Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 7/8 p. 12-15
  • Bakit Napakamahal ng mga Brilyante?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Napakamahal ng mga Brilyante?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagdalaw sa Antwerp
  • Pagpapakinis sa Batong Brilyante
  • Ang Halaga ng Isang Brilyante
  • Hiyas Mula sa Bato
    Gumising!—1999
  • Mga Brilyante—Talaga Bang “Magpakailanman”?
    Gumising!—1986
  • Makagagawa Ka ng Espirituwal na Pagsulong
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Ang Pasimula ng Makabagong Industriya ng Diamante
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 7/8 p. 12-15

Bakit Napakamahal ng mga Brilyante?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA

KUNG minsan ang kagandahan ay natutuklasan. Sa ibang pagkakataon naman ito’y dapat likhain. Subalit, ang isang brilyante ay dapat na kapuwa tuklasin at likhain.

Walang alinlangan, ang hindi makinis na mga brilyante ay isang magandang nilikha ng kalikasan. Dahan-dahang hinuhubog ng matinding presyon at mainit na temperatura sa ilalim ng pang-ibabaw na suson ng lupa ang simpleng karbon na maging matigas, napaglalagusan ng liwanag na mga kristal. Subalit ang di-pangkaraniwang mga batong ito ay kadalasang humahamon sa pagtuklas. Ang ilan sa pinakamalalaking gawang-taong butas sa ibabaw ng lupa​—na nakakalat sa mga tanawin sa Australia, Siberia, at Timog Amerika​—ay hinukay sa paghahanap ng mahahalagang bato na ito. Upang makuha ang ilang brilyante na tumitimbang lamang ng halos anim na gramo, sandaang toneladang lupa ang kailangang minahin at bistayin!

Minsang matuklasan ang brilyante, dapat na napakaingat na lilukin ng bihasang manggagawa ang potensiyal na kagandahan nito bago ito makapagpaganda sa isang singsing o kuwintas.

Natural, ang lahat ng pagsisikap na ito at pagkadalubhasa ay mahal. Subalit karamihan ng mga babae​—at mga lalaki​—ay nakadaramang sulit naman ang halaga, lalo na kung ang brilyante ay isang kaloob na ibinibigay sa kabiyak o sa katipan bilang tanda ng di-nagmamaliw na pagmamahal. Ang kagandahan at romansa ay nagpangyari na ang brilyante ay maging ang pinakamahal na kristal sa lupa.a

Pagdalaw sa Antwerp

Sa isang pagdalaw sa Antwerp, Belgium, isang lunsod na ang kayamanan ay totoong depende sa mga brilyante, napukaw ang interes ko sa walang-katulad na mga batong ito. ‘Ano,’ tanong ko, ‘ang gumagawa sa isang brilyante na lubhang kaakit-akit? Ano ang lihim sa paggawa ng isang brilyante?’

Upang masagot ang mga tanong na iyon, nakipag-usap ako kay Dirk Loots, na ang pamilya ay nagtrabaho sa kalakalan ng brilyante sa loob ng tatlong salinlahi. “Tinatawag namin ang Antwerp na matalik na kaibigan ng brilyante,” paliwanag niya, “yamang ang lunsod ay isa sa pangunahing sentro ng mga brilyante sa daigdig. Kaya nagpunta kayo sa tamang-tamang dako upang tuklasin ang mga lihim ng gumagawa ng brilyante.”

Una sa lahat, ipinakita niya sa akin ang sandakot na hindi makinis na mga brilyante na kabibili lamang niya. Bagaman ang mga ito’y nagkakahalaga ng $350,000, ang mga ito’y hindi kahanga-hanga sa unang tingin​—bagkus ay parang sandakot na mga piraso ng salamin. Subalit ang malapitang pagtingin ay nagsisiwalat ng isang panloob na ningning na nagpapakilala sa kagandahan na tutuklasin ng isang tagatabas ng brilyante. Naunawaan ko ang kanilang pang-akit.

