Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
‘Ang Lahat ay Humihitit ng Marijuana—Bakit Ako’y Hindi Puede?’
TINATAWAG ito ng mga siyentipiko na cannabis. Subalit marahil ay mas kilala mo ito bilang marijuana, pot, reefer, grass, ganja, o basta damo. Anuman ang itawag mo rito, ang paghitit ng marijuana ay isang regular na libangan ng angaw-angaw na mga kabataan.
Iniuulat ng aklat na The Private Life of the American Teenager ang isang surbey sa 160,000 mga tin-edyer sa E.U. Mga 70 porsiyento ng 16- hanggang 18-taóng-gulang ng mga tinanong ang umamin na sila sa paano man ay sumubok ng marijuana. Halos kalahati ang nagsabi na regular nilang ginagamit ito. At sabihin nang isa ka sa kakaunti na umiiwas sa mga droga, batid mo kung gaano kalaganap ang impluwensiya ng marijuana. Pinupuri itong maigi sa mga liriko ng mga awiting rock. Marahil ay lantarang ginagamit ito ng iyong mga kaklase. “Kahit na nga ang mga bantay sa aming paaralan ay nagbibili ng marijuana,” sabi ng isang kabataan. Ang mga kagamitan may kaugnayan sa droga ay hayagang idinidispley at ibinibenta. Aba, ang paggamit ng marijuana ay naging pangkaraniwan anupa’t ang 14-taóng-gulang na si Katie ay nagsasabi: “Hindi na ito ang popular na bagay. Basta bahagi na ito ng buhay ng halos lahat.”
Gayumpaman, hindi ‘lahat’ ay humihitit ng marijuana. Sa katunayan, sang-ayon sa isang surbey kamakailan na isinagawa sa Estados Unidos at Canada, dumaraming kabataan ang tumatanggi na sa drogang ito. Sa kabila ng mga surbey, isinasapanganib pa rin ng isang nakababahalang bilang ng mga kabataan ang poot ng kanilang mga magulang,a kahirapan sa pananalapi (ang isang “katamtamang” bisyo ng marijuana ay maaaring magkahalaga ng mula $5 hanggang $50 isang linggo sa Estados Unidos), mga pag-aresto dahilan sa paglabag sa batas, at posibleng mga panganib sa kalusugan, para lamang matamasa nila ang pagkalango sa marijuana. Nangangahulugan ba ito, kung gayon, na dapat mong subuking humitit ng marijuana? Sa pagsagot, isaalang-alang muna natin kung bakit ito napakapopular.
Kung Bakit Napakapopular ng Marijuana
Ang ibang mga kabataan ay bumabaling sa marijuana bilang isang kanlungan sa mga problema. Ganito ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Roger: “Gusto kong nalalango. Kung marami kang problema, nalilimutan mo ang mga ito.” Ginagamit ng iba ang droga upang bawasan ang kaigtingan o pagkabagot. Ang iba naman ay sumusubok ng marijuana upang masapatan lamang ang kanilang pagkausyoso. At ganito ang sabi ng aklat na Adolescence: “Mas malamang na subukan ito ng isang nagbibinata o nagdadalaga na may kaibigang gumagamit ng marijuana.” Hindi naman ito nangangahulugan na ang mga kabataan ay ginigipit o pinipilit na humitit ng marijuana (bagaman maaari itong mangyari). Subalit gaya ng sabi ng aklat na Self-Destructive Behavior in Children and Adolescents: “Ang mga kabataan ay karaniwan nang ipinakikilala o sumusubok sa iba’t ibang droga sa pamamagitan ng isang matalik na kaibigan . . . Ang [kaniyang] mga intensiyon ay maaaring upang makibahagi sa isang kapana-panabik o kasiya-siyang karanasan.”
Subalit anuman ang dahilan kung paano o bakit sila nagsimula, ipinakikita ng mga surbey na ang pinakamalaking dahilan kung bakit patuloy na gumagamit ng marijuana ang mga kabataan ay dahilan sa kasiyahan na nakukuha rito. Ganito ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Grant: “Humihitit lamang ako dahilan sa mga epekto nito. Hindi upang maging mahinahon o sa mga kadahilanang sosyal. . . . Hinding-hindi ako humitit ng marijuana dahilan lamang sa panggigipit ng mga kaedad, kundi talagang gusto ko.”
