Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/8 p. 11-14
  • Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsalakay sa Suplay
  • Maaari Bang Mabawasan ang Pangangailangan sa Droga?
  • Ang Ginawa ng mga Saksi ni Jehova
  • Tunay na Pag-asa at Kahulugan
  • Ilegal na Negosyante ng Droga na Naging Tagalatag ng Ladrilyo
  • Isang Pangglobong Lunas na Maaasahan
  • Kailangan Mo ba ng Tulong?
  • Kung Paanong ang Bawal na Droga ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay
    Gumising!—1999
  • Droga—Mayroon Bang Anumang Pag-asa?
    Gumising!—1988
  • Mga Buhay na Nawasak, Mga Buhay na Nasawi
    Gumising!—1999
  • Droga—Sumisidhi ang Problema
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/8 p. 11-14

Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?

ANG pagtatagumpay sa pakikipagbaka sa droga ay isang kapuri-puring tunguhin, subalit hindi ito madaling gawin. Dalawang makapangyarihang bagay ang nag-uudyok sa bawal na kalakalan ng droga​—ang suplay at ang pangangailangan. Sa loob halos ng isang dantaon, pinagtuunan ng pansin ng mga pamahalaan at ng mga puwersa ng pulisya ang pagbawas sa suplay. Simple lang ang kanilang palagay: Walang droga, walang mga sugapa sa droga.

Pagsalakay sa Suplay

Sa layuning ito, ang mga drug squad ng pulisya ay nakasamsam ng malalaking kargamento ng droga, at ang pagtutulungan ng mga bansa ay humantong sa pagkakakulong ng kilalang ilegal na mga negosyante ng droga. Subalit ang malupit na katotohanan ay na bagaman maaaring mapilitang lumipat sa ibang lugar ang ilang ilegal na mga negosyante ng droga, humanap ng ibang pamilihan, o maging higit na mapangatha dahil sa mabisang pagmamatyag ng pulisya, hindi nito napahinto ang mga ito. “Hindi namin kailanman matatapatan ang mga negosyante ng droga hangga’t mayroon silang walang-takdang pondo at kami nama’y nakikipagpunyaging makakuha ng pondo mula sa badyet para sa pakikipaglaban,” ang sabi ng isang eksperto sa narkotiko.

Si Joe de la Rosa, isang opisyal sa pagsugpo ng krimen ng Gibraltar Police Force, ay nagsabi sa Gumising! tungkol sa problema ng pagsugpo sa ilegal na kalakalan ng droga sa pagitan ng Aprika at ng Iberian Peninsula. “Noong 1997, nakatipon kami ng halos 400 kilo [880 libra] ng resinang cannabis,” aniya. “Karamihan nito ay hindi aktuwal na nasamsam mula sa ilegal na mga negosyante ng droga; nasumpungan itong lumulutang sa dagat o napadpad sa mga dalampasigan. Nagbibigay ito sa iyo ng ideya kung gaano karaming droga ang naitatawid sa Strait of Gibraltar taun-taon. Ang nasamsam namin ay ganggakalingkingan lamang. Ang mga humahakot na ang regular na ruta ay mula Aprika patungong Espanya ay may mga speedboat na mas mabilis kaysa sa mga bangkang de motor ng mga opisyal ng adwana. At kung mapagwari nilang sila’y nanganganib na mahuli, basta nila inihahagis ang droga sa dagat, kaya wala kaming ebidensiya upang idemanda sila.”

Gayunding problema ang nakakaharap ng pulisya sa iba pang bahagi ng daigdig. Ang mukhang-ordinaryong mga manlalakbay, mga eroplanong kakaunti ang sakay na kargamento, mga barkong naglululan ng malalaking container, at maging ang mga submarino ay nagpupuslit ng droga sa mga karagatan o sa napapasok na mga hanggahan. Tinataya ng isang ulat ng United Nations na “hindi kukulanging 75 porsiyento ng internasyonal na mga kargamento ng droga ay kailangang maharang upang mabawasan nang malaki ang kita sa ilegal na kalakalan ng droga.” Sa kasalukuyan, ang dami ng nahaharang ay marahil hindi na tataas pa sa 30 porsiyento para sa cocaine​—at mas kaunti pa sa ibang droga.

