-kanilang ina—ay madaling mahawahan. Sa simula ang mga biktima ay makararanas ng pananakit ng ulo, lagnat, at pagsusuka. Palibhasa’y hindi makatulog sa gabi, sila’y karaniwang inaantok sa araw. Sinasalakay ng parasito ang pangunahing sistema ng nerbiyo at sa bandang huli ay ang utak, na nagbubunga naman ng pagkabaliw, koma, at kamatayan. Ang pagsugpo sa siklo ng paglaganap ng sakit at paggamot sa mga biktima ay mahal at mahirap—mga $90 bawat paggamot, “napakamahal para sa mga nasa Angola,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London.
Pananatiling Malusog
“Hindi naman kailangang maging mabigat ang pisikal na gawain para mapabuti ang iyong kalusugan,” ang sabi ng The Physical Activity Guide, na inilabas kamakailan ng Health Canada. Gaya ng iniulat sa The Toronto Star, “mapabubuti mo ang iyong kalusugan at ang iyong puso sa pamamagitan ng paggawa ng magaan na gawain sa bawat 10 minuto hanggang sa makagugol ka ng isang oras sa kabuuan bawat araw.” Ano ang ilan sa inirerekomendang mga gawain? Kasali rito ang paglalakad, pag-akyat sa mga hagdan, paghahalaman, at pag-uunat. Ang mga gawaing bahay na gaya ng pagbabakyum o paglalampaso ay kasali rin, at pinadadali nito ang paggalaw ng iyong katawan. Iminumungkahi ng panuto na ang tunguhing gumugol ng 60 minuto sa isang araw ay “maaaring maabot sa pamamagitan ng paglalakip sa pisikal na mga gawaing ito sa iyong araw-araw na rutin.” Ganito ang sinabi ni Dr. Francine Lemire, presidente ng College of Family Physicians ng Canada: “Kung ikaw ay di-aktibo, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang panganib sa kalusugan ay katumbas ng paninigarilyo.”
Panganib sa Computer sa Himpapawid
“Naniniwala ang mga eksperto na darating ang panahon na ang isang maliit na personal electronic device (PED) na gaya ng isang laptop, mobile phone, CD player o game computer ay magiging sanhi ng trahedya sa isang sasakyang panghimpapawid na gaya ng isang bomba ng terorista,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng Sydney, Australia. “Nakadokumento sa isang bagong report ang 50 pangyayari kung saan ang pangkomersiyal na mga sasakyang panghimpapawid ay nakaranas ng posibleng kapaha-pahamak na mga problema sa himpapawid dahil sa mga pasaherong gumagamit ng mga personal electronic device.” Ang isang halimbawang ibinigay ay ang eroplanong pababa sa paliparan ng Melbourne, Australia. Ang eroplano, na ginamitan ng awtomatikong piloto, ay biglang kumaliwa, anupat humilig ng mga 30 digri. Subalit wala namang nakialam sa mga kontrol nito. Isiniwalat ng isang pagsisiyasat na isang pasahero sa ikatlong hanay ng upuan ang gumamit ng kaniyang laptop na computer, sa kabila ng maliwanag na mga tagubilin ng piloto na patayin ang lahat ng kagamitang elektroniko. Ang gayong mga kasangkapan ay nagiging sanhi ng pagtaas, pagbulusok, pag-iiba ng direksiyon, at maging ng pagkawala ng presyon ng mga sasakyang panghimpapawid habang lumilipad ang mga ito. Ang mga elektronikong signal mula sa mga PED ay maaaring masagap ng awtomatikong sistema sa paglipad ng eroplano at maaaring makaapekto sa mga ito. Ang mga pasaherong nakaupo sa gawing harapan ng eroplano ay makalilikha ng pinakamalaking problema, yamang sila’y tuwirang nasa itaas ng kinalalagyan ng elektronikong kagamitan ng eroplano.
Bagong Pamamaraan ng Pagsesesaryan
“Ang isang bagong pamamaraan ng pagsesesaryan ay maaaring magbunga ng mas mabilis at mas magaang na panganganak,” ang ulat ng pahayagang Aleman na Augsburger Allgemeine. “Habang ginagamit ang paraang Misgav-Ladach, manu-manong inuunat ng siruhano ang mga himaymay ng taba, ang sapin ng tiyan, at ang mga kalamnan ng babaing nanganganak, sa halip na hiwain ang mga ito ng scalpel na gaya ng ginagawa sa ngayon.” Yamang ang paghiwa ay nababawasan, hindi gaanong malubha ang pagdurugo, at tatlong suson lamang ng balat at himaymay ang kailangang tahiin pagkatapos, kung ihahambing sa pito kapag ginamit ang karaniwang pamamaraan. Bukod dito, ang pamamaraan ay mas mabilis, mas nababawasan nito ang panganib ng impeksiyon, mas kaunti ang kakailanganing pamatay-kirot na gamot, at ang babae ay maaaring lumabas ng ospital pagkaraan ng tatlo hanggang limang araw. Ang pamamaraan ay isinunod sa pangalan ng ospital sa Israel kung saan unang sinubukan ito.
