Maaaring Magtagumpay ang mga Pamilya sa Muling Pag-aasawa
POSIBLE KAYA ANG MATAGUMPAY NA MGA PAMILYA SA MULING PAG-AASAWA? OO, LALO NA KUNG TATANDAAN ng lahat ng nasasangkot na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Kapag ikinakapit ng lahat ang mga simulain sa Bibliya, halos natitiyak ang tagumpay.
Ang Pangunahing Katangian
Nagtakda ang Bibliya ng ilan lamang aktuwal na mga batas upang umugit sa ugnayan ng mga tao. Sa kalakhang bahagi ay pinasisigla nito ang paglilinang ng mabubuting katangian at saloobin na aakay sa atin upang kumilos nang may katalinuhan. Ang gayong mabubuting saloobin at katangian ang siyang saligan sa isang maligayang buhay pampamilya.
Waring maliwanag naman, ngunit sa kabila nito ay nararapat pa ring sabihin na pag-ibig ang pangunahing katangian na kailangan para maging matagumpay ang alinmang pamilya. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw. . . . Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.” (Roma 12:9, 10) Masyado nang inabuso ang salitang “pag-ibig,” ngunit ang katangiang tinutukoy rito ni Pablo ay natatangi. Iyon ay makadiyos na pag-ibig, at iyon ay “hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Ayon sa Bibliya, iyon ay walang-pag-iimbot at handang maglingkod. Aktibong gumagawa iyon para sa ikabubuti ng iba. Iyon ay matiisin at mabait, hindi mapanibughuin, palalo, o mayabang. Hindi nito inuuna ang sariling kapakanan. Iyon ay laging handang magpalugit, magtiwala, umasa, at magbata anuman ang mangyari.—1 Corinto 13:4-7.
Tumutulong ang tunay na pag-ibig upang malutas ang mga di-pagkakaunawaan at pagkaisahin ang mga tao na may iba’t ibang kinagisnan at personalidad. At tumutulong ito na hadlangan ang nakapanlulumong mga epekto ng diborsiyo o pagkamatay ng isang tunay na magulang. Inilarawan ng isang lalaki na naging amain ang kaniyang totoong mga problema: “Kadalasa’y labis akong nagtutuon ng pansin sa sarili kong damdamin kaya hindi ko naunawaan ang nadarama ng mga anak sa una ng aking asawa o maging ng aking kabiyak. Kinailangan kong matutong huwag maging maramdamin. Higit sa lahat, kinailangan kong matutong maging mapagpakumbaba.” Ang pag-ibig ay nakatulong sa kaniya na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.
Ang Tunay na Magulang
Makatutulong ang pag-ibig upang maunawaan ang kaugnayan ng mga anak sa kanilang tunay na magulang na hindi na nila kapiling ngayon. Nagtapat ang isang amain: “Gusto kong ako ang mauna sa pagmamahal ng mga anak sa una ng aking asawa. Kapag dinadalaw nila ang kanilang tunay na ama, nahihirapan akong paglabanan ang tukso na pintasan siya. Kapag nagbalik na sila matapos gumugol ng isang masayang araw sa piling niya, masama ang loob ko. Kapag hindi naging maganda ang araw nila, tuwang-tuwa ako. Ang totoo, natatakot akong mawala sila sa akin. Ang isa sa pinakamahihirap na bagay ay ang pagtanggap sa kahalagahan ng papel ng tunay na ama sa buhay ng mga anak sa una ng aking asawa.”
Nakatulong ang tunay na pag-ibig sa amaing ito na tanggapin ang bagay na hindi makatotohanan ang umasa sa “kagyat” na pag-ibig. Hindi siya dapat nakadama ng pagkasira ng loob nang hindi siya agad tinanggap ng mga bata. Natanto niya na hindi niya maaaring lubusang palitan ang tunay na ama sa puso ng mga anak nito. Kilala ng mga anak ang lalaking ito mula pa sa kanilang kamusmusan, samantalang ang amain ay isang baguhan na kailangan pang magsumikap upang makamit ang pag-ibig ng mga anak. Ipinakita ng mananaliksik na si Elizabeth Einstein ang karanasan ng marami nang sabihin niya: “Ang tunay na magulang ay hindi kailanman mapapalitan—hindi kailanman. Kahit ang isang magulang na patay na o nagpabaya sa mga anak ay nananatiling isang mahalagang bahagi sa buhay ng mga anak.”
Disiplina—Isang Maselan na Paksa
Ipinakikita ng Bibliya na ang pag-ibig sa disiplina ay mahalaga para sa mga kabataan, at kasali rito ang mga anak sa muling pag-aasawa. (Kawikaan 8:33) Maraming propesyonal ang nagsisimulang sumang-ayon sa pangmalas ng Bibliya tungkol dito. Sinabi ni Propesor Ceres Alves de Araújo: “Likas lamang na ang isa ay hindi magnais ng mga limitasyon, ngunit kailangan ang mga ito. Ang ‘hindi’ ay isang pananggalang na salita.”
