Pagkagumon ng Daigdig sa Droga
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA
ISANG bagong-silang na sanggol ang pumapalahaw sa pag-iyak sa isang ospital sa Madrid, Espanya. Sinikap ng isang balisang-balisang nars na patahanin ito subalit wala ring nangyari. Ang sanggol ay matinding naghihirap dahil sa paghinto ng pagpasok ng heroin. Masahol pa, siya ay positibo sa HIV. Ang kaniyang ina ay gumon sa heroin.
Isang ina sa Los Angeles ang di-sinasadyang naidaan ang kaniyang kotse sa isang lansangan na kontrolado ng isang gang ng mga negosyante ng droga. Sinalubong siya ng sunud-sunod na bala, na pumatay sa kaniyang sanggol na anak na babae.
Libu-libong kilometro ang layo, isang magsasaka sa Afghanistan ang nagtatanim sa isang bukid ng mga poppy. Naging mabunga ang taon; ang produksiyon ay tumaas nang 25 porsiyento. Malaki ang kita sa mga opium poppy, at ang pamilya ng magsasaka ay nakikipagpunyagi upang mabuhay. Subalit ang magagandang poppy na ito ay gagawing heroin, at ang heroin ay sumisira ng buhay.
Isang mahiyaing tin-edyer na babae sa Sydney, Australia, ang nagtutungo sa isang discotheque tuwing Sabado ng gabi. Dati ay nahihirapan siyang makihalubilo sa maraming tao, subalit kamakailan isang pildoras na tinatawag na ecstasy ang nagbigay sa kaniya ng bagong pagtitiwala. Ang mga pildoras na iniinom niya ay ipinuslit sa Australia mula sa Netherlands, bagaman nagsusuplay na rin sa kanila ang lokal na mga laboratoryo. Pinangyayari ng ecstasy na maging mas maganda ang tunog ng musika, at nawawala ang kaniyang pagkamahiyain. Inaakala pa nga niyang siya’y mas kaakit-akit.
Para kay Manuel, isang malakas na magsasaka na namumuhay nang isang kahig isang tuka sa kaniyang maliit na bukid sa Andes, ang buhay ay medyo guminhawa nang magsimula siyang magtanim ng coca. Gusto ni Manuel na huminto na sa pag-aani ng pananim, subalit natatakot siya na ito’y maaaring magpagalit sa walang-awang mga lalaking kumokontrol sa produksiyon ng coca sa kaniyang lugar.
Ilan lamang ito sa mga tao sa likod ng salot ng droga na nagwawasak sa ating planeta.a Ang mga tao mang ito ay mga mamimili, tagagawa, o inosenteng mga miron, walang-awang kontrolado ng droga ang kanilang buhay.
Gaano Kalaki ang Problema sa Droga?
Ang UN Secretary-General na si Kofi Annan ay nagsabi: “Winawasak ng droga ang ating lipunan, lumilikha ng krimen, nagkakalat ng mga karamdamang gaya ng AIDS, at pumapatay sa ating mga kabataan at sa ating kinabukasan.” Sinabi pa niya: “Sa ngayon ay may tinatayang 190 milyong gumagamit ng droga sa buong daigdig. Apektado ang lahat ng bansa. At sa ganang sarili, walang bansa ang makaaasang masusugpo ang kalakalan ng droga sa mga hanggahan nito. Ang globalisasyon ng kalakalan ng droga ay kailangang bigyang-pansin ng buong mundo.”
Nakadaragdag pa sa problema, pumasok kamakailan sa tanawin ang mga designer drug.b Ang sintetik na mga kimikal na ito ay nilayong gawing high o lango ang gumagamit nito, o magdulot ng napakasayang pakiramdam. Yamang ang mga designer drug ay magagawa sa murang halaga halos kahit saan, hindi ito makontrol ng mga puwersa ng pulisya. Nagbabala ang United Nations Commission on Narcotic Drugs noong 1997 na sa maraming bansa ang mga sintetik na drogang ito ay naging bahagi na ng “kasalukuyang kultura ng mga gumagamit ng droga” at na ang mga ito’y dapat malasin bilang isang “nakatatakot na banta sa internasyonal na lipunan sa susunod na siglo.”
Ang mas bagong mga droga ay matapang din na gaya ng mga nauna rito. Ang crack cocaine ay mas nakasusugapa pa kaysa sa cocaine. Ang bagong mga uri ng cannabisc ay mayroong mas matinding epekto sa guniguni, at isang bagong designer drug na tinatawag na ice ay maaaring kabilang sa pinakamapangwasak sa lahat.
Pera Mula sa Droga at Kapangyarihan Mula sa Droga
Bagaman ang mga gumagamit ng droga ay maaaring kakaunti, ang kanilang bilang ay sapat na upang magbigay ng malaking kapangyarihan sa mga negosyante ng droga, ang mga taong nagsasaayos sa produksiyon at pamamahagi ng droga. Ang walang-konsiyensiyang mga taong ito ay nagpapatakbo ng isang raket na naging napakalakas ang kita—at halos ang pinakamalaki—na negosyo sa daigdig. Ang kalakalan ng droga ay maaaring nagkakahalaga ngayon ng mga 8 porsiyento ng lahat ng internasyonal na kalakalan, o humigit-kumulang $400,000,000,000 taun-taon. Habang kumakalat ang pera mula sa droga sa palibot ng daigdig, pinayayaman nito ang mga gangster, pinasasama ang mga puwersa ng pulisya, nilalangisan ang mga palad ng mga pulitiko, at tinutustusan pa nga sa pananalapi ang terorismo.
Mayroon bang magagawa upang masugpo ang problema sa droga? Hanggang saan naaapektuhan ng kalakalan ng droga ang iyong kita, ang iyong seguridad, at ang buhay ng iyong mga anak?
[Mga talababa]
a Sa mga artikulong ito, tinutukoy namin ang mga droga na ginagamit hindi para sa paggagamot at ilegal na ipinamamahagi.
b Isang droga na bahagyang binago ang kimikal na nilalaman, na kadalasang ginagawa upang maiwasan ang mga paghihigpit sa ilegal na mga narkotiko o mga hallucinogen.
c Ang tuyong namumulaklak na talbos ng halamang cannabis ang pinagmumulan ng marihuwana. Ang resina mula rin sa halamang ito ay tinatawag na hashish. Ang dalawang produkto ay hinihitit ng mga gumagamit ng droga.
[Mapa sa pahina 4, 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pambuong Daigdig na Produksiyon at Ilegal na Kalakalan ng Droga
PANGUNAHING MGA DAKO NG PRODUKSIYON:
Cannabis—halamang-gamot (marihuwana) at resina (hashish)
Heroin
Cocaine
Ipinakikita ng mga arrow ang pangunahing ruta ng kalakalan.
[Credit Line]
Pinagkunan: United Nations World Drug Report
[Picture Credit Line sa pahina 3]
U.S. Navy photo