Teknolohiya—Kung Paano Tayo Apektado Nito
DOON sa kuwentong ada ni Goethe na The Sorcerer’s Apprentice, ginawang popular ng musika ni Paul Dukas at ng pelikula ni Walt Disney na Fantasia, naisip ng aprendis na gamitin ang kataka-taka at mahiwagang kapangyarihan ng kaniyang amo upang pagaanin ang kaniyang trabaho. Isinaayos niya na ang walis-tambo ay mag-igib ng tubig para sa kaniya. Hindi nalalaman kung paano kukontrolin ito, hindi naglaon nasumpungan niya na ang masunurin subalit walang-isip na alipin ay nag-igib ng napakaraming tubig sa bahay anupa’t bumaha. Mangyari pa, ang kuwento ay may maligayang wakas—ang amo ay sumaklolo.
Katulad ng walis-tambo ng aprendis, ang teknolohiya ay isa ring makapangyarihang kagamitan. Maaari itong gamitin upang gawing mas madali, mas mahusay, at marahil ay higit na kasiya-siya ang ating trabaho. Subalit kapag hindi wastong nasusupil o kapag ito ay ginamit nang di-wasto, ito man, ay maaaring maging isang puwersa na kapaha-pahamak, nakamamatay pa nga, ang mga resulta.
Ang isang mainam na halimbawa nito ay ang kotse. Walang alinlangan na ang kotse ay nagdala ng maraming mga bentaha at mga pakinabang sa lipunan sa pangkalahatan. Gayunman, sino ang magkakaila sa nakapipinsalang mga epekto nito, gaya ng polusyon sa hangin at ingay, at mga kamatayan at sakuna na dala ng mga aksidente at walang-ingat na pagmamaneho? Sa pinakamabuti ang teknolohikal na pagbabagong ito ay isang pinagsamang pagpapala at sumpa.
Subalit ang epekto ng teknolohiya ay higit pa kaysa riyan. Ang teknolohiya ay lubhang napakalaganap sa ating makabagong daigdig anupa’t binabago nito hindi lamang ang paraan ng ating paggawa at pamumuhay kundi gayundin ng ating mga pagpapahalaga, ang ating pangmalas sa ating mga sarili at sa lipunan sa kabuuan. Ang tanong ay bumabangon: Matalino ba nating ginamit ang teknolohiya sa atin mismong pagpapala, o pinangibabawan ba ng teknolohiya ang ating paraan ng pamumuhay sa ating ikapipinsala?
Walang alinlangan, sa paanuman ang karamihan ng mga taong nabubuhay sa ngayon ay nakinabang mula sa pagsulong ng siyensiya at teknolohiya. Sa maunlad at nagpapaunlad na mga bansa, ang teknolohiya ay nagdala ng napakaraming materyal na mga pakinabang sa halos bawat pitak ng buhay. Una at pinakamahalaga, ang gamit ng mga makina, mga abono, pestisidyo, at pinagbuting mga binhi ay nagparami sa panustos na pagkain at nutrisyon para sa marami sa populasyon ng daigdig. Ang mga pagsulong sa siyensiya ng medisina ay nagbunga ng mas mabuting kalusugan at mas mahabang buhay para sa marami. Ang kotse at eroplano, pati na ang mga pagsulong sa elektroniks, mga computer, at satelait, ay gumawang posible para sa mga tao na magbiyahe at makipag-usap sa iba sa paligid ng daigdig nang napakadali. Sa mas personal na antas, inalis ng teknolohiya ang karamihan ng nakababagot at mahirap na gawain kapuwa sa trabaho at sa tahanan.
Bagaman mahilig pag-usapan ng ibang mga tao sa mga bansang maunlad sa teknolohiya ang tungkol sa ‘mabubuting araw noong una,’ iilan lamang ang handang iwan ang napakaraming mga kagamitan na nakapagtitipid ng panahon at gawain na binabale-wala nila o nakasanayan na nila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang teknolohiya nga ay naging isang kapaki-pakinabang na alipin, ginagawa nitong posible, gaya ng sabi ng isang tagamasid, para sa pangkaraniwang tao sa ngayon na mamuhay na “higit sa mga hari noong sinaunang panahon.”
Gayunman, ang larawan ay hindi pawang maganda na lahat. “Bagaman ang malawakang pagkahawa ng teknolohiya sa lipunan sa nakalipas na mga dekada ay nagdala ng napakaraming mga pakinabang,” sulat ni Colin Norman, isang mananaliksik sa Worldwatch Institute, “napakaraming katibayan na ang ilang mga pag-unlad sa teknolohiya ay maaaring magpalala, sa halip na lumutas, sa maraming gumigipit na mga suliranin sa lipunan at kapaligiran.”
