Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 12/8 p. 10-12
  • Droga—Mayroon Bang Anumang Pag-asa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Droga—Mayroon Bang Anumang Pag-asa?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bigo ang Pakikipagbaka sa Panustos na Droga
  • Ang Pagbabawas ba sa Pangangailangan ang Lunas?
  • Kung Saan Naroroon ang Pag-asa
  • Kung Paanong ang Bawal na Droga ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay
    Gumising!—1999
  • Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?
    Gumising!—1999
  • Droga—Sumisidhi ang Problema
    Gumising!—1988
  • Pagkagumon ng Daigdig sa Droga
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 12/8 p. 10-12

Droga​—Mayroon Bang Anumang Pag-asa?

BAKIT bigo ang lahat ng pagsisikap na sugpuin ang daluyong ng ipinagbabawal na droga? Ang dahilan sa maikli: SALAPI. Ang droga ay malaking negosyo. Ang mga pakinabang ay sinusukat sa bilyun-bilyong dolyar.

Ang kabuuang taunang kita mula sa benta ng narkotiko sa Estados Unidos lamang ay tinatayang nasa pagitan ng $60 bilyon at $120 bilyon. Kung aawasin mo ang mga $20 bilyon para sa mga pagkakagastos, mag-iiwan ito ng malinis na tubò na mula $40 bilyon hanggang $100 bilyon. “Ang negosyo ng droga, na ang laki ay $300 bilyon sa isang taon, ang pinakamalaking negosyo,” sabi ng World Press Review.

Palibhasa’y napakaraming salaping magagamit anumang oras, sinamantala ng mga negosyante ng droga ang likas na katakawan at kasakiman ng tao at natamo nila ang kapangyarihan na gawin ang balang maibigan nila. “Hindi na nila binibilang ang kanilang pera​—tinitimbang nila ito,” sabi ng isang tenyenteng pulis. “Maaari nilang bilhin ang mga saksi; maaari nilang bilhin ang sinumang maibigan nila.” Isang negosyante ng droga sa Bolivia ay iniulat na nag-alok na bayaran ang buong pagkakautang ng bansa na $3.8 bilyon kung pipigilan ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng mga batas tungkol sa narkotiko.

Nahigitan pa nga ng mga pinuno ng cocaine at marijuana sa Kanlurang Hemispero ang impluwensiya ng mas matatag na mga pinuno ng opyo sa Asia. “Dahil sa pagsusuhol at, kung kinakailangan, ang paggamit ng baril, ang mga pinuno ng droga ay nagpalaganap ng kabulukan mula sa Bolivia hanggang sa Bahamas, at sa mahigit na isang bansa sila ay nagbabantang palitan ang napiling gobyerno bilang ang nagpupunong kapangyarihan,” ulat ng magasing Time. “Tayo ay nakikipagbaka laban sa isang organisasyon na mas malakas kaysa estado,” sabi ng dating presidente ng Colombia na si Belisario Betancur.

Dapat alam niya. Sa Colombia, ang mga membro ng sindikatong Medellín, ang mga pinuno ng droga na nangingibabaw sa negosyo ng cocaine, ay nagsagawa ng marahas na kampaniya laban sa lahat ng sumasalansang o naghangad na ipagsakdal sila. Kabilang sa mga napatay ang isang ministro ng hustisya, 21 mga hukom, isang editor ng pahayagan, mahigit na isang dosenang mga peryudista, at maraming sundalo at mga pulis. “Kailanman ay hindi pa lubhang tinakot ng isang napakasamang negosyo ang isang malaking bansa,” sabi ng Newsweek. “Ang mga hukom sa Colombia ay natatakot humatol; ang mga pulis ay natatakot umaresto. Ang mga peryudistang namumuna ay karaniwang isinusulat ngayon ang kanilang mga pitak sa ibang bansa, kung saan marami silang nakakasamang iba pang mga taga-Colombia na tumakas upang iligtas ang kanilang buhay.”

Bigo ang Pakikipagbaka sa Panustos na Droga

Dahil sa salik na salapi, ang pakikipagbaka upang putulin ang mga panustos na droga ay nabigo sa lahat ng antas. Ang mga magsasaka ay patuloy na nagtatanim ng coca, marijuana, at opium poppies, na mas malaki ang kita kaysa kinikita sa karaniwang mga tanim. Para sa kanila ang mga pinuno ng droga ay mga tagapagpalà na tumutulong sa kabuhayan. Maraming pulis at mga opisyal ng adwana ang patuloy na tumitingin sa ibang dako kapag ang mga droga ay ipinupuslit at kumikita ng hanggang $50,000 o higit pa sa tuwing gagawin lamang ang gayon.

