Teknolohiya—Alipin o Panginoon?
ANG ina, na nakangiti, ay masiglang yapus-yapos ang kaniyang munting anak na babae. Siya’y maaaring sinumang ina na umuuwi mula sa trabaho, subalit ang paliwanag sa larawang ito na nasa unang pahina ng pahayagan ay nagsasabi: “Si Dr. Anna L. Fisher na yapus-yapos ang anak na babae, si Kristin, pagkatapos magbalik mula sa kalawakan.” Kababalik niya lamang mula sa walong-araw na paglalakbay sa kalawakan kung saan sinagip ng mga astronut ang dalawang naligaw na mga satelait at ibinalik ang mga ito sa lupa sa isang space shuttle.
Sa pahina ring iyon ng pahayagan ay isa pang report tungkol sa pinakahuling pangyayari sa makasaysayang kaso ng heart transplant na kinasasangkutan ng isang batang babae. Bagaman ang sanggol ay namatay pagkaraan ng 21-araw na pakikipagpunyagi, “sinabi ng kaniyang doktor ngayon ang operasyon na kung saan ang bata ay tumanggap ng isang puso ng baboon ay nagpasulong sa siyensiya at balang araw ay maaaring magligtas ng mga buhay ng maraming bata.”
Ang teknolohikal na mga pagbabago na gaya nito ay laman lamang ng kathang-isip ng siyensiya mga 50 taon na ang nakalipas. Gayunman, sa ngayon ang mga ito ay naging pangkaraniwan na lamang sa karamihan ng mga tao, marahil, gaya ng isang kaibigan na nagbabalik mula sa isang paglalakbay sa ibang bansa o isa na nagtutungo sa ospital upang ipaalis ang kaniyang mga tonsil.
Litung-lito, maraming tao ang nag-akala na ang lahat ng bagay ay posible sa pamamagitan ng modernong siyensiya at teknolohiya. “Ang kanilang malaking tagumpay sa paggawa ng tunay na mga pakinabang . . . ay nakagawa ng mga siyentipiko at mga teknologo na dinudiyos o itinuturing na gaya ng sagradong baka,” sabi ng tagapagturo sa siyensiya na si John Gibbons. Nagbabadya ng gayong labis na pag-asa ay ang pananalita ng Presidente Ronald Reagan ng E.U. sa kaniyang 1983 State of the Union na pahayag: “Kung paanong ang espiritu ng pangunguna ng Amerika ay gumawa sa atin na dambuhala sa industriya ng ika-20 siglo, ang gayunding espiritu ng pangunguna ngayon ay nagbubukas sa isa pang malawak na larangan ng pagkakataon—ang larangan ng makabagong teknolohiya.”
Gayunman, ang iba ay hindi gaanong naniniwala sa palagay na ito. Halimbawa, ganito ang sinabi ng propesor sa siyensiya na si Mary Eleanor Clark sa isang panayam: “Sa Amerika at sa iba pang maunlad na mga kultura, ang paniniwala sa teknolohiya ay naging isang relihiyosong pananampalataya. Inakala natin ang ating mga sarili na napakatalino sa teknolohikal na paraan anupa’t tayo ay maaaring makibagay upang malusutan ang anumang krisis.” Ang ilan pa nga ay nagkaroon ng halos nakatatakot na palagay tungkol sa bagay na ito. Inilarawan ng isang manunulat ang siyentipiko sa computer na si Jacques Vallee na nag-aakala na ‘ang maunlad na teknolohiya ay nagkaroon ng kaniyang sariling buwelo, at ito ngayon ang kumukontrol sa lipunan kung paanong ang lipunan ay kumukontrol sa maunlad na tekonolohiya.’
Ang teknolohiya nga ba ang bagong larangan ng pagkakataon o oportunidad, ang paraan upang lutasin ang ating mga problema? O lubha kayang naapektuhan ng teknolohiya ang ating pag-iisip at paraan ng pamumuhay anupa’t ito ay mabilis na nagiging panginoon natin sa halip na maging alipin natin?