Ang UN—Pinagkaisa Ba Nito ang mga Bansa?
“SINO ang magtatatag ng nagtatagal na kapayapaan, at kailan?” ang itinanong ng mga Saksi ni Jehova sa pulyetong tinatawag na Peace—Can It Last? na inilathala noong 1942. Dahilan sa Digmaang Pandaigdig II ang Liga ng mga Bansa ay nasa isang katayuan ng pansamantalang hindi pagkilos, o ‘ibinulid sa kalaliman,’ gaya ng pagkakasabi rito ng Bibliya. (Apocalipsis 17:8) Kaya ibinangon din ang katanungang, Mananatili ba ang Liga sa hukay ng hindi pagkilos?
Kahit na sa maagang petsang iyon, nasumpungan ng mga Saksi ang kasagutan sa Bibliya. Sa kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, inihula ng pulyetong Peace: “Ang kapisanan ng makasanlibutang mga bansa ay muling babangon.” Nagkatotoo ba ang hulang iyon?
Noong Abril 1945 isang komperensiya ang ginanap sa San Francisco upang pagtibayin ang isang charter para sa United Nations. Sa aklat na The Great Design, inilarawan ni Cornelia Meigs kung ano ang nangyari nang ang miting ay nakatakdang magsimula: “Isang malaki at nagbibigay-inspirasyong serbisyo ang ginanap sa Washington Cathedral, upang hingin ang tulong ng Diyos sa bagong proyekto. . . . Kapansin-pansin sa Komperensiya mismo kung paanong ang marami sa pangunahing mga tagapagsalita, sa kanilang pambungad at pansarang mga pahayag, ay humingi ng tulong sa Diyos sa kung ano ang kanilang gagawin.”
Nais ng ilan na banggitin ang Bathala sa Charter. Ayaw naman ng iba. Ang mga bansa ay hindi magkaisa, kaya ang “Diyos” ay hindi isinama. Ang pagkakabahaging iyon ng opinyon ay dapat sanang naging isang maagang hudyat ng kung ano ang mangyayari. Gayumpaman, nilagdaan ng 51 mga bansang nagtatag ang Charter ng UN, at ang hindi na umiiral na Liga ay muling umahon.
Paano naiiba ang UN sa Liga? At ito ba ay nagkaroon ng higit na tagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan? Pinagkaisa nga ba nito ang mga bansa?
Ang Kalihim-Panlahat
Ang saligan para sa isang mas malakas at mas mabisang organisasyon ay inilatag nina Franklin D. Roosevelt, Winston Churchill, Joseph Stalin, at ng kanilang mga tagapayo. Ang mga lalaking ito ay kumakatawan sa Big Three—ang Estados Unidos, ang United Kingdom, at ang Unyong Sobyet—sa mga komperensiyang ginanap sa Moscow, Tehran, Yalta, at Dumbarton Oaks (Washington, D.C.). Sa katunayan, ang Pangulong Roosevelt ang sa wakas ay pumili sa pangalang United Nations.
Ginanap ng General Assembly ng UN ang una nitong sesyon noong Enero 1946. Noong Pebrero 1 hinirang ng UN ang una nitong kalihim-panlahat, ang Norwegong si Trygve Lie. Paano niya minalas ang kaniyang pagkahirang? “Nailagay lamang ako sa pagiging Kalihim-Panlahat ng bagong internasyonal na organisasyong ito, upang panatilihin ang kapayapaan at itaguyod ang pag-unlad sa isang daigdig na punô ng kaguluhan, kahirapan, at paligsahan ng dakilang kapangyarihan. Isa itong hamon na hindi ko pinangarap kailanman; subalit isa rin itong masamang panaginip. . . . Paulit-ulit kong tinanong ang aking sarili, Bakit ba bumagsak ang kasindak-sindak na atas na ito sa isang abugado ng manggagawa mula sa Norway?”