Ipinakikilala rin ng mga negosyante ang mga bata na kasimbata ng siyam o sampung taon sa pinakikinabangang eksena ng droga: kumikita ng 25 sentimos sa bawat walang laman na botelya ng crack na nakukolekta nila sa mga lansangan, $100 isang araw sa pagsisilbi bilang isang bantay upang magbabala tungkol sa pulis, $300 isang araw bilang isang runner na naghahatid ng mga droga, at hanggang $3,000 isang araw bilang isang negosyanteng tin-edyer. Dahil sa pagpapasikat ng kanilang mga kayamanan sa harap ng kanilang mga kaeskuwela ng kanilang binibiling mamahaling mga pangginaw, malalaking kuwintas na ginto, at mamahaling mga kotse, naaakit nila ang iba pa.

Nasumpungan din sa droga ng mga terorista ang paraan upang tustusan ang kanilang mga pagkilos. Bilang ganti, sila naman ay nagbibigay ng tulong sa mga negosyante ng droga. Ginagamit ng ilang pulitikal na lider ang negosyo ng droga upang pagyamanin ang kanilang sarili at pasamain ang kaaway na mga gobyerno. Hindi nakapipigil sa kanila ang mga pag-aresto o paghatol. Ang mga pakinabang na makukuha ay napakalaki anupa’t kung isang negosyante o nasuhulang opisyal ay bumagsak, karaka-raka dalawa pa ang tatayo upang kunin ang kaniyang dako.

“Sa kasamaang palad ang produksiyon at pangangalakal ng droga ay nananatiling malaking negosyo, at ang antas ng pag-abuso sa droga sa buong daigdig ay patuloy na tumataas,” sabi ng isang report ng Kagawaran ng Estado ng E.U. na inihayag sa madla noong Marso. “Ang kabulukan ng mga opisyal ng gobyerno at ng mga opisyal na nagpapatupad ng batas, pagsuhol, pananakot at karahasan ng mga negosyante ng droga, at ang payak na katotohanan na ang mga bansa ay daig ng mga negosyante ng narkotiko sa mga tauhan, sandata at salapi, ay patuloy na nagpapahina sa pangglobong pagsisikap na patigilin ang produksiyon at pangangalakal ng narkotiko.” Saan, kung gayon, mayroong pag-asa?

Ang Pagbabawas ba sa Pangangailangan ang Lunas?

Inaakala ng iba na ito ay nasa pagbabawas sa pangangailangan sa negosyo ng droga. Gaya ng ibang mga negosyo, ang internasyonal na kalakal ng droga ay gumagana kapuwa sa panustos at pangangailangan. Kung wala ang kasalukuyang animo’y walang kabusugang pangangailangan sa droga, ang daloy ng droga ay matutuyo. Gayunman, sa kabila ng mga babala, mas maraming edukasyon, pagsubok sa droga, at mga pagsamo na ‘tanggihan ang droga,’ ang paggamit ng droga ay patuloy na hindi masupil. Masahol pa, ito ay lumalaganap.

“Ang iba pang bansa sa buong daigdig ay nagugumon din,” sabi ng isang ulat ng Time. “Ang kultura sa droga ng Amerika ay iniluwas sa mga kabataan sa Europa at Asia. Bagaman mahirap makuha ang mga estadistika, ang paggamit ng droga ay waring lumalaganap sa buong daigdig, lalo na sa mga bansang nagluluwas ng droga sa E.U.” Halimbawa, nasaksihan ng Bolivia ang mabilis na pagdami ng pagkasugapa sa droga kamakailan. Bagaman ang dahon ng coca ay legal na itinatanim doon bilang nganga at tsa, parami nang paraming mga kabataan ang nagiging sugapa sa isang nakalalason, nahihitit na anyo ng cocaine na tinatawag na basuco. At iniuulat ng Vietnam ang isang kapuna-punang pagdami ng mga sugapa sa opyo at heroin sa gitna ng mga kabataan kapuwa sa timog at sa hilaga. Lahat-lahat, mayroong iniulat na mga 40 milyong gumagamit ng ipinagbabawal na droga sa buong daigdig.

Tinatanggap na ngayon na ang problema tungkol sa droga ay hindi kayang sawatain ng alinmang bansa. Kung gayon, magsasama-sama kaya ang lahat ng bansa at sugpuin ang kasalukuyang salot? Ang gayong ganap na pagkakaisa ay mahirap mangyari, kung isasaalang-alang ang kasakiman at mga motibo sa pakinabang na napakataas sa ipinagbabawal na negosyo ng droga​—huwag nang banggitin ang hindi mapagkakasundong pulitikal na mga pagkakaiba. Pinipigil ng ilang mga bansa na humingi ng makabuluhang mga kapahintulutan laban sa mga kaalyado sa pulitika kahit na sila ay mga sentro ng kalakalan sa droga. Isa pa, angaw-angaw na mga tao ang dumidepende sa mga pananim na droga para sa kanilang ikabubuhay. “Maraming bansa ang basta babagsak kung ang negosyo ng droga ay maglalaho sa magdamag,” sabi ng World Press Review.

