Pag-aabuso sa Droga—May Lunas!
“PAGKARAMI-RAMING Kontrabandong Cocaine Natagpuan sa mga Bote ng Alak.” Ipinaliwanag sa artikulo sa pahayagan kasunod ng ulong-balitang iyan kung paano nakumpiska ng mga pulis sa Johannesburg, Timog Aprika, ang isang shipping container na may 11,600 bote ng alak na mula sa Timog Amerika. Nakahalo sa mga bote ng alak ang cocaine na ang timbang ay nasa pagitan ng 150 at 180 kilo. Pinaniniwalaang ito ang pinakamalaking bulto ng cocaine na nakapasok sa bansa hanggang sa kasalukuyan.
Bagaman ang gayong mga pagsamsam ay nagbibigay ng pag-asa, ang totoo, tinatayang 10 hanggang 15 porsiyento lamang ng ipinagbabawal na droga ang nakukumpiska ng mga pulis sa buong daigdig. Nakalulungkot, ito’y katulad ng isang hardinero na nag-aalis ng ilang dahon mula sa isang napakamapaminsalang damong ligáw ngunit iniiwan naman niya sa lupa ang mga ugat nito.
Ang malalaking tubo na nanggagaling sa droga ay nakahahadlang sa mga pagsisikap ng mga pamahalaan na sugpuin ang produksiyon at pagbebenta ng mga ito. Sa Estados Unidos lamang, tinatayang bilyun-bilyong dolyar ang halaga ng ipinagbabawal na droga na naibebenta taun-taon. Yamang gayon kalaking halaga ng salapi ang nasasangkot, hindi kataka-taka na ang mga opisyal ng pulisya at pamahalaan, maging ang ilan na nasa matataas na posisyon, ay maaaring matuksong gumawa ng katiwalian.
Si Alex Bellos ng pahayagang The Guardian Weekly ay nag-ulat mula sa Brazil na ayon sa isang imbestigasyon ng parlamento, “tatlong kongresista, 12 kinatawan ng estado at tatlong alkalde ang binanggit . . . sa isang listahan ng mahigit sa 800 katao na diumano’y kasangkot sa organisadong krimen at pagbebenta ng droga sa Brazil.” May kasama rin sa listahan na “mga pulis, mga abogado, mga negosyante at mga magsasaka sa 17 sa 27 estado.” Tungkol sa mga natuklasang ito, sinabi ng isang propesor ng pulitika sa Brasília University: “Ito’y isang lansakang pagtuligsa sa lahat ng bahagi ng lipunan ng Brazil.” Gayundin ang masasabi hinggil sa maraming lipunan kung saan laganap ang mga droga. Ang mga tuntunin ng pamilihan hinggil sa supply and demand ang nagsisilbing gatong sa problema.
Dahilan sa limitadong tagumpay ng mga paghihigpit ng batas, itinataguyod ng iba ang paggawang legal sa ilang droga. Ang pinakaideya nito ay na dapat pahintulutan ang mga indibiduwal na magkaroon ng kaunti para sa personal na paggamit. Inaakalang dahil dito ay higit na magiging madali sa mga pamahalaan ang pagkontrol at mababawasan ang napakalaking tubo ng mga drug lord.
Nagtagumpay ang Ilan
Sa umpisa ay maaaring pagalingin ng detoxification ang pagkahumaling ng mga sugapa sa droga at pagkatapos ay pabutihin ang kanilang pisikal na kalusugan. Ngunit nakalulungkot, malaki ang tsansa na kapag bumalik ang sugapa sa kaniyang dating kapaligiran, matutukso siyang muling gumamit ng droga. Ibinigay ng manunulat na si Luigi Zoja ang dahilan nito: “Imposibleng basta na lamang alisin ang isang paggawi nang hindi ibinabaling ang pasyente tungo sa isang ganap na bagong paraan ng pag-iisip.”