“Kung minsan kapag nakikita ko ang isang malaking hindi makinis na brilyante, nakadarama ako ng isang pagkahalina, halos para bang hulog na hulog ang damdamin ko,” sabi ni Dirk. “Likas para sa akin na gustuhin kong bilhin ang batong iyon. Ipinagugunita nito sa akin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang taong nakasumpong ng isang magandang perlas, isang perlas na sakdal-ganda anupat handa niyang ipagbili ang lahat ng tinatangkilik niya upang bilhin ito. Wala pa naman akong ginawang ganiyan,” nangiti siya, “ngunit aaminin ko na ang ilang magandang bato ay may ganiyang pantanging pang-akit, kahit na sa amin na ginugol na ang aming buhay sa pagbili at pagbebenta ng mga ito. Mangyari pa, ang paggawa ng isang hiyas mula sa hindi makinis na bato, gaano man kaganda ito, ay may mga natatagong problema rin.”

Pagpapakinis sa Batong Brilyante

Nabalitaan kong ang napakahalagang bato ay maaaring mabiyak ng isang walang-ingat na tagatabas ng brilyante. Nag-iisip nga ako kung madalas mangyari iyan. “Madalas mangyari iyan,” ang sabi ni Dirk. “At maaaring mangyari ito hindi lamang kapag pinipiraso ang bato. Maaari pa ngang tamaan ng tagapagpakinis ng brilyante ang isang gletz, o bitak sa loob, at masira ang bato. Sa tuwina’y maingat naming sinusuri ang hindi makinis na bato sa pamamagitan ng polarized na liwanag, kung saan nakikita ang mga lugar na may problema; subalit nakalulungkot nga, walang sistema ang maaasahan.

“Bagaman ang biyak na bato ang aming kinatatakutan, hindi lamang iyan ang problema. Kung minsan ang kulay ng bato ay umiitim pagkatapos matabas at mapakinis ang mga tapyas, at lumiliit ang halaga nito. At dapat mong tandaan na madalas na kailangan naming tabasin ang 60 porsiyento o higit pa ng hindi makinis na bato upang gawin itong isang primera-klaseng hiyas.”

Para sa akin ay wari bang marami-raming pera ang naaaksaya, hanggang sa maunawaan ko ang lahat na nasasangkot sa paggawa ng isang brilyante. Ipinakita sa akin ni Dirk ang isang napakalaking hugis-pusong brilyante na katatabas at kapapakinis pa lamang. “Nakikita mo ba kung paano ito kumikinang?” ang tanong niya sa akin. “Ang ‘brilyo’ na iyan sa loob ng bato ay naaaninag na liwanag lamang.

“Ang gagawin lamang ng bihasang manggagawa ay tabasin ang lahat ng tapyas sa paraan na doon ang liwanag ay nasisilo sa loob ng bato at saka ipinababanaag sa nagmamasid. Ginagawa ito ng ilang tradisyonal na hugis, gaya ng bilog na tabas, sa kahanga-hangang paraan. Subalit kahit na ang hindi simpleng mga disenyo, gaya ng hugis-pusong ito, ay naglalayong ipabanaag hangga’t maaari ang pinakamaraming liwanag. Iyan ang mahalagang sining ng tagagawa ng brilyante. Sa katunayan, napili ng isang kilalang tagagawa ng brilyante ang sawikaing, ‘Ang brilyo nito ay nasa yari.’ ”

“Paano ninyo pinagpapasiyahan ang tatabasing hugis ng brilyante?” ang tanong ko kay Dirk. “Nagsisimula kami sa pamamagitan ng napakaingat na pagtingin sa orihinal na batong binibili namin,” aniya. “At ibig kong idiin ang salitang maingat! Natatandaan ko ang isang malaking bato na sinuri namin sa loob ng isang buwan bago gawin ang huling pasiya sa kung paano ito tatabasin. Kung minsan ito ay mas madali sapagkat ang hindi makinis na bato mismo ang nagsasabi sa hugis ng tabas nito. Sa bawat kaso ang layunin ay tiyakin ang pinakamabuting hugis para sa partikular na batong iyon upang hangga’t maaari’y kaunti lamang ang masasayang sa bato. Subalit ang bawat tapyas na tinatabas namin​—at ang karaniwang brilyante ay may mahigit na 50 tapyas​—ay nangangahulugan ng pagbawas sa timbang.”

