Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/22 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Babala sa Paglalakbay
  • Natuklasang Bagong Genetikong mga Kodigo
  • Pagtutol sa Nazi
  • Ehipsiyong Kakapusan ng Lupa
  • Malaganap na “Hacking”
  • “Ang Papa: Kalahati ng Halaga”
  • Mga Maninigarilyong Babae
  • Operasyon​—Istilong “Assembly-Line”
  • Paggamit ng Siper sa Operasyon
  • Mga “Water Bed”​—Isang Panganib sa mga Sanggol?
  • ‘Depth Charge’ na Paggamot
  • Kanser at Trabaho
  • Madadaig Mo Ba ang Kanser?
    Gumising!—1987
  • Ano Ba ang Kanser? Ano ang mga Sanhi Nito?
    Gumising!—1987
  • Kanser—Ano Ba ang Ating Kalagayan?
    Gumising!—1987
  • Mga Bató sa Bató—Paggamot sa Isang Sinaunang Sakit
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/22 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Babala sa Paglalakbay

Upang maiwasan ang intestinal na mga karamdaman ng mga naglalakbay, ang Kanluraning mga turista sa mga bansa sa Third World ay kalimitang sinasabihan na haluan ang tubig ng alak o huwag nang uminom ng tubig. Subalit ang mga hakbang na ito ay hindi gumagarantiya ng tagumpay, sang-ayon sa mga mananaliksik mula sa University of Texas. Isa sa mga mananaliksik, si Dr. Herbert L. DuPont, ay nagsasabi na “ang alkohol o alak ay kinakailangan na napakatapang” upang sawatain ang baktirya na lumilikha ng diarrhea anupa’t ang pagdaragdag ng alkohol o alak sa tubig ay “hindi nga isang praktikal na mungkahi.” Bukod pa riyan, sabi ni DuPont, ang maruming pagkain sa halip na ang tubig ang pangunahing dahilan ng intestinal na mga impeksiyon ng naglalakbay. Pinapayuhan niya ang mga turista na manatili sa napakainit na mga pagkain, mga dalandan, mga tinapay at tortilya, at matatamis na gaya ng jelly.

Natuklasang Bagong Genetikong mga Kodigo

“Mula nang matuklasan ng molekular na mga biyologo ang genetikong kodigo noong 1960s, sila’y nagkaroon ng kasiyahan sa pagkasumpong na ang bawat organismo na kanilang sinuri ay gumagamit ng iisang kodigo,” ulat ng Science Digest. Subalit nasumpungan kamakailan ng mga biyologo sa Estados Unidos, Europa, at Hapon ang dalawang pagkakaiba sa pamantayang kodigo ng di-kukulanging limang mga uri ng isa-selula na mga organismo. “Ang bagay na umiiral ang mga pagkakaiba ay lumilikha ng isang malaking hamon sa ebolusyunaryong mga teorista,” sabi ng ulat. Bakit? Sapagkat, sabi ni John Preer, Jr., lider ng isa sa mga pangkat na Amerikano na nakagawa ng pagtuklas, “mahirap unawain kung papaanong ang isang kodigo ay lilitaw na lamang na kaiba nang hindi sinisira ang lahat ng bagay sa selula.”

