Ang Taóng 2000—Maaapektuhan Ka Kaya ng mga Pagkasira ng Computer?
SINASABING nang pumasok ang computer sa tanawin ng daigdig, ito ang pinakadakilang imbensiyon mula nang magamit ng tao ang kuryente. Sa ngayon, pagkalipas ng ilang dekada, maraming tao ang nag-iisip kung paano sila nakaraos nang walang mga computer. Ang magasing ito na binabasa mo ay inihanda sa tulong nito. Naiimbak ng mga computer ang impormasyon sa memorya nito at agad itong nakukuhang-muli. Ah, kahanga-hangang mga computer! Kamangha-mangha ang mga ito! Ano na lang kaya ang gagawin ng daigdig kung wala ang mga ito?
Sa modernong mga dako ng daigdig, halos bawat aspekto ng buhay ng tao ay apektado sa paano man ng mga computer. Kung umaasa ka sa pensiyon, bayad para sa mga kapansanan mula sa gobyerno, ibinabalik na mga bayad sa buwis at seguro, o marami pang ibang kabayaran, ang pagtanggap mo nito ay depende sa mga computer. Kung ikaw ay isang empleado, malamang na ang iyong mga tseke sa peyrol ay ginawa sa computer. Sinusubaybayan ng mga computer ang salaping idineposito sa mga institusyon ng bangko at ang ibinabayad na interes. Kinokontrol nito ang di-mabilang na mga kasangkapan sa modernong mga tahanan, gaya niyaong mga nagbibigay ng kuryente o dumadalisay sa tubig. Kapaki-pakinabang ito sa mga doktor, klinika, at mga ospital sa pagsusuri sa mga problemang pangkalusugan—at sa pagliligtas ng buhay. Ginagamit ang mga computer upang subaybayan ang lagay ng panahon at upang hindi magbanggaan ang mga eroplano sa himpapawid.
Gaano Katalino ang mga Ito?
Ang mga computer ay hindi kasintalino ng mga taong nagprograma sa mga ito. Nalulutas ng computer ang mga problema ayon lamang sa tagubilin dito. Wala itong sentido kumon. Kapag mali, ipinababanaag lamang nito ang mga di-kasakdalan ng mga taong nagprograma o gumawa nito. Kapag tama ito, pinupuri ang tao. Maaaring mas mabilis gumawa ng atas ang computer kaysa sa tao, subalit hindi nito nasasagot ang mga problema malibang tustusan ng tao ng pamamaraan sa pagsagot.
Halimbawa, talagang kapos ang unawa ng tao sa hinaharap nang una niyang iprograma ang ilang computer noong mga taon ng 1950 at 1960. Yamang magastos ang memory ng computer noon, ang mga nagprograma ay humanap ng mga paraan upang makatipid sa memory. Sa computer, ang bawat titik o numero ay umookupa ng espasyo. Kaya upang makatipid ng espasyo kapag nag-iimbak ng impormasyon, ang unang mga nagprograma ay gumawa ng isang pinaikling kodigo na nag-aalis sa dalawang unang numero sa petsa ng taon. Halimbawa, ang taóng 1965 ay pinaikli tungo sa “65,” ang 1985 tungo sa “85,” ang 1999 tungo sa “99,” at iba pa. Simpleng bagay lamang na idagdag ang “19” sa “85” upang maging 1985 kapag inililimbag ang mga petsa. Sa nakalipas na mga dekada, milyun-milyong programa ang isinulat na ginagamit ang shortcut na ito. Kakaunting nagprograma ang nag-isip na ang waring hindi nakapipinsalang shortcut na ito ay magkakaroon ng malubhang mga kahihinatnan, yamang hindi nila naisip na ang kanilang mga programa ay gagamitin pa sa pagsisimula ng ika-21 siglo. Gayunman, ginagamit pa rin ang maraming programa na nagtataglay ng shortcut na ito at ipapasok nito ang taóng 2000 bilang “00.”
