Droga—Sumisidhi ang Problema
ANG droga ay laman ng balita sa mga araw na ito. Mahirap kumuha ng isang diyaryo o isang magasin at hindi makita ang ilang pagbanggit tungkol sa mga problema sa droga: Isang diplomatiko ay nahuling nagpapasok ng droga sa isang bansa. Isang lider ng bansa ang isinuplong sa kaniyang bahagi sa mga gawaing pagpupuslit ng droga. Isang kilalang manlalaro ay kailangang pasailalim ng rehabilitasyon dahil sa droga. Sinalakay ng pederal na mga ahente ang isang eruplano o isang bapor at nakakuha ng isang malaking huli ng mga narkotiko. Isang bantog na mang-aaliw ay namatay dahil sa labis na dosis ng droga. Isang inhinyerong nasangkot sa isang pagkawasak ng tren ay nasumpungang nasa ilalim ng impluwensiya ng droga. Ginagawa ng isang pulitiko ang pagsawata sa droga na pangunahing isyu ng kaniyang kampaniya. At patuloy pa ang mga balita.
Gayon na lamang kasidhi ang isyu tungkol sa droga anupa’t noong nakalipas na taon 24 na mga bansa ang nagsama-sama sa pagsawata sa droga. Kanilang “sinira ang 5,046 metrikong tonelada ng dahon ng coca at 17,585 tonelada ng tanim na marijuana,” sabi ng U.S.News & World Report. “Datapuwat, ang Kagawaran ng Estado [ng E.U.] ay naghihinuha na ang kasalukuyang mga programa ng paglipol ay ‘hindi sapat upang bawasan ang pandaigdig na suplay ng narkotiko.’”
Ang pagkumpiska ng mga droga, pag-aresto, at paghatol ay dumami, subalit gayundin ang suplay ng ipinagbabawal na droga. Maliit na bahagi lamang ng inilalabas na droga ang nasusumpungan at nasasamsam, at sa maraming dako ang mga droga ay mas madaling makuha kaysa dati. Halimbawa, sa kabila ng sama-samang pagsisikap noong 1986 na salakayin at sirain ang mga laboratoryong gumagawa ng cocaine, ang produksiyon ng cocaine mula sa mga dahon ng coca sa Bolivia, Colombia, at Peru ay aktuwal na dumami ng 10 porsiyento sa pagitan ng 1986 at 1987. Ang cocaine ngayon na nabibili sa mga lansangan ay mas puro, at ang presyo ay lubhang bumaba—katibayan ng pagdami ng panustos.
“Ang Estados Unidos ang may pinakamataas na antas ng paggamit sa ipinagbabawal na droga ng mga kabataan sa alinmang industriyalisadong bansa sa daigdig, at ang pagpapakilala sa paggamit ng droga ay nangyayari sa mas maagang gulang kaysa kailanman,” sabi ng isang report mula sa Behavior Today. Isiniwalat ng isang surbey na mahigit na kalahati ng lahat ng mga high school senior ay umamin na sila ay sumubok ng isang ipinagbabawal na droga sa kanilang buhay at na ang mataas na katumbasang ito ay lumalago pa tungo sa halos 80 porsiyento pataas sa mga nasa kanilang kalagitnaang-20’s. Ang Estados Unidos ngayon ay may tinatayang 1.2 milyong mga sugapa sa droga, at 23 milyong mahigit pa ang gumagamit ng “panlibang” na droga.
Ang iba pang mga bansa ay saklaw din ng epidemya sa droga. Sinipi ng pahayagang Sobyet na Pravda ang Ministro ng Internal Affairs na si Alexander Vlasov na nagsasabi: “Ang pakikipagbaka laban sa pagkasugapa sa droga at sa krimen na nauugnay rito ay naging isa sa pangunahing atas ng Internal Affairs Ministry.” Gaya ng iniulat sa Soviet Weekly, “ang mga sakdal na nauugnay-sa-droga ay ginawa laban sa 80,000 mga Sobyet sa nakalipas na dalawang taon,” at sa kabila ng paggamot sa mga sugapa, “ang problema ay nananatiling isang pangunahing problema, na may 131,000 nakarehistrong mga gumagamit ng droga.”
Ang Hungary ay sinasabing mayroong sa pagitan ng 30,000 at 50,000 mga sugapa sa droga, at ang Poland ay may tinatayang 200,000 hanggang 600,000 mga sugapa at mga gumagamit ng matatapang na droga, karamihan ay mga kabataang wala pang 25 anyos. Tinataya ng Pakistan na mayroon itong halos 313,000 mga sugapa sa opyo at 150,000 mga sugapa sa heroin. Ang membro ng Parlamento ng Europa na si Sir Jack Stewart Clark ay humuhula na ang bilang ng regular na gumagamit ng cocaine sa Kanlurang Europa ay maaaring umabot ng tatlo hanggang apat na milyon sa kalagitnaang-1990’s. Ang Espanya ay mayroon nang tinatayang 60,000 hanggang 80,000 mga gumagamit ng cocaine.
Ang problema sa droga ay lubhang lumago anupa’t isang pag-aaral ng United Nations ay nagsabi na ito ngayon ay nasa punto na isasapanganib “ang mismong seguridad ng ilang estado.”
Bakit ba balitang-balita ang droga? Oo, bakit nga gumagamit ng droga ang mga tao? Bakit bigo ang malaganap na pagsisikap upang sawatain ang sumisidhing problema sa droga? Ano ang magagawa upang ihinto ang lumalagong panganib ng droga?