Hindi Ito ang Ninanais na Epekto
Kadalasa’y nasasagad ang pasensiya ng isang tsuper dahil sa trapiko sa lunsod. Isiniwalat ng isang pag-aaral na pinangasiwaan ng mga sikologo sa La Sapienza University, sa Roma, na habang lumalala ang trapiko, lalo ring lumalala ang mga pagmumura na iniuukol sa mga relihiyosong bagay. Ayon sa pahayagang Corriere della Sera, “54 porsiyento ng mga pagmumura at mga paggawing lumalapastangan sa relihiyon” ay sanhi ng mga problemang kaugnay ng trapiko sa mga lansangang-bayan sa lalawigan. Subalit ang “hilig na sisihin ang mga santo at mga santa” ay lalong kapansin-pansin sa trapiko sa malalaking lunsod. “Sa mga panahong ito sa mga pangunahing lunsod, 78 porsiyento ng mga paglapastangan, na karaniwang kilala bilang mga pagmumura o mga pagsumpa, ay bunga ng trapiko,” ang sabi ng pahayagan. Lalong lumaki kamakailan ang problema sa trapiko sa Roma dahil sa mga konstruksiyon bilang paghahanda para sa taóng 2000, na ipinahayag bilang taon ng Katolikong Jubileo na sa panahong iyon ay magkakaloob ng mga indulhensiya. “Ito ay kakatwa ngunit totoo,” ang sabi ng tagapag-ugnay ng mga legong Jubilee-Watcher, “na ang unang epekto sa Roma ng Jubileo ay maaaring ang pagdami, hindi ng indulhensiya, kundi ng pagmumura.”
Ang Napakalakas na Tardigrade
Ang tardigrade, isang hayop na wala pang kalahating milimetro ang haba, ay ipinalalagay na siyang pinakamalakas na anyo ng buhay sa lupa, ang ulat ng magasing New Scientist. Karaniwang tinatawag na osong-tubig dahil sa matambok na anyo nito kapag tiningnan sa mikroskopyo, ito ay may walong paa at waring nababalutan ang mga ito ng baluting pangkalupkop. Kaya nitong manatiling buháy kahit nasa -270 digri Celsius hanggang 151 digri Celsius na temperatura, kahit malantad sa mga X ray o sa isang bakyum, at sa presyon na anim na beses ang kahigitan kaysa sa presyon sa sahig ng pinakamalalim na karagatan. Matatagpuan ito sa mga alulod ng bubong at sa pagitan ng mga bitak sa panlatag na mga bato. Ang ilan sa maliliit na nilalang na ito ay nabuhay pa nga pagkatapos mamahinga nang mahigit sa 100 taon sa mga pinatuyong lumot na koleksiyon sa museo. Bakit posible ito? Dahil sa kalagayang suspended animation na nagaganap kapag “ang laki ng katawan ay nabawasan ng 50 porsiyento o higit pa, kasunod ng halos lubusang pagkawala ng tubig,” ang sabi ni Propesor Kunihiro Seki, ng Kanagawa University, sa Hapon.
Pagpapahinahon sa mga Pasahero sa Pamamagitan ng Klasikal na Musika
Ang mga pasahero ngayon ay nakikinig ng klasikal na musika na likha ng mga kompositor na gaya nina Strauss, Vivaldi, Chopin, Tchaikovsky, Mozart, Bach, Bizet, Schubert, at Brahms samantalang naghihintay ng tren sa 18 sa mga istasyon ng subwey sa Rio de Janeiro. Sa pamamagitan nito, umaasa ang mga awtoridad ng subwey na “mapapakalma ang mga pasahero habang naghihintay ng biyahe,” ang sabi ng pahayagang O Globo. Nang piliin ang koleksiyon ng musika, “pinili ang mga komposisyon na makapagpapahinahon sa mga pasahero bagaman hindi naman makapagbibigay ng impresyon na tulad sa isang bulwagang pansayawan sa mga plataporma.” “Mas mainam ang pagtanggap kaysa sa inaasahan,” ang sabi ni Luiz Mário Miranda, ang direktor sa kalakalan ng sistema ng subwey sa Rio de Janeiro.
Pananagutan ng Bawat Isa
“Sinira ng mga tao ang mahigit sa 30 porsiyento ng kalikasan sa daigdig sapol pa noong 1970 na nagbunga ng malulubhang pag-unti ng kagubatan, sariwang tubig at mga sistema ng buhay-dagat na sa mga ito ay nakasalalay ang buhay,” ang sabi ng artikulo sa pahayagang The Guardian Weekly. Sinabi ng artikulo, batay sa isang report kamakailan ng tatlong nababahalang organisasyon, kasali na ang World Wide Fund for Nature (WWF), na bagaman karaniwan nang mga Kanluraning bansa ang pinakamalakas gumamit ng mga likas na yaman, ang mga papaunlad na mga bansa ay “umuubos [ngayon] ng kanilang mga likas na yaman sa isang nakababahalang bilis.” Ganito ang sinabi ng isang opisyal para sa WWF: “Alam namin na mapanganib ito, subalit hanggang sa mga sandaling gawin namin ang report na ito ay hindi namin natanto kung gaano kapanganib ito.” Bagaman sinisisi ng report ang mga pamahalaan dahil nabigo ang mga ito na hadlangan ang ganitong kalakaran, sinabi nito na “bawat indibiduwal ay nananagot sa pagkawalang-ingat hinggil sa kalikasan sa daigdig,” ang sabi ng pahayagan.