Una sa lahat, isaalang-alang ang epekto ng teknolohiya sa kapaligiran. Tinatawag itong isang “tahimik na krisis,” inilarawan ng dating Kalihim na Panloob na si Stewart Udall ang kalagayan sa Estados Unidos:
“Ang bansang ito’y nangunguna sa daigdig sa kayamanan at lakas, subalit nangunguna rin ito sa pagpapababa o pagsira sa tirahan ng tao. Tayo ang may pinakamaraming kotse at pinakagrabeng mga tambakan ng junk. Tayo ang may pinakamaraming sasakyan subalit tinitiis natin ang pinakamalubhang trapik. Gumagawa tayo ng pinakamaraming enerhiya subalit taglay natin ang pinakamaruming hangin. Ang ating mga pagawaan ay naglalabas ng higit na mga produkto subalit dinadala ng ating mga ilog ang pinakamabigat na mga pasan ng polusyon. Taglay natin ang pinakamaraming paninda at ang pinakapangit na mga karatula upang ianunsiyo ang halaga nito.”
Sa gayon napapansin ng mga opisyal at ng publiko ang mataas na halagang ibinabayad natin sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya na buong pagkukusa nating sinang-ayunan. Gayunman, maaaring hadlangan ng mga pamahalaan ang higit pang pinsala sa kapaligiran sa pamamagitan ng paggawa ng aksiyon laban sa mga nagpaparumi sa kapaligiran, kung nanaisin nila. Subalit ang mga industriya at mga negosyo ay naglalaan ng trabaho para sa mga tao, kaunlaran sa mga pamayanan, at buwis sa mga pamahalaan. Totoo ito lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa. Sa gayon, ikinakatuwiran na ang materyal na mga pakinabang na nilikha ng teknolohiya ay nakahihigit sa halagang ibabayad sa malinis na hangin, tubig, at lupa.
Ang isa pang pagtatanggol sa teknolohiya ay na sa malao’t-madali ito ay makagagawa ng mga lunas sa mga problema. Sa katunayan umiiral na ang teknolohikal na kaalaman upang wakasan o baligtarin pa nga ang karamihan ng nagawang pinsala. Subalit upang gawin ang bagay na iyon ay magkakahalaga ng malaking salapi, napakalaking salapi. Halimbawa, upang linisin lamang ang 786 na mga lugar na pinagtatambakan ng nakalalasong mga basura na tinatawag ng pamahalaan ng E.U. na mapanganib ay nangangailangan ng paglalaan ng pondong $7.5 bilyong hanggang $10 bilyong—isang halaga na walang sinuman ang handang magbayad.
Ang epekto ng teknolohiya sa trabaho at empleo ay isang paksa na labis na pinagtalunan mula sa simula. Sa tuwina ay ikinatakot na na ang mga bagong makina ay mag-aalis sa mga tao sa trabaho. Maaga noong Pagbabago sa Industriya (Industial Revolution), ang mga manggagawa sa habian ng tela sa Nottingham, Inglatera, ay nakadama na sila ay lubhang nanganganib anupa’t, sa pangunguna ni Ned Ludd, sinira nila ang daan-daang bagong ipinakilalang mga makina sa kanilang mga kaguluhang Luddite noong 1811-12.
Ang tagumpay ng Pagbabago sa Industriya ay gumagawa sa lahat ng gayong mga pagkilos na waring katawa-tawa sa ngayon. Gayunman, ang pagpapasok ng computerized automation at mga robot sa mga opisina at mga pagawaan ay pumupukaw-muli ng takot sa ilang mga dako. Gayunman, iwinawaksi ng iba ang gayong takot sa pagsasabi na ang teknolohiya sa computer ay lumilikha ng sarili nitong mga trabaho—mga trabaho sa maunlad na teknolohiya gaya ng mga opereytor, tagapagdisenyo, at tagaprograma ng computer, at iba pa—na tatanggap sa naalis na mga manggagawa pagkatapos na sanaying-muli. Subalit ang iba, na ipinakikita ang mataas na bilang ng mga walang trabaho sa buong daigdig, ay nangangatuwiran na ang maunlad na teknolohiya ay hindi nakakatugon sa mga pangako nito tungkol sa bagay na ito.
