Ang Natatanging mga Problema ng mga Pamilya sa Muling Pag-aasawa
POSIBLE ANG MALILIGAYANG PAMILYA SA MULING PAG-AASAWA! PAANO?
Ang pamilya sa muling pag-aasawa ay naging pangkaraniwang uri ng sambahayan sa maraming lugar sa daigdig. Gayunman, may natatanging mga problema ang mga pamilya sa muling pag-aasawa. Walang alinlangan na ang pagpapalaki sa anak ang siyang pinakamahirap sa mga ito. Subalit gaya ng sisikaping ipakita sa iyo ng susunod na dalawang artikulo, posibleng matagumpay na mapalaki ang mga anak sa isang pamilya sa muling pag-aasawa.
KARANIWAN NA, HINDI LAGING MAGANDA ANG SINASABI TUNGKOL SA MGA AMAIN AT MGA MADRASTA. Nang tayo’y mga bata pa, marami sa atin ang nakarinig na ng ilang bersiyon ng kuwentong engkantada tungkol kay Cinderella, na pinahirapan nang husto ng kaniyang malupit na madrasta. Alam din ng mga bata sa Europa ang kuwentong engkantada na Snow White and the Seven Dwarfs. Lumilitaw na ang madrasta ni Snow White ay isa palang napakasamang mangkukulam!
Wasto ba ang paglalarawan ng mga kuwentong engkantadang ito sa mga pamilya sa muling pag-aasawa? Talaga bang gayong kalupit ang lahat ng amain at madrasta? Hindi. Karamihan sa kanila ay nagnanais lamang ng pinakamabuti para sa mga anak sa una ng kanilang asawa. Ngunit talagang nakakaharap nila ang ilang mahihirap na problema sa buhay na kaakibat ng muling pag-aasawa.
Ang mga Problema sa Pagpapalaki sa Anak
Kapag nabigo ang unang pag-aasawa, ang pagiging di-maygulang ng mag-asawa ang siyang kadalasang sanhi. Sa muling pag-aasawa, ang pakikitungo sa mga anak ay maaaring magdulot ng kaigtingan sa pagsasama. Ipinakikita ng ilang ulat na mahigit sa 4 sa 10 pamilya sa muling pag-aasawa ang humahantong sa diborsiyo sa loob ng unang limang taon.
Maaaring hindi natatanto ng mga bagong kasal ang mga problema sa emosyon, pagkalito kung sino ang papanigan, paninibugho at hinanakit na nadarama ng mga anak sa pagdating ng amain o madrasta. Maaaring isipin ng mga ito na mas mahal na ng kanilang tunay na magulang ang kanilang amain o madrasta kaysa sa kanila. Isa pa, baka mahirapang maunawaan ng isang magulang na iniwan ng kaniyang asawa ang nananatiling pagiging malapit ng mga anak sa kaniyang dating asawa. Sinikap ng isang batang lalaki na ipaliwanag ang kaniyang magandang kaugnayan sa kaniyang tunay na ama, anupat sinabi, “Inay, alam kong hindi maganda ang naging pagtrato sa iyo ni Itay, pero naging mabuti naman siya sa akin!” Ang gayong pananalita, bagaman tapat, ay maaaring ipaghinanakit ng ina sa ama ng bata.
Nagtapat naman ang isang amain: “Hindi talaga ako handa na harapin ang mga problemang kaugnay ng pagpapalaki sa mga anak sa una ng aking asawa. Pumasok ako sa situwasyon sa pag-aakalang dahil sa pinakasalan ko ang kanilang ina, ako na ngayon ang kanilang ama. Ganoon lamang kasimple! Hindi ko naunawaan ang pagiging malapit ng mga bata sa kanilang tunay na ama, at marami akong naging pagkakamali.”
Maaaring bumangon ang kaigtingan lalo na tungkol sa pagdidisiplina. Kailangan ng mga anak ang maibiging disiplina, ngunit kadalasa’y nagrerebelde sila kahit na galing ito sa isang tunay na magulang. Lalo pa ngang mahirap tanggapin iyon kung galing sa isang amain o madrasta! Karaniwan na, kapag nakaharap sa gayong disiplina, ganito ang sinasabi ng anak, “Hindi naman ikaw ang tunay kong ama!” Tunay na nakapanlulumo ang gayong mga salita sa isang amain o madrasta na may mabuti namang layunin!
Maaari kayang matagumpay na mapalaki ang mga anak sa isang pamilya sa muling pag-aasawa? Maaari kayang magkaroon ng positibong papel ang mga amain at madrasta sa pagbuo ng isang matagumpay na pamilya sa muling pag-aasawa? Ang sagot sa dalawang tanong na ito ay oo kung ang lahat ng nasasangkot ay susunod sa payo ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Larawan sa pahina 3]
“Hindi naman ikaw ang tunay kong ama!”