Si Darren, na nabanggit sa sinundang artikulo, ay nakasumpong ng isang “bagong paraan ng pag-iisip” na nagpabago sa kaniyang buhay. Ipinaliwanag niya: “Ako’y isang nag-aangking ateista, ngunit sa kalaunan, bagaman lango ako sa droga mula umaga hanggang gabi, napag-isip-isip kong tiyak na may Diyos. Sa loob ng dalawa o tatlong buwan, sinikap kong makalaya sa droga, ngunit ayaw ng mga kaibigan ko na tanggihan ko iyon. Bagaman gumagamit pa rin ako ng droga, inumpisahan kong basahin ang Bibliya nang regular bago ako matulog sa gabi. Binawasan ko ang pakikisama sa aking mga kaibigan. Isang gabi, kami ng aking kakuwarto ay langung-lango sa droga. Nabanggit ko sa kaniya ang Bibliya. Kinaumagahan, tinawagan niya sa telepono ang kaniyang kuya, na isa sa mga Saksi ni Jehova. Pinapunta niya kami sa isang Saksi na nakatira sa mismong lunsod na kinaroroonan namin, at nakipagkita ako sa kaniya.
“Nag-usap kami hanggang alas 11:00 n.g., at umalis ako na may dalang mga sandosenang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Ako’y nagsimulang makipag-aral sa kaniya ng Bibliya at huminto sa pag-aabuso sa droga at sa paninigarilyo. Pagkalipas ng mga siyam na buwan, nabautismuhan ako bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.”
Hindi madaling alisin ang pagkasugapa sa droga. Inilahad ni Michael, na binanggit sa naunang artikulo, ang mga paghihirap na naranasan niya nang huminto siya sa paggamit ng droga pagkatapos ng 11-taóng pag-aabuso: “Hirap na hirap akong kumain at dahil dito ay nangayayat ako. Nakaranas din ako ng pamamanhid sa katawan, sobrang pamamawis, at nakakita ng liwanag sa palibot ng mga tao. Ako’y nakadama ng napakatinding pagnanasa na bumalik sa droga, ngunit nakatulong sa akin ang paglapit kay Jehova sa panalangin at pag-aaral ng Bibliya upang manatiling malaya sa droga.” Ang mga ito na dating nag-aabuso sa droga ay sumasang-ayon na naging mahalaga sa kanila na lubusang lumayo sa mga dati nilang kasamahan.
Kung Bakit Nabibigo ang mga Pagsisikap ng Tao
Ang pag-aabuso sa ipinagbabawal na droga ay isang aspekto lamang ng isang mas malaking pangglobong suliranin. Isang napakalakas na impluwensiya ukol sa kasamaan, karahasan, at kalupitan ang namamayani sa buong daigdig. Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang “isa na balakyot” ay ipinakikilala ni apostol Juan sa Apocalipsis 12:9: “Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”
Bukod pa sa kaniyang sariling mga kahinaan, kailangang makipaglaban ang tao sa makapangyarihang kaaway na ito. Si Satanas ang dahilan ng pagbagsak ng tao sa pasimula. Determinado siyang lalo pang pasamain ang sangkatauhan at ilayo sila sa Diyos. Ang pag-aabuso ng sangkatauhan sa droga ay lumilitaw na bahagi ng kaniyang pamamaraan. Siya’y kumikilos na may malaking galit sapagkat alam niya na “mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:12.
Ano ang Solusyon ng Diyos?
Isinisiwalat ng Bibliya ang maibiging paglalaan ng Maylalang na tubusin ang sangkatauhan mula sa kanilang makasalanang kalagayan. Sa 1 Corinto 15:22, sinasabi sa atin: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” Malugod na pumarito si Jesus sa lupa bilang isang taong sakdal at inihain ang kaniyang makalupang buhay upang tubusin ang sangkatauhan mula sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan.
Ang kabatiran sa sanhi ng kamatayan at gayundin sa solusyon sa mga suliranin ng tao ay nagbigay sa maraming tao ng pangganyak at tibay ng loob upang sikaping makalaya mula sa pagkasugapa sa droga. Ngunit higit pa ang ginagawa ng Bibliya kaysa sa pagtulong sa atin bilang mga indibiduwal sa pagharap sa problema sa droga ngayon. Sinasabi nito ang pagdating ng panahon, pagkatapos na pawiin ang impluwensiya ni Satanas, na ang lahat ng suliranin ng daigdig, kasama na ang pag-aabuso sa droga, ay magwawakas nang lubusan.
Inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang “isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.” (Apocalipsis 22:1) Ang simbolikong ilog na ito ay lumalarawan sa paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo upang maisauli ang tao sa sakdal na buhay sa isang lupang paraiso. Inilalarawan ng Apocalipsis ang mga punungkahoy ng buhay na tumutubo sa tabi ng ilog at sinasabi: “Ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:2) Ang simbolikong mga dahong iyon ay lumalarawan sa nagpapagaling na mga paglalaan ni Jehova upang isauli ang sangkatauhan sa espirituwal at pisikal na kasakdalan.