Pagtutol sa Nazi

Ang mga kinatawan ng Iglesya Katolika na nagtipon sa Düsseldorf, Alemanya, para sa pag-uusap hinggil sa paksa na pagtutol sa mga Nazi noong pamamahala ni Hitler ay sinindak ng 83-taóng-gulang na prelado ng Düsseldorf, si Dr. Carl Klinkhammer. Sinabi niya, gaya ng iniulat sa Rheinische Post, na “kilalang-kilala niya kung sino sa simbahan ang hindi tumutol. Walang pag-aatubili, binanggit niya ang nangungunang mga membro ng episkopasyang Aleman nang panahong iyon, sina Kardinal Faulhaber ng Munich, Bertram ng Breslau, at sina Schulte at Frings ng Cologne na ‘hindi man lamang tumutol.’” Ang ulat ng pahayagan tungkol sa diskusyon ay nagpapatuloy: “Sa tulong ng maraming mga sinipi mula sa mga sermon, pastoral na mga liham, telegramang mga pagbati kay Hitler, gayundin ang iba pang mga buletin mula sa mga obispong Aleman, nagtagumpay siya sa pagpapakita na, salungat sa kagustuhan ng maraming mga pari at mga karaniwang tao, ang mga lider na ito ay hindi lamang laban sa pagpapakita ng anumang pagtutol sa [mga Nazi] nang ang mga ito ay maging makapangyarihan kundi nakita rin nila sa mga ito ‘ang tanging pag-asa ng pagkaligtas mula sa sosyalismo at komunismo.’”

Ehipsiyong Kakapusan ng Lupa

Bago matapos ang Aswān High Dam ng Ehipto noong 1966, “napakaraming banlik [mula sa taunang pagbaha ng ilog Nilo] anupa’t ang Ehipto ay hindi kailanman gumamit ng anumang bagay sa pagtatayo, maliban na lamang kung nagnanais itong gumawa ng isang bagay na natatangi, gaya ng mga piramide,” sabi ng New Scientist. Ang mga bahay na yari sa pulang ladrilyo​—ginawa sa maliliit na hurno mula sa halo ng ibabaw na lupa, buhangin, at tubig​—ay isang natatanging tanawin sa Ehipto. Subalit ngayon ang gobyerno ay naglunsad ng isang kampaniya laban sa paggawa ng mga ladrilyong putik. Bakit? Sapagkat ang Ehipto, na may dumaraming populasyon, ay nawawalan ng napakaraming lupang sinasaka dahilan sa paggawa ng mga ladrilyo. Sa kasalukuyan, ang mga magsasaka ay maaaring kumita ng sampung ulit na dami ng salapi sa pagbibili ng isang acre ng ibabaw na lupa kaysa pagsasaka nito. Subalit ang paghuhukay ay nagpapababa sa taas ng lupa, nakakasagabal sa patubig, at nagpaparami sa antas ng asin sa lupa. Tinatayang 20,000 acre (8,000 ha) ng pang-ibabaw na lupa ang inalis ng mga Ehipsiyo mula nang itayo ang Aswān High Dam.

Malaganap na “Hacking”

“Ang computer hacking​—na nangangahulugan na paggamit ng computer para sa ilegal na mga layunin​—ay napakalaganap sa gitna ng mga tin-edyer na gumagamit ng computer,” ulat ng New York Daily News. “Ang mga kabataang hackers ay nangangailangan lamang ng isang computer sa tahanan, isang modem (isang kagamitan na nagpapangyari sa mga computer na magsalita sa mga linya ng telepono), isang pushbutton na telepono at 10 minutong tagubilin mula sa isang kaibigan upang makapasok sa maraming data base, upang singilin ang long distance na mga tawag sa telepono sa numero ng iba, o singilin ang mga pinamili sa credit card ng isang estranghero.” Sabi pa ng report: “Sinasabi ng mga eksperto na ilang sistema lamang ang maaaring makatagal sa pagsalakay ng isang bata na may computer at isang dulo ng sanlinggo upang pumatay.” Sinasabi ng mga awtoridad na ang krimen sa computer ay malaganap sa gitna ng mga kabataan sapagkat hindi pinapansin ng mga magulang kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak.

