Ang UN—Paraan ng Diyos sa Kapayapaan?
“Ako’y kumbinsido na ang United Nations ay naglalaan ng pinakamabuting daan sa hinaharap para sa mga may pagtitiwala sa ating kakayahan na hubugin ang ating tadhana sa planetang ito.”
ANG matibay na paniniwalang iyan ay ipinahayag ng dating Kalihim-Panlahat Kurt Waldheim sa kaniyang aklat na The Challenge of Peace. Bagaman inaamin ang mga pagkukulang ng UN, ipinaliwanag din niya: “Gayunman, dapat mabatid ng isa na ang United Nations, sa paano man, ang daigdig sa loob ng isang maliit na daigdig. Samakatuwid ang mga kahinaan nito ay dapat na ipalagay pangunahin na sa mga pagkakasalungatan na katangian ng pamayanan sa daigdig mismo.” Sabi pa niya: “Dapat kong idiin na ito [ang UN] ay wala kundi isang salamin ng daigdig na pinaglilingkuran nito. Ang daigdig na iyon ay isang kalipunan ng lubhang magkakaiba, kadalasan na’y mailap, mapusok, at antagonistikong mga bansa.” Subalit hindi lahat ng mga komentarista ay nakikita ang UN sa gayong paborableng liwanag.
Sa kanilang aklat na A Dangerous Place—The United Nations as a Weapon in World Politics, ikinakatuwiran nina Propesor Yeselson at Gaglione na mula sa pinakamaagang kaarawan nito ang UN ay naging isang tipunang dako sa pagpapahayag ng agresibong saloobin, at na ito ay malamang na isang mapanganib na dako na pagmulan ng mga antagonismo at pulitikal na mga maneobra na maaari lamang gumatong sa mga apoy ng internasyonal na pagbabaka. At kumusta naman ang tungkol sa daigdig na pinaaandar nito? “Ang salungat gayunma’y payak na katotohanan ay na ang pulitika ng daigdig ay katulad na katulad ng isang gubat. Ang kaasalang pambansa ay karaniwan nang nasasalig sa sariling kapakanan at kaligtasan. Ang namamayaning hangarin sa nahuling banggit ay nagbibigay sa sistemang bansa-estado hindi lamang ng batas ng kagubatan kundi gayundin ng moralidad nito.” Bunga nito, “ang digmaan ay naging isang permanenteng bahagi ng internasyonal na mga kaugnayan.”
Anong laking pagkakaiba sa matayog na mga pangarap na taglay nila nang lagdaan ang Charter ng United Nations noong 1945! Ang preambolo nito ay nagsasabi: “KAMING MGA BAYAN NG UNITED NATIONS AY DETERMINADONG iligtas ang sumusunod na mga salinlahi mula sa pahirap ng digmaan, na dalawang ulit na nagdala ng katakut-takot na kalumbayan sa sangkatauhan sa aming buong buhay . . . AY NAGPASIYANG PAGSAMAHIN ANG AMING MGA PAGSISIKAP UPANG MAISAGAWA ANG MGA LAYUNING ITO.”
Pagkalipas ng apatnapung taon waring ito ay walang saysay. Sa halip na magsama-sama, ang mga bansa ay nagkakabaha-bahagi. Kahit na ngayon ang digmaan ay pang-araw-araw na karanasan ng angaw-angaw sa isang bahagi ng daigdig o iba pa! Araw-araw ang mga tao ay nagdurusa at namamatay bilang mga biktima ng digmaan—sa kabila ng pag-iral ng UN.
Sino Talaga ang Nasa Likuran ng UN?
Bagaman may nagkakaibang mga palagay, ang dalawang aklat na sinipi kanina ay nagtatagpo o nagkakaisa sa isang pambihirang detalye. Sinasabi ni Waldheim na ang UN ‘ay isang salamin ng daigdig na pinaglilingkuran nito,’ at inihambing nina Yeselson at Gaglione ang pulitikal na daigdig na iyon sa isang gubat. Kaya walang pagbabagong ipinababanaag ng UN ang batas ding iyon ng pulitikal na kagubatan na tinitirhan ng mga membro nito.
Taglay ito sa isipan, kawili-wiling pansinin ang mga simbolismong ginamit sa Bibliya. Ang Bibliya ay bumabanggit tungkol sa isang “mabangis na hayop” at gayundin sa “larawan” nito, na inilalarawan bilang “isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop.” (Apocalipsis 13:1, 2, 14; 17:3, 8, 11) Ang unang mabangis na hayop ay kumakatawan sa buong pandaigdig na pulitikal na organisasyon na lumitaw mahigit nang 4,000 mga taon ang nakalipas at na humantong sa pulitikal na pagkakaiba-iba na nakikita sa daigdig ngayon.a Kung gayon ano ang kinakatawan ng “larawan” ng hayop na iyan?
