Pinatag ng Pagsabog ng Bomba ang Kingdom Hall sa Australia
“Hinding-hindi ito mangyayari sa isang bansa na gaya ng Australia!” Subalit ito’y nangyari. Noong alas 9:35 ng Linggo ng umaga, Hulyo 21, 1985, sinimulan ni David Winder ang kaniyang pahayag sa Bibliya sa Casula Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses, sa Sydney. Pagkalipas ng dalawampu’t-limang minuto, isang bombang sumabog ang nagpangyari na siya ay ihagis sa bubong, wasakin ang bulwagan, patayin ang isang tao, at dalhin sa ospital ang 46 sa 109 na naroroon. Hindi ito maaaring mangyari sa Australia, subalit ito’y nangyari. Ang report na ito na galing mismo sa nagbalita sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Australia ay nagsisiwalat sa kasindak-sindak na sakuna nang umagang iyon, at idiniriin din nito ang kapana-panabik na determinasyon at pananampalataya ng mga Saksi roon na magpatuloy sa pagtitipong sama-sama at sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova.
ISANG malakas na bomba, tinataya ng pulisya na isang kilo (2.2 libra) ng gelignite, ang itinago sa ilalim ng plataporma ng tagapagsalita, inorasan upang sumabog sa panahon ng lektyur sa Bibliya. Ang pagsabog nito ay nagpangyari na ang tagapagsalita ay humagis sa bubong at bumagsak sa isang bunton ng mga labí sa labas ng bulwagan—duguan, malubhang napinsala, na ang dalawang paa ay nabali.
Si Graham Wykes, na nakaupo sa unang hilera, ay karakarakang namatay. Ang kaniyang asawa at dalawang anak na babae ay nagkaroon ng malubhang mga pinsala. Isang membro ng kawani sa sangay ng Samahan, si Sue Schulz, ay nabalian ng ilong at nabungi ang karamihan ng kaniyang ngipin sa harap. Ang isang interesadong tao na dumalo ay kinailangang alisin ang shrapnel sa kaniyang mata. Isang tatlong-buwang-gulang na sanggol ay naospital dahilan sa pagkaalog ng utak.
Noong Linggo ng gabi 14 sa 46 na naospital ay pinanatili sa ospital; ang iba ay pinahintulutang umuwi na. Ang karamihan sa kanila ay dumanas ng pagkabigla at napinsalang mga salamin ng tainga (eardrum). Ang mga tagamasid ay namangha na hindi marami ang namatay, yamang ang bulwagan ay wasak na wasak.
Publisidad sa Buong Daigdig
Ang regular na mga programa sa radyo at TV ay itinigil sa buong bansa upang ibalita ang karahasang ito, at hindi nagtagal ang balita ay inihatid sa buong daigdig. Halimbawa ng mga paulong-balita ng pahayagan ay ang Telegraph ng Brisbane: “HIMALA! 110 ang nakaligtas sa isang pagsabog ng simbahan.” Ang pambansang pahayagan na The Australian ay nagsabi: “Ang kawalang-malay ay hindi proteksiyon laban sa terorismo.” Ang unang pahina ng Daily Sun ng Brisbane ay nagsabi: “SINDAK NG BOMBA—nakasindak sa bansa ang karahasan na ginawa sa simbahan.” Ang tampok na istorya sa The Sydney Morning Herald ay may paulong-balita na: “Sermon sa buhay pampamilya, pagkatapos isa ang namatay, 49 ang napinsala.” Ang artikulo ay nagpatuloy: “Ang natulirong kongregasyon ay napakahinahon. Ang iba ay nanatili sa loob upang alagaan ang mga napinsala, ang iba ay tahimik na lumabas ng bulwagan. Ang pulisya, ambulansiya at mga opisyal ng pamatay-sunog ay nasa pinangyarihan sa loob lamang ng ilang sandali.”
