Ang Kaakit-akit na mga Kabibing Iyon
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Pilipinas
NANGYARI ito noong taóng 1838 sa isla ng Bohol sa Pilipinas. Halos himatayin sa tuwa ang Britanong lalaki sa pangyayari. Ang lalaki ay si Hugh Cumming, isang conchologist, yaon ay, isang biyologo sa larangan ng mga kabibi. Sa pagkakataong iyon, nasumpungan ni Cumming ang tatlong mga kabibi na kilala bilang Conus gloria-maris, nangangahulugang “Kaluwalhatian ng Dagat.”
Lahat ng katuwaang iyon dahil lamang sa tatlong kabibi? Gayon nga! Natupad ni Hugh Cumming ang pangarap ng isang kolektor. Ang Kaluwalhatian ng Dagat ay isang pambihira, katangi-tangi, at mahalagang uri ng kabibi. Hanggang noong 1965 ay 25 lamang sa mga ito ang nasumpungan. Isang koleksiyon sa Pilipinas ay naglalaman ng pinakamalaki. Bagaman fossilized, ito ay maaaring magkahalaga, gaya ng sabi, na mahigit $1,000 (U.S.).
Ang Pilipinas ay isang paraiso sa kolektor ng kabibi. Tatlo sa 13 pinakamahalagang mga kabibi sa daigdig ay mula sa bansang ito. Ang publikasyong Shells and the Philippines ay nagsasabi: “Di-palák na ang di kapani-paniwalang iba’t ibang uri ng mga hayop nito na may kabibi ay ang Indo-Pasipiko, isang malawak na karagatan mula sa Dagat na Pula at sa gawing silangang baybayin ng Aprika sa ibayo ng Indian Ocean, at hanggang sa Pasipiko sa kabila ng Hawaii at Easter Island. . . . Subalit ang sentro ng napakalawak na rehiyong ito at isang mecca para sa mga kolektor ng kabibi, ay ang Kapuluan ng Pilipinas, taglay ang libu-libo nitong mga pulo, mga batuhan, mga dagat-lagusan, mga loók, mga dagat, at mga kalaliman sa malayong pampang.
Saan Galing ang mga Kabibi?
Sa kalakhang bahagi, ang mga kabibi ay nagsisilbing proteksiyon para sa mga molusko, na malalambot-katawang mga hayop na walang buto. Kabilang dito ang mga susô, mga kabibi, at mga talaba. Ang mga molusko ay karaniwan nang binubuo ng panloob na mga sangkap, ulo, paa, at isang tulad-balat na mantle. Ang mantle ay naglalabas ng likido na nagiging kabibi (shell). Ito ay nagpapatung-patong at mas matigas kaysa salamin. Ang paghiwa sa sustansiyang ito ay nangangailangan ng pantanging mga kagamitan.
Walang dalawang kabibi ang magkatulad. May pangunahing namamanang parisan sa bawat uri, at ang mga salik na pangkapaligiran ay gumaganap ng isang bahagi. Ang kulay at gayak ay mula sa pantanging mga glandula sa mantle. Ang pinakamalaking nabubuhay na molusko na may panlabas na kabibi ay ang dambuhalang kabibi (Tridacna gigas). Ito ay lumalaki hanggang 5 piye (1.5 m) ang haba. Gayunman, ang mga fossil shell ay nasumpungang sumusukat na mga 15 piye (4.6 m).
Limang Pangunahing Grupo
Sa pangkalahatan, ang mga molusko ay nauuwi sa limang pangunahing grupo. Ang isa ay ang Amphineura, isang pangalan na mula sa mga salitang Griego na nangangahulugang “paligid” at “nerbiyos.” Ang mga moluskong ito ay may dalawang kuwerdas ng nerbiyos na nakapaligid sa katawan. Gumagawa ito ng isang “cota de malla” na kabibi na binubuo ng walong magkasanib-sanib na mga suson ng kabibi na binibigkis ng isang matigas na bigkis. Nakuha ng kabibi ang pangalan nito mula sa kahawig nitong sinaunang baluti. Ang Amphineura ay maamong mga kinapal na gumagapang sa mga batuhan upang kayurin ang pananim na pinakapagkain. Ang kanilang natatanging tulad-digmaang katangian ay ang napakahusay na kakayahang magbalatkayo.
Ang pinakamalaking grupo ng molusko ay ang Gastropoda, isang pangalan na mula sa mga salitang Griego na nangangahulugang “tiyan” at “paa.” Sila ay nakakakilos sa pamamagitan ng isang paa na lumalawit sa katawan. May 50,000 mga uri sa pangkat na ito, kasama na ang kilalang Kaluwalhatian ng Dagat. Kasali rin sa grupong ito ng molusko ang mga susô, limpets, whelks, at slugs.
Ang Gastropoda ay tinatawag na mga univalvo (univalves), yamang mayroon lamang silang isang kabibi. Marahil napansin mo na ang mga kabibi ng susô ay may paikid, o pilipit na hitsura. Karamihan ng Gastropoda ay lumalaki sa pag-ikid sa pakanan na direksiyon, bagaman ang ilan ay umiikid pakaliwa. Karaniwan nang aktibo, ang Gastropoda ay kumakain kapuwa ng pananim at karne. Kapag nabulabog, ang mga ito ay nagtatago sa kanilang mga kabibi at isinasara ang “pinto,” na matigas na tinatawag na operculum.
