Mga Brilyante—Talaga Bang “Magpakailanman”?
ANG korona ng mga pinuno sa Europa, kapuwa mga hari at mga reyna, ay nagagayakan nito. Pinagmamalaki ng Royal Scepter ng Inglatera (tingnan ang larawan) ang pinakamalaking brilyante sa daigdig. Ang Imperial State Crown nito ay naglalaman ng ikalawang pinakamalaking brilyante, na napaliligiran ng 2,800 maliliit na mga brilyante. Nasa ingatan-yaman ng Rusya sa Moscow ang isa sa bantog na brilyante na kasinghalaga ng pantubos sa hari. Nang minsan si Aga Khan, na sinamba ng mga Muslim na Ismaili bilang nakahihigit sa tao, ay tinumbasan ng brilyante ang kaniyang timbang, na 243 libra (110 kg).
Dati’y inakala na ang pagkanaroroon ng isang brilyante ay magpapangyari sa mga manggagawa ng masama na ipagtapat ang kanilang mga kasalanan. Karagdagan pa, maaari nitong paglabanan ang mga lason, wakasan ang diliryo at di-kinakailangang pag-aalala. Maaari nitong sugpuin ang marahas na mga damdamin at mga kaisipan ng pagpatay, at higit sa lahat, pagtibayin ang pag-ibig. Maaari itong gamitin bilang isang di-nagmamaliw na pagsubok ng katapatan. Kung ilalagay sa dibdib ng natutulog na kabiyak, mapapangyari ng isa ang natutulog na ihayag ang kaniyang pinakatatagong mga lihim. Inakala rin na ang mga ito ay may kapangyarihan na magtaboy ng mga multo, magpangyari ng mga away at sindak, at magdala ng kamatayan.
Oo, taglay ng mga brilyante ang lahat ng katanyagang ito kung saan nagmula ang gayong kapangyarihan. Subalit sa lahat ng mga pamahiin at alamat na nakapaligid sa mga brilyante at kung bakit patuloy na hinahangad ito ng mga tao, iisang dahilan ang nananatili—ang mga ito ay sagisag ng katayuan sa buhay o status symbol.
Mayroon ka bang brilyante? Itapat mo ito sa liwanag. Pansinin ang ningning at kislap nito. Pihitin mo ito nang marahan. Pansinin ang mumunting apoy na animo’y nagliliyab sa bawat tabas nito. Sa lahat ng mamahaling batong natuklasan ng tao, ang brilyante ang pinakamaningning. At hinahawakan mo ang pinakamatigas na sustansiyang nakilala ng tao, likas o artipisyal.
Subalit narito pa ang nakalilito sa isipan: Kumuha ka ng kapirasong tasâ mula sa anumang karaniwang lapis at itapat mo ito sa liwanag. Kumikislap ba ito? Para bang may apoy na nag-aalab sa loob nito? Napansin mo ba ang kinang nito? Hanga ka ba sa katigasan nito? Gayunman isang bagay ang karaniwan sa brilyante at tasâ ng lapis—sila kapuwa ay mula sa iisang elemento—ang karbón. Gayundin ang grapito (graphite), gayunman napakalambot ng grapito anupa’t ito’y ginagamit bilang isang lubrikante.
Bagaman ang mga brilyante ang kilalang pinakamatigas na sustansiya, ang mga ito ay maaaring durugin at pulbusin. Kahit na inakala ng iba na ang paglulon ng mga alikabok ng brilyante ay nakamamatay, ipinalalagay naman ng iba na ito ay may gayuma at nakapagpapagaling.
Gayunman, ang mga gamit ng brilyante sa industriya ay walang katulad. Halimbawa, isaalang-alang ito: Maaaring ukain ng pinakamatigas na bakal sa habang limang milya (8 km) ang ordinaryong tanso bago mangailangang hasain. Ang isang tungsten-carbide na kasangkapan ay mananatiling matalas sa 21 milya (34 km), samantalang ang brilyante ay makakahiwa hanggang 1,200 milya (1,900 km) ang haba. Ang makapal na kawad ng tanso ay maaaring isuot sa maliit na butas ng brilyante at hilahin hanggang 15,000 milya (24,000 km), ginagawa itong pinong hibla na metal, bago pumurol ang brilyante. Kadalasan nang ang mga kasangkapang may talim-brilyante lamang ang mga bagay na makapuputol sa napakatigas na mga metal ngayon. Ang halaga ng mga brilyante sa industriya ay hindi matututulan.