Babasahin naman ng ilang computer ang “00” bilang táong 1900! Gunigunihin ngayon ang kalituhan sa programa ng computer kapag kinalkula ng computer ang isang limang-taong pautang na magsisimula sa 1999 at inaasahang ang huling bayad ay sa 1904! Sa iba pang kaso, ang mga pagkalkula ng petsa ay magpapangyari sa programa ng computer na huminto dahil sa isang pagkakamali, at sa malubhang mga kaso, ang programa ay lubusang masisira.
“Bagaman ang microchip ay nagdala sa atin ng pagbabago sa industriya na pumapantay sa imbensiyon ng kuryente,” ang sulat ng pahayagang Toronto Star, “ginawa rin tayo nito na maging mas mahina kaysa kailanma’y naisip ng mga imbentor.” Sinabi pa ng Star: “Sa buong daigdig, may mga sistema ng computer at mga microchip na hindi nakakakilala ng pagkakaiba sa pagitan ng taóng 1900 at taóng 2000. Malibang makilala at mabago ang mga sistemang ito, maaaring magkaroon ng pangglobong kaguluhan.”
Ang Hula ng Ilang Eksperto
“Hinuhulaan ng lahat kung magiging gaano kasama ito, pati na ako,” sabi ni Senador Robert Bennett, ng Utah, Estados Unidos. “At walang makaaalam hanggang sa Bagong Taon ng 2000 o pagkalipas ng isa o dalawang linggo.” “Sa katunayan ay may ilang saligan sa pagsasabing . . . magkakaroon ng mga resulta na magiging napakahirap para sa ekonomiya at napakahirap para sa mga tao,” sabi ng isang kawani sa presidente ng Estados Unidos.
“Nababahala kami hinggil sa potensiyal na paghinto ng mga power grid, telekomunikasyon, at serbisyo ng mga bangko,” sabi ng isang tagapagsalita para sa U.S. Central Intelligence Agency. Ayon sa mga ulat mula sa buong daigdig, ang ilang computer ay nakaranas na ng mga problema nang ang mga petsa sa computer ay pinaabot sa taóng 2000 o higit pa.
“Hinuhulaan ng mga eksperto ang higit pang problema sa bahagi ng kalusugan,” ulat ng U.S.News & World Report, “yamang ang bayarin ng pasyente at mga rekord ng seguro sa mga ospital o mga HMO ay maaapektuhan. Nanganganib din na hindi umandar ang ilang uri ng kagamitang biyomedikal, kasali na ang mga aparatong sumusubaybay sa pasyente. Dahil sa huli nang ituwid ang maraming kagamitang de kuryente, ang paghinto ng lokal na pinagmumulan ng enerhiya ay isang banta.” Isang pahayagan sa Canada ang nagpahayag ng gayunding pangamba: “Ang ating mga ospital at mga teknolohiya sa medisina ay pawang nasasalig sa lumalaganap-sa-lahat na microchip, kaya ang paghinto ng sistema ng computer ay maaaring pumatay ng tao.” “Dahil sa larangan na kinaroroonan natin,” panangis ng isang administrador ng ospital, “apektado tayo nito sa mas malubhang paraan. Ang ibang industriya ay maaaring wala sa agaw-buhay na mga kalagayan.”
Ang mas pesimistikong mga propesyonal sa computer ay humuhula sa pagbagsak ng mga pamilihan ng sapi, pagkalugi ng maliliit na negosyo, at ang sabay-sabay na paglalabas ng pera ng mga takot na nagdeposito sa mga institusyon ng bangko. Sa Estados Unidos, tinawag ng nakaatas na kinatawan ng kalihim ng tanggulan ang pambuong-daigdig na computer bug na elektronikong katumbas ng El Niño na lagay ng panahon at nagkomento: “Ako ang unang magsasabi na tiyak na magkakaroon tayo ng ilang masasamang sorpresa.”
“Ang epekto sa mga negosyo sa Russia ay magiging kapaha-pahamak kung ang mga computer ay hindi maaayos bago ang Enero 1 ng taóng 2000,” sabi ng presidente ng American Chamber of Commerce. Nag-uulat ang pahatid-balita na Reuters: “Ang mga kompanya sa Alemanya ay naglalakad nang tulog patungo sa sakunang bomba ng computer sa darating na milenyo, at ang kakambal na produkto ay nagbabanta ng kaguluhan sa buong Europa.” Isang direktor sa pananaliksik ang nagsabi na “maikakapit mo ang katulad na mga pagpuna sa Austria, Switzerland, Espanya, Pransiya at Italya.”
