Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/8 p. 17-20
  • Diabetes—Ang Pananaig Dito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Diabetes—Ang Pananaig Dito
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Diabetes​—Ano ba Ito?
  • Paggamot sa Type I na Diabetes
  • Paggamot sa Type II na Diabetes
  • Pananaig sa Iyong Diabetes
  • Mga Saloobing Dapat Iwasan
  • Ang Problema ng Paggamot
    Gumising!—2003
  • “May Diyabetis ang Iyong Anak!”
    Gumising!—1999
  • Diyabetis​—Maiiwasan Mo ba Ito?
    Gumising!—2014
  • Diyabetis—“Ang Di-namamalayang Mamamatay-Tao”
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/8 p. 17-20

Diabetes​—Ang Pananaig Dito

SI Kathy ay isang dalaga. Binabantayan niya ang kaniyang diyeta at ang kaniyang timbang, nag-eehersisyo, at sinusunod ang mga tagubilin ng kaniyang doktor. Sinasaksakan niya rin ang kaniyang sarili ng iniksiyon na insulin araw-araw. Si Kathy ay isa sa angaw-angaw na mga tao na may diabetes.

Sa kabila ng lahat ng kaniyang mga pag-iingat, ganito ang sabi ni Kathy: “Hindi ko masasabi kung magiging ano ang antas ng aking asukal sa dugo [blood sugar]. Isang hapon maaaring ito ay 300. Sumunod na araw, sa gayon ding iskedyul, maaaring ito ay 50 at ako ay daranas ng tinatawag na insulin shock.” Hindi pa natatagalan nagkaroon siya ng hindi gumagaling na impeksiyon at gumugol ng mga ilang linggo sa ospital.

Si Mae ay isang may-edad na babae. Hindi niya binabantayan ang kaniyang diyeta at, bunga nito, ay 50 libra (23 kg) na labis sa timbang. Inaamin niya na hindi niya gaanong sinusunod ang utos ng kaniyang doktor. Ipinagkikibit-balikat niya ang bagay na ang antas ng kaniyang asukal sa dugo ay kadalasang humihigit ng 300, at hindi siya nagpapasaksak ng insulin. Bagaman siya ay umiinom araw-araw ng isang pildoras para sa diabetes, nakapagtatakang para bang hindi siya nababahala sa kaniyang sakit.

Bagaman sila ay waring lubhang magkaiba, sila kapuwa ay may iisang karamdaman. Ito’y ang tinatawag na diabetes mellitus. Bakit may gayon na lamang pagkakaiba sa kanilang dalawa? Higit na mahalaga, ano ang maaari nilang gawin upang madaig ang diabetes?

Diabetes​—Ano ba Ito?

Una, kailangang maunawaan natin kung ano ang diabetes. Isang mahalagang salik sa karamdaman ay may kinalaman sa paggawa ng katawan ng insulin, isang hormon na ginagawa ng mga lapay (pancreas). Ang insulin ay nagpapangyari sa katawan na kumuha ng asukal mula sa daluyan ng dugo at dalhin ito sa loob ng mga selula kung saan ito ay ginagamit para sa enerhiya o iniimbak.

Gayunman, kapag ang katawan ay hindi nakagagawa ng sapat na insulin, kaunting asukal ang mapupunta sa mga selula upang gumawa ng enerhiya o iimbak. Sa halip, ang antas ng asukal sa dugo ay dumarami at lumilikha ng mga problema. Sa payak na pananalita, iyan ay diabetes. At may dalawang pangunahing uri, gaya ng inilarawan sa mga kaso nina Kathy at Mae.

Sa kaso ni Kathy, ang sakit ay tinatawag na Insulin Dependent Diabetes Mellitus, o Type I na diabetes. Ang problema rito ay dahilan sa kawalang-kakayahan ng lapay na gumawa ng insulin. Ipinakikita ng katibayan kamakailan na ang uring ito ng diabetes ay, kung minsan, maaaring dala ng viral na impeksiyon. Ang taong may ganitong uri ng diabetes ay karaniwan nang nagkakaroon nito sa maagang gulang (wala pang 30), at karaniwang mapayat, at nangangailangan ng mga saksak ng insulin upang mabuhay.