Sa wakas, ang tao ay makalalaya, hindi lamang mula sa pag-aabuso sa droga kundi mula rin sa lahat ng iba pang sakit at suliranin na sumasalot sa kaniya sa bulok na sistemang ito!
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Gaano Kaligtas ang Paggamit ng Marihuwana?
Pinag-iisipan ng ilang bansa na gawing legal ang marihuwana, pangunahin na para sa panggagamot. Napatunayang pinagagaan ng drogang ito ang pagduduwal na dulot ng chemotherapy, at ito’y talagang nakatutulong sa mga may AIDS upang madaig ang kawalan ng gana sa pagkain. Ginagamit din ito bilang pamawi ng kirot.
Bagaman may di-pagkakasundo tungkol sa mga resulta ng mga natuklasan sa pananaliksik, napatunayan ng mga pagsusuri na iniulat sa magasing New Scientist ang ilan sa masasamang epekto ng marihuwana.
Pinaghambing ng isang pagsusuri sa Harvard University ang isang grupo na humitit ng marihuwana araw-araw at ang isang grupo na hindi kasindalas gumamit nito. Wala silang natuklasang malaking pagkakaiba sa mga pamantayang pagsusuri sa isip. Gayunman, sa isang pagsusuri may kaugnayan sa kakayahang makibagay, mas mababa ang iskor ng mga madalas gumamit ng marihuwana.
Sinuri ng isa pang unibersidad ang isang grupo ng mga regular na humihitit ng marihuwana at ang isang grupo ng mga naninigarilyo, sa loob ng 15 taon. Ang mga humihitit ng marihuwana ay kadalasang nakakatatlo o apat na bilot bawat araw, samantalang ang mga naninigarilyo ay nakauubos ng 20 sigarilyo o mahigit pa bawat araw. Magkaparehong bilang mula sa dalawang grupo ang nakaranas ng ubo at brongkitis. Ipinakita ng pagsusuri sa bagà ang magkatulad na pinsala sa mga selula sa dalawang grupo.
Bagaman mas madalang ang paghitit niyaong mga nagmamarihuwana, natuklasang ang isang bilot ng marihuwana ay naglalabas ng tatlong ulit ng tar kung ihahambing sa sigarilyo. Bukod pa riyan, iniulat ng New Scientist: “Ang mga humihitit ng marihuwana ay mas malalim kung lumanghap at mas matagal magpigil ng hininga.”
Karagdagan pa, ang kakayahang lumaban sa baktirya ng mga selulang pang-imyunidad mula sa bagà ng mga humihitit ng marihuwana ay natuklasang mas mababa ng 35 porsiyento kaysa sa mga selula mula sa mga naninigarilyo.
[Credit Line]
U.S. Navy photo
[Kahon sa pahina 11]
“Isang Masakit na Pagtuligsa” sa mga Magulang
Isang editoryal sa pahayagang Saturday Star sa Timog Aprika ang nagpahayag ng pagkabahala sa nakababahalang paglago ng pag-aabuso sa droga ng mga kabataan sa Timog Aprika at nagsabi:
“Ang paggawa nito [paggamit ng droga] ng ating mga anak ay kadalasan nang isang masakit na pagtuligsa sa atin bilang mga magulang at sa lipunan sa pangkalahatan. Bawat linggo ay nagpapakahirap tayo para kumita ng pera, anupat sumasamba sa templo ng tagumpay sa materyal. Sinasaid ng ating mga anak ang ating pag-iisip, ang ating lakas. De-kalidad na panahon? Madali silang bigyan ng pera para huwag na lamang nila tayong abalahin. Mas madali ito kaysa sa makinig sa kanila—sa mga kinatatakutan nila, mga inaasam nila, mga problema nila. Ngayong gabi, habang nakaupo tayo sa harap ng mesa sa isang restawran o nagrerelaks sa harap ng TV, alam man lamang ba natin kung ano ang kanilang ginagawa?”
O, idagdag pa natin, kung ano ang kanilang iniisip?
[Larawan sa pahina 10]
Marami ang naganyak na lumaya mula sa pag-aabuso sa droga