Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 7/22 p. 25-27
  • Kailangan ba ni Junior ang Computer Ngayon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailangan ba ni Junior ang Computer Ngayon?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maaasahan Ba?
  • Kung Ano ang Kailangang Gawin ng Mga Magulang
  • Artipisyal na Katalinuhan—Matalino Nga Ba?
    Gumising!—1988
  • Cyberattack!
    Gumising!—2012
  • Ang Taóng 2000—Maaapektuhan Ka Kaya ng mga Pagkasira ng Computer?
    Gumising!—1999
  • Pagpapanatili ng Timbang na Pangmalas sa Teknolohiya ng Computer
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 7/22 p. 25-27

Kailangan ba ni Junior ang Computer Ngayon?

Anong papel ang ginagampanan ng computer sa edukasyon ng ating mga anak?

Gaano kahusay itong guro?

ANG nanay ni Junior ay nakaupo habang matamang nakikinig sa guro. Sinabi sa kaniya ng guro na si Junior ay mahina sa klase.

“Kung gayon,” ang tanong ng nanay, “ano ang inyong maimumungkahi?”

“Napag-isipan na ba ninyo ang pagkakaroon ng computer sa bahay?” ang sagot ng guro.

Malaki ang nagagawa ng mga anunsiyo na naglalarawan ng isang tagpo na gaya ng binabanggit sa itaas upang ang nababahalang mga magulang ay maniwalang para matiyak ang tumpak na edukasyon​—at ang madaling pagkuha ng trabaho sa hinaharap​—ng kanilang mga anak, kailangang tiyakin nila na ang kanilang mga anak ay matuto ng lahat ng bagay na maaari nilang matutuhan tungkol sa computer. Bukod doon, mabilis na dumarami ang mga computer na ginagamit sa mga silid-aralan.

Walang duda na ang computer ay maaaring magturo at maglinang ng kakayahang lumikha at lumutas ng mga problema sa paraang inaakalang hindi kayang gawin noon.

Halimbawa, isang programa sa computer ay nagpapangyari sa isang estudyante na hindi lamang lapain ang isang palaka kundi buuing-muli ito. Kapag tumpak na naisagawa ng estudyante ang “operasyon,” siya’y ginagantimpalaan sa pamamagitan ng pagkakita sa palaka na muling nabuhay at lumulundag mula sa screen. Ang ibang mga programa ay gumagaya sa pagkilos ng mga planeta, naglalarawan sa heograpiya ng lupa, o nagpapangyari sa mga estudyante na magpalipad ng eruplano, magpatakbo ng kotse, o magsagawa ng kemikal na mga eksperimento.

Ang isa pang paraan kung saan ginagamit ang computer ay karaniwang tinatawag na computer-assisted learning. Ang computer ay nagtatanong. Kapag ang estudyante ay nakasagot nang tama, tutungo iyon sa susunod na tanong. Kung hindi, ito ay magpapaalaala sa estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga himaton (clues). Ito ay nagbibigay sa estudyante ng karanasan na matuto nang siya lamang mag-isa at nagpapahintulot na magpatuloy ayon sa kaniyang sariling bilis. Bukod doon, ang isang computer ay may walang katapusang “tiyaga” at hindi “nagagalit” sa estudyante kapag mali ang ibinigay na sagot, na di-tulad ng isang guro. Ito man ay nakatutulong sa pagkatuto.

Karamihan sa mga paaralan sa ngayon ay may mga klase upang matutuhan ang computer. Ang mga klaseng ito ay nagtuturo sa mga estudyante kung papaano gagamitin at ipuprograma ang computer. Para sa mga interesado sa isang karera sa larangan ng computer, ito ay maaaring napakahalaga. Ang mga tagapagtaguyod sa uring ito ng kurikulum ay totoong naniniwalang ang lahat ng mga estudyante ay kinakailangang magkaroon ng kaalaman sa computer. Ang tinatanaw na mga trabaho, totoo man o guniguni, ay nakaaakit din sa gayong mga klase.

Ang pagsulat at pagsasaliksik ay isa pa sa kapaki-pakinabang na mga gamit ng computer sa paaralan. Ang mga guro sa mga klase sa pagsulat ay madalas na nakakakitang ang mga estudyante na gumagamit ng computer bilang word processors ay lalo nang sumasang-ayon na isulat-muli at isaayos ang kanilang sariling materyales​—isang mahalagang bahagi ng mabuting pagsulat​—sapagkat laging nasa harapan nila ang isang tapos na, maayos-tingnang gawa.

