Panatang Hindi Pag-aasawa—Bakit Iginigiit?
ANG panatang hindi pag-aasawa, na isang kahilingan sa pagkapari, ay nawawalan ng popularidad sa gitna ng mga Katoliko. Nang si Papa John Paul II ay dumalaw kamakailan sa Switzerland, ipinakita ng isang surbey na 38 porsiyento lamang ng mga Katoliko sa bansang iyon ang sang-ayon sa sapilitang panatang hindi pag-aasawa ng mga pari. Sa Estados Unidos, ipinakita ng isang Gallup surbey noong 1983 na 58 porsiyento ng mga Romano Katoliko ang sang-ayon sa pagpapahintulot sa mga pari na mag-asawa.
Gayunman pinagtibay-muli ni Papa John Paul II ang batas tungkol sa panatang hindi pag-aasawa ng mga pari, gaya ng ginawa ni Paul VI sa kaniyang bantog na ensiklikong Sacerdotalis Caelibatus (Panatang Hindi Pag-aasawa ng mga Pari), inilathala noong 1967. Bakit patuloy na iginigiit ng Vaticano ang hindi popular na batas na ito, kahit na waring ito ay laban sa kaniyang sariling interes? Ang panatang hindi pag-aasawa ba ng mga pari ay isang kahilingan na inilagay ni Kristo at ng mga apostol?
Saan Ito Nagmula?
Sa paunang-salita ng 1967 na ensiklikong ito, inamin ni Papa Paul VI na “ang Bagong Tipan, na nag-iingat sa turo ni Kristo at ng mga Apostoles . . . ay hindi humihiling ng panatang hindi pag-aasawa ng banal na mga ministro.” Gayundin, ang The Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang mga talatang ito [1 Timoteo 3:2, 12; Tito 1:6] ay tila nakakasira sa anumang pangangatuwiran na ang panatang hindi pag-aasawa ay ginawang sapilitan sa mga klero sa pasimula. . . . Ang kalayaang ito ng pagpili ay waring tumagal sa matatawag naming buong . . . unang yugto ng pagsasabatas ng Iglesya, [yaon ay] hanggang noong panahon ni Constantino at ng Konsilyo ng Nicæa.”
Kaya kung ang sapilitang panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay hindi nagmula kay Kristo ni sa kaniyang mga apostol, saan ito nagmula?
“Sa sinaunang mga panahong Pagano ang panatang hindi pag-aasawa ay ipinagbubunyi,” sabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopædia. Ipinakikita ng iba pang mga reperensiya na ang gayong “sinaunang mga panahong Pagano” ay bumabalik pa sa sinaunang Babilonya at Ehipto. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Sa pagbangon ng malalaking kabihasnan nang unang panahon, ang panatang hindi pag-aasawa ay lumitaw sa iba’t ibang kalagayan.” Halimbawa, ito ay iniugnay sa pagsamba kay Isis, ang Ehipsiyong diyosa ng pagkapalaanakin, gaya ng binabanggit ng Britannica: “Ang seksuwal na abstinensiya ay isang lubos na kahilingan sa mga nagdiriwang ng kaniyang banal na misteryo.”
Karagdagan pa, ganito ang sinabi ni Alexander Hislop sa kaniyang aklat na The Two Babylons: “Nalalaman ng bawat iskolar na nang ipakilala sa paganong Roma ang pagsamba kay Cybele, ang diyosa ng taga-Babilonya, ito ay ipinakilala sa saunahing anyo nito, pati na ang nananatang hindi mag-aasawang klero nito.”
Bakit, bilang pagtulad sa sinaunang paganong mga relihiyon, pinagtibay ng Iglesya Katolika ang kahilingan na panatang hindi pag-aasawa ng mga pari?
Kung Bakit Ito Pinagtibay
Sa isang bagay, ang nananatang hindi mag-aasawang pagkapari ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga awtoridad ng simbahan. Ito’y dahilan sa, walang mga tagapagmana sa kanilang gawaing pagkapari, ang mga pari ay maaari lamang halinhan sa pamamagitan ng paghirang ng herarkiya. Inaamin kahit na ng The Catholic Encyclopedia na ang Roma ay pinaratangan na ginagamit ang panatang hindi pag-aasawa bilang isang paraan “upang tiyakin ang pagpapasakop ng klero sa awtoridad ng Romanong Sede.”