Sa kaso ni Mae, ang sakit ay tinatawag na Non-Insulin Dependent Diabetes Mellitus, o Type II na diabetes. Ito’y kadalasang tinutukoy na panimulang diabetes sa mga adulto at kakaiba sa Type I. Dito ang problema ay hindi dahilan sa hindi makagawa ng insulin ang lapay kundi ito ay hindi nakagagawa nang sapat. Ang karamihan ng mga insulin na ginagawa nito ay nabababad sa mga selula ng taba. Ang lapay ay hindi makagawa ng sapat na insulin upang makabagay, at ang asukal sa dugo ay tumataas. Ang mga taong may ganitong uri ng diabetes ay karaniwan nang mahigit 30, labis ang timbang, at kung minsan ay maaaring makaraos ng walang mga saksak ng insulin. Mas malamang din na minana nila ang kanilang diabetes.

Paggamot sa Type I na Diabetes

Ang diabetes ni Kathy, na Type I, ay mas grabe, bagaman hindi pangkaraniwan. Waring ang lunas sa Type I ay simple​—basta halinhan ang insulin. Gayunman, bagaman ang mga turok ng insulin ay maaaring magpanatiling buháy sa isang diabetiko, hindi ito maaaring managot sa minuto-por-minutong pagbabago sa antas ng insulin na kinakailangan ng katawan.

Upang mabawasan ang mga komplikasyon ng diabetes, gaya ng pagkabulag at suliranin sa bato, mahalaga na bawasan ang dami ng asukal sa dugo at sa ihi. Ang kailangan ay tularan ang normal at madalas na mga pagbabago ng insulin sa katawan. Subalit ang katanungan ay kung papaano nga gagawin iyon. Ang paggamot ay dalawang bahagi: (1) preventive maintenance (ang pangangalaga sa katawan upang maiwasan ang diabetes) at (2) paghahalili ng insulin.

Sa preventive maintenance, ang mga hakbang ay kinakailangang isagawa upang pauntiin ang pang-araw-araw na mga pagbabago sa pangangailangan ng katawan sa insulin. Isang mahalagang salik ay ang pagkain na kinakain ng taong iyon, sapagkat ito ang binabago ng sistema ng panunaw tungo sa asukal sa dugo. Agad nalalaman ng maingat na tao na may Type I na diabetes na dapat siyang magkaroon ng isang lubhang kontroladong diyeta. Kalakip dito ang mas masalimuot na mga karbohidrato, gayundin ang taba at proteina. Iiwasan ng diyetang ito ang asukal, pulot, mga pastelerya, kargado-asukal na mga inuming de bote, at mga matamis. Ang mga karbohidrato na ito ay mabilis na nagtutungo sa daluyan ng dugo.

Ang pagkaing ito ay dapat na ibigay sa katawan sa regular na mga pagitan. Kung ang diabetiko ay nagiging walang-ingat, kinakain ang lahat ng magustuhan niya sa anumang oras, ang mga antas ng insulin at asukal sa dugo ay agad na nawawala sa timbang. Pinangyayari nito ang tao na magkaroon ng mabilis at grabeng karamdaman o matagalang mga komplikasyon ng sakit.

Binabawasan ng ehersisyo ang asukal sa dugo. Kaya isinasama ng maingat na Type I na diabetiko ang ehersisyo sa kaniyang pang-araw-araw na rutina, maingat na nagbabaon ng makukuhang pinagmumulan ng asukal (gaya ng matigas na kendi) sakaling lubhang bumaba ang asukal sa dugo dahil sa ehersisyo. Iyan ay maaaring umakay sa diabetic shock. Ang matinding mga damdamin din ay maaaring lubhang makapinsala sa asukal sa dugo at maaaring maging sanhi ng mahinang pagpipigil-sa-sarili kung tungkol sa pagkain o diyeta. Ang impeksiyon at sakit ay dapat na gamutin kaagad, yamang maaari nitong lubhang pababain o pataasin ang mga antas ng asukal sa dugo.

Gayunman, sa kabila ng pagsasaalang-alang sa lahat ng mga salik na ito, ang pasyente na may Type I na diabetes, gaya ni Kathy, ay maaari pa ring magkaproblema sa pagpapanatili ng asukal sa dugo. Ano kung gayon?

Ang ikalawang pangunahing aspekto ng paggamot ay ang paggamit ng mga iniksiyon ng insulin. Nang ang insulin ay matuklasan mahigit na 60 taon na ang nakalipas, ito’y nagliligtas-buhay para sa maraming diabetiko. At pagkatapos ay nakagawa ng minsan-isang-araw na mga iniksiyon na inaakalang malaking pakinabang.

