“Ang Walang Hanggang Pagkabirhen ni Maria”—Ang Epekto Nito
ANG ilang mga mambabasa ay maaaring magtaka, masindak pa nga na makita ang paksa na “ang walang hanggang pagkabirhen ni Maria” na isinasaalang-alang sa ilalim ng panlahat na temang “Ang Iglesya Katolika—Ang Pangmalas Nito sa Sekso.” Ang layunin namin ay tiyak na hindi upang saktan ang damdamin ng mga Katoliko o siraang-puri si Maria. Sa katunayan, mayroon kaming pinakamalaking paggalang sa kaniya bilang isa sa mga tapat na tagasunod ni Kristo.
Higit pa riyan, lubusan kaming sumasang-ayon na si Maria ay isang birhen nang siya ay magsilang kay Jesus. (Mateo 1:18-23) Ang tanong ay, Nanatili bang birhen si Maria sa buong buhay niya sa lupa?
Maraming Katoliko ang Nag-aalinlangan
Isinisiwalat ng mga reperensiyang aklat na Katoliko na ang mga iskolar na Katoliko ay may mga pag-aalinlangan na si Maria ay nanatiling isang birhen sa buong buhay niya. Ang Bibliya mismo ay ilang ulit na bumabanggit tungkol sa “mga kapatid na lalaki” at “mga kapatid na babae” ni Jesus. (Mateo 12:46, 47; 13:55, 56; Marcos 6:3; Lucas 8:19, 20; Juan 2:12; 7:3, 5) Gayunman, sinasabi ng mga Katoliko na ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng “mga kamag-anak,” gaya ng mga pinsan. Totoo ba ito?
Ang The New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang mga salitang Griego . . . na ginamit upang ipakita ang kaugnayan sa pagitan ni Jesus at ng mga kamag-anak na ito ay may kahulugan na tunay na kapatid na lalaki at babae sa daigdig na nagsasalita ng Griego noong panahon ng mga Ebanghelista at tiyak na ganito rin ang pagpapakahulugan ng kaniyang mambabasang Griego.” Isa pa, inaamin ng The New American Bible, isang saling Katoliko, sa isang talababa sa Marcos 6:1-6, kung saan binanggit ang tungkol sa mga kapatid na lalaki at babae ni Jesus: “Ang suliranin tungkol sa kahulugan nito ay hindi sana bumangon kung hindi dahil sa paniniwala ng simbahan sa walang hanggang pagkabirhen ni Maria.”
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na si Maria ay may ibang mga anak bukod kay Jesus; ang turo ng Iglesya Katolika na siya ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak ang siyang lumikha ng pagtatalo. Ang Katolikong awtor na si J. Gilles, na masusing sinuri ang lahat ng maka-Kasulatang katibayan tungkol sa paksang ito, ay naghinuha: “Sa maikli at maingat na pananalita, dala ng katapatan sa Iglesya [Katoliko], naniniwala akong aking mabubuod ang aking pagsusuri gaya ng sumusunod. . . . Ang APAT NA MGA EBANGHELYONG KANONIKO ay naglalaan ng magkakasuwatong katibayan . . . na si Jesus ay may tunay na mga kapatid na lalaki at babae sa kaniyang pamilya. . . . Sa harap ng magkakaugnay na katibayang ito ang tradisyunal na katayuan [ng Iglesya Katolika] ay waring mahina at delikado.”
Kaya kung ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng patotoo tungkol sa “walang hanggang pagkabirhen ni Maria,” saan nagmula ang paniniwalang ito?
Mga Pinagmulan ng Paniniwala
“Sa ilang sinaunang mga relihiyon,” sabi ng paring Jesuita na si Ignace de la Potterie, “ang pagkabirhen ay may banal na kahulugan. Ang ilang mga diyosa (sina Anath, Artemis, Athena) ay tinawag na mga birhen.” Gayunman, ano ang kaugnayan niyan kay Maria? Ang paring Katoliko na si Andrew Greeley ay nagpapaliwanag: “Ang simbolong Maria ay tuwirang nag-uugnay sa Kristiyanismo sa sinaunang mga relihiyon ng mga diyosang ina.”