Di nagtagal ang pulisya ay naghinuha na ang krimeng ito ay hindi ginawa ng internasyonal na mga terorista. Gaya ng iniulat, hindi kukulangin sa 60 mga indibiduwal at mga organisasyon ang umamin na may pananagutan sa pagbomba ng terorista kamakailan sa paliparan sa Frankfurt, sa Federal Republic of Germany—isang karaniwang pamamaraang terorista. Gayunman walang isa man ang umamin ng pananagutan sa pagsalakay sa Kingdom Hall.
Marahil ang editoryal sa labas ng The Australian noong Hulyo 22 ang pinakamabuting bumubuod sa konklusyon ng maraming nag-iisip na tao nang sabihin nito, sa bahagi: “Sinuman ang naglagay ng mga bomba at gaano man kakatuwa ang kaniya o ang kanilang mga motibo, ang mga Australiano ay napaalalahanan kung gaano lumiit ang ating daigdig. Tayo ay hindi nalilibre sa mga kasindakan na bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan sa lumalagong bahagi ng ating planeta.”
Tunay, walang bahagi sa daigdig ngayon ang hindi apektado ng ganiyang mga kalagayan ni nalilibre man ang sinuman. Ang apostol Pablo ay maliwanag na nagbabala tungkol sa kalagayang ito mismo sa 2 Timoteo 3:1-4: “Tandaan mo na magkakaroon ng kahirapan sa mga huling araw. Ang mga tao’y magiging . . . walang habag, mapanirang-puri, mapusok, at marahas; at mamumuhi sila sa mabuti; sila’y magiging taksil, walang taros, at palalo.” (Today’s English Version) At hindi ba si Jesus mismo ay nagbabala na sa panahong ito ‘dahilan sa pagsagana ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay lalamig’?—Mateo 24:12.
Sa sandaling lumabas ang balita, dinagsa ng mga tawag sa telepono ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Sydney na nagpapahayag ng pagkabigla at pakikiramay. Dumagsa ang mga tawag mula sa lokal at sa ibang bansa.
Maraming telegrama at mga liham ng pakikiramay ang tinanggap mula sa buong daigdig—ang ilan ay mula sa mga pulitiko, mga relihiyosong lider, at iba pang nasa mataas na katungkulan. Lubhang pinahahalagahan ang liham na mula sa Kagalang-galang na G. Hukom Watson ng Commonwealth Family Court. Si Hukom Watson mismo ay naging biktima ng isang pagsabog ng bomba sa kaniyang tahanan. Sa kaniyang liham sinabi niya, sa bahagi: “Sa mapanglaw at nakalulungkot na mga panahong ito marami sa inyong mga tauhan, lalo na ang pamilyang Wykes, ang makadarama ng sama-samang lakas ng pamilya, mga kaibigan at kongregasyon. Makasumpong nawa sila rito hindi lamang ng lakas kundi ng kapayapaan na hindi masayod ng unawa ng tao.”
Ipinahayag ng isang tsuper ng taksi sa Sydney ang damdamin ng marami sa isang matinding liham sa editor ng The Sydney Morning Herald. Sulat niya: “Isa sa aking mga trabaho kahapon (Hulyo 21) ay isakay ang tripulante ng ABC film mula sa paliparan ng Hoxton Park at ihatid sila, nang pinakamabilis hangga’t maaari, sa Liverpool Hospital. Ang nakita namin doon ay talagang kasindak-sindak. Ako ay hiniling na maghintay, na ginawa ko. Sa loob ng 20 minutong iyon lumitaw ang tunay na mga kakilabutan sa buhay. Ang kirot at sakit ay bahagi ng buhay, subalit ang nakita ko ay hindi naman kinakailangang mangyari. . . . Kapag nakita ng isa ang pangyayaring ito hindi maiiwasan na itanong sa sarili ‘bakit, bakit, bakit.’ Ito ay lubhang nakaapekto kahit na sa isang hamak na tsuper lamang ng taksi—anupa’t ako’y nasuka. . . . Sana kami, na napopoot sa karahasan, kirot at sa bomba, ay huwag nang masangkot sa walang-saysay na mga mithiing ito at magpatuloy sa maikling buhay na ito. . . . Pakisuyo, tama na.”