Katulad ng dating Liga, dati’y walang gaanong inaasahan mula sa kalihim ng organisasyon. Sang-ayon sa manunulat na si Andrew Boyd, hindi nakita ng mga tagapagtatag ng UN kung gaano kalawak ang magiging kapangyarihan ng kalihim-panlahat. Gaya ng sabi ni Boyd sa kaniyang aklat na Fifteen Men on a Powder Keg: “Hindi man lamang nila [ang Big Three] nasulyapan ang posibilidad na kinakailangang pangasiwaan ng punong opisyal ng bagong pandaigdig na organisasyon ang internasyonal na hukbo nito.” Sabi pa niya: “Nakita nila siya bilang kanilang nilikha, at isang mahiyaing nilikha pa nga.”
Gayunman maliwanag na binabanggit ng Artikulo 99 ng Charter ng UN: “Maaaring itawag-pansin ng Kalihim-Panlahat sa Security Council ang anumang bagay na sa kaniyang palagay ay maaaring magsapanganib sa pagpapanatili ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.” (Amin ang italiko.) Gaya ng isinulat ni Trygve Lie: “Ang Artikulong ito ay nagbibigay sa Kalihim-Panlahat ng United Nations ng pandaigdig na pulitikal na mga pananagutan na hindi taglay kailanman ng sinumang indibiduwal, ng sinumang kinatawan ng isang bansa.” Kaya, siya ay magiging isang puwersa na dapat kilalanin.
Sa katunayan, ang impluwensiya ng kalihim-panlahat bilang isang dalubhasa sa paglutas ng diplomatiko o pulitikal na mga pagtatalo ay lumaki sa punto na noong panahon ng krisis sa Congo noong 1961 si Dag Hammarskjöld, na humalili kay Trygve Lie, ay nagbangon ng 20,000 mga kawal at mga teknisyan mula sa 18 mga bansa upang wakasan ang labanang iyon. Noong 1964 si U Thant, na siyang nanunungkulan, ang may pananagutan sa tatlong magkakasabay na mga hukbong nag-iingat-kapayapaan ng UN.
Ang kasalukuyang kalihim-panlahat, ang Peruvianong si Javier Pérez de Cuéllar, ang nag-uutos sa mga hukbo ukol sa kapayapaan ng UN na tumatakbo pa rin sa Cyprus at sa Gitnang Silangan. Siya rin ang namumuno sa Secretariat na ngayon ay may mga tauhan na halos 7,400 sa punong-tanggapan ng UN sa New York. Mga 19,000 pa ang nagtatrabaho sa ilalim ng pagtangkilik ng UN sa iba pang mga bansa. Gayunman, taglay ang lahat ng mga tauhang ito na magagamit sa anumang oras, ang UN ba ay naging mabisa sa paghadlang sa mga digmaan sa nakalipas na mahigit na 40 mga taon?
Ito ay Tumatahol Subalit Hindi Maaaring Kumagat
Ang kasagutan sa huling tanong na iyan ay kailangang maging oo at hindi. Dalawampung taon pagkaraang maitatag ang Liga ng mga Bansa noong 1919, ito ay naghihingalo na nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Apatnapung taon pagkaraang maitatag ito, ang UN ay nakatayo pa rin. Subalit bagaman ang isang ikatlong digmaang pandaigdig ay hindi pa sumisiklab, tiyak na maraming nakatatakot na mga digmaan ang ipinakipaglaban at bunga nito angaw-angaw na mga tao ang nagdusa. Ang mga digmaan sa Korea (1950-53), sa Gitnang Silangan (1948-49, 1967, at 1973), at sa Indochina⁄Vietnam (1945-54 at 1959-75) ay karakarakang sumasagi sa isipan. Sa makatuwirang paraan ang tanong ay, Bakit walang-kaya ang UN sa paghadlang sa mga digmaang iyon?