Isang Sagisag ng Katayuan sa Buhay
Gayunman, kung mayroon kang brilyante, bilang palamuti o puhunan, hindi ito ang uring ginagamit sa industriya. Ito ay pantanging tinabas, at pinakintab upang pahangain ka at ang iba sa makislap na ningning nito. Sa karamihan ng mga babaing may mga brilyante, malamang pangunahin na ang engagement ring. Yamang mahigit na 90 porsiyento ng lahat ng mga engagement ring ay binibili ng mga binata, ang karamihan ng mga pagbili ay ginagawa taglay ang ideya na ang mga brilyante ay isang kaloob ng pag-ibig—mentras mas malaki at mas mahal ang brilyante, mas malaki ang pag-ibig.
Naniniwala ang mga eksperto na hindi kukulanging 80 porsiyento ng lahat ng mga engagement ring na naibenta ay may mga brilyante. Bakit hindi rubi o esmeralda? Tiyak na ang mga ito ay kadalasan nang mas makulay. Ah, subalit nasabi na bang ang mga rubi o esmeralda ay “magpakailanman”? O na ang sapiro o ang topaz ay “matalik na kaibigan ng isang babae”?
Ang bagay na ang mga brilyante sa kalakhang bahagi ay naging sagisag ng pag-ibig, romansa, at pag-aasawa ay hindi nagkataon lamang. Bunga ito ng mahusay na kampaniya sa pag-aanunsiyo, tuso sa pamamaraan nito, na ang pag-aasawa at ang mga brilyante ay hindi mapaghihiwalay. Lalo na sapol noong 1947 na ang tusong paraang ito ay ginamit sa mga pelikula, mga magasin, at telebisyon.
Ang plano ng pag-aanunsiyo ay may malayuang tunguhin sa isipan—upang dalhin pati na ang mas mahirap na mga manggagawa sa pangkat ng gumagamit ng mga brilyante. Sabi ng isang ahensiya: “Ikinalat namin ang tungkol sa mga brilyanteng suot ng mga bituin sa pinilakang tabing, ng mga asawa at mga anak na babae ng pulitikal na mga lider, ng sinumang babae na makaiengganyo sa asawa ng isang tindero o groser at sa kasintahan ng mekaniko na magsabing ‘Sana’y mayroon ako ng suot niya.’” Dahilan sa brilyanteng nasa kaniyang daliri kahit na ang “asawa ng tindero” ay maaaring sumabay sa mga babaing may kaya sa buhay habang siya ay naglalakad-lakad sa pamilihan.
Subalit kumusta naman ang mekaniko o ang tindero na naglalaan ng bagong sagisag na ito ng katayuan sa buhay para sa kaniyang kabiyak? Dalawang papel ang ginagampanan ng brilyante yamang pinagaganda rin nito ang katayuan ng lalaki. “Itaguyod mo ang brilyante bilang isang materyal na bagay na maaaring magbadya, sa napakapersonal na paraan, sa tagumpay ng lalaki . . . sa buhay,” sabi pa nito.
Bagaman ang brilyante ay mabilí sa Estados Unidos, halos sapol sa pagsisimula ng siglo, tiniyak ngayon na ang pag-aanunsiyo ay dapat na makarating sa ibayo ng dagat patungo sa Hapón. Mula noong 1968 hanggang 1981 ang bilang ng mga nobyang Hapones na tumatanggap ng isang brilyanteng engagement ring ay dumami mula 5 porsiyento hanggang 60 porsiyento.
Ano ang tunay na puwersa na nasa likuran ng lakas na ito ng brilyante? Ito’y ang pinakamalakas na cartel o monopolyo sa kasaysayan ng komersiyo. Ang impluwensiya nito ay sumasakop sa buong globo. Mula sa pasimula nito, sa pagtatapos ng mga taon ng ika-19 na siglo, isa lamang ang layunin nito—upang kontrolin ang daloy at presyo ng mga brilyante.
Sabihin pa, ang mga brilyante ay hindi pambihira gaya ng inaakala ng iba. Sa ngayon ang mga brilyante ay minimina sa tatlong mga kontinente at sa pamamagitan ng malalaking makina ay hinuhukay ito ng toni-tonelada, na ang Aprika ang nagtutustos ng malaking porsiyento ng nagagawang brilyante sa daigdig. Ipinagmamalaki ng bagong mga minahan sa Australia ang potensiyal na nagagawang brilyante na 20 hanggang 50 milyong mga kilatis isang taon. (Ang isang kilatis ay ang timbang na katumbas ng 200 miligramo, o 1/142 onsa.) Sa ngayon ang industriyal na mga brilyante ay ginagawa pa nga sa pamamagitan ng malalaking makina.