“Ang Papa: Kalahati ng Halaga”

Iyan ang mensahe sa bintana ng isang tindero ng mga subinir sa bayan ng Montreal na nagpapabanaag sa suliranin ng mga tindero pagkatapos ng dalaw ng papa sa Canada. Ang wikang-Pranses na pahayagang La Presse ay nagsabi na ‘nakaharap ng mga tindero ang kawalang-interes’ sa bahagi ng publiko sa pagbili ng natirang mga T-shirt, mga key chain, kalendaryo, baraha, at mga larawan ng papa. Napakaraming di-mabiling mga bagay ang natira sa mga tindero. Bagaman ang benta ng opisyal na mga subinir ay umabot sa mga $4.6 milyong, ang pangkalahatang negosyo ay hindi kapaki-pakinabang, sabi ng La Presse.

Mga Maninigarilyong Babae

Ang panggigipit sa mga babae na manigarilyo ay tumitindi. Iniuulat ng Daily Post ng Liverpool na ang mga magasin ng mga babae sa Britaniya ay naglalaman ng katamtamang 12 pahina ng pag-aanunsiyo ng sigarilyo sa bawat labas. Gayunman, gaano kapanganib ba ang bisyo ng paninigarilyo? Ang kanser sa bagà, kadalasan nang nauugnay sa paninigarilyo, ang pangunahing mamamatay-tao ngayon sa Scotland sa mga babaing mahigit 55 anyos. Ipinalalagay ng British Medical Association ang kamatayan ng halos 33,000 mga babae sa Britaniya noong 1983 sa mga karamdaman na mula sa paninigarilyo. Higit pa riyan, nagbabala ito na iniuugnay ng bagong katibayan ang paninigarilyo sa kanser sa cervix. Gayunman maraming babae ang hindi humihinto sa paninigarilyo, sabi ng mananaliksik na si Dr. Bobbie Jacobson, ang ilan ay dahilan sa takot na sila ay tumaba.

Operasyon​—Istilong “Assembly-Line”

Limang mga seruhano sa mata, na nakaupo at nakasilip sa mga mikroskopyo sa isang kumikintab na stainlesssteel na silid at nakasuot ng maskara at damit na pang-opera, ang naghihintay sa pagsisimula ng assembly-line. Pinipindot ang isang buton, ang pintuang salamin ay bumukas, at isang patuloy na daloy ng mga pasyente na nasa mga mesang pang-opera ang mahusay na tumatakbo sa mga barandal sa bawat work station. Pagkaraan ng 15 minuto ang mga mesa ay lumalabas sa isa pang pintuang salamin, ang limang-hakbang na operasyon sa myopia ng mga pasyente, o nearsightedness, ay natapos. Ang tagpong ito ng pambihirang pag-opera sa mata ay sa Moscow Research Institute of Eye Microsurgery na pinangangasiwaan ni Dr. Svyatoslav Fyodorov. “Mula noong nakaraang taglagas [1984] limang seruhano ang aming ginagamit sa pagsasagawa ng isang operasyon,” sabi ni Dr. Fyodorov sa Soviet Life. “Ang bawat isa ay may pananagutan sa isang hakbang o yugto, na maaaring kumuha ng tatlo hanggang limang minuto. . . . Sa paggamit ng paraang ito, ang aming mga optalmologo ay maaaring makapagsagawa ng 100 mga operasyon sa isang araw.” Ang klinika ay nagsasagawa rin ng istilong-assembly-line sa pag-alis ng katarata, pag-opera ng glaucoma, at sa pagtatanim ng mga lente.

Paggamit ng Siper sa Operasyon

“Inihalili ng isang seruhano sa University of Maryland ang ordinaryong siper sa palda sa mga tahi sa 28 mga operasyon sa lapay, na lubhang nagpababa sa dami ng mga namatay sa malubhang mga pasyente,” ulat ng New York Daily News. Sinabi ng seruhano, si Dr. H. Harlan Stone, na ginamit niya ang 7-pulgada-haba na 60-cent na mga siper​—ang gayunding uri na masusumpungan sa mga palda ng babae​—upang gawing madali ang pagpapalit ng mga benda sa loob ng katawan. Ang katumbasan ng paggaling para sa malubhang mga pasyente na napasailalim ng gayong delikadong operasyon ay tumaas tungo sa 90 porsiyento mula sa 10 porsiyento sa paggamit ng mga siper, yamang inaalis nito ang pangangailangan para sa paulit-ulit na pag-oopera upang palitan ang mga benda.