Ang sagot na ibinigay ng mga opisyal ng UN ay na ang organisasyon ay kasimbisa lamang ng ipinahihintulot dito ng mga membro nito. Ganito ang sabi ni Mr. Stefan Olszowski, Polakong Ministro ng Foreign Affairs, sa isang liham noong Mayo 9, 1985: “Kahit na ang sakdal na mga pasiya ng Organisasyon ay hindi magkakaroon ng inaasahang praktikal na mga resulta maliban na at hanggang sa taglay nila ang pagtugon at pagtaguyod ng pulitikal na kalooban ng Membrong mga Estado. Naniniwala ako na ang sangkatauhan ay magtatagumpay sa paghinto at pagbaligtad sa landasin na patungo sa bangin.”
Samakatuwid, ang UN ay maaari lamang maging isang nakahihikayat na puwersa, hindi isang puwersa ng pulisya na may kapangyarihan ng pag-aresto. Ito talaga ay isang pandaigdig na forum (dakong tipunan), isang dakong pinagdidebatihan kung saan inihaharap ng mga bansa ang kanilang mga karaingan—kung gusto nila. Gaya ng isinulat ng dating Kalihim-Panlahat Kurt Waldheim: “Kung hindi sila handang magdala ng problema sa [Security] Council, walang gaanong maitutulong ang United Nations . . . Ang paglihis o pagwalang-bahala sa Security Council ay sumisira sa prestihiyo nito at nagpapahina sa katayuan nito . . . Itinuturing ko ito na isa sa pinakamapanganib na hilig sa United Nations.”
Gayunman, kung dinadala ng mga bansa ang kanilang mga problema sa UN, kadalasan nang ito’y upang magparatang at kontraparatang. Ang UN ay nagiging isang tipunang dako para sa pulitikal na propaganda. Yamang gayon, maaaring itanong mo, ‘Paano magagamit ng UN ang impluwensiya nito para sa kapayapaan?’
Ang sagot na ibinigay ng mga opisyal ng UN ay na inilalathala ng UN ang mga suliranin o mga isyu at sinisikap na impluwensiyahin ang opinyon ng daigdig upang ang mga pamahalaan ay tumugon. Subalit sa ganang sarili, hindi ito maaaring kumuha ng anumang nasasandatahang pagkilos upang iwasan o hadlangan ang digmaan. Sa kasong iyan, kumusta naman ang hukbong sandatahan mismo ng UN?
Ganito ang sagot ng isang publikasyon ng UN: “Ang mga hukbong ito [kung binibigyan-kapangyarihan ng Security Council o ng General Assembly] ay karaniwan nang tumutulong sa paghadlang sa pag-ulit ng digmaan, pagsauli at pagpapanatili ng kaayusan at pagtataguyod ng pagbabalik sa normal na mga kalagayan. Sa layuning ito, ang mga hukbong nag-iingat-kapayapaan ay awtorisado kung kinakailangan na gamitin ang negosasyon, paghikayat, pagmamasid at paghanap sa tunay na pangyayari. . . . Bagaman sila ay nasasandatahan, sila’y pinahihintulutang gamitin ang kanilang mga sandata tanging sa pagtatanggol sa sarili.” (Amin ang italiko.) Sa gayon ang kanilang layunin ay pagpayuhan ang iba na huwag makipagdigma at iwasan ito mismo.
Kaya, sa katunayan, ano ang ginagawa niyan sa UN? Ginagawa nito ang UN na isang bantay-aso na pinahihintulutang tumahol subalit huwag mangagat. Subalit sa paanuman ang isang tumatahol na aso ay nagbibigay ng babala tungkol sa problema. Kung gayon bakit tila hindi mabisa ang UN?
Kung Saan Naroroon ang Tunay na Kapangyarihan
Sang-ayon kay Andrew Boyd, ang mga problema ng UN ay inilagay sa Charter ng Big Three. Paliwanag niya: “Tahasang sinabi nila sa karaniwang tao na napagpasiyahan na nila ang tungkol sa isang kayarian sa seguridad ng UN na ganap na pangangasiwaan ng dakilang mga kapangyarihan. . . . Nagkaroon ng lubusang pagsang-ayon sa pagitan nina Roosevelt, Churchill at Stalin na ang iminungkahing organisasyon ng United Nations ay magiging isang instrumento sa pagpapatupad ng mga disisyon na sama-samang ginawa ng Big Three (kasama ang Tsina at Pransiya bilang pantanging mga kasama nila).”