Wala ring problemang bumangon tungkol sa pagsasalin ng dugo—isang bagay na kilalang tinatanggihan ng mga Saksi ni Jehova sa relihiyosong mga kadahilanan. (Gawa 15:20, 29) Sinipi ng Daily Sun ng Brisbane ang isang tagapagsalita sa ospital ng Liverpool na nagsasabing walang isa man ang tumanggi sa pagsasalin ng nagpaparami ng dugo (blood-volume expander). Ipinaliwanag na ito “ang gumagawa sa gawain ng dugo samantalang binibigyan ang katawan ng pagkakataon na dagdagan-muli ang sarili nitong panustos ng dugo. Ayos na ayos ito, kahit na sa mga tao na may pambihirang uri ng dugo at ang mga doktor ay hindi na kailangang mag-aksaya ng panahon sa pagtutugma ng pambihirang uri ng dugo. Ang sintetikong dugo ay hindi rin nagdadala ng sakit—ito nga ang sagot sa mga protesta mula sa mga relihiyosong grupo na agad na tinanggap ito.”
Ang maraming mga mensahe at mga kapahayagan ng pakikiramay sa mga biktima ng sakunang ito mula sa mga membro ng publiko, ay lubhang pinahahalagahan. Ang mga membro ng pulisya, mga tripulante ng ambulansiya, pamatay-sunog, at mga kawani sa ospital at mga manggagamot ay walang sawa sa kanilang mga pagsisikap na tumulong. Isang nars sa ospital ng Liverpool ang punúng-punô ng damdamin nang gamutin niya ang unang dumating na napinsala mula sa dakong binomba. Sabi niya sa isa sa mga Saksi na naroroon: “Kung hindi ako gaanong abala ay maiiyak na lamang ako. Hindi ko masasabi sa iyo kung ano ang nadarama kong pagkahabag sa kaawa-awang mga biktimang ito. Ganap na mga estranghero ay tumilepono at sumulat upang mag-alok ng mga tuluyan at tulong sa paanuman na magagawa nila.
Lalo nang mahalaga at nakakaaliw ang maraming telegrama na may mga salita ng pakikiramay at pagpapalakas-loob mula sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang mga biktima ay naaaliw rin ng mga salita ni apostol Pedro tungkol sa satanikong mga pagsalakay na ginawa laban sa mga Kristiyano noong kaniyang panahon. Ang mga sinaunang Kristiyanong iyon ay pinayuhan na maging ‘matatag sa pananampalataya, nalalaman na ang ganiyan ding mga hirap ay dinaranas ng buong samahan ng kanilang mga kapatid sa sanlibutan.’—1 Pedro 5:9.
Pinasusulong ng Sakuna ang Mabuting Balita
Mayroon bang anumang pagpapala sa gayong trauma? Marahil ito ay pinakamabuting malasin sa liwanag ng pagkabilanggo ni apostol Pablo sa Roma. Sa pagsulat sa mga Kristiyano sa Filipos, sabi niya: “Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa ikasusulong ng mabuting balita, . . . at ang karamihan ng mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y nagtitiwala dahilan sa aking pagkabilanggo, ay lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”—Filipos 1:12-14.
Ang malupit na pagsalakay sa walang-malay na mga membro ng kanilang kapatirang Kristiyano sa Lurnea Congregation na nagtitipon nang umagang iyon sa Casula Kingdom Hall ay nagdala ng kahawig na reaksiyon. Ang mga kongregasyon sa buong purok ng Sydney ay nakaranas ng pambihirang dami ng mga dumalo sa sumunod na mga pulong sa gabi sa kanilang mga Kingdom Hall. Gaya ng sabi pa ni Pablo sa mga taga-Filipos, sila nga ay “naninindigang matatag sa iisang espiritu, na magkakaisa ng kaluluwa na sama-samang nagsisikap sa pananampalataya sa mabuting balita, at sa anumang paraan ay hindi natatakot sa [kanilang] mga kaaway.”—Filipos 1:27, 28.
