Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan at ang Pag-inom
Maraming salamat sa dalawang artikulong inilathala sa inyong tampok na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ”, “Pag-inom—Bakit Di-Dapat?” (Nobyembre 22, 1984 sa Tagalog) at “Talaga Kayang Tutulong ang Pag-inom Upang Magkaroon Ako ng Kakayahan?” (Disyembre 8, 1984 sa Tagalog) Kayo ay talagang tama. Dati’y malakas akong uminom kapag nanlulumo dahilan sa mga problema, subalit pagkagising ko, napakasama ng pakiramdam ko. Kailangang gawan ko ito ng paraan, at tamang-tama naman ang datíng ng dalawang artikulong iyon. Mula nang mabasa ko ang mga ito, itinigil ko na ang pag-inom. Nadarama ko pa rin ang pagnanais na uminom, subalit sa tulong ng Diyos at ng inyong payo, napagtagumpayan ko ang malaking problemang ito.
H. C., Brazil
Aso—Laging Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?
Kamakailan ako ay sinalakay ng isang napakalaking aso at ako ay nataranta. Pagkatapos ay naalala ko ang artikulong “Aso—Laging Pinakamatalik na Kaibigan na Tao?” (Hulyo 8, 1985 sa Tagalog) at ang payo na: “Huwag matataranta o tatakbo. . . . Tumayong matatag at kausapin ang aso na para bang aso mo.” Sinunod ko ang mga tagubiling ito, at ang aso ay huminto ng pagtahol at umalis nang mahinahon. Maraming salamat sa artikulong iyon.
F. B., Nigeria
Pag-iwas sa Aksidente
Nais namin kayong pasalamatan sa mga kopya ng inyong magasin na “Mga Aksidente—Maiiwasan ba ang mga Ito?” (Disyembre 8, 1985 sa Tagalog), na ipinamahagi sa mga membro ng CIPA (Internal Committee for Accident Prevention). Nais naming kunin ang pagkakataong ito upang ipaabot sa inyo ang aming pagbati sa pakikitungo ninyo sa isang paksa na laging nasa panahon, walang kinikilalang kredo, at para sa lahat. Malawak ang sakop nitong seguridad: sa tahanan, sa otel, sa lansangan—laging tumitingin sa unahan. Tinuturuan tayo nito na mabuhay nang mas mahaba, ginagamit ang ating pinakamahusay na mga sandata: paggalang, pagpipigil-sa-sarili, pagpapaumanhin sa mga pagkakasala.
R. G. R., Presidente ng CIPA, Brazil
“Ako’y Dating Madreng Katoliko”
Ako’y isang Romano Katoliko, subalit ako’y hindi panatiko. Binabasa ko ang inyong mga magasin, ngunit hindi ko nagustuhan ang artikulong “Ako’y Dating Madreng Katoliko.” (Disyembre 8, 1985 sa Tagalog) Nilisan ko ang paaralan noong 1948, at kami ay hinimok na magbasa ng Bibliya. Paano niya masasabi na siya ay sinabihang isang mortal na kasalanan ang magbasa ng Bibliya? Hindi ko siya pinipintasan sa pag-alis niya sa Iglesya Katolika, ngunit wala naman pumilit sa kaniya na manata. Sa paggamit sa inyong babasahin, siya ay lumalabag sa turo ng kautusan sa pamamagitan ng paglalagay ng sisi sa iba, at aking sinisipi: “Ito ang aking utos na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” Mas mabuti pa sana kung sinabi niya na, pinapatawad ko ang Iglesya Katolika sa hindi pagtulong sa akin na masumpungan ang aking tunay na bokasyon.
R. H., Inglatera
Ang bagay tungkol sa kung baga ang mga Katoliko ay hinihimok na magbasa ng Bibliya o hindi ay iba-iba, depende kung saan nakatira ang isa. Sa isang Katolikong lugar sa Pransiya, maaari siyang sabihan na ang pagbabasa ng Bibliya ay isang mortal na kasalanan, samantalang ibang pangmalas naman ang itinuro sa iyo sa Protestanteng Inglatera. Isa pa, wala kaming nakita saanman sa artikulo na sinisisi ng dating madreng ito ang iba sa kaniyang pagkuha ng panata o na inaakusa niya ang iba sa masamang pagtrato, na nagpangyari sa kaniya na umalis. Nabasa namin na siya ay may matinding espirituwal na pangangailangan at ang pangangailangang ito ay hindi natugunan ng Iglesya Katolika o ng buhay sa kombento. Bagkus, ang kaniyang espirituwal na pangangailangan ay natutugunan ngayon sa pamamagitan ng kaniyang pag-aaral ng Bibliya at ang pagtuturo ng Salita ng Diyos kasama ng mga Saksi ni Jehova. Siya ay hindi nagpapahayag ng paghihiganti sa Iglesya Katolika.—ED.