Subalit mayroon pang higit na dahilan kaysa riyan. Ang tsart sa susunod na pahina, na binabalangkas ang “Kasaysayan ng Panatang Hindi Pag-aasawa ng Klerigo,” ay nagpapakita na ang sapilitang panatang hindi pag-aasawa ay naging batas kanoniko noon lamang ika-12 siglo C.E. Ang papa na malaki ang ginawa upang ihanda ang daan para sa pagpapatibay nito ay si Gregory VII (1073-85). Kapuna-puna, sinasabi tungkol sa kaniya na “mas malinaw niyang nakita kaysa kaninumang iba ang lubhang paglaki ng impluwensiya na mapadaragdag sa isang mahigpit na lupon ng mga pari na hindi nag-aasawa.”
Gayunman, karagdagan pa sa pagpapatibay ng herarkiyal na sistema ng Iglesya Katolika, ang batas tungkol sa panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay nagbigay din sa pagkapari ng kahigitan sa karaniwang mga tao. Sinabi kamakailan ni Georges Duby, isa sa nangungunang mananalaysay ng Pransiya, ang tungkol sa mga monghe at mga pari noong edad medya na, dahilan sa kanilang panatang hindi pag-aasawa, “sila ay nakahihigit sa iba sa herarkiyang paraan; mayroon silang karapatan na mangibabaw sa lahat ng iba pa sa lipunan.”
Mga Epekto Nito
Tungkol sa mga epekto ng pagkakait ng pagkakataon sa pag-aasawa sa mga pari nito, ang The Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Wala kaming hangad na ikaila o ipagpaumanhin ang napakababang antas ng moralidad kung saan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng daigdig, at sa iba’t ibang bansa na tinatawag ang kanilang sarili na Kristiyano, ang pagkaparing Katoliko ay paminsan-minsang lumubog.” Kahit na ngayon, ang imoralidad ng mga pari sa maraming bansa ay nagpasamâ sa pagkapari sa mga mata ng tapat na mga tao.
Ang batas ng panatang hindi pag-aasawa ng mga pari, na mula sa mga kultong pagano, ay nagpasamâ rin sa pag-aasawa, na isang marangal na kaayusan na itinatag mismo ng Diyos. (Mateo 19:4-6; Genesis 2:21-24; Hebreo 13:4) Gaya ng sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang ideyang ito ng kadalisayan ng kulto ay lalo pang nagpasamâ sa pag-aasawa at pasamain ang sekso at umakay sa kahilingan na sundin ng mga pari at mga monghe ang panatang hindi pag-aasawa, na naging sanhi ng mga dantaon-ang-haba na mga labanan sa loob ng iglesya.”
Ang panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay pinagtibay taglay ang lihim na mga motibo, na maaaring magpaliwanag kung bakit ito pinananatili. Gayunman sa katunayan hindi ito naging kapaki-pakinabang sa mga Katoliko o sa mga klero. Kahit na ang iglesya mismo ay nagdusa, yamang karaniwan nang pinaniniwalaan na ang kasalukuyang kakulangan ng mga pari ay pangunahin nang dahilan sa batas na ito na hindi maka-kasulatan.
Ang isa pang aspekto ng mga pangmalas ng Iglesya Katolika tungkol sa pag-aasawa at sekso ay nahahayag kapag sinusuri ang doktrina tungkol sa walang hanggang pagkabirhen ni Maria.
[Blurb sa pahina 5]
“Ang Bagong Tipan . . . ay hindi humihiling ng panatang hindi pag-aasawa ng banal na mga ministro.”—Papa Paul VI
[Kahon sa pahina 6]
Kasaysayan ng Panatang Hindi Pag-aasawa ng Klerigo
Unang Siglo: “Wala kaming nasumpungan sa Bagong Tipan na anumang palatandaan na ang panatang hindi pag-aasawa ay ginawang sapilitan sa mga Apostol o sa kanilang mga inordena.”—The Catholic Encyclopedia.
Ikaapat na Siglo: “Ang pinakamatandang katibayan ng batas hinggil sa panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay ang Kanoniko 33 ng Konsilyo ng Elvira [Espanya], noong mga 300 C.E.”—Dictionnaire de Théologie Catholique.