Isa pang pagpapala ang binanggit ni Pablo sa kaniyang liham: “Ipinangangaral ng iba si Kristo sa kapanaghilian at pakikipagtalo, at ng mga iba naman sa mabuting kalooban. . . . Ang iba’y ginagawa ito dahil sa pagkakampi-kampi hindi dahil sa dalisay na motibo, na iniisip na dalhan ako ng kapighatian sa aking mga tanikala.” Sinabi ni Pablo na ang kaniyang mga tanikala ay “nahayag sa lahat.” Ang napakaraming publisidad na ibinigay sa “kapighatian” na dala nito sa mga Saksi ni Jehova sa pagkakataong ito ay lumaganap sa buong globo.—Filipos 1:13, 15, 17.
Sinamantala ng ilang mga mananalansang ang publisidad na ito upang ibulalas ang kanilang galit sa mga Saksi. Maraming walang katotohanan at mapanlinlang na mga pangungusap ang ginawa, “na iniisip na dalhan ng kapighatian” ang mga Saksi. Sa halip, ito ay pumukaw ng higit na pakikiramay mula sa publiko na nakakita sa kasinungalingan ng mga pag-aangkin.
Pinabagal ba ng karanasang ito ang mga Saksi sa kanilang pangangaral? Sa kabaligtaran, nagawa nito ang iniulat ni Pablo, alalaong baga, “karamihan ng mga kapatid sa Panginoon . . . ay lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.” (Filipos 1:14) Nakapagpapatibay na marinig ang maraming taimtim na mga salita ng pakikiramay at interes mula sa mga maybahay. Ang mga Saksi ay lalong naging masigasig kailanman na lumabas sa larangan at matagpuan sila.
Yamang ang mga pangyayari noong Hulyo 21 ay sariwa pa sa isipan, ang mga tao ay handang tumanggap sa lunas at mga dahilan kung bakit ang gayong mga bagay ay nangyayari. Yaong mga tumutugon at higit pang sinasaliksik ang Salita ng Diyos ay magkakaroon ng tunay na pagpapala. Mahigit na 21,000 mga indibiduwal o mga grupo ng pamilya sa Australia ang nakikinabang na sa lingguhang pantahanang pag-aaral ng Bibliya na isinasagawa ng kuwalipikadong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Sa nakalipas na apat na taon sa Australia, mahigit 10,000 katao ang nagsagawa ng pagmiministro sa madla.
Tila isang kabalintunaan na ang mapayapa, masunurin-sa-batas na mga tao ay babalaan ng kanilang Panginoon na hindi nila dapat asahan ang mapayapang pagtugon sa kanilang pagkanaririto sa isang napopoot na daigdig. Ipinaliwanag niya na “ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.” (Juan 15:21) Si Jesus ay sinugo ng kaniyang Ama, si Jehova, bilang kaniyang kinatawan. Siya ay dumanas ng marahas na kamatayan sa kamay ng makasanlibutang mga tao na hindi nakikilala si Jehova. Kaya hindi natin dapat ipagtaka kung gawan ng karahasan ang kaniyang mga tagasunod ngayon.—Juan 15:20.
Anong Kaaliwang Malaman na ang Kaligtasan ay Malapit Na!
Anong kaaliwang malaman na ang mga bagay ay hindi na magpapatuloy nang matagal pa. Ang mabilis at malaking pagbabago ay mangyayari na, kahawig ng mga pangyayari noong kaarawan ni Noe. Ang daigdig na ito ng karahasan at pagkapoot ay naghihingalo na, at ito ay papalitan ng isang bago, kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang mismong mga bagay na nagdadala ng kalungkutan sa angaw-angaw ay maaaring magdulot sa atin ng kagalakan kapag ating “nabasa” nang wasto ang katibayan, gaya ng pagbasa ng isa sa karatula sa daan sa highway upang alamin kung saan siya patungo. Sabi ni Jesus: “Ngunit pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:28.