Nasusumpungan ng pananaliksik kamakailan sa Stanford University na “hindi lamang aalisin ng teknikal na mga pagbabago ang mga manggagawa, kundi ang industriya mismo ay uupa ng kaunting mga tao.” Binabanggit ng mga mananaliksik na ang mga tao ay kadalasan nang humahanga kapag narinig nila ang tungkol sa maraming bagong mga trabaho na binuksan ng industriya ng computer. Subalit sa katunayan, ito ay maliit na bahagi lamang ng lahat ng makukuhang trabaho. Halimbawa, tinataya ng Bureau of Labor Statistics na halos 600,000 mga trabaho sa maunlad na teknolohiya ang nilikha sa Estados Unidos mula noong 1972 hanggang 1982. Gayunman, ang mga ito ay bumubuo lamang ng halos 5 porsiyento ng kabuuang pagdami ng trabaho sa yugtong iyon. Sa ibang pananalita, sa katamtaman, isang tao lamang sa 20 naghahanap ng trabaho ang tinanggap ng mga industriya sa maunlad na teknolohiya.
Kung ang kakayahan ng teknolohiya na maglaan ng bagong mga trabaho ay nakasisiphayo, inaakala ng iba na ang kabiguan nito na itaas ang uri ng trabaho na gaya ng inaasahan ay lalo pang nakasisiphayo. Nakikini-kinita ng karamihan ang antas ng kasalimuotan ng mga trabaho sa maunlad na teknolohiya. Subalit napansin ng isang dalubhasa sa paggawa na samantalang ang ilan sa gayong mga trabaho ay “nakadaragdag-espiritu at humahamon sa isipan,” ang karamihan ay “hindi kapani-paniwalang sumusugpo sa paglaki ng isipan, nakapupurol-isipan.” Sa halip na alisin ang pagkabagot, ang karamihan ng mga trabaho sa industriya ng maunlad na teknolohiya ay paulit-ulit, lubhang pinangangasiwaan, at nangangailangan ng kaunting teknikal na kasanayan. Di-gaya ng dating mga trabaho na pinalitan nito, ang marami sa mga ito ay mababa rin ang sahod.
Sa lahat ng bagay na sinasabing nagawa ng teknolohiya, marahil ang nagawa nito sa atin bilang mga tao ang lubhang nakababahala. Isang karaniwang reklamo ay na ang pamamaraan ng maramihang produksiyon at computerized automation ay tila nagpapababa sa halaga ng indibiduwalidad, paghatol at karanasan ng manggagawa. Ang palagay na ito ay ipinahayag ni Karen Nussbaum, direktor ng samahan ng mga manggagawa, na nangangatuwiran na alang-alang sa kasanayan ng paggawa “ang mga trabaho ay pinangangasiwaan o kinukontrol at higit na pinagdadalubhasa—nangangahulugan na pakaunti nang pakaunti sa malaking atas ang ginagawa ng mga manggagawa. Ang mga tao ay ginagamit bilang mga ekstensiyon ng mga makina. Ito ay humahamak sa personalidad ng tao.”
Ang mga resulta ay ang pagkadama na ikaw ay walang kaugnayan o silbi, o kakulangan ng layunin at nagawang tagumpay. Maraming tao ang nahihirapang magkaroon ng anumang tunay na interes sa kanilang mga trabaho kapag sila ay nagtatrabaho, araw-araw, sa malalaking institusyon, paulit-ulit na ginagawa ang isang gawain. Bihira nilang makita ang pangwakas na produkto ng kanilang pagpapagal, ni nakikibahagi man sila sa pakinabang, maliban sa kanilang mga suweldo. Ito, sa palagay ni Murray Turoff, isang propesor sa New Jersey Institute of Technology, ay gagawa ng “isang salinlahi ng mga empleado na hindi nakadarama ng katapatan sa kompanya at na mga, sa pangkalahatan, walang interes.”
Kahit na yaong mga hindi nagtatrabaho sa isang teknolohikal na kapaligiran ay hindi malaya sa mga impluwensiya nito. Sa maraming dako, ang teknolohiya ay lubhang lumaganap sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao—mga kagamitan o aplayanses, transportasyon, libangan, at iba pa—anupa’t ang marami marahil ay mahihirapang mamuhay sa isang lipunan na hindi gaanong maunlad sa teknolohiya. Sa katunayan, napansin ni Jacques Ellul, sa kaniyang aklat na La Technique, na “ang kaisipan ng modernong tao ay ganap na napangibabawan ng teknikal na mga kahalagahan at ang kaniyang mga tunguhin ay kinakatawan lamang ng gayong mga pag-unlad at ang kaligayahan na makakamit sa pamamagitan ng mga pamamaraan (techniques).” Sa palagay ni Propesor Clark, na nabanggit kanina, samantalang ating “madaling tinatanggap ang teknolohiya, itinaguyod natin ang isang napakapanandaliang sistema: Isang hedonistikong lipunan na hindi iniintindi ang hinaharap.”
