Pagmamasid sa Daigdig
Pornograpya at Panggagahasa
Ipinakikita ng patotoo sa mga paglilitis ng U.S. Federal Commission tungkol sa pornograpya kamakailan na ang panggagahasa ay higit na pangkaraniwang karanasan ng mga babae sa Amerika kaysa inaakala ng karamihan. Pinatutunayan pa ng mga mananaliksik na ang marahas na pornograpya ay nagkaroon ng bahagi sa pagpapasigla ng panggagahasa. Si Evelina Kane, board member ng National Coalition on Television Violence, na kumakatawan sa “Women Against Pornography” (Kababaihan Laban sa Pornograpya), ay nagsabi: “Maraming binugbog at seksuwal na pinagsamantalahang mga babae ang lumapit sa amin kung saan ang panghahalay ay nauugnay sa pornograpya.” Ipinakita ng mga pag-aaral ni Propesor Edward Donnerstein ng University of Wisconsin ang pagdami ng mga estudyanteng kusang nanggagahasa ng mga babae pagkatapos makapanood ng marahas na pornograpya, popular na marahas na mga pelikulang horror, at mga pelikulang walang seksuwal na karahasan laban sa mga babae.
Nakasisindak na Surbey
Ang mga resulta ng isang surbey na isinagawa ng Family Planning Perspectives ay nagsisiwalat na malaking porsiyento ng mga babaing walang asawa na nasa edad 20’s ay namumuhay ng aktibong seksuwal na buhay. Sang-ayon sa surbey na isinagawa sa 48 magkakalapit na mga estado sa Estados Unidos, 82 porsiyento ng 1,314 mga babae na nakilahok sa surbey na ito ay nakipagtalik na noon, samantalang 53 porsiyento ay umamin na nakikipagtalik noong buwan na aktuwal na isinasagawa ang surbey.
Mga Kabataan at Tabako
Bawat pulitikal na grupo na kinatawan sa Parlamento ng Pederal na Alemanya ay nagnanais na legal na pangalagaan ang mga kabataan mula sa paninigarilyo. Kahit na pagkatapos mapakinggan ng Hurado ng Kabataan, Pamilya, at Kalusugan ang 20 mga dalubhasa sa loob halos ng walong oras, hindi pa rin ito nakatitiyak kung “anong mga pananggol na hakbang ang talaga ngang mabisa at nababagay.” Subalit nilinaw ng mga dalubhasa na “ang maging disididong ihinto ang paninigarilyo, o huwag simulan ito,” ang mahalagang salik. “Napansin ng mga dalubhasa na napakahirap niyan,” sabi ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung, “sapagkat sa panahon ng pagdinig sa mga panganib ng paninigarilyo, napakaraming naninigarilyo doon mismo sa bulwagang pinagtitipunan.”
Masamang Kasama
“Ang mga batang lalaki at babae ay malamang na maging delingkuwente kung sila ay may mga kaibigang delingkuwente,” ulat ng Research and Planning Unit ng British Home Office. Ipinakikita ng surbey sa delingkuwenteng mga tin-edyer na minamaliit ng mga magulang ang panganib ng pakikipagkaibigan sa mga delingkuwente. Dalawang sangkatlo ng mga tin-edyer na kinapanayam ay nagkaroon ng mga kaibigan na nasangkot sa labag sa batas na gawain sa nakalipas na taon. Isang salik na nauugnay sa suliranin ng delingkuwensiya, sang-ayon sa The Times ng London, ay ang “hindi pagkakaroon ng isang malapit na kaugnayan sa ama.” Nasaksihan ng huling 10 hanggang 15 taon ang malaking pagbabago sa huwaran ng buhay pampamilya—pagdami ng mga diborsiyo, mga pamilya ng nagsosolong magulang, at nagtatrabahong mga ina—na gumagawa sa ‘mga kabataan na waring higit na nag-iisa kaysa roon sa mga naunang salinlahi,’ sabi ng report.
Pangglobong Kakapusan ng Tubig
Ang nakapangingilabot na larawan ng gutom at kamatayan na dala ng matinding tagtuyot sa Aprika “ay simula lamang ng mga bagay na darating,” babala ng isang bagong pag-aaral ng Worldwatch Institute, isang base-Washington na organisasyon sa pananaliksik. Malibang gawin ang maingat at mabisang paggamit sa umiiral na panustos ng tubig, sa loob ng susunod na 20 taon kapuwa ang mayaman at mahihirap na mga bansa ay hindi matutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa tubig. Ang pag-aaral, ang “Conserving Water: The Untapped Alternative,” ay nagsasabi: “Tanging sa pangangasiwa lamang sa kailangang tubig sa halip na walang-tigil na paghahangad na matugunan ito, magkakaroon ng pag-asa sa isang segurado at maitutustos na tubig sa hinaharap.”