Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/22 p. 22-25
  • Ang Himala ng Itlog ng Avestruz

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Himala ng Itlog ng Avestruz
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maingat na Pangangalaga sa mga Itlog
  • Pagsilip sa Loob ng Itlog
  • Paglabas Mula sa mga Itlog
  • Pagkilala sa Kahaliling mga Magulang
  • Mabilis Tumakbo, Hindi Lumilipad, at Kawili-wili—Ang Avestruz
    Gumising!—1999
  • Avestruz
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Itlog
    Gumising!—2011
  • Mga Inkubadór na Nagbabadya ng Karunungan
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/22 p. 22-25

Ang Himala ng Itlog ng Avestruz

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

YAMANG hindi gumagalaw sa loob ng pamisaan (incubator), walang anumang pahiwatig ang itlog ng avestruz (ostrich) hinggil sa kung ano ang nangyayari sa loob nito o tungkol sa kagila-gilalas na pagtatanghal na malapit nang maganap. Gayunman, dito sa ostrich farm (kung saan inaalagaan at pinararami ang mga avestruz), may pagkakataon tayo na matutuhan ang hinggil sa kawili-wiling paglaki ng isang avestruz, simula sa pangingitlog.

Maingat na Pangangalaga sa mga Itlog

Sa isang simpleng pugad sa buhanginan, nangingitlog ang inahing avestruz ng kulay-garing na mga itlog, na ang bawat isa ay may bigat na 1.45 kilo.a Pagkatapos, bawat araw, inililipat ng mga manggagawa ang kalalabas na mga itlog sa mga pamisaan ng farm, na siyang magiging tahanan ng mga ito sa humigit-kumulang anim na linggo.

Ito ang panahon ng maingat na pangangalaga upang mapisa ang mga itlog. Ang mga ito ay pinananatiling mainit-init at nasa kalugud-lugod na kalagayan sa temperaturang mga 37 digri Celsius​—kaayaayang temperatura upang lumaki ang mga bagong inakáy sa loob ng mga itlog. Upang hindi manatili sa ibaba ng itlog ang pula o bilig at hindi ito dumikit sa lamad ng itlog, iniingatan ng tagapag-alaga ang mga itlog sa pantanging mga trey kung saan kusang pinaiikot ng makina ang mga ito, o manu-manong iniikot ng tagapag-alaga ang mga ito araw-araw. Tinutularan nito ang paraan ng palagiang pagpapaikot ng mga magulang na avestruz sa mga itlog sa kanilang mabuhanging pugad sa damuhan.

Pagsilip sa Loob ng Itlog

Ngunit paano natin malalaman kung ano ang nangyayari sa loob ng itlog? Habang maingat na kinukuha ang isa sa mga itlog, inilalagay ng tagapag-alaga ang itlog sa isang butas sa ibabaw ng isang kahon na may maliwanag na bombilya sa loob. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito, na tinatawag na candling, naaaninag ng tagapag-alaga ang anino ng kamangha-manghang mga kaganapan sa loob ng itlog. Sa pana-panahon, ginagamit niya ang pamamaraang ito upang tingnan ang pagsulong ng buhay sa loob ng itlog. Kung pagkatapos ng ilang pagsusuri sa pamamagitan ng candling ay nakita na nananatiling likido ang gitna ng isang itlog, maliwanag na ito’y hindi magiging inakáy at hindi na ito ibinabalik sa pamisaan.

Sa 39 na araw na ginugol ng itlog ng avestruz sa pamisaan, nagaganap ang kahima-himalang paglaki sa loob ng tulad-porselanang itlog. Kasabay nito, nabubuo ang isang air sac (imbakan ng hangin), na sa kalaunan ay kumukuha ng mga sangkatlo ng lugar sa loob ng itlog.b Ang mga inakáy na hindi pa lumalabas ay lubhang nasisikipan sa loob ng mga itlog at ipinupuwesto nila ang kanilang mga sarili para sa napipintong paglabas. Gayunman, kailangan munang maganap ang isang mahalagang proseso​—ang kanilang yolk sac (pinaglalagyan ng pula ng itlog) ay kailangang magsimulang masipsip ng kanilang talimpusod at pusod patungo sa kanilang maliit na tiyan. Mahalaga ito yamang ang kanilang yolk sac ay naglalaman ng sustansiya at enerhiya na sandaling kakailanganin nila sa kanilang paglabas sa daigdig.

Paglabas Mula sa mga Itlog

Sa wakas, dumating na ang mahalagang araw, at naririto tayo upang makita ito. Una, dapat na makatagos ang maliliit na inakáy sa lamad patungo sa air sac bago sila makapunta sa mismong balat ng itlog. Di-tulad ng ibang sisiw na may maliit na ngipin sa may tuka nito na pambasag sa itlog, may pananggalang na suson ang dulo ng malalambot na tuka ng mga avestruz. Habang pinipigilan ang protektadong tuka nito sa loob ng itlog, ipinantutulak ng inakáy ang batok nito laban sa lamad na nagbubukod sa inakáy sa katabing air sac. Pagkatapos ng puspusang pagtulak at pagkuskos, sa wakas ay nabubutas ang lamad na ito. Ito ay tinatawag na pipping at pinangyayari nito na okupahin ng inakáy ang lahat ng lugar sa loob ng itlog.​—Tingnan ang dayagram A.