Marami na ang nasabi tungkol sa banta ng ganap na kapuksaan na nakakaharap ng sangkatauhan ngayon. Subalit walang alinlangan na ang karamihan nito ay dala ng teknolohikal na pag-unlad na nakagawa ng nakatatakot na mga sandata ng digmaan—mula sa pana hanggang sa sandatang pangkalawakan na laser. Tiyak, ang tugatog ng gayong pag-unlad ay na sa loob lamang ng tatlong taon, mula Hunyo 1942 hanggang Hulyo 1945, ang mga siyentipiko at mga teknisiyan ay nakagawa ng kauna-unahang bomba atomika.
Subalit ano ang nagawa ng walang-katulad na tagumpay na ito ng teknolohiya? Sinimulan nito at ginatungan ang tumataas na paligsahan sa armas, na nakagawa ng kalagayan na kakatuwang binansagang MAD—Mutual Assured Destruction. Marahil higit pang nakababahala ang bagay na higit at higit na mga bansa ang nagkakaroon ng teknolohiya upang gumawa ng mga kagamitang nuklear.
“Maliwanag na may isang bagay na nagkamali sa nakalipas na mga dekada,” sabi ng kilalang siyentipiko at dalubhasa sa kapaligiran na si René Dubos. “Ang higit na pagkontrol sa kalikasan ay hindi naglalaan ng kaligtasan at kapayapaan ng isip; ang kasaganaan sa kabuhayan ay hindi gumagawa sa mga tao na mas malusog o mas maligaya; ang teknolohikal na mga pagbabago ay lumilikha ng mga problema sa ganang sarili, na patuloy na nangangailangan ng pag-unlad ng bagong kontra-teknolohiya.” Sabi pa niya: “Umiiral ang palagay na hindi pa natutuhan ng mga siyentipiko kung papaano itutuon ang kanilang pansin sa nakapanlulumong mga aspekto ng modernong daigdig na mula sa siyentipikong teknolohiya.”
Sa gayon, di-gaya ng kuwento tungkol sa aprendis ng mangkukulam, sa tunay na buhay hindi tayo makakaasa sa “amo”—mga siyentipiko at mga teknologo—na sumaklolo sa atin. Sa kalagayang ito, sila rin ay nangangapa-ngapa sa dagat ng mga problema na nilikha ng maikli-paninging paggamit sa teknolohiya. Maliwanag, ang lubhang kailangang-kailangan ay hindi higit pang teknolohiya kundi isang ahensiya, isang pamahalaan, isang superpower na makaaalis sa lahat ng bumabaha-bahaging mga elemento upang iligtas ang tao.
Binabanggit ng Bibliya ang gayong pamahalaan: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng kahariang ito [na umiiral ngayon], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ang Kaharian na iyon ay walang iba kundi ang Mesianikong Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo.
Sa ilalim ng mapayapang pamamahala ng Kaharian ng Diyos, matutupad kung ano ang maaaring asam-asamin lamang ng makabagong teknolohiya. Ang mga disyerto at mga tigang na lupa ay magiging mabunga. Magkakaroon ng kapaki-pakinabang at kawili-wiling gawain para sa lahat. Ang bulag, pilay, bingi, at pipi ay gagaling. At maging ang kamatayan mismo ay dadaigin.—Tingnan ang Isaias 35:1, 5-7; 65:21-23.
[Blurb sa pahina 6]
“Ang mga tao ay ginamit na ekstensiyon ng mga makina. Ito ay humahamak sa personalidad ng tao”
[Blurb sa pahina 8]
“Maliwanag na may isang bagay na nagkamali sa nakalipas na mga dekada”
[Mga larawan sa pahina 5]
Ang materyal na mga pakinabang ba ay nakahihigit sa halagang ibabayad sa malinis na hangin, tubig, lupa—at iyong kalusugan?
[Pinagmulan]
WHO photos
[Larawan sa pahina 7]
Ang karamihan ng mga trabaho sa maunlad na teknolohiya ay “hindi kapani-paniwalang sumusugpo-isipan, nakapagpapapurol ng isipan”
[Larawan sa pahina 8]
Hindi nalutas ng mga siyentipiko ang mga suliraning dala ng kanilang teknolohiya. Sino ang makalulutas nito?
[Pinagmulan]
U.S. Air Force photo