Kaya bakit hindi salakayin ng mga pamahalaan ang problema sa mismong pinagmumulan nito at sirain ang lahat ng aning cannabis, mga opium poppy, at mga palumpong ng coca? Iminungkahi kamakailan ng United Nations ang hakbang na iyan, subalit hindi ito madali. Ang cannabis ay maaaring itanim sa halos saanmang hardin. Isang pangunahing lugar sa Andes na taniman ng coca ay nasa isang rehiyon na inilarawan na “nasa labas ng kontrol ng estado.” Gayunding mga situwasyon ang umiiral sa liblib na mga dako ng Afghanistan at Burma, na siyang pangunahing pinagmumulan ng opyo at heroin.

Nakadaragdag pa sa problema, madaling lumipat ang ilegal na mga negosyante ng droga sa mga designer drug, na may lumalaking pangangailangan. At magagawa sa lihim na mga laboratoryo ang sintetik na mga drogang ito halos saanman sa daigdig.

Maaari kayang mabawasan ng mas mabisang pagmamatyag ng pulisya at mas mahihigpit na sentensiyang pagkabilanggo ang kalakalan ng droga? Talagang napakaraming nagtutulak ng droga, napakaraming sugapa, at napakakaunting pulis upang maging mabisa ang pamamaraang ito. Halimbawa, may halos dalawang milyong tao ang nakakulong sa Estados Unidos​—ang karamihan sa kanila ay dahil sa mga paglabag na nauugnay sa droga. Subalit hindi rin nahadlangan ng banta ng pagkabilanggo ang mga tao sa paggamit ng droga. Sa maraming papaunlad na bansa kung saan lumalakas ang benta ng droga, walang magawa ang kakaunti at mababa ang sahod na mga pulis upang labanan ito.

Maaari Bang Mabawasan ang Pangangailangan sa Droga?

Kung mapatunayang walang silbi ang mga pagsisikap upang masugpo ang suplay ng droga, kumusta naman ang pagbawas sa pangangailangan? “Ang pakikipagbaka sa droga ay sa katunayan isang pakikipagpunyagi sa mga puso at isipan, at hindi lamang ito isang isyu para sa mga pulis at mga hukuman at mga bilangguan,” sabi ng magasing Time.

Naniniwala rin si Joe de la Rosa, sinipi kanina, na ang edukasyon ang tanging paraan upang labanan ang ilegal na droga. “Ang pagkasugapa sa droga ay isang problemang panlipunan na nilikha ng lipunan, kaya kailangan nating baguhin ang lipunan o sa paano man ay baguhin ang paraan ng pag-iisip ng mga tao,” aniya. “Sinisikap nating isangkot ang mga paaralan, mga magulang, at mga guro upang ang lahat ay magkaroon ng kabatiran na may panganib, na maaaring makakuha ng mga droga, at na maaaring maging biktima ang kanilang mga anak.”

Ang Ginawa ng mga Saksi ni Jehova

Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi ni Jehova ay aktibong nasangkot sa pagtuturo sa mga tao na umiwas sa droga. Naghanda sila ng mga impormasyon na dinisenyo upang tulungan ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol sa mga panganib ng droga.a Bukod pa riyan, ang kanilang ministeryo ay nakatulong sa mga gumagamit ng droga at sa mga ilegal na negosyante ng droga na magbagong-buhay.

Si Ana, na nabanggit sa naunang artikulo, ay ipinakilala sa mga Saksi ni Jehova dahil nabalitaan ng kaniyang kapatid na babae ang tungkol sa kanilang tagumpay sa pagtulong sa mga sugapa sa droga. Hindi talaga interesado si Ana sa Bibliya, subalit atubili siyang nagpunta sa isang asamblea na idinaos ng mga Saksi. Nakita niya roon ang isang lalaki na dating kilalang nagtutulak ng droga subalit lubusan nang nagbago kapuwa sa kaniyang hitsura at istilo ng pamumuhay. “Naisip ko na kung nagawa niyang magbago, magagawa ko rin,” sabi ni Ana. “Ang kaniyang pagbabago ay nakakumbinse sa akin na dapat kong tanggapin ang alok na isang pag-aaral sa Bibliya.