Pagkatapos ay hiniling ako ni Dirk na tingnang mabuti ang isang bato. “Nakikita mo ba ang putok sa gawing kanan ng bato?” tanong niya, habang inaabot sa akin ang isang loupe, isang lente ng alahero. Nakita ko ang ilang bitak, na gaya niyaong basag na salamin, sa isang kanto ng hiyas. “Lubhang binabawasan ng ganiyang uri ng putok ang halaga ng brilyante. Mangyari pa, maaari naming tabasin ito, subalit mangangahulugan iyan ng pagkawala ng malaking bahagi ng bato. Kung ang depekto ay hindi mapapansin ng mata, maipagbibili pa rin namin ang bato sa mas mababang halaga.”

Interesado akong malaman kung bakit ang gayong pagkaliit-liit na mga bato ay napakahalaga. Maliwanag, may ilang salik na nasasangkot.

“Ang kasabihang ‘ang isang brilyante ay magpakailanman’​—bagaman isang sawikain sa anunsiyo​—ay karaniwang totoo,” sabi ni Dirk. “Ang mga brilyante ay hindi naluluma, at ang kinang nito ay hindi pumupusyaw. Ang mga ito’y di-pangkaraniwan, bagaman hindi kasing di-pangkaraniwan na gaya ng dati, at ito’y maganda​—walang kaduda-duda! Ngunit marahil ang pinakamahalagang salik na tumitiyak ng kanilang halaga ay ang pambuong-daigdig na pangangailangan para sa mga brilyante. Depende ito lalo na sa pag-aanunsiyo.

“Bakit ba gusto ng isang babae ang singsing na brilyante?” tanong ni Dirk. “Malamang na iniuugnay niya ang brilyante sa pag-ibig at romansa. Ang brilyante ay isang bagay na mahalaga, isang bagay na walang-hanggan mong pakaiingatan, upang ipaalaala sa kaniya ang isang pag-ibig na harinawang tumagal na gaya ng brilyante. Ang ideyang ito, o ang hiwaga, gaya ng tawag dito ng ilan, ay may kahusayang hinimok. Mga $180,000,000 ang nagugol noong 1995 upang ianunsiyo ang mensaheng ito, isang mensahe na nagpapangyari sa mga tao sa buong daigdig na bumili ng mga brilyante.”

Ang Halaga ng Isang Brilyante

“Sa palagay ko ang halaga ng yari nang hiyas ay depende sa laki nito,” ang sabi ko. “Hindi ganiyan kasimple,” ang sagot ni Dirk. “Mahilig sabihin ng mga nangangalakal ng brilyante na ang halaga ng brilyante ay depende sa apat na salik: tabas, kilatis, kulay, at linaw. Ang bawat isa’y nakaiimpluwensiya sa kagandahan​—at sa halaga​—ng bato.

“Umpisahan natin sa tabas. Ang magandang tabas ay isang gawa ng sining, masasabi mong isang paglilok sa maliit na modelo. Tingnan mong mabuti ang hugis-pusong brilyanteng iyon na hinahangaan mo. Hindi madaling gawin ang hugis na iyan, at isa ito na humihiling ng malaking pagbawas sa orihinal na bato kaysa iba pang hugis. Pansinin kung paanong ang lahat ng tapyas ay may simetriyang nakaayos upang lalo pang pagandahin ang hiyas. Masasabi naming itong partikular na brilyanteng ito ang may napakagandang tabas.