Gayunman, sa isang pamilya sa muling pag-aasawa, ang mga pangmalas tungkol sa disiplina ay maaaring humantong sa mga seryosong di-pagkakaunawaan. Ang mga anak sa isang bahagi ay hinubog ng isang adulto na hindi na nila kapiling ngayon. Malamang, sila’y may mga kaugalian o gawain na maaaring ikainis ng amain o madrasta. At malamang na hindi nila nauunawaan kung bakit hindi sang-ayon ang amain o madrasta sa ilang bagay. Paano matagumpay na haharapin ang gayong situwasyon? Nagpayo si Pablo sa mga Kristiyano: “Itaguyod [ninyo] ang . . . pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban.” (1 Timoteo 6:11) Nakatutulong ang Kristiyanong pag-ibig kapuwa sa amain o sa madrasta at sa mga anak upang maging mahinahon at matiisin habang natututuhan nilang unawain ang isa’t isa. Kung hindi mapagpasensiya ang amain o madrasta, madaling sirain ng ‘galit, poot, at mapang-abusong pananalita’ ang anumang nabuong relasyon.—Efeso 4:31.
Ang malalim na unawa sa kung ano ang makatutulong sa bagay na ito ay inilaan ni propeta Mikas. Ganito ang sabi niya: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8) Mahalaga ang katarungan kapag naglalapat ng disiplina. Ngunit kumusta naman ang kabaitan? Inilahad ng isang Kristiyanong matanda na kadalasa’y mahirap na gisingin ang mga anak sa una ng kaniyang asawa tuwing Linggo ng umaga upang makibahagi sa pagsamba ng kongregasyon. Sa halip na kagalitan sila, nagsikap siyang magpakita ng kabaitan. Maaga siyang bumabangon, naghahanda ng almusal, saka dinadalhan ang bawat isa sa kanila ng mainit na inumin. Bunga nito, naging mas madali sa kanila na tugunin ang kaniyang pakiusap na bumangon.
Ganito ang kapansin-pansing komento ni Propesora Ana Luisa Vieira de Mattos: “Hindi ang uri ng pamilya ang mahalaga kundi ang kalidad ng pagsasama. Sa aking pag-aaral, nakita ko na ang mga kabataang may mga problema sa paggawi ay halos laging galing sa mga pamilya na kulang sa pagkalinga ng mga magulang, anupat walang mga alituntunin at hindi nag-uusap.” Sinabi rin niya: “Talagang dapat idiin na ang pagpapalaki sa mga anak ay nagpapahiwatig ng pangangailangang magsabi ng hindi.” Karagdagan pa, sinabi nina Dr. Emily at John Visher: “Pangunahin na, mabisa lamang ang disiplina kapag ang taong dinidisiplina ay nababahala sa reaksiyon at sa kaugnayan sa taong nagdidisiplina.”
Ang mga sinabing ito ay pahapyaw na tumatalakay sa tanong kung sino sa mga pamilya sa muling pag-aasawa ang dapat maglapat ng disiplina. Sino ang dapat na magsabi ng hindi? Matapos pag-usapan ang mga bagay-bagay, ipinasiya ng ilang magulang na, sa simula, ang tunay na magulang ang dapat na pangunahing maglalapat ng disiplina upang mabigyan ng panahon ang amain o madrasta na magkaroon ng mas malapit na kaugnayan sa mga bata. Hayaang mapanatag ang loob ng mga bata hinggil sa pagmamahal sa kanila ng amain o madrasta bago sila disiplinahin nito.
Paano kung isang ama ang di-tunay na magulang? Hindi ba sinasabi ng Bibliya na ang ama ang siyang ulo ng pamilya? Oo. (Efeso 5:22, 23; 6:1, 2) Gayunman, maaaring naisin ng amain na ipaubaya muna ang pagdidisiplina, lalo na kung kailangan ang parusa. Maaaring hayaan niya ang mga bata na sundin ‘ang kautusan ng kanilang ina’ samantalang inilalatag niya ang pundasyon para kanilang ‘pakinggan ang disiplina ng kanilang [bagong] ama.’ (Kawikaan 1:8; 6:20; 31:1) Ipinakikita ng ebidensiya na, sa kalaunan, hindi nito sinasalungat ang simulain ng pagkaulo. Karagdagan pa, sabi ng isang amain: “Natatandaan ko na kalakip sa disiplina ang payo, pagtutuwid, at saway. Kapag inilapat ito sa isang makatuwiran, maibigin, at mahabaging paraan at sinusuhayan ng halimbawa ng magulang, karaniwan nang mabisa ito.”
Kailangang Mag-usap ang mga Magulang
Ganito ang sabi ng Kawikaan 15:22: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang kompidensiyal na pakikipag-usap.” Sa isang pamilya sa muling pag-aasawa, mahalaga ang mahinahon at tapatang kompidensiyal na pag-uusap sa pagitan ng mga magulang. Sinabi ng isang kolumnista sa pahayagang O Estado de S. Paulo: “May hilig ang mga anak na laging subukin ang mga limitasyong itinatakda ng mga magulang.” Maaaring lalong totoo iyan sa mga pamilya sa muling pag-aasawa. Kaya naman, kailangang magkasundo ang mga magulang tungkol sa iba’t ibang bagay upang makita ng mga bata na sila’y nagkakaisa. Subalit paano kung ang isang amain o madrasta ay kumilos sa paraan na inaakalang di-makatarungan ng isang tunay na magulang? Kung gayon, dapat pag-usapan ng dalawa ang bagay na iyon nang sarilinan, hindi sa harap ng mga anak.
