Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/22 p. 14-15
  • Mga Inkubadór na Nagbabadya ng Karunungan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Inkubadór na Nagbabadya ng Karunungan
  • Gumising!—1986
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pugad ng Malleefowl
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Ang Himala ng Itlog ng Avestruz
    Gumising!—2002
  • Namisa ng mga Sisiw ang Aking mga Bubuyog!
    Gumising!—1998
  • Isang Kamangha-manghang Emperor
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/22 p. 14-15

Mga Inkubadór na Nagbabadya ng Karunungan

“ISA sa nakasisiphayong bahagi ng fossil record sa kasaysayan ng vertebrata ay na totoong kakaunti ang ipinakikita nito tungkol sa ebolusyon ng mga reptilya sa pinakamaaga nilang yugto, nang ang mga napisang itlog ay lumalaki.” Gayon ang hinagpis ng aklat ng Life Nature Library na The Reptiles sa pahina 37. Subalit ang pangingitlog ay pasimula lamang. Ang pagpisâ rito ay nakasisiphayo rin​—binigo rin diyan ng mga fossil ang mga ebolusyunista.

KARAMIHAN NG MGA IBON AY mga inkubadór mismo. Nililimliman nila ang kanilang mga itlog sa pamamagitan ng init mula sa kanilang sariling mga katawan. Subalit ang mga balahibo ay maaaring maging isang problema. Mahusay ito sa insulasyon, subalit kakaunting init ng katawan ang nakakalabas dito upang pisain ang mga itlog. Nilutas ng kanilang Maylikha na si Jehovang Diyos, hindi ng mahinang ebolusyon, ang problema para sa kanila sa iba’t ibang paraan. Para sa maraming ibon ito’y likas: mga patse sa paglilimlim. Mga ilang araw bago lumabas ang unang itlog, ang ibabang balahibo sa dibdib ay nalulugon, pagkatapos ang mga daluyan ng dugo sa dakong ito ay lumalaki at dumarami, ang balat ay kumakapal at namamaga. Habang ang ibon ay nauupo sa pugad upang maglimlim, tinatanggal nito ang mga balahibo sa dibdib hanggang sa halos wala na itong balahibo, at ang mainit na patseng panlimlim ang nakadikit sa mga itlog. O mga patseng panlimlim, sapagkat ang ilang mga ibon ay may tatlo nito. Minsang madaiti ang mainit na mga patseng ito sa mga itlog, nagsisimula ang inkubasyon o pamimisâ.

HINDI LAHAT NG MGA IBON ay may mga patseng panlimlim na kusang lumilitaw. Ang iba ay pinograma ng kanilang Maylikha upang gumawa ng kanilang sariling patse. Ang mga pato at mga gansa, halimbawa, ay inaalis ang mga pinong balahibo sa kanilang mga dibdib upang ang kanilang balat ang dumaiti sa kanilang mga itlog. Ginagamit ng ibang mga ibon ang kanilang mga paa bilang mga inkubadór o pamisaan ng itlog. Binabalot ng asul-paang booby ang makulay na mga paa nito sa nag-iisang itlog nito, at ang malalaking web, kung saan mabilis na umiikot ang mainit na dugo, ay kasimbisa ng mga patseng panlimlim sa ibang ibon.

MADALAS NATIN NARIRINIG ang tungkol sa pag-ibig ng ina, subalit kung ibabaling natin ang ating pansin sa emperor penguin, panahon na upang papurihan ang pag-ibig ng ama. Sa kalaliman ng taglamig sa Antartika, ang babae ay nangingitlog at kaagad na nagbabalik sa dagat upang kumain. Gayunman, si tatay ay naiiwan na hawak-hawak ang itlog sa kaniyang mga paa​—mga paang tinustusan ng mga daluyan ng dugo at samakatuwid ay mainit. Pagkatapos ay binabalot niya ang itlog ng kaniyang balat na nagsisilbing lukbutang panlimlim. Kasiyang-kasiya rito ang itlog anupa’t ang itlog ay nananatili sa mainit na “pugad” nito na pisaan ng itlog kahit na si tatay ay naglalakad. Ang temperatura ay bumababa sa -76° Fahrenheit (-60° C.), bumabagyo ng niyebe ng mga ilang araw, subalit tapat na pinipisa ni tatay ang itlog sa kaniyang mga paa. Tatlong buwan, at walang kain-kain! Gayunman, si nanay ay hindi nakalimot. Pagkatapos mapisa ang itlog, nagbabalik siya upang pakanin ang kaniyang pamilya ng tinunaw nang isda mula sa kaniyang tiyan, saka aalagaan ang inakay samantalang si tatay ay patungo naman sa dagat upang kumain.

GINAGAMIT NG IBANG IBON ang dati nang maiinit na lugar bilang mga inkubadór. Ang maleo sa isla ng Indonesia na Sulawesi ay nangingitlog sa mga dalisdis ng mga bulkan, kung saan ang lupa ay permanenteng iniinit ng mga singaw mula sa bulkan. Ginagamit ng ibang maleo sa isla ang itim na mga buhanging bulkaniko sa mga dalampasigan. Ibinabaon nila ang kanilang mga itlog sa buhangin, na, dahil sa itim, ay tumatanggap ng init para sa inkubasyon.