“Una kang humanga sa laki nito, at mauunawaan naman, sapagkat ito’y isang malaki, 8-kilatis na bato. Ang isang kilatis ay katumbas ng dalawang ikasampu ng isang gramo, siyanga pala, inaalam namin ang halaga ng kilatis sa pamamagitan ng basta pagtitimbang sa bato. Karaniwan na, ang mas maraming kilatis ay nangangahulugan ng mas mahalagang brilyante, subalit ang halaga nito ay apektado rin ng kulay at linaw.

“Ang mga brilyante ay may iba’t ibang hugis at kulay​—gaya ng mapapansin mo sa aming pakete ng hindi makikinis na bato. Ang unang bagay na ginagawa namin ay uriin ang mga ito ayon sa kulay, ang mas maputi ay mas mahalaga. Gayunman, may ilang bato na may tinatawag naming magagandang kulay, gaya ng rosas, asul, o pula; at ang mga ito’y mas mahal kaysa mga puting bato, yamang totoong di-pangkaraniwan ang mga ito.

“Sa wakas, dapat naming uriin ang isang bato ayon sa linaw nito. Kung ang isang bato ay nauri na walang depekto, ito’y nangangahulugan na kapag tiningnan mo ang bato​—kahit sa pamamagitan ng isang lente​—wala kang makikitang anumang depekto. Kaya nga, ang tabas, linaw, at kulay ng brilyante ay kasinghalaga ng timbang nito sa kilatis. Bilang halimbawa, noong 1995, ang malamang na pinakamalaking brilyante na kailanma’y napakinis (546.67 kilatis) ay itinanghal. Subalit sa kabila ng laki nito​—halos kasinlaki ng isang bola ng golf​—hindi ito ang pinakamahalagang brilyante sa daigdig, dahil sa hindi masyadong malinaw at dahil sa kulay nitong dilaw-kayumanggi.”

Bago umalis ng Antwerp, nakipag-usap ako kay Hans Wins, na 50 taon na sa industriya ng brilyante. Gusto kong magtanong ng isang huling tanong, Ano ang gumagawa sa isang brilyante na totoong natatangi?

“Hindi ako gaanong nananabik sa maliliit na bato​—maaari pa nga itong tabasin at pakinisin sa isang makina,” ang sagot niya. “Ngunit ang malalaking brilyante ay nakabibighani sa akin. Ang bawat bato ay naiiba​—isang walang-katulad na likha mula sa karbon ng milyun-milyong taon na presyon ng bulkan. Kapag pinag-aralan mo ang bato, aktuwal na makikita mo ang mga guhit nito ng paglaki, tulad niyaong sa katawan ng isang punungkahoy. Masasabi pa nga sa iyo ng isang may karanasang negosyante kung saang mina ito nanggaling.

“Ang isang gumagawa ng brilyante ay tumitingin sa batong iyon na gaya ng pagtingin ng isang eskultor sa isang bloke ng marmol. Nakikita na niya sa kaniyang isip kung ano ang kaniyang lilikhain. Sa kaniyang imahinasyon, kaniyang tinatabas at pinakikinis ito at isang napakagandang hiyas ang lumilitaw. Gusto kong isipin na kapag ang mga brilyante ay naenggaste na sa isang singsing o kuwintas, ito’y magbibigay ng katulad na kaluguran sa may-ari nito.”

Pagkatapos maisaalang-alang ang lahat, iyan ang dahilan kung bakit sulit na gumawa ng isang brilyante.

[Talababa]

a Ang pangunahing dahilan para sa mataas na halaga ng mga brilyante ay ang pagkontrol ng monopolyo, ang Central Selling Organization.

[Mga larawan sa pahina 15]

Hugis-pusong brilyante na 8 kilatis (hindi ito ang aktuwal na laki ng mga bato)

Tabas na hugis-peras

Tabas na “sombrero ng kardinal”

Pag-alam sa timbang ng kilatis ng hindi pa natabas na bato

Pag-uuri sa hindi makinis na mga brilyante ayon sa kulay

Pagsusuri sa mga tapyas upang matiyak kung kakailanganin ang higit pang pagpapakinis

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share