“Mula sa aking unang pag-aaral sa Bibliya, naipasiya kong manatili sa bahay, yamang alam kong kapag umalis ako ng bahay, makikita ko ang ibang gumagamit ng droga at ako’y babalik sa paggamit ng droga. Alam ko nang masama ang droga at na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang bisyong ito. Nakita ko rin ang epekto ng droga sa mga tao at ang pinsalang nagawa ko sa aking sariling pamilya. Subalit kailangan ko ng espirituwal na lakas upang makaalpas ako mula sa pagkaalipin ko dahil sa droga. Mahirap ang proseso na paghinto sa paggamit ng droga. Sa sandaling panahon, wala na akong ginawa kundi ang matulog na lamang habang nababawasan ang mga epekto ng droga. Subalit sulit naman ito.”

Tunay na Pag-asa at Kahulugan

Gayundin ang pag-alpas ni Pedro, ang asawa ni Ana, na nabanggit din sa naunang artikulo. “Isang araw, samantalang humihitit ng hashish sa bahay ng aking kapatid na lalaki, nakita ko ang isang aklat na may pamagat na nakatawag ng aking pansin,” gunita ni Pedro. “Ito’y pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Iniuwi ko ito, binasa ito, at sinuri ko ang mga kasulatan. Natiyak ko na nasumpungan ko na ang katotohanan.

“Ang pagbabasa ng Bibliya at ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa aking natututuhan ay nagpabuti sa aking pakiramdam at nabawasan nito ang paghahangad ko sa droga. Naipasiya kong huwag nang ituloy ang aking planong armadong pagnanakaw sa isang gasolinahan. Isang kaibigan ang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at di-nagtagal ay tinularan ko ang kaniyang halimbawa. Sa loob ng siyam na buwan ay binago ko ang aking istilo ng pamumuhay at ako’y nabautismuhan. Sa panahong ito, maraming dating kaibigan ang nag-alok sa akin ng droga, subalit agad kong ipinakipag-usap sa kanila ang tungkol sa Bibliya. Ang ilan ay tumugon nang may pagpapahalaga. Napagtagumpayan pa nga ng isa ang kaniyang pagkasugapa.

“Upang maihinto ang bisyo sa droga, kailangang magkaroon ka ng pag-asa. Ang Bibliya ang nagbigay sa akin ng pag-asang ito, nagbigay ng kahulugan sa aking buhay, at malinaw na nagpakita sa akin ng pangmalas ng Diyos tungkol sa droga at sa karahasan. Napansin ko na bumuti ang pakiramdam ko habang natututuhan ko ang tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat​—at wala itong masasamang epekto. Nang maglaon, ang pakikisama sa malinis-ang-pamumuhay na mga tao sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa akin na magpatuloy sa landasing ito.”

Ilegal na Negosyante ng Droga na Naging Tagalatag ng Ladrilyo

Si José, ang ilegal na negosyante ng droga na nabanggit sa naunang artikulo, ay isa muling tagalatag ng ladrilyo. Hindi naging madali para sa kaniya na ihinto ang kaniyang negosyo na malaki ang kita. “Kumikita ka ng malaking pera sa droga,” sabi niya, “subalit hindi ito isang mabuting paraan upang kumita ng pera. Nakikita ko ang mga kabataan na may mga baril at magagarang kotse. Nasisira ang mga pamilya, laganap ang krimen sa mga lansangan, at maraming sugapa sa droga ang nanloloob sa mga kotse, nagnanakaw sa mga tindahan o nambubugbog ng mga tao upang magkapera para sa droga. Marami ang nagsisimula sa hashish, sumusulong tungo sa ecstasy o sa iba pang pildoras, at pagkatapos ay sumusubok sa cocaine o sa heroin pa nga. Natanto ko na sangkot ako sa pagsisimula ng marami sa bisyong ito.