Mga “Water Bed”​—Isang Panganib sa mga Sanggol?

Ang mga water bed ba ay isang panganib sa mga sanggol? Ang kamatayan ng lima-at-kalahating-buwang-gulang na kambal samantalang sila’y natutulog sa isang water bed ay nagbabangon ng tanong na iyan, sabi ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Tinitiyak ng mga awtopsiya na ang kamatayan ay dahilan sa hindi nakahinga. “Kung ang isang sanggol ay nakadapa at hindi makahinga, maaari siyang tumihaya kung siya ay nasa isang bagay na matatag,” paliwanag ng isang pedyatrisyan, subalit “kung siya ay nasa isang bagay na malambot, gaya ng isang water bed, maaaring magkaroon siya ng problema.” Tiniyak ng sumuri sa sanhi ng kamatayan na ang mga kamatayang ito ay hindi dahilan sa Sudden Infant Death Syndrome. Limang gayong mga kamatayan ng sanggol sa water bed ang iniulat sa Canada sa nakalipas na dalawang taon, sabi ng isang tagapagsalita ng gobyerno.

‘Depth Charge’ na Paggamot

Ang mga urologo sa Tohoku University sa Hapón ay nakagawa ng isang kagamitan upang sirain ang mga bato sa kidni sa pamamagitan ng mga shock wave. Ang mga pasyente ay inilalagay sa loob ng isang tangke na may tubig hanggang sa bago umabot sa dibdib. Pagkatapos, sa loob ng mga ilang oras, 200 maliliit na mga eksplosibo ang pinapuputok sa ilalim ng tubig. Ang mga shock wave ay hindi nakapipinsalang dumaraan sa katawan, subalit tinitira ng mga alon ang mga bagay na nasa loob ng katawan sa gayo’y binabasag ang mga bato sa kidni at mga namumuo sa daanan ng ihi. Ang mga pagsubok sa 16 na mga pasyente ay nagbunga ng pagkasira ng karamihan sa kanilang mga bato sa kidni. Gayunman, ang paggagamot ay ginagamit lamang para sa mga bato sa kidni at sa gawing itaas ng ureter, na malayo sa bagà at sa pelvis, na kapuwa madaling maapektuhan ng mga shock wave.

Kanser at Trabaho

Pagkatapos suriin ang mahalagang mga estadistika ng 415,000 mga lalaki na ang mga trabaho ay nakikilala, nasumpungan ng National Cancer Institute of Canada ang kaugnayan sa pagitan ng kanser at empleo o trabaho. Halimbawa, ang mga weyter ay malamang na pitong ulit na mamatay mula sa kanser sa bibig at lalagukan kaysa pangkaraniwang tao. Ang mga matadero ay apat na ulit na mas nanganganib mamatay sa kanser sa tumbong. Inaakala ng epidemiologong si Joan Lindsay na ang pagkalantad sa trabaho ay waring isang salik sa sanhi ng kanser. Ipinahiwatig niya na ang mga weyter ay malamang na madaling kapitan ng mga kanser sa bagà dahilan sa pagkalantad sa usok ng tabako. Sa gayunding paraan, ang mga kanser sa tumbong, na karaniwan nang nauugnay sa mga pagkaing mayaman sa taba, ay maaaring dahilan sa madalas na pagkain ng mga matadero ng pulang karne. Gayumpaman, ang katumbasan ng kamatayan para sa lahat ng mga manggagawa sa Canada ay halos 20 porsiyentong mababa kaysa mga taong hindi nagtatrabaho. Iyan ay nangangahulugan, sabi ni Lindsay, “kung ikaw ay malusog upang magtrabaho ikaw ay mas malusog kaysa mga taong hindi makapagtrabaho.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share