Bagaman ang araw-araw na mga iniksiyon ay mas kombinyente, may mga pagkabahala tungkol sa posibleng pangmatagalang mga komplikasyon, gaya ng paninigas ng mga arteriya. Kaya, inirirekomenda ng ilan ang mas madalas na mga iniksiyon ng insulin upang mahigpit na kontrolin ang asukal sa dugo sa buong araw. Hindi lamang ito ginawang posible kundi praktikal din ng mga pagsulong kamakailan.

Isang pagsulong sa pagsubaybay sa tahanan (home monitoring) ng antas ng asukal sa dugo ay tinawag na “ang kauna-unahang mahalagang terapeutikong pagsulong sapol nang matuklasan ang insulin.” Gumagamit ng isang simpleng nabibitbit na aparato o makina, maaaring suriin ng diabetiko ang kaniya mismong antas ng asukal sa dugo ilang beses sa isang araw. Kaya makagagawa siya mismo ng madalas na pagbabago sa dosis ng insulin at maaaring mas malapit sa normal ang kaniyang antas ng asukal sa dugo.

Isang disbentaha ng pagsubaybay sa tahanan ay na dapat duruin ng diabetiko ang kaniyang daliri para sa blood test. Subalit may pantanging mga lanseta (lancet) para rito, at sinasabi niyaong mga sanay rito na hindi naman masakit. Isa pang disbentaha ay ang halaga ng makina. Gayumpaman, ang halagang iyan ay dapat bumaba dahil sa maunlad na teknolohiya.

Kabilang sa iba pang mga pagsulong ay ang pagkakaroon ng hindi mamahalin, naitatapon, napakatalas na mga karayom para sa insulin. Dahil dito ang mga iniksiyon ng insulin ay hindi gaanong masakit. Gayundin, ang insulin na makukuha ngayon ay hindi na kinakailangang ilagay sa palamigan; sa gayon ay naiiwasan ang maselang kaabalahan sa mga paglalakbay.

Ang insulin na katumbas ng insulin ng tao ay ipinagbibili na ngayon at kadalasang inirirekomenda para sa bagong tuklas na Type I na diabetiko. Bago rin ang pressurized, walang karayom na tagapagturok ng insulin at ang insulin infusion pump. Ang pump ay isang nabibitbit na panturok ng insulin na isinusuot ng pasyente sa kaniyang sinturon. Patuloy na itinuturok nito ang insulin sa pamamagitan ng isang karayom sa abdominal cavity. Ang infusion pump, bagaman ginagamit ngayon, ay ipinalalagay ng maraming doktor na tila mapanganib at dapat lamang gamitin sa ilalim ng pangangasiwa ng isang espesyalista.

Tungkol sa mga bata na Type I na diabetiko, ang kasalukuyang kausuhan ay huwag lubhang mabahala tungkol sa diyeta. Inaakala ng iba na maaari silang kumain ng isang normal na diyeta at pagkatapos ay punan ang diyetang iyon ng kinakailangang insulin. Mangyari pa, ang gayong mga bata ay hindi pa rin dapat kumain ng maraming matamis. Ang tunay na saligan sa kanilang pamumuhay nang normal na buhay ay waring ang mahigpit na pagsubaybay sa antas ng asukal sa dugo at madalas na pakikibagay ng insulin.

Paggamot sa Type II na Diabetes

Walang gayong karaming mga pagsulong sa paggamot ng mas pangkaraniwang Type II na diabetes. Gaya ng nasabi na, ang problema rito ay hindi ang kawalang-kakayahan ng lapay na gumawa ng anumang insulin. Ito’y ang kawalang-kakayahan ng lapay na makiagapay sa dumaraming pangangailangan ng katawan para sa insulin, karaniwan nang pinalulubha ng labis na timbang.

Bagaman ang mga pildoras ay malawakang ginagamit, pinapangyari nito ang lapay ay maglabas ng higit na insulin. Subalit kung baga sa ‘pagód na kabayo,’ may limitasyon sa paglalabas ng insulin, sa kasong ito, ng isang gastado nang lapay. Ang mabuting diyeta na nagbabawas ng timbang at nagbabawas ng asukal, kalakip ng makatuwirang ehersisyo, ay maaaring mas kapaki-pakinabang.