“Ang Konsilyo ng Nicaea [325 C.E.] ay tumangging ipatupad ang batas na ito [Kanoniko Elvira 33] sa buong Iglesya.”—A Catholic Dictionary.
Hanggang sa Ikasampung Siglo: “Sa loob ng mga dantaon ang suliraning ito hinggil sa panatang hindi pag-aasawa ng klero ay naging paksa ng madalas na paglalaban sa loob ng Iglesya. Sumagana ang hindi natural na kasalanan sa gitna ng mga klero; ang kanilang katungkulan, noong ikasiyam at ikasampung siglo, ay waring ginagamit nilang dahilan sa pagpapakalabis. . . . Maraming pari ang hayagang namumuhay na may asawa, bagaman ang mga konsilyo ay laging naglalabas ng bagong mga utos laban dito.”—M’Clintock and Strong’s Cyclopædia.
Ikalabing-isang Siglo: “Walang atubili na ipinahayag ng Synod of Paris (1074), na ang batas na hindi pag-aasawa ay hindi matitiis at hindi makatuwiran. . . . Minsan pa, sa ibang mga bansa, ang batas ay hindi sinusunod, sa buong panahon o sa bahagi ng mahabang panahon. Sa Inglatera inakala ng Synod of Winchester noong 1076 na matuwid na ipahintulot, sa paanuman na ang mga paring may-asawa na, sa bansa at sa mga maliliit na bayan, na panatilihin ang kani-kanilang asawa.”—A Manual of Church History (Catholic), ni F. X. Funk.
Ikalabindalawang Siglo: “Sa wakas, noong 1123, sa Unang Konsilyo ng Lateran, isang batas ang ipinasa (lalo pang pinagtibay sa Ikalawang Konsilyo ng Lateran, kan[oniko] vii) na, bagaman maligoy ang pananalita, ay pinawalang-bisa ang pag-aasawa ng mga katulong na diakono o mga pari ng anumang nakatataas na orden. . . . Ito ay maaaring masabi na isang tanda ng tagumpay ng panatang hindi pag-aasawa.” (Amin ang italiko.)—The Catholic Encyclopedia.
Hanggang sa Ikalabing-anim na Siglo: “Sa Simbahang Latin, hindi niwakasan ng paglathala sa batas [tungkol sa panatang hindi pag-aasawa] ang pagtatalo. Noong ika-13 at ika-14 siglo, maraming mga espesyalista sa batas kanoniko at pati na ang mga obispo ay nanawagan para sa pagpapatibay sa batas ng Silanganing [Iglesya] na nagpapahintulot sa mga pari na mag-asawa. Ginamit nilang katuwiran ang pagbaba ng moral ng mga pari at pati na ang moral ng relihiyosong mga tao na katangian noong maagang bahagi ng Edad Medya. Nasaksihan ng malaking mga konsilyo ng Constance (1414-18), Basel (1431-39), at Trent (1545-63) ang mga obispo at mga teologo na nanawagan sa pagpapawalang-bisa sa batas ng panatang hindi pag-aasawa.”—Encyclopædia Universalis.
“Sa Konsilyo ng Trent (1545-63) sinang-ayunan ng ilang obispo, at ni emperador Charles V, ang pagluluwag sa batas hinggil sa [panatang hindi pag-aasawa]. Subalit ang karamihan ay nagpasiya na hindi ipagkakait ng Diyos ang kaloob ng kalinisang-puri roon sa mga wastong nananalangin dito, at sa wakas ang batas ng panatang hindi pag-aasawa ay iginiit magpakailanman sa mga ministro ng Iglesya Katolika Romana.” (Amin ang italiko.)—M’Clintock and Strong’s Cyclopædia.
Ikadalawampung Siglo: “May kaugnayan sa ikalawang Konsilyo Vaticano (1962-65) ang panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay minsan pang naging dahilan ng kaguluhan sa Iglesya Romana . . . Pagkatapos ng konsilyo, lubhang dumami ang bilang ng mga pari na naghahangad na umalis sa pagkapari at mag-asawa. . . . Gayunman, si Papa Paul VI ay naglabas ng isang ensikliko, ang Sacerdotalis Caelibatus (Hunyo 23, 1967), na muling pinagtitibay ang tradisyunal na batas tungkol sa panatang hindi pag-aasawa.”—Encyclopædia Britannica.