Kapayapaan sa Loob ng Pamilya sa Pangalawang Asawa
• ‘Isang amain ang iniulat na nawalan ng kaniyang pasensiya at binugbog hanggang mamatay ang batang lalaki na anak sa unang asawa.’
• ‘Pinatay ng tin-edyer ang kaniyang amain ng kaniyang naglalagablab na baril,’ sang-ayon sa ulat ng pulisya.
• ‘Binaril ng katorse-anyos na lalaki ang kaniyang madrasta, na iniulat na nagsawa sa kaniyang ugali.’
“ANG mga sambahayan sa pangalawang asawa ay maaaring maging ang pinakamaigting na dako,” paliwanag ni Dr. John Visher, kasamang nagtatag ng Stepfamily Association of America. “Kapag ang mga tao ay napapasangkot sa isang kaugnayan taglay ang di-makatotohanang mga inaasahan, malamang na magreklamo sila na sila ay nahihirapan.” Dahilan sa mabilis na dumaraming diborsiyo, ang mga pamilya sa pangalawang asawa ay lubhang dumami. Subalit nakalulungkot, 44 porsiyento sa mga ito ang nabibigo sa loob ng unang limang taon! Gayunman, nakayanan ng marami ang pambihirang mga problema ng pagsasama ng dalawang pamilya sa isa. Ang pagkakapit ng sumusunod na mga simulain ng Bibliya ay mahalaga.
“Maigi ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula niyaon. Maigi ang isang matiisin kaysa isang mapagpalalo. Huwag kang magmadaling . . . magalit.” (Eclesiastes 7:8, 9) Mahalaga ang pagtitiis! Ang mga kaugnayan na ipinagpapalagay sa likas na mga pamilya ay dapat na itatag. Hindi kayo isang “biglang pamilya.” Sinasabi ng mga dalubhasa na ang pagkakaroon ng damdamin na “kami” ay maaaring kumuha ng apat hanggang pitong taon. Sa pasimula, dapat magpakahinahon ang mga magulang sa pangalawang asawa. Sikaping huwag madaling magalit kung tanggihan ang mga pagsisikap na kaibiganin ang mga anak sa unang asawa.
“Sa kapalaluan ay pagtatalo lamang ang dumarating, ngunit karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.” (Kawikaan 13:10) Ang matigas ang ulo, palalong saloobin—sa bahagi ng mga anak o mga magulang—ay humahantong sa di-pagkakaunawaan. Magkaroon ng regular na pagpupulong kung kailan maaari kayong magsanggunian na sama-sama bilang isang pamilya at pag-usapan ang mga problema. Matutong ipahayag ang iyong mga damdamin sa paraan na nagpapakita na isinasaalang-alang mo ang damdamin ng iba. Mentras mas nakikilala mo ang mga membro ng “bagong” pamilya sa pamamagitan ng bukás na pakikipagtalastasan, nagiging mas malapit kayo sa isa’t isa.
“Siyang nagpapakita ng unawa sa isang bagay ay makakasumpong ng mabuti, at maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova.” (Kawikaan 16:20) Kasangkot sa pag-unawa ang pagtingin sa kabila pa ng nakikita lamang at ang pagkilala sa mga dahilan ng ilang saloobin at paggawi. (Tingnan ang panayam sa kabilang pahina.) Ang katangiang ito ay tutulong sa iyo na makita ang mabuti sa iba.
Halimbawa, sa panahon ng isang mainitang pag-uusap, isang madrasta ang sumabad at nagmungkahi: “Lahat tayo ay magsabi ng isang bagay na hindi natin nagugustuhan sa isa’t isa, at pagkatapos ay sundan ito agad ng mga bagay na talagang nagugustuhan natin.” Nang dakong huli, sulat niya: “Kami ay namangha sa lahat ng mabuting mga katangian na pinahahalagahan namin sa isa’t isa.” Sinundan ito ng iyakan at yakapan. Sa isa pang tahanan, isang tin-edyer ang naghimagsik nang ang kaniyang ina ay mag-asawang muli, subalit ang pang-unawa ay nagdala ng kapayapaan. “Pagkaraan ng ilang buwan, natanto ko na ang lalaking ito ang nagpapaligaya sa aking ina,” sabi ni Jeff. “At iyan ang mahalaga.”
Subalit kung ikakapit mo o hindi ang mga simulaing ito ay depende sa iyong espirituwalidad. “Ang pagtitiwala kay Jehova,” pagnanais na paluguran siya, ang susi sa kapayapaan sa isang pamilya sa pangalawang asawa.