Sabi pa ni Boyd: “Maliwanag, ang isang sistema na hinubog ng Tatlo mismo ay hindi magiging isa na magsasangkot sa kanila sa pagsuko ng alinmang bahagi ng kanilang malawak na lakas militar upang kontrolin ang buong lupon ng maliliit ng mga estado; o niyaong sa Kalihim-Panlahat ng UN . . . o sa internasyonal na Hukuman o sa kaninuman.” Kaya paano nila napangalagaan ang kanilang monopolyo ng kapangyarihan at pangangasiwa?
Ganito ang paliwanag ni Boyd: “Ang Tatlo ay hindi nagtitiwala sa isa’t isa. Ang pagbeto ang kanilang sanggalang laban sa isa’t isa gayundin laban sa mas maliit na mga estado na may malaking populasyon.” Ano ba ang pagbeto? Ito ang karapatan na hadlangan ang isang disisyon sa pamamagitan ng isang negatibong boto. Ito ay nakareserba sa 5 permanenteng mga membro (Tsina, Pransiya, ang Unyong Sobyet, ang United Kingdom, at ang Estados Unidos) ng 15-membrong Security Council. Sa gayon, para makalabas ang isang mahalagang disisyon ng Council, ito’y kinakailangang magkaroon ng hindi kukulanging siyam na mga botong sang-ayon kasama na ang nagkakaisang boto ng lima. Gayunman, ang abstenensiya ay hindi ibibilang na pagbeto.
Kaya, kasama na ang pagbeto, ang Charter ng UN “ay nagpabanaag ng isang malamang na pag-aaway-away ng dakilang mga kapangyarihan.” Taglay ang ganitong uri ng pasimula, ang “nagkakaisang” mga bansa ay hindi mabuti ang simula.
Gayumpaman, narito na tayo sa 1986, at sa paano man naiwasan ang Digmaang Pandaigdig III. Ang UN ay gumaganap pa rin ng isang aktibong bahagi sa mga pangyayari sa daigdig. Samakatuwid, makatuwiran bang maniwala na ang UN pa rin ang paraan ng Diyos sa kapayapaan?
[Kahon sa pahina 6]
Ang Kalihim-Panlahat ng UN at ang Ilan sa Kaniyang mga Problema
Trygve Lie (1946-53)___________Digmaan sa Korea; Gitnang Silangan; ang Berlin Blockade
Dag Hammarskjöld (1953-61)_______Digmaan sa Congo; pakikialam ng Sobyet sa Hungary; ang Gitnang Silangan
U Thant (1961-71)_______________Digmaan sa Vietnam; giyera sibil sa Nigeria⁄Biafra; krisis sa Rhodesia; digmaang India⁄Pakistan; pakikialam ng Sobyet sa Czechoslovakia; ang Gitnang Silangan; Cyprus; krisis sa Cuba
Kurt Waldheim (1972-81)__________Digmaan sa Vietnam; Kampuchea; Afghanistan; ang Gitnang Silangan
Javier Pérez de Cuéllar (1982-)__Digmaan sa Lebanon; Afghanistan; Iran at Iraq
[Larawan sa pahina 4]
Si Trygve Lie ay nagtanong, ‘Bakit sa akin pa bumagsak ang kasindak-sindak na atas na ito?’
[Pinagmulan]
UN photo
[Larawan sa pahina 5]
Pinamahalaan ni U Thant ang tatlong sabay-sabay na mga hukbong nag-iingat-kapayapaan ng UN
[Pinagmulan]
UN photo
[Larawan sa pahina 7]
Isinulat ni Kurt Waldheim ang tungkol sa “isa sa pinakamapanganib na hilig sa kasaysayan ng United Nations”
[Pinagmulan]
UN photo
[Larawan sa pahina 7]
Pinamumunuan ni Javier Pérez de Cuéllar ang 26,000 mga tauhan
[Pinagmulan]
UN photo