Sa wakas, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakalanghap ng hangin ang maliliit na baga ng inakáy! Gumagana na ngayon ang maliliit na baga nito. Gayunman, ang lahat ng pagpapagal nito ay nagpapangyari sa inakáy na kapusin ng hininga sa loob ng masikip na itlog. Kaya ang inakáy ay hindi maaaring manghimagod ngayon​—kailangan nitong patuloy na makipagpunyagi upang mabasag ang mismong itlog. Sa pamamagitan ng buong lakas nito, paulit-ulit na inihahampas ng inákay ang ulo nito, anupat ipinanghahampas ang dulo ng tuka nito sa balat ng itlog. Walang anu-ano, nakakita ng sinag ng liwanag ang pagód na pagód na maliit na inakáy nang lumitaw ang isang maliit na bitak sa itlog​—at sa bitak na ito, nadama ng inakáy ang tunay na sariwang hangin!​—Tingnan ang dayagram B.

Pagkatapos ng lubhang kinakailangang pahinga, nakakuha ng sapat na lakas ang inakay upang magpatuloy sa pagbasag sa nabiyak na itlog, na lubos na ginagamit ang kanang paa at ang maliit na protektadong tuka. Pagkatapos, samantalang itinutulak ang nabasag na mga balat ng itlog, lumitaw ang inakáy na waring isang maliit na Goliat, anupat sinisikap nitong maupo, habang kumukurap-kurap sa daigdig sa labas taglay ang dignidad at tindig ng isang kalalabas at pasuray-suray na avestruz na maaaring ipatawag at isugo.​—Tingnan ang dayagram C.

Bakit hindi tinutulungan ng tagapag-alaga ang maliit na inakáy na lumabas sa nabasag nitong itlog? Para ito sa ikabubuti ng inakáy. Kinakailangan ang ilang panahon para ang pula ng itlog ay masipsip ng pusod ng inakáy, na sa kalaunan ay lumiliit at sumasara. Sa pagsisikap na pabilisin ang proseso, maaaring mapinsala ng isang matulungin na may maling akala ang mahina at maliit na nilalang o maihantad ito sa malubhang impeksiyon.

Sa anu’t ano man, sa wakas ang maliliit na inakáy ay narito na sa farm sa labas ng mga itlog. Para sa atin na mga tagapagmasid, isang kapana-panabik na tanawin ang makitang lumabas ang mga inakáy na avestruz mula sa isang bunton ng mga piraso ng baság na itlog​—pagód ngunit matagumpay.

Pagkilala sa Kahaliling mga Magulang

Pagkalipas ng ilang sandali, tinutuyo ng mainit-init na hangin mula sa pamisaan ang malambot na balahibo ng mga sisiw, at walang pagsalang sila’y katuwa-tuwa at malambot na parang bulak. Pagkatapos ay inilalagay naman sila sa isang maliit na kural sa labas kung saan may araw. Waring gustung-gusto nila iyon! Sa wakas ay mabibigyan na nila ng ehersisyo ang kanilang mabubuway at maliliit na binti na siyang matagal na nilang hinahangad.

Ang susunod na araw ay isang napakahalagang araw para sa mabalahibong mga inakáy. Inihaharap sila sa kanilang kahaliling mga magulang​—mga adultong avestruz na mag-aalaga sa kanila sa susunod na tatlong buwan. Hanggang ngayon ay walang nararamdamang gutom ang maliliit na inakáy na ito dahil napalakas sila ng sustansiya mula sa pula ng kanilang itlog. Gayunman, pagkatapos ng ilang araw mula sa pagpisa, nagsisimula na silang makaramdam ng gutom. Ngunit ano ang makakain nila? Laking gulat namin nang sinimulang kainin ng mga sisiw ang sariwang dumi ng kanilang kahaliling mga magulang! Ipinaliwanag ng tagapag-alaga na tumutulong ito upang palakasin ang kanilang sistemang imyunidad na wala pa sa hustong gulang.

Tingnan mo ang maliliit na ibon na may-pagkatarantang nagsisikap na umalinsabay sa malalaking hakbang ng kanilang kahaliling mga magulang! Tunay na nangangailangan ito ng malaking pagsisikap. Ngunit kamangha-mangha ang mabilis na paglaki ng mga inakáy na avestruz​—kagila-gilalas na 30 sentimetro sa isang buwan. Kaya kahanga-hanga na sa loob lamang ng isang buwan, nakasasabay na sila sa mas malalaking adulto.

Kapag ang mga inakáy ay anim na buwan na, husto na ang kanilang laki at may taas na halos 2.5 metro. Mahirap paniwalaan na noong nakalipas lamang na mahigit na pitong buwan, ang payat na mga nilalang na ito​—na may mahahabang leeg at binti​—ay hindi gumagalaw na mga itlog sa isang pamisaan sa ostrich farm.

[Mga talababa]

a Para sa karagdagang mga detalye hinggil sa avestruz, pakisuyong tingnan ang artikulong “Mabilis Tumakbo, Hindi Lumilipad, at Kawili-wili​—Ang Avestruz” sa Gumising! ng Hulyo 22, 1999, pahina 16-18.

b Ang itlog ng avestruz “ay punung-punô ng maliliit na butas sa palibot nito na nagpapahintulot sa pagtagos ng mga gas sa loob ng itlog. Nagkakaroon ng hangin sa pagitan ng dalawang lamad ng balat ng itlog na nasa makapal na dulo ng itlog, dahil sa pagsingaw pagkatapos ng pangingitlog.”​—Ostrich Farming in the Little Karoo.

[Dayagram sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANG PROSESO NG PAGPISA

A

B

C

[Credit Line]

Pinagmulan ng mga iginuhit na larawan: Dr. D. C. Deeming

[Larawan sa pahina 23]

Ang kapana-panabik na araw​—lumalabas na ang mga inakáy mula sa mga itlog!

[Picture Credit Line sa pahina 25]

John Dominis/Index Stock Photography

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share