Kung Saan Naroroon ang Pag-asa

Higit sa lahat, ang mga awtoridad ay umaasa sa pagbawas ng pag-abuso sa droga at, pagsapit ng panahon, ang unti-unting pagbawas ng kasalukuyang pagkahumaling sa droga. Gayunman, ang lubusang paglipol sa suliranin ng droga ay isang tunay na pag-asa. Ito ay masusumpungan sa pangako ng Bibliya: “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupunô nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9; Habacuc 2:14) Kabilang sa ‘hindi mananakit o lilikha ng pinsala’ ang lahat ng masakit na mga problema na nagmumula sa pag-abuso sa droga.

Subalit pansinin ang dahilan kung bakit: Ang lupa ay “mapupunô ng kaalaman ni Jehova.” Ang malakas na pangganyak ay mahalaga sa paglayo sa pag-abuso sa droga. Ang pag-ibig sa Diyos na Jehova at ang pagnanais na paluguran siya, batay sa tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga daan, ay nakatulong sa marami na umalpas sa impluwensiya ng droga. Isaalang-alang ang halimbawa ni Angelo.

Ngayo’y 60 anyos na, si Angelo ay mayroong mahabang kasaysayan bilang isang mang-aabuso sa droga, noon pang 1964. Ipinakilala sa tanawin ng droga ng mga kaibigan na para bang nagkakasayahan, si Angelo ay nagsimula sa marijuana at sumulong tungo sa cocaine, hashish, morpina, at “five-star acid” (LSD), upang banggitin lamang ang ilan. “Palagi akong lango,” sabi ni Angelo. “Araw-araw ako’y nalalango. Inaakala kong mapapatakbo ko ang daigdig. Umiikot ang ulo ko. Nang panahong iyon ang mga astronut ay nagtutungo sa buwan, at nais kong magtungo sa kabila pa ng buwan.”

Subalit ang mga droga ay gumagawa rin ng mga guniguni, pagiging sumpungin, paglayo sa lipunan, at isang pagnanais na magpatiwakal. “Noong Marso ng ’79, nagbasa ako ng Bibliya,” sabi ni Angelo. “Nagkaroon ako ng mga guniguni at nais kong magpatiwakal. Ngunit naisip ko na alamin muna kung saan ako mapupunta pagkamatay ko. May mga Saksing dumalaw sa aking tahanan, at iginiit kong ipaliwanag nila ang Bibliya sa akin. Mula sa isang pag-aaral ng Bibliya, natanto ko na ang paggamit ng mga droga ay labag sa kautusan ng Diyos​—na ang ating mga katawan ay pag-aari ng Diyos, at gaya ng sinasabi ng 2 Corinto 7:1, dapat nating ingatan ito mula sa ‘karumihan.’”

Paano siya umalpas sa droga? “Pananalangin, taimtim na pananalangin,” sabi ni Angelo, “kasama ng araw-araw na pag-aaral ng Bibliya. Dapat ay mayroong kang malakas na determinasyon na isuko ang droga. Sa anumang paraan ito’y hindi madali. Subalit nadarama ko na nalalaman ni Jehova ang aking puso, at gaya ng ipinahihiwatig ng Kawikaan 3:5, 6, maaari akong manalig sa kaniya. Personal na nadama kong itinuwid ako ni Jehova, yamang nalalaman niya ang masidhing hangad ko.”

Gaya ni Angelo, natalos ng marami pang iba na taglay ang malakas na pangganyak, pananampalataya sa Diyos, at pananalig sa kaniyang tulong, pati na ang suporta ng nababahala, maibiging mga kasama, ang nakamamatay na bisyo sa droga ay maaalis. Datapuwat paano “sila magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan?” ang tanong ng Bibliya sa Roma 10:14. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay maliligayahang tumulong sa iyo na magkamit ng “tumpak na kaalaman” ng Diyos at ng tiyak na pag-asa ng pagkasumpong ng walang-hanggang buhay sa isang bagong sanlibutan na malaya sa droga.​—Efeso 1:17; Roma 15:4.

[Blurb sa pahina 11]

“Ang negosyo ng droga, na ang laki ay $300 bilyon sa isang taon, ang pinakamalaking negosyo”

[Blurb sa pahina 12]

Ang malakas na pangganyak ay mahalaga sa pag-alpas sa pag-abuso sa droga

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share