Sang-ayon sa mga aklat na sinipi kanina, aling organisasyon ang nagpapabanaag sa kasalukuyang pulitikal na sistema? Maliwanag, ang UN at ang 159 membrong mga bansa nito, ito ang bumubuo sa halos pansansinukob na paglalarawan. (Tingnan ang pahina 11.) At ang mga sagisag ng Bibliya tungkol sa mabangis na hayop ay kasuwato ng larawan na ‘pulitikal na kagubatan.’ Nakalulungkot subalit totoo na isinagawa at isinasagawa pa rin ng mga pulitiko ang kanilang pulitikal na mga pilosopya na gaya ng mabangis na hayop—malupit na pinapatay ang angaw-angaw na mga tao, mga kalaban at mga sibilyan, sa kanilang mga digmaan at pulitikal na paglilinis. Ang pagpapahirap at mga pangkat na pumapatay ay ginamit at ginagamit pa rin sa pulitikal na pamimilit. At karamihan sa magkakatulad na mga pamahalaan at mga pilosopyang ito ay may kani-kaniyang kagalang-galang na kinatawan sa UN.
Dahilan sa mga nabanggit, makatuwiran bang maniwala na ang UN ang paraan ng Diyos sa kapayapaan, lalo na yamang, sa pinakapayak na pagpapakahulugan, “ang Diyos ay pag-ibig”? (1 Juan 4:8) Subalit kung ang UN ay hindi ang kasagutan ng Diyos sa problema, sino ang talagang nasa likuran ng UN?
Tinitiyak ng Bibliya ang pinagmulan ng pulitikal na sistema ng “mabangis na hayop” at ang UN na “larawan” nito. Sa Apocalipsis 13:2 mababasa natin: “At ang dragon ay nagbigay sa mabangis na hayop ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at ng dakilang kapamahalaan.” Sino ang kumakatawan sa “dragon”? Nililinaw ng manunulat ding iyon ng Bibliya na “ang dragon” ay “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa.” Subalit sa anong paraan inililigaw ni Satanas ang daigdig?—Apocalipsis 12:9.
Sa pamamagitan ng lahat ng posibleng pulitikal na pakana at pilosopya, pati na ang UN, inililihis ni Satanas, ang orihinal na sinungaling, ang pansin ng sangkatauhan mula sa tanging tunay na landas sa kapayapaan at katiwasayan—ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa lupang ito. (Juan 8:44) Sa loob halos ng dalawang libong taon, ang nag-aangking mga Kristiyano ay nanalangin, “Dumating nawa ang iyong kaharian.” Gayunman ang karamihan ay walang malinaw na ideya kung ano ang kahulugan ng Kaharian ng Diyos. Ano ang kahulugan nito sa iyo? Ngayon kung kailan ang Kahariang iyan ay pagkalapit-lapit na mahalagang magkaroon ng wastong pagkaunawa tungkol dito.—Mateo 6:9, 10.
Nalalaman ng mga kabalitaan ng Gumising! mula sa personal na mga kakilala na maraming taimtim at nakatalagang mga tao ang gumagawa upang itaguyod ang mga layunin ng UN. Nakikita rin ng taimtim na mga taong ito ang mga kahinaan ng organisasyon, subalit katulad ni Kurt Waldheim at ng iba pa, naniniwala sila na ito ang tanging pag-asa ng tao para sa nagtatagal na kapayapaan at katiwasayan. Wala silang kabatiran sa anumang mas mabuting lunas. Gayunman mayroong isang mapagpipilian na marahil ay nakaligtaan nila—ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 11:15.
Ang Tunay na Daan sa Kapayapaan
Ipinakikita ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos ay tumutukoy sa makalangit na pamamahala, o gobyerno ng lupa mula sa espiritung kaharian. (Daniel 2:44; Apocalipsis 21:1-4) Ang pamahalaang ito ng Kaharian sa pamamagitan ni Kristo ay gumagana na sa buong daigdig at inihahanda na ang isang bayan mula sa lahat ng bansa para sa walang hanggang buhay sa ilalim ng pamamahala nito. Ang ganap na nagkakaisang lupong ito ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa at lahat ng mga wika ay kilala bilang mga Saksi ni Jehova. Sila ay tunay na “nagkakaisang mga bansa” na ‘pinukpok na ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ Kinalas na rin nila ang mga posas ng pagtatanggi ng lahi at ng makitid na nasyonalismo, na tinawag na “ang pinakamalakas at mapangwasak na puwersa sa internasyonal na pulitika.” Ang mga posas na iyon mismo ang gumagapos pa rin at humahadlang sa UN.—Isaias 2:2-4.
Sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya, nalalaman ng mga Saksi ni Jehova na tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang makapagdadala ng tunay at nagtatagal na kapayapaan sa lupang ito at na ang panahon ay napakalapit na upang ang Kaharian ng Diyos ay kumilos. (Lucas 21:31-33; Apocalipsis 16:14, 16) ‘Anong pagkilos?’ maitatanong mo. Ang pagpuksa roon sa mga kusang nagpapahamak sa lupa. (Apocalipsis 11:18) Ito’y nagwawakas sa paglipol sa lahat ng bumabahaging pulitikal na mga elemento. (Daniel 2:44) Sa gayon tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova bilang hindi sapat at huwad na lunas ni Satanas—ang UN. Subalit bakit ito hindi sapat?
Binigyan-kahulugan ng pilosopong Olandes noong ika-17 na si Spinoza ang kapayapaan bilang “hindi ang kawalan ng digmaan” kundi isang bagay na mas malawak. Sabi niya: “Ito’y isang kagalingan, isang kalagayan ng isipan, isang disposisyon ng kabaitan, pagtitiwala, katarungan.” Makakamit lamang iyan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao sa pag-ibig at pagkakaisa sa halip na sa poot at pagkakabaha-bahagi. Gaya ng iniulat ng manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Ang bunga ng katuwiran ay nahahasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan sa mga gumagawa ng kapayapaan.” (Santiago 3:18) Sa pamamagitan ng kanilang pambuong-daigdig na gawaing pagtuturo itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang mga daan ng Diyos sa kapayapaan, sapagkat ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.”—Isaias 54:13.
Kung nais mong malaman ang higit tungkol sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos, makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong dako. Sila ay magagalak na tumulong sa iyo na malaman ang daan ng Diyos sa kapayapaan.
[Talababa]
a Para sa higit pang liwanag sa mga sagisag na ito ng Bibliya, tingnan ang aklat na “Then Is Finished the Mystery of God,” mga kabanatang 22 at 23, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 11]
Pangunahing mga Suliranin na Nakakaapekto sa UN
Isang bahagi ng talaan ng kasalukuyang pangunahing mga suliranin sa daigdig na nakababahala sa maraming membrong mga bansa ng UN.
1. Paligsahan sa armas nuklear at ang paghaharap ng E.U.A.-U.S.S.R.
2. Hindi timbang na kabuhayan sa Hilaga-Timog na daigdig; krisis sa panlabas na pangungutang sa nagpapaunlad na mga bansa
3. Gutom at karalitaan sa Aprika, ang unti-unting pagiging disyerto ng kontinente
4. Droga, internasyonal na pangangalakal nito
5. Internasyonal na terorismo
6. Patakaran hinggil sa pagtatangi ng lahi sa Timog Aprika at ang mga kaugnayan sa kalapit na mga estado
7. Pagsasarili ng Namibia mula sa Timog Aprika
8. Ang suliranin ng Israel at Palestina
9. Kaguluhan sa Lebanon
10. Labanang Iran-Iraq
11. Timog-silangang Asia, pananakop ng Vietnamese sa Kampuchea
12. Sentral Amerika, pakikidigma ng gerilya sa El Salvador at Nicaragua
13. Afghanistan, pakikialam ng Unyong Sobyet
14. Suliranin ng mga takas sa daigdig, na apektado ang mahigit sa sampung milyong mga tao
15. Mga pag-abuso sa mga karapatan ng tao
Ang talaang ito ay batay sa mga talumpati na iniharap sa ika-39 na sesyon ng UN General Assembly noong 1984 ng 150 mga kinatawan, kasali na ang 16 na mga pinuno ng estado o pamahalaan. (Tingnan ang UN Chronicle, Tomo XXI, Numero 8⁄1984.)
[Kahon sa pahina 11]
Kung Paano Dumami ang Membro ng UN
1945 51 bansa: Sentral at Timog Amerika 19; Europa 14; Asia 2; Gitnang Silangan 7; Aprika 3; Pasipiko 3; Hilagang Amerika 3
1950 60 bansa: Sentral at Timog Amerika 19; Europa 16; Asia 7; Gitnang Silangan 9; Aprika 3; Pasipiko 3; Hilagang Amerika 3
1960 100 bansa: Sentral at Timog Amerika 19; Europa 27; Asia 13; Gitnang Silangan 10; Aprika 25; Pasipiko 3; Hilagang Amerika 3
1970 127 bansa: Sentral at Timog Amerika 23; Europa 28; Asia 16; Gitnang Silangan 12; Aprika 41; Pasipiko 4; Hilagang Amerika 3
1980 154 bansa: Sentral at Timog Amerika 29; Europa 30; Asia 19; Gitnang Silangan 16; Aprika 50; Pasipiko 7; Hilagang Amerika 3
1985 159 bansa: Sentral at Timog Amerika 32; Europa 30; Asia 20; Gitnang Silangan 16; Aprika 50; Pasipiko 8; Hilagang Amerika 3
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga watawat ng 159 membrong mga bansa na nakadispley sa harapan ng UN
[Larawan sa pahina 10]
Sino na ang ‘pinukpok ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’?