“Habang nakikipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, lalo akong nakumbinsi na mali ang pagkasangkot ko sa droga. Ibig kong magkaroon ng isang malinis na budhi, at gayundin ang nais ng asawa ko na nakipag-aral din. Sabihin pa, mahirap huminto sa negosyo ng droga. Ipinaliwanag ko sa aking mga kliyente at ilegal na mga negosyante na ako’y nag-aaral ng Bibliya at tinalikdan ko na ang negosyo ng droga. Sa simula, ayaw nilang maniwala sa akin, at hindi pa rin naniniwala ang ilan. Gayunpaman, huminto na ako halos dalawang taon na ang nakalipas, at hindi ko pinagsisisihan ito kahit sa isang saglit.

“Sa nakalipas na taon, nagtrabaho ako bilang isang tagalatag ng ladrilyo, na siya kong hanapbuhay. Ngayon, kumikita ako sa loob ng isang buwan ng sangkapat ng kikitain ko sa isang araw bilang isang negosyante ng droga. Subalit ito ang mas mabuting buhay, at mas maligaya ako.”

Isang Pangglobong Lunas na Maaasahan

Tinalikdan na ng ilang malakas ang loob na mga negosyante ng droga ang pangangalakal nito. At iba’t ibang anyo ng pagpapanibagong-buhay ang nakatulong sa libu-libong gumagamit na mapagtagumpayan ang kanilang pagkasugapa. Subalit, gaya ng kinikilala ng World Drug Report, “para sa matagal nang gumagamit at malakas gumamit ng droga, ang patuluyang pag-iwas ay eksepsiyon sa halip na ang tuntunin.” Nakalulungkot naman, sa bawat sugapa na nagbagong-buhay, ilang bagong biktima ang nasisilo. Patuloy na lumalago ang suplay at pangangailangan.

Upang mapagtagumpayan ang pakikipagbaka sa droga, dapat na magkaroon ng isang pangglobong lunas sapagkat ang problema ay pangglobo na. May kinalaman sa bagay na ito, ganito ang sabi ng United Nations Commission on Narcotic Drugs: “Bagaman ang pag-abuso sa droga, ilegal na pangangalakal ng droga at ang kriminalidad na nauugnay sa problema ng droga ay itinuturing sa karamihan ng mga bansa bilang isang malaking banta sa seguridad, hindi gaanong nababatid ng publiko ang bagay na ang bawal na droga ay isang pangglobong problema na hindi na kayang lutasin ng pambansang mga pagsisikap lamang.”

Subalit magtutulung-tulong ba ang mga pamahalaan ng daigdig upang alisin ang pangglobong salot na ito? Sa ngayon ang mga resulta ay hindi nakapagpapatibay-loob. Gayunman, binabanggit ng Bibliya ang isang makalangit na pamahalaan na lalampas pa sa pambansang mga hanggahan bilang siyang tiyak na lunas. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang Kaharian ng Diyos, sa pamamahala ni Jesu-Kristo, ay mananatili “magpakailan kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Kung gayon, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, titiyakin ng edukasyon mula sa Diyos na maglalaho ang pangangailangan para sa droga. (Isaias 54:13) At ang mga problemang panlipunan at pandamdamin na lubhang nagtutulak para sa pag-abuso sa droga ay mawawala na magpakailanman.​—Awit 55:22; 72:12; Mikas 4:4.

Kailangan Mo ba ng Tulong?

Kahit na sa ngayon, ang pag-asa sa Kaharian ng Diyos na nasa mga kamay ni Kristo ay humihimok sa mga tao na tanggihan ang droga. Kung nais mo ng higit pang impormasyon, pakisuyong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.

[Talababa]

a Tingnan ang kabanata 34 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na pinamagatang “Bakit Magsasabi ng Hindi sa Droga?,” na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 11]

Isinasagawang pag-aresto laban sa droga

[Credit Line]

K. Sklute/SuperStock

[Larawan sa pahina 12]

Si Pedro at ang kaniyang asawa, si Ana, na nakikipag-aral ng Bibliya sa kanilang mga anak

[Larawan sa pahina 13]

Si Pedro na nagkakabit ng aparatong panseguridad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share