Isang Makasaysayang Gusali ay Naging Isang Assembly Hall Para sa mga Saksi ni Jehova
NANG ang bagong Stanley Theater ay buksan sa Journal Square, Jersey City, noong Marso 24, 1928, isa ito sa pinakamalaki sa Estados Unidos. Ang kagandahan nito ay umakit ng labis na mga papuri, lalo na ang marikit na interyor nito na may Italyanong patsada. “Kung ikaw ay naglakbay na sa Italya, . . . kung saan ang kaakit-akit na mga villa at makulay na mga korte ay nagpapaalaala sa atin ng artistikong kaluwalhatian ng Roma,” sabi ng isang naunang reporter, “kung gayon mahihiwatigan mo ang loob ng bagong Stanley Theater na ito.”
Subalit pagkaraan ng maraming taon ng pagpapalabas ng pelikula at buháy na tanghalan, ang kaakit-akit na Stanley ay pumangit. Ang mga plano na gawin itong limang maliliit na sinehan, pati ang paggiba rito at magtayo ng isang gusaling tanggapan sa lugar nito, ay hindi kailanman naisagawa. Pagkatapos, noong Mayo 12, 1981, ang Stanley Theater ay nagkaroon ng bagong katayuan: Ito ay itinala sa New Jersey Register of Historic Places.
Gayunman, nang panahong iyon ang Stanley ay hindi na ginagamit at lubhang nangangailangan ng mga pagkukumpuni. Ang ilang bahagi ng silong ng entablado ay binabaha at nasa ilalim ng dalawang piye (60 cm) na tubig. Ang dating tanso at tumbaga sa mga pinto at bintana ay natatakpan ng mga makapal na pintura at dumi. Ang kaakit-akit na Italyanong patsada ay pinadilim ng 50 taon ng nikotina at alikabok. Ang mga upuan ay marumi, punit, at sira. Ang pagkalalaking mga aranya (chandelier) ay nawalan ng kanilang ningning sa kapal ng dumi. Noong 1982 ang Stanley ay ipinagbili. Nababatid na ang mga pasilidad ang kinakailangan nila para pagdausan ng kanilang mga pansirkitong asamblea, binili ito ng mga Saksi ni Jehova noong Nobyembre 1983.
Bumangon ang problema. Ang mga opisyal ng lunsod ay nakipagtalo na ang Stanley ay hindi dapat gamitin sa relihiyosong mga layunin. Gayunman, pinahintulutan nila ang mga Saksi na kumpunihin ang bubong at ang boiler. Subalit nang nais palitan ng mga Saksi ang lumang mga kasilyas, mga kawad ng koryente, at mga tubo, ang mga permiso sa gawaing ito ay ipinagkait. Ang kaso ay nakarating sa korte pederal noong Setyembre 1984. Pinanindigan ng mga Saksi na ang tunay na dahilan ng pagtutol ay sapagkat ayaw ng alkalde ng lunsod ang mga Saksi ni Jehova sa Journal Square. Mayroon siyang ibang plano sa propyedad. Ang alkalde at iba pa ay ipinagsakdal dahilan sa pakikialam sa konstitusyunal na karapatan ng mga Saksi.
Binanggit ng makatuwirang opinyon ni Hukom Debevoise na ang pagkukumpuni ng koryente at instalasyon ng mga tubo ay dapat na isagawa at na ang layunin ng Stanley “ay malinaw na kaayon ng ipinahihintulot na paggamit sa bulwagang pangkombensiyon.” Pagdating sa pangunahing isyu ng kaso, siya ay sumulat: “Sa ibabaw ng panteon ng mga karapatang sibil na ginagarantiya ng Konstitusyon ng Estados Unidos ay ang karapatan na maging malaya sa mga batas na nagbabawal sa malayang pagsasagawa ng relihiyon o pagbabawas ng kalayaan sa pananalita. . . . Dito ang mga maysakdal [ang mga Saksi] ay naghahangad na isagawa, ituro at ipahayag ang kanilang relihiyosong mga paniniwala na ginagamit ang pasilidad na inaakala nilang angkop na angkop sa layuning iyan.”
Isinusog pa ni Hukom Debevoise na kung ang lunsod ay mag-aapela ng kaso, “ang mga maysakdal ay malamang na magtatag sa isang pangwakas na paglilitis na ang interpretasyon at pagkakapit ng Zoning Ordinance ng Jersey City ay hindi ayon sa konstitusyon at nakikialam sa relihiyosong kalayaan ng mga nagsasakdal.” Pagkaraan niyaon, itinigil ng mga opisyal ng lunsod ang kanilang pagsalansang.
