“Pamumuhay sa Loob ng Pamilya sa Pangalawang Asawa”
—Isang panayam sa direktor ng Stepfamily Foundation
Pinag-aralan ni Mrs. Jeannette Lofas, direktor ng Stepfamily Foundation at kasamang awtor ng Living in Step, ang pambihirang mga panggigipit sa loob ng pamilya sa pangalawang asawa. Ang sumusunod na panayam sa kaniya ng isang kawaning manunulat ng Awake! ay nagsasabi kung paanong ang mga ito ay maaaring matagumpay na harapin.
T. Mrs. Lofas, bakit napakahirap maging isang magulang sa pangalawang asawa?
S. Kadalasan ang isang magulang sa pangalawang asawa ay nagsisimula taglay ang guniguning problema at nagkakaroon nga ng tunay na problema. Karamihan ng mga magulang sa pangalawang asawa ang umaasang kikilalanin bilang tunay na mga magulang. Karaniwan na, sila ay hindi kikilalaning gayon. Sa sinasadya o di-sinasadya, halos sinisikap nilang patunayan ang kanilang mga sarili. Kadalasan nang tinatanggihan ng mga anak sa unang asawa ang lahat ng pagsisikap na ito na kilalaning tunay na magulang dahilan sa pagkadama nila na sila’y hindi nagiging tapat sa kanilang umalis o yumaong magulang. Ang tunay na magulang ay may itinalagang dako. Sa simula ang magulang sa pangalawang asawa ay nahihirapan dahilan sa mga pagsalansang o hindi pagtanggap sa kaniya. Hindi laging totoo na, ‘Kung mahal mo ako, mamahalin mo ang aking mga anak.’
T. Bakit kadalasan nang napopoot ang mga anak sa unang asawa?
S. Talagang isang mahirap na karanasan sa isang bata ang diborsiyo. Masama ang loob ng bata na si Inay ay umalis o na si Itay ay wala roon upang magbigay ng pansin. Kadalasan nang inililipat ng mga bata ang mga sama ng loob na ito sa magulang sa pangalawang asawa. Ito ay tinatawag na displacement. Kaya ang mga magulang sa pangalawang asawa ang ginagawang sangkalan sa lahat ng mga sama ng loob na ito. Walang anu-ano, ang bata ay basta naiinis sa iyo.
T. Paano mo matutulungan ang isang bata na makayanan ang mga “sama ng loob” na ito?
S. Una, kailangang kilalanin kapuwa ng magulang at ng mga bata na ang gayong mga damdamin ay likas na bahagi ng huwaran ng paggawi sa isang pamilya sa pangalawang asawa. Kung sisisihin mo ang bata o ang magulang sa pangalawang asawa sa halip ang huwaran ng paggawi, ikaw ay malalagay sa malubhang problema. Kailangang maunawaan ng mga bata na sa simula likas lamang na mabalisa at makadama ng galit at kabiguan. Kadalasan, ang pagtulong sa bata na makilala kung bakit gayon ang kaniyang nadarama at ang pakikiramay sa kaniya ay isang malaking tulong. Dapat tiyakin ng tunay na magulang sa bata na siya ay laging magkakaroon ng isang pantanging dako at samakatuwid ay walang dahilan na matakot na baka agawin ng magulang sa pangalawang asawa ang ‘dako at teritoryo’ na iyon.
T. Maaari bang disiplinahing talaga ng isang amain o madrasta ang anak sa unang asawa?
S. Oo, sa pamamagitan ng pagtatakda ng ‘mga tuntunin sa tahanan’ mula sa simula. Ang pag-ibig ay nangangahulugan na bibigyan mo ang mga bata ng mga hangganan at hindi sila pababayaan na parang mga nakawala sa koral. Ang disiplina at pag-ibig ay kinakailangang maging timbang, sa loob at sa labas ng pamilya sa pangalawang asawa. Subalit ang pamumuhay sa loob ng pamilya sa pangalawang asawa, kadalasan nang mahirap madama ang pag-ibig. Walang kaugnayan sa dugo at sa kasaysayan, ang isang magulang sa pangalawang asawa ay maaaring sumobra ang reaksiyon, o maaaring ipaghinanakit ng isang anak sa unang asawa ang disiplina mula sa isang “estranghero.” Dapat itatag ng isang amain ang kaniyang awtoridad sa pamamagitan ng pangunguna sa halip na pag-uutos.
T. Ano ang nagpapangyari ng maselang mga problema sa pagpaparusa?
S. Kapag ang ama at ang ina ay nagtatalo sa harap ng mga bata. Para sa isang bata ang pagtatalo ng dalawang prominenteng may sapat na gulang sa kaniyang buhay ang pinakamasamang bagay. Ang bata sa gayon ay walang matatakbuhan. Kung ang pamilya sa pangalawang asawa ay walang ‘patakaran ng pamilya,’ ito’y totoong nakasisira. Napakahalaga na pag-usapan ng mga magulang nang sarilinan, at magkaisa, sa mga pamantayan sa tahanan at sa mga kahihinatnan kung ang mga ito ay lalabagin. Pagkatapos dapat nila itong linawin sa bata. Ganito ang sabi ng isang amain: “Napakabuti kung sasabihin ng ina, ‘Ito ang aking asawa, ang iyong amain. Magkasama ka naming palalakihin.’”
T. Gaano kahalaga ang kaugnayan ng mag-asawa?
S. Ito ang pinakamahalagang ugnayan, at ito ay kailangang maging malakas; kung hindi ang iba pa ay hindi gagana. Kailangan mong itayo ang tinatawag natin na lakas ng mag-asawa. Ito ay lumilikha ng isang nagkakaisang pamilya. Kung wala ito, hindi mo lamang binibigyan ang mga bata ng halu-halong mga mensahe kundi paghihiwalayin nila kayo. Lumabas na magkasama bilang mag-asawa. Tamasahin ang maligayang pakikisama sa mga bata na magkasama, hindi pinabibigatan ang isa lamang magulang.
T. Nakatutulong ba ang relihiyosong pagpapahalaga?
S. Oo, malaki ang naitutulong nito. Pinapangyayari nito na mahigitan mo ang maliliit na mga pagkakamaling nagagawa sa isa’t isa. Halimbawa, maaaring kampihan ng asawang lalaki ang kaniyang tunay na anak. Ang asawang babae ay nagngingitngit. Ngayon, palalagpasin kaya ng asawang babae ang nangyari? Totoo, ang asawang lalaki ay mali. Ano ngayon? Nangyari na ito. Ano ang maaaring gawin? Ang kaniyang relihiyosong pagpapahalaga ay tumutulong sapagkat ang asawang babae ay nag-iisip: ‘Ano ba ang kalooban ng Diyos? Na gawin naming tumakbo nang maayos ang pamilya. Kaya ano ba ang kailangan naming gawin ngayon upang mangyari iyan? Sa pamamagitan ng taimtim na pagsisikap na sundin ang kalooban ng Diyos, maaari naming patakbuhing maayos ang pamilya.’