Ang computer ay makapagbubukas din ng isang malawak na pinagmumulan ng impormasyon para sa mga estudyante. Sa paggamit ng angkop na kagamitan, ang estudyante sa isang paaralan ay maaaring makipag-usap sa mga estudyante sa ibang paaralan para sa isang natatanging proyekto. Maaari rin silang kumonekta sa malalaking sentro ng mga aklatan at data banks, na nakakukuha ng pinakahuling impormasyon sa isang malawak na mapagpipiliang mga paksa na hindi kayang ibigay ng aklatan ng kanilang sariling paaralan.

Maliwanag, kapag ginamit nang wasto, ang computer ay isang tulong sa pagtuturo. Ang karanasan na gamitin ang mga kamay at ang isahang mga situwasyon na ginawang posible kung saan may sapat na dami ng computer ay mahalaga sa mga nakababatang estudyante. Ang mga nakatatanda naman ay maaaring lumampas pa sa kurikulum na base-sa-aklat-aralin at makinabang mula sa makabagong paraan ng pagkatuto na ginawang posible ng computer.

Lahat ng ito ay tiyak na magandang pakinggan. Subalit ano nga ba ang tunay na nangyayari? Nakatutugon nga ba ang computer sa mga inaasahan?

Maaasahan Ba?

Ang pagiging matagumpay ng computer sa edukasyon ay tunay na walang ipinagkaiba sa pagiging matagumpay ng kurikulum ng paaralan. Ang kinakailangan lamang ay ang tamang uri ng mga programa na ituturo ng may kakayahang mga guro. Natugunan ba ang mga pamantayang ito?

Ang ilang mga paaralan, sa kanilang pagmamadaling bilhin ang teknolohiya ng computer, ay sumige at bumili ng mga computer nang hindi man lamang maingat na isinaalang-alang kung papaano gagamitin ang mga ito at kung ano ang mga pangangailangan ng mga estudyante. Ang resulta ay na maraming paaralan ang nanatili na lamang sa di-kawili-wiling gawain ng paghanap ng kapaki-pakinabang na mga paggagamitan ng kanilang mga computer.

Ang ganitong kalagayan ng mga pangyayari ay nakikita sa kung papaano ginagamit ang mga computer sa paaralan sa ngayon. Samantalang may mga nakaaakit na mga programa at matatalinong paraan ng pagtuturo, natuklasan ng ginawang surbey na ang mga programang iyon ay iilan-ilan lamang sa kabuuan na ginagamit sa mga paaralan. Karamihan sa mga programang ginagamit sa silid-aralan ay alinman para sa praktis at dril o para matutuhan ang computer.

Ang praktis at dril, siyempre pa, ay may kanilang dako sa paaralan. Subalit mahirap na pabulaanan ang katuwirang nakapaloob sa tanong na iniharap ng isang guro sa paaralan at instruktor sa computer: “Bakit pa gagastos ng $2,000, o $1,200, o kahit na $600 para sa isang elektronikong aklat-sanayán samantalang ang isang dating simpleng aklat-sanayán na may maraming pahina ng mga dril at praktis na nagkakahalaga lamang ng $2.95 ay gayundin naman ang magagawa?” Isa pa, inaakala ng ilang mga tagapagturo na ang gayong mga gamit ay nagpapawalang-bisa sa buong layunin ng paggamit ng mga computer sa paaralan sa dahilang binabawasan nito ang pagkatuto sa paghanap lamang ng tama at maling sagot sa halip na pasiglahin ang kakayahang umisip at lumikha.

Kung tungkol sa pangangailangan ng kaalaman sa computer, ang marami ay nag-iisip na ito’y isang matalinong gimik ng mga tagagawa ng computer at mga kaugnay na industriya. Dahilan sa mga anunsiyo na gaya ng nabanggit kanina, at marahil dahil sa kanilang takot sa bagong makinang ito, inaakala ng maraming magulang na ang kanilang mga anak ay magiging mga bigo kung wala silang kaalaman sa paggamit ng computer. Ang totoo, kakaunting trabaho lamang sa hinaharap ang nangangailangan ng kaalaman sa computer, iyon ay, kaalaman sa programming, mga wika ng computer, at iba pa. Sa halip, ang mga computer ay gagamitin bilang kagamitan, kung paanong ang mga calculator o makinilyang de-koryente ay karaniwang ginagamit sa ngayon. Tiyak na isang mahalagang bagay ang marunong gumamit ng mga makinang ito, subalit wala namang nag-aalala dahil sa hindi nila alam kung paano umaandar ito maliban na lamang kung ang isa ay interesado sa isang trabaho sa larangang ito. Ang nangingibabaw na pangmalas ay na ang kaalaman sa computer ay dapat ituro ngunit bilang isang mapagpipilian lamang.