Kung ang diyeta, ehersisyo, at hindi pagkain ng mga matamis ay hindi sapat na nagpapababa sa mga antas ng asukal sa dugo, kung gayon maaaring ireseta ang mga pildoras. Dito, iba-iba rin ang palagay. Pinipili ng ibang doktor ang paggamit ng mga iniksiyon ng insulin sa halip ng mga pildoras kahit na sa Type II na diabetiko. May mga masamang epekto ang pildoras, at may ilang mga katanungan sa kung baga talagang nakatutulong ito upang maiwasan ang pangmatagalang mga komplikasyon.

Sa bawat kalagayan, lahat ng mga salik ay kinakailangang timbangin ng may kakayahang mga doktor bago irekomenda ang paggagamot. At dapat timbangin ng diabetiko ang mga rekomendasyon at gumawa ng pangwakas na disisyon sa kung ano ang gagawin niya.

Pananaig sa Iyong Diabetes

Sa gayon, ang pakikitungo sa diabetes ay nagsasangkot ng iba’t ibang mga hakbang, depende sa kung anong uri mayroon ang isang tao. Para sa Type II na diabetiko ang lunas ay maaaring ang diyeta at pagbabawas ng timbang. Subalit sabi ng isang doktor: “Makatotohanan, ipinakikita ng aking karanasan na ang posibilidad na iyan ay mangyari ay maliit. Sa karamihan ng mga kaso handa akong bigyan ang aking mga pasyente ng mga pildoras o kahit na insulin mula sa simula.”

Para sa Type I na diabetiko, ang lunas sa pananaig sa karamdaman ay hindi napakadali. Dito man, ang bahagi ng kasagutan ay maaaring wala sa medikal na paggagamot kundi nasa saloobin ng isa tungkol sa diabetes. Totoo, hindi kaaya-ayang bagay na asam-asamin ang araw-araw na mga iniksiyon, marahil ay ilang beses sa isang araw, ni ang pagduduro man ng sarili upang suriin ang asukal sa dugo. Ni madali man kaya na tiyakin na ang buhay ng isa ay organisado sa punto na ang isa ay kumakain ng kahawig na mga pagkain sa regular na mga pagitan sa halos gayunding oras sa araw at na ang ehersisyo at pahinga ay wastong isinaplano.

Kasabay nito, ang makatotohanang pangmalas ay nangangahulugan ng pagtanggap sa bagay na sa kasalukuyan walang lunas para sa diabetes. Subalit may paggagamot na, samantalang humihiling ng disiplina, ay maaaring magpanatiling buháy sa diabetiko at maging magaling sa loob ng maraming taon kaysa kung walang paggagamot.

Mga Saloobing Dapat Iwasan

Kinakailangang iwasan ng isa ang dalawang kalabisan sa saloobin. Sa isang panig, dapat iwasan ng isang taong may diabetes ang pagiging walang-ingat tungkol sa suliranin, hindi sinusunod ang mahusay na medikal na tagubilin, at marahil ay umaasa na ang problema ay mawawala. Hindi ito mawawala.

Sa kabilang dako, yamang ang matinding mga damdamin ay nagpapangyari ng pabagu-bagong mga antas ng asukal sa dugo, hindi mabuting maging labis-labis na mabalisa tungkol sa problema. Hindi makatutulong na palaging matakot at maging abalang-abala sa pangangalaga ng diabetes anupa’t kinakaligtaan na ang normal na mga gawain. Bagaman ang buhay ng mga diabetiko ay kinakailangang kontrolado o pinangangasiwaan, ang karamihan ay maaaring mamuhay nang maayos na mga buhay.

Ang diabetes kaya, gaya ng iba pang mga karamdaman, ay permanenteng mapagagaling? Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya ay nagbibigay ng nakapagpapatibay-loob na sagot: Oo, walang pagsala! At iyan ay mangyayari sa malapit na hinaharap! Ang lunas na ito ay mangyayari rito sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang pamahalaan na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na idalangin. (Mateo 6:9, 10) Sa panahong iyon, “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’”​—Isaias 33:24.

[Blurb sa pahina 19]

Bahagi ng kasagutan ay maaaring nasa saloobin ng indibiduwal

[Larawan sa pahina 18]

Upang makontrol ang asukal sa dugo, kinakailangang disiplinahin ng diabetiko ang kaniyang sarili upang iwasan ang mga matamis

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share