Ngunit ang alinman ba sa mga ito ay makatuwirang dahilan upang subakan mo ang marijuana? Halimbawa, matalino bang kumuha ng kemikal na kanlungan sa mga problema? Hindi sang-ayon sa itinatanong ng Bibliya sa Kawikaan 1:22: “Hanggang kailan kayong mga musmos magsisiibig sa inyong kamusmusan . . . at hanggang kailan kayong mga mangmang ay mapopoot sa kaalaman?” Ang kabataan na nagkukubli sa likuran ng mabuting pakiramdam na dala ng droga ay ‘umiibig sa kamusmusan’; hindi niya nalilinang ang kaalaman at mga kasanayan na kinakailangan sa pakikitungo sa buhay. Sabi ng mga awtor ng Talking With Your Teenager: “Maaaring hadlangan ng paggamit ng mga droga at alkohol ang pamamaraang iyon [ng paglinang ng mga kasanayang pang-adulto] sa pamamagitan ng paglalaan ng isang paraan upang huwag maranasan ang negatibong mga damdamin o pagpupunyagi sa mahirap na mga bagay. Ang leksiyon na ang masakit na mga sandali sa buhay ay maaaring maligtasan nang wala ang mga bagay na ito ay hindi kailanman natututuhan.”
Gayunman, ipagpalagay nang marami sa iyong mga kaibigan ang nag-eeksperimento sa marijuana? “Mahirap [tumanggi] kung ginagawa ito ng iyong mga kaibigan,” sabi ng isang 16-taóng-gulang na gumagamit ng marijuana. Gayunman, pansinin ang mga salita sa Exodo 23:2. Bagaman orihinal na ipinatutungkol sa mga saksi na nagbibigay ng sinumpaang patotoo, ito ay mabuting payo para sa mga kabataan: “Huwag kang susunod sa karamihan.” Isa pa, ang isa na walang tanung-tanong na sumusunod sa kaniyang mga kaedad ay wala kundi isang alipin. Ganito ang sabi ng Bibliya sa Roma 6:16 (New International Version): “Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka-alipin upang tumalima, kayo’y mga alipin niyaong inyong tinatalima?”
Iyan ang dahilan kung bakit hinihimok ng Bibliya ang mga kabataan na linangin ang “kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 2:10-12) Matutong mag-isip para sa iyong sarili, at hindi ka mahihilig na sumunod sa masuwaying mga kabataan. Totoo, maaaring maging mausisa ka tungkol sa marijuana at sa mga epekto nito. Subalit hindi mo kinakailangang dumhan ang iyong isip at katawan upang malaman kung ano ang ginagawa ng drogang ito sa mga tao. Pansinin ang mga kabataan na kasinggulang mo na humihitit ng marijuana—lalo na yaong mga matagal nang gumagawa nito. Sila ba ay waring alisto at matalino? Napanatili ba nila ang kanilang mga marka? O sila ba’y mga bobo at di-atentibo, at kung minsan ay walang kabatiran kung ano ang nangyayari sa paligid nila? Isang termino ang naimbento ng mga humihitit mismo ng marijuana upang ilarawan ang mga gayon na: “mga durog.” Gayunman marami sa mga “durog” ang malamang na nagsimulang humitit ng marijuana dahilan sa pag-uusyoso. Hindi kataka-taka, kung gayon, na hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na supilin ang hindi mabuting pag-uusyoso at “magpakasanggol kayo sa kasamaan.”—1 Corinto 14:20.
Sulit ba ang Kasiyahan sa mga Panganib?
Subalit kumusta naman ang tungkol sa malaking kasiyahan na dulot ng pagiging lango? Sa kasamaang palad, maraming bagay ang nagdadala hindi lamang ng kasiyahan kundi gayundin ng kirot. Halimbawa, ang pagmamalabis sa alkohol ay maaaring tila kasiya-siya. Sa lasenggo, ang alak “ay nagbibigay ng kaniyang kislap sa saro,” at kapag nilulon, “ito’y masarap.” Subalit sinasabi ng Bibliya: “Sa huli ay kumakagat ito na parang ahas, at naglalabas ito ng kamandag na parang ulupong. Ang iyong mga mata ay makakakita ng kakatwang mga bagay, at ang iyong puso ay magsasalita ng napakasamang mga bagay.” (Kawikaan 23:31-33) Ang pagmamalabis kaya sa marijuana ay maging ‘nakalalason’ din? Ganito ang sabi ng isang pulyeto na ginawa ng U.S. Department of Health and Human Services: “Ang pinakakaraniwang masamang reaksiyon sa marijuana ay ang pagkabalisa, kung minsan ay sinasamahan ng labis-labis na paghihinala; ang mga ito ay maaaring mula sa panlahat na paghihinala hanggang sa takot na mawalan ng kontrol at pagkabaliw. . . . Ang ibang mga gumagamit ng marijuana ay maaaring mangailangan ng propesyonal na tulong.”