Ganito ang inilahad ng isang ina na muling nag-asawa: “Ang pinakamahirap para sa isang ina ay ang makitang ang kaniyang mga anak ay dinidisiplina ng kanilang amain, lalo na kung inaakala niyang ito ay naging padalus-dalos o hindi talaga makatarungan. Nasasaktan ang kaniyang loob, at ibig niyang ipagtanggol ang kaniyang mga anak. Sa gayong mga pagkakataon, mahirap para sa isa na manatiling nagpapasakop sa kaniyang asawa at suportahan siya.
“Minsan, hiniling ng aking dalawang anak na lalaki, edad 12 at 14, ang pahintulot ng kanilang amain para gumawa ng isang bagay. Agad itong tumanggi at saka lumabas sa silid nang hindi binibigyan ang mga bata ng pagkakataong ipaliwanag kung bakit mahalaga sa kanila ang kanilang hinihiling. Mangiyak-ngiyak ang mga bata, at ako naman ay hindi makapagsalita. Tiningnan ako ng nakatatanda at sinabi: ‘Inay, nakita ba ninyo ang ginawa niya?’ Sumagot ako: ‘Oo, nakita ko. Pero siya pa rin ang ulo ng sambahayan, at sinasabi sa atin ng Bibliya na igalang natin ang pagkaulo niya.’ Sila’y mabubuting bata at sumang-ayon sila dito, at medyo huminahon sila. Nang gabi ring iyon, ipinaliwanag ko ang mga bagay-bagay sa aking asawa, at natanto niya na siya’y naging labis na mahigpit. Agad siyang pumunta sa silid ng mga bata at humingi ng tawad.
“Malaki ang natutuhan namin sa pangyayaring iyon. Ang aking asawa ay natutong makinig bago magpasiya. Natutunan kong itaguyod ang simulain ng pagkaulo, kahit na kung mahirap iyon. Natutunan naman ng mga bata ang kahalagahan ng pagpapasakop. (Colosas 3:18, 19) At ang taimtim na paghingi ng tawad ng aking asawa ay nagturo sa aming lahat ng isang mahalagang aral sa pagpapakumbaba. (Kawikaan 29:23) Sa ngayon, ang aking mga anak ay kapuwa Kristiyanong matatanda.”
Makagagawa ng mga pagkakamali. Ang mga anak ay makapagsasabi o makagagawa ng mga bagay na nakasasakit. Ang mga panggigipit sa mga sandaling iyon ay mag-uudyok sa mga amain at madrasta na kumilos nang di-makatuwiran. Gayunpaman, ang mga simpleng salita na gaya ng, “Ikinalulungkot ko, pakisuyong patawarin mo ako,” ay malaki ang magagawa upang maghilom ang mga sugat.
Pinatitibay ang Buklod ng Pamilya
Kailangan ng panahon para magtatag ng isang malapit na kaugnayan sa isang pamilya sa muling pag-aasawa. Kung isa kang amain o madrasta, kailangan kang magpakita ng empatiya. Maging maunawain, anupat handang gumugol ng panahon kapiling ng mga anak. Makipaglaro sa mga nakababata. Maging handang makipag-usap sa mga nakatatanda. Humanap ng mga pagkakataong magkasama-sama—halimbawa, anyayahan ang mga anak na tumulong sa mga gawaing bahay, gaya ng paghahanda ng pagkain o paglilinis ng kotse. Anyayahan silang sumama at tumulong sa iyo kapag namimili ka. Bukod dito, ang maliliit at mapagmahal na pagkilos ay maaaring magpakita ng pagmamahal na nadarama mo. (Sabihin pa, dapat pakaingat ang mga amain na magtakda ng mga hangganan sa mga anak na babae ng kanilang asawa at huwag silang gawing di-komportable. At dapat tandaan ng mga madrasta na may mga hangganan din sa mga anak na lalaki.)
Maaaring magtagumpay ang mga pamilya sa muling pag-aasawa. Marami ang naging gayon. Ang pinakamatagumpay ay yaong mga pamilya na ang lahat ng nasasangkot, lalo na ang mga magulang, ay naglilinang ng tamang mga saloobin at makatotohanang inaasahan. Sumulat si apostol Juan: “Mga iniibig, patuloy na mag-ibigan tayo sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos.” (1 Juan 4:7) Oo, ang taimtim na pag-ibig ang siyang tunay na lihim ng isang maligayang pamilya sa muling pag-aasawa.
[Mga larawan sa pahina 7]
ANG MALILIGAYANG PAMILYA SA MULING PAG-AASAWA AY
gumugugol ng panahon nang magkakasama . . .
magkakasamang nag-aaral ng Salita ng Diyos . . .
nag-uusap-usap . . .
magkakasamang gumagawa . . .