[Kahon sa pahina 12]
Ang mga Saksi ni Jehova ay may maibiging kapatiran sa buong daigdig. Bilang halimbawa, nang malaman nila sa pamamagitan ng pahayagan o TV ang tungkol sa pagbomba at yaong mga napinsala, maraming Saksi sa Estados Unidos ang kaagad-agad nagpadala ng pera sa mga biktima ng bomba. Sa loob lamang ng ilang araw mga ilang daang liham na naglalaman ng mahigit $7,000 ang tinanggap—mga kaloob na mula 27¢ sa isang batang lalaki hanggang sa $1,000 sa isang lalaki. Ang sumusunod ay ilan sa mga hinalaw mula sa mga liham.
“Ako’y isang mahirap na kapatid na lalaki, subalit nais kong tanggapin ninyo ang kaunting kontribusyon na ito [$7] upang makatulong.”
“Pakisuyong ipadala ang salaping ito sa kapatid na babae na namatayan ng asawa sa sakuna ng pagbomba.”
“Pakisuyong gamitin ang aming donasyon upang bayaran ang medikal na mga pagkakagastos ng mga kapatid na napinsala. (Gawa 11:29) Nabalitaan namin na isa ang namatay. Ang Juan 5:28, 29 ay sumasa-isip namin.”
“Nais kong mag-abuloy ng $50 sa pagtatayong-muli ng bulwagan at $50 sa mga pagkakagastos sa ospital.”
“Isang sinang-ayunang kasama ang nais na tumulong. Kaya’t aking ipinadadala sa inyo ang kaniyang tseke na $1,000.”
“Ang aking anak na lalaki at babae ay nais na sulatan ang ilang kabataang mga kapatid na lalaki at babae sa kongregasyong iyon upang patibayin sila.”
“Maaari ko bang malaman ang direksiyon ng pamilya ng kapatid na lalaki na namatay, yamang nais kong padalhan sila ng isang liham. [Kalakip ang $50.]”
“Upang ipakita ang aming pag-ibig kapatid, kami [isang kongregasyon] ay nakatipon ng $161.55 upang gamitin kung saan kinakailangang gamitin.”
“Hindi ito malaking halaga [$3], subalit ito ang lahat ng taglay ko, at marahil ito ay makatutulong kahit na kaunti.”
“Upang tulungan ang mga kapatid na lalaki at babae riyan, alin sa pagtulong sa naulilang kapatid na babae o sa pagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall.”
“Ako’y hindi nagtatrabaho sa kasalukuyan subalit narito ang $1. Kung ako’y magkakaroon ng higit pa, magpapadala ako ng higit pa.”
Hindi ang halagang ibinigay, kundi ang pagkukusang magbigay ang mahalaga. Si Jesus, pagkatapos makita ang paghuhulog ng mga mayaman ng kanilang mga kaloob sa kabang-yaman sa templo, “nakita niya ang isang dukhang babaing bao na naghulog ng dalawang lepta na napakaliit na halaga, at sinabi niya: ‘Sa katotohana’y sinasabi ko sa inyo, Ang babaing baong ito, bagaman dukha, ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat.’”—Lucas 21:2, 3.
‘Iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya. Sapagkat kung may pagkukusa, ito ay karapat-dapat tanggapin ayon sa kung ano ang tinataglay ng isang tao. Ang kaloob ng bawat isa ay dapat na ayon sa pagpapala ni Jehova.’—2 Corinto 9:7; 8:12; Deuteronomio 16:17.
[Larawan sa pahina 10]
Side view ng likod na bahagi ng Kingdom Hall
[Mga larawan sa pahina 11]
Ang binutas na kongkreto
Ang lalagyan ng mga literatura at magasin