Isa pang grupo ng molusko ay ang Pelecypoda, isang pangalan na mula sa mga salitang Griego na nangangahulugang “puthaw” (hatchet) at “paa.” Ang mga ito ay may hugis-puthaw, maskuladong paa na nagsisilbing paraan ng paglakad. Ang mga molusko sa pangkat na ito ay kilala bilang mga bivalvo (bivalves) sapagkat mayroon silang dalawang magkapares na kabibi. Ang mga kabibi, mga talaba, mga tahong, at mga scallop ay pamilyar na mga membro ng grupong ito, kung saan mayroong mga sampung libong uri ang nakikilala. Lahat ng mga bivalvo ay mga pananim lamang ang kinakain, at marami sa kanila ang gumagawa ng permanenteng mga tirahan sa pamamagitan ng pagkakabit ng kanilang mga sarili sa mga batuhan o sa paghukay sa buhangin at putik.
Ang ikaapat na grupo ay ang Scaphopoda, mula sa mga salitang Griego na nangangahulugang “bangka” at “paa.” May mga 350 uri ng moluskong ito. Ang mga ito ay naninirahan sa mga karagatan at may matulis na mga paa na animo’y munting mga bangka. Sa pamamagitan nito sila ay humuhukay ng lungga sa mga buhanginan, iniiwan ang isang dulo ng kabibi na nakaturo sa tubig. Ang kanilang katawan ay natatakpan ng isang parang-tubong kabibi na bukas sa magkabilang dulo. Kaya, tinutukoy ito ng marami na “ngipin,” o “pangil,” na mga kabibi. Ang mga galamay na lumalawit sa maliit na mga butas ang nagpapangyari sa kinapal na ito na manghuli ng maliit na mga organismo na pinakapagkain.
Ang ikalimang grupo ay maaaring hindi kaagad makilala na mga molusko. Ang mga ito ay tinatawag na Cephalapoda, isang pangalang hinango sa dalawang salitang Griegong nangangahulugang “ulo” at “paa.” Ang uring ito ay naiiba sa dami ng mga galamay (karaniwan nang walo o sampu) na nakatumpok sa ulo at bibig. Ang pusit, ang oktupos, at ang pugita ay kabilang sa pangkat na ito. Gayunman, sa 800 na mga uri ng Cephalapoda, ang chambered nautilus lamang ang may panlabas na kabibi.
Pagkolekta ng mga Kabibi bilang Libangan
Inaakala mo bang kasiya-siya ang pagkolekta ng mga kabibi? Kung gayon, isang mabuting dako ang magsimula sa dalampasigan. Kapuwa ang mga mababaw na dako ng ilog at mga dalampasigan ay naglalaman ng maraming magagandang kabibi. Huwag hayaang sirain ang loob mo ng masamang lagay ng panahon, yamang ang mga bagyo ay kadalasan nang nagkakalat sa dalampasigan ng sarisaring mga kabibi.
Gayunman, ang pagkasumpong ng marikit na mga kabibi ay nangangailangan ng pagpapagal. Dapat ay handa kang humukay sa buhangin, suriin ang mga bakas at mga butas, at maghanap sa mga tidal flat at sa eelgrass. Sa paglangoy sa dako pa roon at pagbaligtad ng mga patay na korales at mga bato, maaaring makasumpong ka ng maraming eksotikong mga tuklas. Maaari ka ring makasumpong ng sarisaring mga kabibi sa tabi ng mga ilog at sa lupa. Halimbawa, may mga susóng lupa at susóng punungkahoy na may kaakit-akit na mga hugis at kulay.
Subalit mag-ingat! Ang ilang mga kabibi, gaya ng kono, ay nagtatago ng nakamamatay, makamandag na mga molusko. Ang ilan ay kumakain ng karne at may lima o anim na animo’y salapang na mga panduro na nagpapangyaring maparalisa ang kanilang biktima. Basta sila sasalakay sa potensiyal na pagkain o kamay ng tao. Ang katotohanan tungkol sa bagay na ito ay binibigyan-diin ng naiulat na mga kamatayan ng ilang mga kolektor ng kabibi. Damputin ang mga kono na ginagamit ang isang lambat o isang sisidlan. Huwag na huwag itong dadamputin sa pamamagitan ng kamay.
Ang maingat, may kasanayang paglilinis ay magpapaganda sa lahat ng inyong mga tuklas. Ang ilang mga pamamaraan ay: pagpapakulo, pagbabad sa lihiya, paglilinis na ginagamitan ng pampaputi, pagtapyas sa nakabalot na mga bagay, at paglalagay ng hydrochloric acid. Kung hindi mo matanggal ang lahat ng karne sa pamamagitan ng paglalaga o ng isang panungkit, o katulad na gamit, malilinis iyan nang husto ng mga langgam. Pagkatapos ng anumang paggagamot, lalo na ang paggamit ng asido, hugasang mabuti sa tubig ang mga kabibi. Ngayon mayroon ka nang ilang kahanga-hangang mga kabibing ididispley.
Gayunman, kung nagbabalak kang linisin ang mga kabibi, dapat mong sundin ang ilang mga pagbabawal. Huwag na huwag ibababad ang mga kabibi sa asido. Iwasang ilagay ang mga ito sa tuwirang sikat ng araw. At huwag ilagay ang makakapal na kabibi sa kumukulong tubig, yamang ito ay maaaring mabiyak.
Ang mga molusko ay makikita sa buong daigdig. Ang mga ito ay maaaring masumpungan sa ibabaw o sa kalaliman ng mga tubig, gayundin sa ibabaw at ilalim ng lupa. Para sa maraming indibiduwal, ang pangungolekta ng mga kabibi ay tunay na isang kasiya-siyang libangan.
[Mga larawan sa pahina 14, 15]
Dambuhalang kabibi
Karaniwang Wentletrap
Tusk Shell
Chambered Nautilus