Ang sumunod na hamon na nakaharap ng mga Saksi: tapusin ang pagbabago sa Stanley para sa pag-aalay nito sa Setyembre 7, 1985, at para sa pagtatapos ng mga misyonero sa ika-79 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa susunod na araw. Kaya mayroon lamang siyam na buwan upang gawin ang napakalaking trabahong ito, ito ay “paspasan.”
Libu-libong boluntaryong mga manggagawa ang nagkulumpulan sa Stanley at ginawa itong tipunan ng gawain. Ibinigay ng mga may kasanayang tao ang kanilang mga paglilingkod para sa natatanging pagpipinta, pag-iinstala ng mga tubo, pagpapalitada, pagkakarpintero, at elektrikal na gawain. Napakaraming detalyadong mga gawain ang maingat na inasikaso anupa’t hindi ipinahihintulot ng espasyo na saklawin namin ang lahat ng gawaing isinagawa ng mga boluntaryong ito, na nagsipagtrabaho sa loob ng mahabang mga araw at gabi ng mga ilang linggo at buwan. Ang kalakip na mga larawan ay magpapahiwatig ng napakalaking pagbabago na nangyari.
Ang sumusunod na programa ay isinaayos: Agosto 17 at 18, 1985: isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Agosto 30 at 31: open House para sa mga bisita mula sa karatig na mga lugar. Setyembre 7: pag-aalay ng 4,300-upuang teatrong ito bilang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova. Setyembre 8: pagtatapos ng ika-79 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead.
Maipagmamalaki ngayon ng Jersey City ang isa sa pinakamagandang bulwagang pangkombensiyon na masusumpungan saanman sa Estados Unidos. Hindi lamang naisauli ang dati nitong kaluwalhatian kundi ito rin ay lalo pang napaganda. Ang pinakadakilang layunin nito ngayon ay ang gamit nito upang ipabanaag ang kaluwalhatian ng Soberanong Panginoon at Maylikha ng sansinukob, ang Diyos na Jehova.
[Kahon sa pahina 18]
Isang Liham Mula sa Isang Mambabasa sa The New Jersey Journal
“Ang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Jersey City ay may bilang na mahigit 4,000. Sila ay masigasig, lubhang matulungin, umaasa-sa-sarili. Silang lahat ay mga boluntaryo sa isang layunin na lubha nilang pinaniniwalaan. . . .
“Habang pinagmamasdan ko ang pagsulong ng konstruksiyon sa Stanley Theater sa Jersey City, nakita ko ang isang determinasyon na walang halaga ang napakalaki upang ibayad sa kanilang pantanging mga mithiin.
“Ang Stanley Theater ay magiging isang monumento ng isang pagtatalaga na mula sa tibay ng loob na pinanday ng madalas na kahirapan. Ang teatro ay napunô ng pagmamahalan na bihirang makita sa panahong ito ng cynicismo (pag-aalinlangan), materyalismo at paghihinala.
“Ang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Stanley Theater sa Jersey City ay walang pagsalang magiging isang makasaysayang gusali. Dapat itong maging isang kapurihan sa pamayanan.
“Sila ay relihiyosong mga mandirigma ng mataas na ranggo at isang nagliliwanag na ilaw sa isang napakapanglaw na daigdig.
“Dapat silang ipagmalaki ng Jersey City; isang bagay na mahalaga sa lunsod [C. T. P., Jersey City]”—The Jersey Journal, Hulyo 25, 1985, pahina 21.
[Mga larawan sa pahina 15]
Mga larawang kinuha samantalang malapit nang matapos ang pag-aayos. Sa kaliwa, ang bulwagan o lobby
Sa kanan, ang pangunahing awditoryum gaya ng makikita mula sa balcony
[Mga larawan sa pahina 16]
Mga mural ng mga eksena sa Bibliya, iginuhit ng mga membro ng kawani sa punong-tanggapan ng Watchtower, na hinalinhan yaong mga inilarawang tagpo mula sa mitolohiya
Sa itaas ay ang eksena ng pagsakay ni Jehonadab sa karo ni Jehu. Sa kanan ay ang mga mangangabayo ng Apocalipsis kabanata 6
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang mga aranya, ang may kulay na salamin na mga bintana, at mga cornisa ay nilinis ng boluntaryong mga manggagawa. Ang 50-piye-taas na pampitas ng cherry ay ginamit para sa gawaing pagsasauli at pagpipinta ng kisame