Itinawag-pansin din ng Bangkok Post ang problema sa computer ng Thailand: “Nakakaharap ng mga tanggapan ng pambansang estadistika sa rehiyon ang dalawang hamon ng milenyo: ang pag-iwas sa problema ng taóng 2000 (Y2K) sa kanilang mga sistema ng computer, at ang paghahanda upang iproseso ang bagong rutin ng mga sensus ng populasyon, ayon sa United Nations Information Service.” Pawang nakakaharap ng Australia, Tsina, Inglatera, Hong Kong, Ireland, Hapón, at New Zealand ang gayunding problema. Oo, isa itong pambuong-daigdig na problema na nangangailangan ng lunas.
Ang Napakalaking Halaga
Itinakda ng ilang eksperto ang napakalaking halaga na magagastos sa pag-ayos ng problema sa computer. Halimbawa, tinataya ng U.S. Office of Management and Budget na mangangailangan ng $4.7 bilyon upang alisin ang mga pagkakamali sa mga computer lamang ng pederal na gobyerno. Sinasabi ng isang grupo ng mga eksperto na ang isang mas makatotohanang tantiya upang ayusin lahat ang mga pederal na computer ay mga $30 bilyon. Ano ang tinatayang halaga sa buong daigdig? Hindi kapani-paniwalang “$600 bilyon upang ayusin ang software at $1 trilyon para sa hindi maiiwasang mga hablahan kapag hindi naayos ang ilan,” ulat ng pahayagang New York Post. Tinaya ng isa pang grupo ng mga eksperto na ang “halaga ng mga pagkumpuni, demanda, at pagkalugi ng negosyo ay maaaring umabot sa kabuuang halaga na mga $4 na trilyon.” “Ang problema ng Taóng 2000,” sulat ng New York Post, “ay lumilitaw na siyang pinakamagastos sa kasaysayan ng tao.” Inilarawan ito ng isa pang ulat bilang “marahil ang pinakamalaki, pinakamapanganib at pinakamagastos na proyekto na kailanma’y nakaharap ng tao.”
Nagkakaibang Opinyon
Paano ka maaapektuhan nito? Depende sa kung saan ka nakatira at sa pagsisikap na ginagawa ng mga institusyon na pinakikitunguhan mo, ito’y maaaring alinman mula sa pagiging walang epekto hanggang sa bahagyang nakayayamot hanggang sa napakahirap, lalo na sa unang ilang linggo pagkatapos ng Enero 1, 2000. Kung may mga nakababahala sa iyo, gaya ng pantanging kasangkapang ginagamit mo para sa pangangalaga sa kalusugan, makipag-alam sa mga negosyo o institusyon na naglalaan ng serbisyo at tanungin kung anong epekto mayroon ang taóng 2000 sa kagamitan o sa serbisyo.
Marami na ang nasabi sa nakalipas na ilang taon tungkol sa problema ng taóng 2000. Sinabi ng ilan na ang problema ay napakalubha; sabi naman ng iba na pinalalaki lamang ang problema. May mga nagpaparatang na babagsak ang mga bangko, samantalang sinasabi naman ng mga eksperto may kinalaman sa pagbabangko na sa taóng 2000, maaayos na ang kanilang mga problema. “Walang naniniwala na ang network ng telepono ay patungo sa kapaha-pahamak na pagkalugi,” sabi ng pinuno ng U.S. Federal Communications Commission. Subalit inamin niya na magkakaroon ng mga problema sa telepono sa pagsisimula ng dantaon, ngunit sinabi niyang ang mga ito’y nakayayamot, subalit hindi kapaha-pahamak. Gumagawa na ang maraming organisasyon ng mga pagsubok sa panggagaya ng petsa sa mga laboratoryo. Maaaring hadlangan nito ang maraming problema. Gayunman, kailangan pang maghintay ng daigdig upang makita kung magiging gaano kalaki ang problema sa taóng 2000.