Yamang ang mga computer ay baguhan lamang sa mga silid-aralan, ang mga ito’y madalas na nagtitinging mahirap arukin para sa mga gurong walang teknikal na karanasan na tulad ng ginagawa nito sa mga estudyante. Kung gayon, natuklasan ng mga opisyal ng paaralan, na ang pagtutol na magbago ang isang pangunahing hadlang sa pagpapataas ng antas ng pagtuturo ng computer.

“Ang maraming guro ay asiwa sa mga computer,” ang sabi ng isang prinsipal. “Alam nila na naririto na nga ang mga computer at na kailangang maging interesado sila. Subalit ang pagsasanay sa mga tauhan ay nananatili pa ring pinakamalaking problema.” Nangangailangan ng panahon at salapi upang muling turuan ang mga guro. Gayunman, ang mga autoridad ng paaralan ay umaasa na habang ang mga guro ay nagtatamo ng higit pang karanasan at marami pang may-kaalaman sa computer na mga guro ang umaanib sa kanilang hukbo, marami pang kapaki-pakinabang na mga gamit ang matutuklasan sa kasangkapang ito.

Kung Ano ang Kailangang Gawin ng Mga Magulang

Kung gayon talaga bang kailangan ni Junior ang computer ngayon? Ang kasagutan ay maaaring depende sa iyo, ang magulang. Kung ang iyong inaalala ay na ang iyong anak ay magiging isang kabiguan kung wala siyang computer, kung gayon baka ang nabanggit na ay magpangyari sa iyong makita ang larawan sa mas timbang na paraan.

Ang mga tagapagturo sa kabuuan ay sumasang-ayon na ang mga batang mag-aarál ay kailangang may kaunting kaalaman sa computer. Sa layuning ito, karamihan sa mga paaralang bayan ngayon ay may ilang uri ng mga programa na turuan ang mga estudyante tungkol sa mga computer, ipinakikilala sila sa saligang mga elemento ng aparato​—ang computer, teklado, disk drive, tagaimprenta, at iba pa​—at sa panimulang-turo ng pagpuprograma. Ang mga paaralan ay karaniwan nang naglalaan ng kinakailangang kagamitan sa mga klase sa computer, at ang mga estudyante ay binibigyan ng pagkakataon na magamit ito. Yaong mga interesado sa larangan ng computer ay maaaring pumili ng espesyal na mga klase sa kanilang huling mga taon katulad din naman ng kung papaanong ang ibang estudyante ay maaaring pumili ng sining, accounting, sekretaryal, o iba pang mga kurso.

Mangyari pa, may ilang paaralan kung saan ang computer ay mas malawak na ginagamit at bagong mga programa ay ginagamit upang ituro ang sarisaring asignatura. At sapagkat ang gayong kurikulum ay bago pa lamang, walang nakatitiyak kung ito ay mas mahusay kaysa dating mga pamamaraan ng edukasyon.

Marahil ang mga salita ng isang nasa ikatlong taon sa high school sa isang artikulo sa New York Times ay naglalarawan sa kalagayan. Ang sulat niya: “Ang mga computer ay may dako sa edukasyon bilang mga kagamitan, subalit ang mga ito’y hindi isang anyo ng sosyal na kasiguruhan laban sa kawalan ng kakayahan at nalilitong kaisipan.” Idiniriin ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga estudyante kung papaano mag-iisip, siya’y nagtatapos: “Walang teknolohikal na maigsing-daan sa tunguhing iyan.”

[Kahon sa pahina 26]

“Ang bata ay higit na makikinabang sa isang oras na ginugol kasama ng isang interesadong magulang kaysa sa isang oras na ginugol sa harap ng isang tumutunog na kahon.” ​—Pitak ng Personal Computers, The New York Times

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share