SUBALIT HINDI LAMANG ANG MGA IBON ang gumagamit ng buhangin bilang mga inkubadór o pamisaan ng itlog. Ang mga pagong sa dagat ay umaahon sa mga dalampasigan kung gabi upang humukay at mangitlog, kung minsan kasindami ng 400 o 500 sa panahon ng pangingitlog. Ang buwayang Nilo ay humuhukay rin sa buhangin at nangingitlog hanggang 40 mga itlog. Pagkaraan ng mga tatlong buwan pagka napisâ na ang mumunting mga buwaya, sila ay nag-iingay, at binubuksan ng nanay na buwaya ang lungga at inilalabas ang kaniyang pamilya sa tubig.

NAGBABADYA NG HIGIT PANG KARUNUNGAN kaysa nabanggit na, ang buwaya sa tubig-alat at ang American alligator ay gumagawa ng mas masalimuot na mga inkubadór. Sila ay nagtatambak ng mga bunton ng mga sanga, tambo, dahon, at nabubulok na mga pananim malapit sa ilog o sa latian. Sa gitna ng tatlo- o apat-na-piye ang taas (1 m) na mga bunton na ito sila nangingitlog at sa pana-panahon ay ginagamit ang kanilang mga buntot upang sabuyan ito ng tubig. Pinabibilis nito ang pagkabulok ng mga pananim, na naglalaan ng pantay na init na kinakailangan para sa pagpisâ ng mga itlog.

GAANO MAN KASALIMUOT ang mga inkubadór na ito ng mga reptilya, bale wala ito kung ihahambing sa ginagawang inkubadór ng mga ibong mallee. Ang mga ito ay tinatawag din na mga thermometer fowl. Sila ay nakatira sa tigang na lupa sa kalagitnaang Australia, kung saan may malaking pagbabagu-bago sa temperatura, sa araw-araw at sa pana-panahon. Ang paggawa ng inkubadór ay nagsisimula sa panahon ng unang mga pag-ulan sa taglagas, yamang ang pananim na gagamitin ay dapat na basâ para magsimula ang permentasyon. Ang lalaki at babae ay kapuwa nagtatrabaho, subalit ang lalaki ang gumagawa ng karamihan sa mabigat na gawain. Gayunman, ang babae ay kadalasang siyang nangangasiwa.

HUMUHUKAY SILA ng tatlo o apat na piye ang lalim, pinupunô ito mga sanga at mga dahon, tatambakan ito ng higit pang mga pananim, at sa ibabaw nito ay lalagyan ng maraming buhangin. Ang mga pananim ay nagsisimulang mabulok, subalit nangangailangan ng apat na mga buwan bago maabot ang kinakailangang temperatura na 93.2° Fahrenheit (34° C.). Saka lamang maaaring magsimula ang pangingitlog. Ang lalaking mallee ay huhukay ng isang limlimang dako sa nabubulok na pananim (compost), susuriin ang temperatura nito ng kaniyang tuka, saka aatras upang ang inahin ay mangitlog. Subalit susuriin mismo ng inahin ang temperatura. Kung hindi siya nasisiyahan, ang tandang ay dapat na humanap ng mas angkop na dako sa compost. Kapag ang inahin ay nasiyahan at nangitlog, sasarhan muli ng tandang ang hukay. Ang paraang ito ay inuulit tuwing ikatlo o ikaapat na araw, hanggang sa makapangitlog ng mga 30 itlog.

SA LAHAT NG PANAHONG ITO binabantayan ng adultong mga ibon ang bunton, hinuhukay ang loob nito kung saan naroroon ang mga itlog, sinusuri ang temperatura, saka muling tatabunan ang bunton. Depende sa oras at panahon, maaaring magdagdag sila o magbawas ng buhangin, o maghukay ng mga pasingawan sa bunton, saka isasara itong muli sa tamang panahon. Mahaba at mahirap na mga oras ng paggawa, subalit tinatakdaan nito ang pagbabago sa temperatura na hindi hihigit sa 1 digri. Ang bawat itlog ay kumukuha ng 50 mga araw bago mapisa, at ang bawat sisiw ay huhukay sa ganang kaniya palabas ng bunton at tatakbo, nang hindi pinapansin ng mga magulang nito. Ang pangingitlog, paglilimlim, pagbabantay sa bunton​—lahat ng ito ay nagpapatuloy na sabay-sabay sa loob ng 6 o 7 buwan. Dahil sa 4-buwang yugto na kinakailangan sa pasimula upang ang bunton ay uminit, nangangahulugan ito ng halos 11 buwan nang patuloy na pagpapagal. At lahat ng ito ay upang magkaroon ng mga sisiw na lubusan nilang pinababayaan!

ANONG LAKING KARUNUNGAN ANG IBINABADYA sa lahat ng sarisaring inkubadór na ito! Gayunman ang mga hayop na nasasangkot ay hindi matalino sa ganang sarili. Ang karunungan na kanilang ipinakikita ay ipinograma sa kanila ng kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 30:24: “Sila ay likas na pantas.”

[Mga larawan sa pahina 14, 15]

Gansang Greylag

Emperor penguin

Ibong maleo

Pagong dagat

Buwaya

Mallee fowl

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share