Idagdag pa rito ang mga panganib sa kalusugan. Ipinakikita ng nailathalang mga ulat na ang marijuana ay isang tunay na panganib sa kalusugan! Gayunman, sa pag-uusisa kapag tinatanong, “Inaakala mo bang ang paghitit ng marijuana ay masama sa iyong kalusugan?” halos kalahati ng isang pangkat ng mga kabataang humihitit ng marijuana ang sumagot ng hindi! Ganito ang paliwanag ng mga awtor ng Talking With Your Teenager: “Maraming mga tin-edyer ang hindi nahihikayat ng mga pagsasaalang-alang na ito sa kalusugan, dahilan sa sila ay malakas at punô ng kasiglahan anupa’t hindi sila naniniwala na maaaring maapektuhan ang kanilang kalusugan. Ang damdamin na ito na ‘pagiging hindi tinatablan’ ay karaniwan sa nagbibinata o nagdadalaga. Nakikita ng mga tin-edyer ang kanser sa baga, alkoholismo, malubhang pagkasugapa sa droga, bilang mga bagay na nangyayari sa mas matandang mga tao hindi sa kanila.”
“Nang magsimula akong humitit ng marijuana,” gunita ng isang binatang nagngangalang David, “marami na akong narinig na mga adultong nagsasabi na ito’y masama sa iyo. Tapatan, hindi ako naniniwala sa kanila. Tutal, mayroon akong mga kaibigan na humihitit nito, at waring hindi naman nakasamâ ito sa aking mga kaibigan. Ang nakatatakot na mga istorya na narinig ko mula sa nakatatandang salinlahi ay hindi kasuwato ng aking nakikita. Kaya inakala ko na ito ay propaganda lamang.”
Gayunman, si David ay natuto sa mahirap na paraan na ang ilan sa “nakatatakot na mga istorya” ay totoo. Ikaw man din, ay huwag padaya sa pag-aakala na ikaw ay hindi tatablan ng pinsala sapagkat ikaw ay bata. “Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.” (Galacia 6:7) Abusuhin mo ang iyong isipan at katawan, at pagbabayaran mo ito sa lalong madaling panahon kaysa iyong inaakala. Gamitin mo ang iyong kakayahang mag-isip, at iwasan ang di kinakailangang panganib.
Maaari Kang Tumanggi!
Isang pulyetong inilathala ng National Institute on Drug Abuse (E.U.) ay nagpapaalaala sa atin: “Ang pagtangging gumamit ng droga . . . ay karapatan mo. Ang sinumang kaibigan na umaasa sa iyong disisyon ay nag-aalis ng iyong karapatan bilang isang malayang indibiduwal.” Kaya, ano ang maaari mong gawin kung may mag-alok sa iyo ng marijuana? Magkaroon ng tibay-loob na tumanggi! Ito ay hindi naman nangangailangan ng pagbibigay ng isang sermon tungkol sa mga kasamaan ng pag-abuso sa droga. Ang pulyeto ring iyon ay nagmumungkahi ng basta pagsagot na, “Salamat na lang, ayaw kong humitit” o, “Hindi, ayaw ko ng gulo,” o maaari mo ring sabihin, “Ayaw kong dumhan ang aking katawan.” Gayunman mas mabuti pa, ipaalam mo sa iba na ikaw ay isang Kristiyano. Baka ipasiya nila na huwag kang pakialaman.
Maaaring pahalagahan o hindi ng iba ang iyong pasiya. Subalit tandaan: Ang isipan mo, ang katawan mo, at ang buhay mo ang nakataya.
[Talababa]
a Mga 29 porsiyento lamang ng mga humihitit ng marijuana sa nabanggit na surbey ang nag-aakalang alam ng kanilang mga magulang ang tungkol sa kanilang bisyo, at halos kalahati ang nagsabi na sila’y magsisinungaling kung sila’y tatanungin tungkol dito.
[Blurb sa pahina 16]
Ang paghitit ng marijuana ay “hindi na nga ang popular na bagay. Basta bahagi na ito ng buhay ng halos lahat.”—Isang 14-taóng-gulang na babae
[Blurb sa pahina 18]
“Nakikita ng mga tin-edyer ang kanser sa baga, alkoholismo, malubhang pagkasugapa sa droga, bilang mga bagay na nangyayari sa mas matandang mga tao, hindi sa kanila”
[Larawan sa pahina 17]
Kadalasan nang nakikilala ng mga kabataan ang mga droga dahil sa kanilang mga kaibigan