Ang propesor sa kasaysayan ng simbahan na si Ernst W. Benz ay nagkukomento tungkol sa kaugnayang ito sa sinaunang mga relihiyong pagano. “Ang pagsamba sa ina ng Diyos,” sulat niya sa The New Encyclopædia Britannica, “ay napasigla nang ang Iglesya Kristiyana ay naging relihiyon ng imperyo sa ilalim ni Constantino at ang paganong karaniwang mga tao ay humugos sa simbahan. . . . [Ang mga tao] ay banal at relihiyoso sa loob ng libu-libong taon sa pamamagitan ng pagsamba sa ‘dakilang ina’ na diyosa at sa ‘banal na birhen,’ isang pagsulong na nagmula sa matandang popular na mga relihiyon ng Babilonya at Asiria . . . Sa kabila ng salungat na mga palagay sa tradisyon ng mga Ebanghelyo, ang pagsamba ng kulto sa banal na birhen at ina ay nakasumpong ng bagong posibilidad sa loob ng Iglesya Kristiyana sa pagsamba kay Maria.”
Subalit ano ang nag-udyok sa Iglesya Romana na ibagay at tanggapin ang “dakilang ina” na diyosa at ang kultong “banal na birhen”? Sa isang bagay, nais ito ng “paganong karaniwang mga tao” na pumapasok sa iglesya; hindi sila asiwa sa isang iglesya na sumasamba sa ‘dakilang inang birhen.’ “Sa Ehipto,” sabi ni Propesor Benz, “si Maria ay, sa maagang yugto, sinasamba na sa ilalim ng titulo na tagapagdala ng Diyos (Theotokos).” Kaya ang kultong “banal na birhen” ay tinanggap upang pagbigyan ang “paganong karaniwang mga tao” na humuhugos sa iglesya.
Ang pangganyak na sambahin si Maria ay inilaan sa unang ekumenikong Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E. Papaano? Bueno, doon ang doktrina ng Trinidad ay ginawang opisyal na turong Katoliko, ipinahahayag ng Kredo ng Nicene na si Jesus ay Diyos. Ipinalalagay na ito ang gumawa kay Maria na “tagapagdala ng Diyos,” o “ina ng Diyos.” Gaya ng sabi ni Propesor Benz: “Ang Konsilyo ng Efeso (431) ang nagtaas sa katayuang ito sa pamantayang doktrina. Ang susunod na hakbang ay gawin si Maria na isang “walang hanggang birhen.” Nangyari ito nang ang titulong “walang hanggang birhen” ay ibinigay kay Maria sa ikalawang Konsilyo ng Constantinople noong 553 C.E.
Mga Kinahinatnan ng Turo
Ang propesor sa Yale na si J. J. Pelikan ay sumulat: “Ang paglaganap ng mithiing pagpapakasakit sa iglesya ay tumulong upang itaguyod ang pangmalas na ito kay Maria bilang huwaran ng habang buhay na birhen.” Ang “mithiing pagpapakasakit” na ito ay mahahalata rin sa pag-unlad ng monastisismo at panatang hindi pag-aasawa sa mga dantaon kasunod ng Nicaea. Daan-daang libong mga paring Katoliko, mga monghe, at mga madre ang nagsikap—ang ilan ay matagumpay, at marami ay hindi matagumpay—na mamuhay ng mapagpigil na buhay sapagkat itinuro ng kanilang simbahan na ang sekso at ang kabanalan ay magkasalungat.
Higit pa riyan, ang nangungunang awtoridad ng simbahan, si “San” Agustin, “ay iniugnay ang orihinal na kasalanan sa seksuwal na pagnanasa.” Totoo, ang karamihan ng makabagong-panahong mga teologong Katoliko ay hindi na sumasang-ayon sa interpretasyong ito. Subalit hindi ba’t ang doktrina ng walang hanggang pagkabirhen ni Maria at ang batas ng sapilitang panatang hindi pag-aasawa ng mga pari ay lumilikha ng impresyon na ang sekso ay hindi malinis? At hindi ba ang paulit-ulit na patakaran ng Vaticano tungkol sa diborsiyo at birth control ay lalo lamang nagpalala sa problema para sa angaw-angaw na mga Katoliko?
Mas mahalaga, ano ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa sekso?
[Blurb sa pahina 8]
“Ang APAT NA MGA EBANGHELYONG KANONIKO ay naglalaan ng magkakasuwatong katibayan . . . na si Jesus ay may tunay na mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae.”—Katolikong awtor
[Larawan sa pahina 8]
‘Iniuugnay ng simbolong Maria ang Kristiyanismo sa sinaunang mga relihiyon ng mga diyosang ina’