Gayunman, hindi laging ganito ang kaso. Tatlumpong taon bago ang pagsisimula ng siglo, ang mga brilyante ay bihirang talaga—gapatak lamang na natuklasan sa India at Brazil. Nang ang malalaking brilyante ay masumpungan sa isang liblib na dako sa Timog Aprika, nagdagsaan sa maliit na dakong iyon ang mga naghahanap ng kayamanan, na sa loob halos ng magdamag ay nakakita ng 50,000 mga taong naghuhukay sa lupa na naghahanap ng mga brilyante. Sa paglipas ng panahon, nahukay nila ang pinakamalaking gawang-taong hukay sa daigdig—ang minahang Kimberley, 1,520 piye (463 m) sa ibayo at 3,601 piye (1,098 m) ang lalim. Pagkatapos ay nasumpungan ang iba pang mga minahan ng brilyante, at ang dating pambihirang mamahaling mga bato ay minimina nang toni-tonelada. Nakita ng mga namumuhunan sa brilyante na maaaring bumagsak ang kanilang negosyo. Ang halaga ng mga brilyante ay tiyak na bababa.
Gayunman, nakita ng mga taong malayo ang tinatanaw ang pangangailangan sa pagkakaroon ng isang alulod ng pamamahagi sa produksiyon ng brilyante ng daigdig. Dapat bilhin ng gayong monopolyo ang lahat ng makukuhang mga brilyante, kontrolin ang daloy sa mga tagapamahagi, at sa gayon kontrolin ang presyo. Ang sentral na organisasyong natatag sa layuning ito ay pinanganlang De Beers Consolidated Mines, Ltd., ng Timog Aprika. Sa ngayon ang De Beers ang nagbibenta ng 80 porsiyento ng mga nagagawang brilyante sa daigdig.
Nang matuklasan ng Rusya ang mga brilyante sa Siberia noong 1960 at malawakang minina ang mga ito—sampung milyong kilatis isang taon—batid ng De Beers ang pagbagsak ng presyo kung ang mga brilyante ng Rusya ay biglang ibabagsak sa mga pamilihan ng daigdig. Kinumbinse nila ang Moscow na ipagbili ang lahat ng di pa natatabas na mga brilyante sa sindikatong De Beers. Narating din ang kasunduan sa bagong minahan ng brilyante sa Australia.
Gayunman, kung kukunin ng monopolyo ang higit na mga brilyante kaysa maipagbibili nito upang mapanatili ang monopolyo nito, nakakaharap nito ang malaking panganib. Ang ilang mga eksperto ay naniniwala na ito nga ang kalagayan, at ikinatatakot nila na ang pagsasara ng kagila-gilalas na monopolyo ay mabilis na dumarating. Binabanggit nila na ang pagdagsa ng brilyante ay magpapababa sa mga presyo, at ang dating mamahaling brilyante ay mauuwi na lamang sa isang hindi gaanong mahalagang bato.
Hindi ang Dating Ipinalalagay na Puhunan
Marami ang nagsibili ng mga brilyante at mga singsing na brilyante taglay ang ideya na ang mga ito ay parang pera sa bangko na tumutubo ng interes. Sa mahirap na mga kalagayan sa kabuhayan, marami ang napilitang ipagbili ang kanilang mga singsing, upang matuklasan lamang na ang kanilang $250 na singsing ay naglalaman lamang ng $20 na brilyante na nasa $100 na pagkakaenggaste.
Gaya ng lahat ng iba pang bagay na ipinagbibili upang tumubo, ito ay may patong. Sa mga brilyante ang patong ay maaaring mula 100 hanggang 200 porsiyento. Maraming kilalang mga tindahan ng alahas ang may mahigpit na patakaran laban sa muling pagbili ng mga brilyante. Kadalasan ayaw nilang mapahiya na aminin na ang brilyante ay hindi isang mahusay na puhunan gaya ng sinabi nila.
Ang karamihan ng mga brilyante sa mga singsing ay may mga bula, at ang isang halos hindi makitang bula ay maaaring magpababa sa halaga ng brilyante sa kalahati ng presyo nito. Madaling sabihin ito ng mga mamimili. Gayunman, kung mayroon kang mamahaling brilyante at iniisip mong ipagbili ito, humanap ka ng isang kagalang-galang na nagtatasa ng brilyante at ipasuri mo ito sa kaniya. Subalit ang pagbibenta nito sa itinasang halaga ay maaaring maging isang problema.
Kung ikaw ay nagbabalak mag-asawa at nag-iisip kang bumili ng isang brilyanteng engagement ring, bilhin mo ito dahilan sa talagang nagugustuhan mo ang kagandahan, ningning, at kislap nito at hindi dahilan sa ito’y isang sagisag ng katayuan sa buhay ngayon. Bukas maaaring ito ay wala nang gaanong halaga.