Mula sa Aming mga Mambabasa
Wakas ng Karalitaan Maraming salamat sa Hunyo 8, 1998, serye sa Gumising! na “Malapit Na ang Wakas ng Karalitaan.” Talagang ginawa nitong makatotohanan ang mga bagay-bagay at ipinabatid sa akin ang mismong mapagreklamong saloobin ko. Wala akong trabaho at kinakapos ako sa pera. Akala ko’y nagdarahop na ako. Hindi naman pala! Ipinakita ng artikulo na may mga mas masahol pa ang kalagayan kaysa sa akin. Dapat akong magpasalamat sa kung ano ang mayroon na ako—pagkain, pananamit, mabuting kalusugan at, higit na mahalaga, si Jehova. Inaasam-asam ko ang wakas ng karalitaan. Ang aking pasiya ay patuloy na hanapin ang Kaharian ni Jehova at huminto sa pagrereklamo.
C. W., New Zealand
Hindi Pag-aasawa Ako’y isang mambabasa ng inyong mga magasin sa loob ng mga ilang taon. Tinututulan ko ang may kinikilingang pag-uulat ninyo tungkol sa mga doktrina ng Simbahang Katoliko sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kahilingan ba sa mga Ministrong Kristiyano ang Hindi Pag-aasawa?” (Hunyo 8, 1998) Walang “sapilitang hindi pag-aasawa” sa Simbahang Katoliko! Mayroon lamang kusang piniling hindi pag-aasawa na isang kahilingan para sa ilang propesyon. Sinumang nagsasabing siya’y pinilit na huwag mag-asawa ay nagsisinungaling.
R. G., Alemanya
Naniniwala kaming may malaking pagkakaiba sa pagitan ng pariralang sapilitang hindi pag-aasawa at ang ideya na ang mga tao’y pinipilit na huwag mag-asawa. Halimbawa, kung gumagawa ng isang alituntunin sa pananamit ang isang korporasyon at uupahan lamang yaong sumasang-ayon na sumunod dito subalit sisisantihin ang mga lumalabag dito, sa gayo’y masasabi na ang korporasyon ay may “sapilitang” alituntunin sa pananamit. Sa katulad na diwa, makatuwirang sabihin na may “sapilitang hindi pag-aasawa” sa pagkapari sa Katoliko. Gayunman, binabanggit lamang ng aming artikulo ang kawalan ng maka-Kasulatang saligan sa paggawang isang kahilingan para sa mga ministrong Kristiyano ang hindi pag-aasawa. (1 Timoteo 3:2) Sa halip na pintasan yaong pumipili sa pagiging walang asawa bilang isang landasin ng buhay, binabanggit ng artikulo na ito’y “napatunayang isang kasiya-siya at kalugud-lugod sa espirituwal na paraan ng pamumuhay para sa ilan.”—ED.
Ang Pagpili Ko sa Pagitan ng Dalawang Ama Natutuhan ko ang katotohanan ng Salita ng Diyos mula sa isang kaibigan sa paaralan nang ako’y 14 anyos. Ang aking mga magulang, lalo na ang aking ama, ay tutol sa aking pag-aaral. Mabuti naman, hindi niya itinuloy ang mga banta niya na palalayasin ako sa bahay. Nagtiyaga ako at nabautismuhan limang taon na ang nakalipas. Katulad ng kapatid na lalaki sa artikulo (Hunyo 8, 1998), umaasa akong balang araw tataglayin din ng aking mga magulang ang aking pag-asa na mamuhay sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova.
W. S. L., Brazil
Naluha ako nang mabasa ko ang artikulo. Ang aking ama ay mahigpit na sumasalansang sa aking mga paniniwala. Bagaman makatuwirang nakapag-uusap kami kung minsan, kailanma’t bumangon ang paksa tungkol sa Bibliya o sa mga Saksi ni Jehova, ikinatatakot ko ang kaniyang mga silakbo ng galit. Ilang ulit na niya akong sinaktan. Subalit ang artikulo ay nagbigay sa akin ng mainit na pampatibay-loob upang manindigang matatag, kahit sa harap ng gayong problema.
I. H., Alemanya
Labis akong naantig ng artikulo. Yamang ako’y lumaki sa isang pamilyang nababahagi sa relihiyon, nauunawaan ko ang hirap ng damdamin ng binatilyong pinilit na gumawa ng mahirap na pagpiling ito.
A. M., Italya
Fibromyalgia Maraming salamat sa artikulong “Ang Pag-unawa at Pagharap sa Fibromyalgia.” (Hunyo 8, 1998) Anim na taon na akong pinahihirapan ng fibromyalgia. Ang artikulo ay may kumpleto at tumpak na impormasyon. Lubusan din akong pinatibay ng mga kasulatan sa kahon.
N. M., Estados Unidos
Marami ang tumugon sa artikulo. Inaasahan naming maglalathala ng higit pang mga komento sa hinaharap na labas.—ED.